Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w26 Mayo p. 14-19
  • Gumawa ng Matatalinong Desisyon Tungkol sa Karagdagang Edukasyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gumawa ng Matatalinong Desisyon Tungkol sa Karagdagang Edukasyon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • DAPAT KA BANG KUMUHA NG KARAGDAGANG EDUKASYON?
  • SURIIN ANG MOTIBO MO
  • SURIIN ANG EDUKASYONG GUSTO MO
  • Manatiling Malapít kay Jehova Habang Kumukuha ng Karagdagang Edukasyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
  • Hindi ba Inirerekomenda ng Bibliya ang Edukasyon?
    Gumising!—1998
  • Edukasyon—Gamitin Ito sa Pagpuri kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Ang Edukasyon na may Layunin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
w26 Mayo p. 14-19

HULYO 20-26, 2026

AWIT BLG. 133 Sambahin si Jehova Habang Nasa Kabataan

Gumawa ng Matatalinong Desisyon Tungkol sa Karagdagang Edukasyon

“Pinag-iisipan ng marunong ang bawat hakbang niya.”​—KAW. 14:15.

MATUTUTUHAN

Mga dapat pag-isipan kapag nagdedesisyon tungkol sa karagdagang edukasyon at kung paano makakatulong ang mga prinsipyo sa Bibliya.

1-2. (a) Anong mga desisyon ang kailangang gawin ng mga kabataan? (b) Ano ang ibig sabihin ng terminong “karagdagang edukasyon”? (Tingnan ang “Karagdagang Paliwanag.”)

“ANO’NG plano mong gawin sa buhay mo?” Kung kabataan ka, baka maraming beses nang naitanong sa iyo iyan. Siyempre, ang pinakamagandang magagawa mo sa buhay mo ay ang paglingkuran si Jehova nang buong panahon. Pero kailangan mo ring magtrabaho para masuportahan ang sarili mo. (2 Tes. 3:10) At malamang na napag-isipan mo na kung ano ang puwede mong maging trabaho paglaki mo.

2 Pinag-iisipan din iyan ng maraming kabataan, at ipinapakipag-usap nila iyan sa mga magulang nila. Para makahanap ng trabaho, may ilan na pinipiling kumuha ng karagdagang edukasyon kapag nakatapos na sila sa pangunahing edukasyon.a Baka naisip mo na rin: ‘Kukuha ba ako ng karagdagang edukasyon? Kung sakali, anong klase ang kukunin ko?’ Tatalakayin sa artikulong ito ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa iyo na makagawa ng matatalinong desisyon tungkol dito. Pangunahin nang para sa mga kabataan ang artikulong ito, pero makakatulong din ito sa sinumang Kristiyanong nag-iisip kung kukuha siya ng karagdagang edukasyon. Makakatulong din ito sa mga magulang para magabayan nila ang mga anak nila.

DAPAT KA BANG KUMUHA NG KARAGDAGANG EDUKASYON?

3. Bakit may mga Kristiyano na kumukuha ng karagdagang edukasyon?

3 Sa ilang lugar, puwedeng magkaroon ng maayos na trabaho ang isa kahit hindi na siya kumuha ng karagdagang edukasyon. Pero sa ibang lugar naman, baka kailangan ito para makahanap ang isa ng trabaho na mas maganda ang kita o schedule. Puwedeng makatulong iyan sa isang Kristiyano para mas marami siyang panahon na magamit sa ministeryo o sa iba pang uri ng paglilingkod. Kung iniisip ng isa na kumuha ng karagdagang edukasyon, dapat niyang tandaan na mangangailangan ito ng panahon, lakas, at pera at na may mga hamong mapapaharap sa kaniya.

4. Sino ang dapat magpasiya para sa isang Kristiyano kung kukuha siya ng karagdagang edukasyon? (Tingnan din ang talababa.)

4 Sinasabi ng Bibliya na “ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pananagutan.” (Gal. 6:​5, tingnan ang study note.) Kaya ang bawat adultong Kristiyano ang magpapasiya para sa sarili niya kung kukuha siya ng karagdagang edukasyon.b Responsibilidad naman ng mga magulang na magpasiya tungkol dito para sa mga anak nilang menor de edad. (Efe. 6:1) At puwede rin nilang gabayan ang anak nila para makagawa ito ng matatalinong desisyon tungkol sa edukasyon kapag adulto na ito.​—Kaw. 22:6.

5. Kailan dapat pag-isipan ng isa ang tungkol sa karagdagang edukasyon, at bakit? (Tingnan din ang larawan.)

5 Madalas, bago maka-graduate ang isang kabataan mula sa pangunahing edukasyon, kailangan na niyang magpasiya kung kukuha siya ng karagdagang edukasyon. Pero matagal pa bago niyan, magandang ipakipag-usap na niya ito sa mga magulang niya para may panahon silang makapag-research ng iba’t ibang opsiyon. Makakatulong din iyan para makapili sila ng mga subject sa school na may kaugnayan sa kukunin niyang edukasyon o trabaho. Pero kailangan na ba nilang magpasiya bago siya maka-graduate? Hindi naman. (Kaw. 21:5) May mga kabataan na nagtatrabaho muna at nagpapayunir habang pinag-iisipan kung kukuha sila ng karagdagang edukasyon. At puwede pa ring pag-isipan iyan ng isang Kristiyano kahit lumipas na ang ilang panahon.

Isang kabataang sister kasama ang mga magulang niya na nag-uusap tungkol sa pagkuha ng karagdagang edukasyon. Nasa harap nila ang mga pam­plet ng iba’t ibang school, isang tablet na may JW Broadcasting video, at ang Bib­liya.

Tinutulungan ng mga Kristiyanong magulang ang anak nila na makagawa ng matatalinong desisyon tungkol sa karagdagang edukasyon (Tingnan ang parapo 5)


6. Ano ang makakatulong para makagawa ang isang Kristiyano ng matalinong desisyon tungkol sa karagdagang edukasyon?

6 Ano ang makakatulong sa iyo na makagawa ng matalinong desisyon tungkol sa karagdagang edukasyon? Ipanalangin mo iyon kay Jehova. (Sant. 1:5) Pagkatapos, gawin ang sumusunod: Una, suriin ang motibo mo. (Awit 26:2) Ikalawa, suriin ang edukasyong pinag-iisipan mong kunin. (Kaw. 14:15) Pag-usapan natin ngayon ang mga iyan.

SURIIN ANG MOTIBO MO

7. Ano ang dapat tiyakin ng isang Kristiyano kung pinaplano niyang kumuha ng karagdagang edukasyon?

7 Kung pinaplano mong kumuha ng karagdagang edukasyon, mahalagang pag-isipan ang tanong na ito: ‘Bakit gusto kong kumuha ng ganitong edukasyon?’ Marami ang kumukuha ng karagdagang edukasyon kasi gusto nilang magkaroon ng trabahong mae-enjoy nila o maganda ang kita. Mali ba iyan? Hindi naman. (1 Tim. 5:8) Pero sinasabi ng Bibliya na mapanganib kung magiging pinakamahalaga sa atin ang pera o kung iisipin nating ito lang ang magbibigay sa atin ng seguridad. (Kaw. 23:​4, 5; 1 Tim. 6:​8-10; 1 Juan 2:17) Kung ang motibo mo sa pag-aaral ay yumaman o pahangain ang iba, hindi ka magiging tunay na masaya at baka mapalayo ka pa nga kay Jehova.

8-9. (a) Ano ang dapat na maging tingin natin sa edukasyon? (Mateo 6:33) (b) Ano ang natutuhan mo sa mga sinabi nina Josefina, Morine, at Iris?

8 Kaya ano ang dapat na maging tingin mo sa edukasyon? Ang paglilingkod kay Jehova ang dapat na maging pinakaimportante sa atin. (Mat. 22:​37, 38; Fil. 3:8) Kaya ituring ang edukasyon na paraan para masuportahan ang sarili mo habang nakapokus ka sa buong-pusong paglilingkod kay Jehova.​—Basahin ang Mateo 6:33.

9 Tingnan kung ano ang nakatulong sa ilang Kristiyano para mapanatili ang tamang pananaw sa karagdagang edukasyon. Sinabi ni Josefina, na taga-Chile: “Kumuha ako ng karagdagang edukasyon para masuportahan ang sarili ko sa paglilingkod. Kaya hindi edukasyon ang pinakamahalaga sa buhay ko, kundi ang paglilingkod kay Jehova.” Kumuha naman ang sister na si Morine ng isang-taóng kurso para maging hair stylist. Sinabi niya: “Goal kong maging need-greater. Kaya naghanap ako ng kursong makakatulong sa akin na maabot iyan. Pagkatapos kong mag-aral, nagtrabaho ako bilang hair stylist kaya nakapag-ipon ako para makalipat sa isang lugar na malaki ang pangangailangan. At noong nando’n na ako, nagamit ko ang pinag-aralan ko para makahanap ng trabaho.” Ganito naman ang sinabi ni Iris, na kumuha ng mas mahabang kurso para maging dentista: “May pakinabang naman ang karagdagang edukasyon. Pero hindi iyon ang magbibigay sa iyo ng tunay na tagumpay at kaligayahan. Ito lang ang sekreto: Kung nakasentro ang buhay mo kay Jehova, diyan ka magiging tunay na matagumpay at masaya.” Maliwanag, kapag ang pinakaimportante sa atin ay ang kaugnayan natin kay Jehova, makakagawa tayo ng mga desisyon na talagang magpapasaya sa atin.

SURIIN ANG EDUKASYONG GUSTO MO

10. Paano makakatulong sa iyo ang prinsipyo sa Deuteronomio 32:29 sa pagdedesisyon mo tungkol sa karagdagang edukasyon?

10 Baka may naiisip ka nang kurso o training program na gusto mong kunin. Pero maganda ring pag-isipan mo ang iba pang opsiyon—may kaugnayan man iyon sa gusto mo o ibang-iba doon. (Ihambing ang Kawikaan 18:17.) May mga paraan ng pag-aaral ngayon na wala noon, gaya ng mga online course. At pag-isipan din kung kaya mo namang masuportahan ang sarili mo nang hindi kumukuha ng karagdagang edukasyon. Isang halimbawa diyan si Johanna, na taga-Finland. Hindi siya kumuha ng karagdagang edukasyon. Sinabi niya: “Pagka-graduate ko, humanap ako ng part-time na trabaho at nagpayunir. Iba-iba ang pinasok kong trabaho, pero kitang-kita ko kung paano tinupad ni Jehova ang pangako niya na hindi niya ako pababayaan.” Tandaan na may mga pakinabang at hamon ang anumang desisyon tungkol sa pagkuha ng karagdagang edukasyon at kung ano ang kukunin. Kaya pag-isipan, ‘Sa opsiyong naiisip ko, mas marami ba ang pakinabang kaysa sa mga hamon?’ (Basahin ang Deuteronomio 32:29; 1 Cor. 10:23) Talakayin natin ang ilang bagay na makakatulong sa iyo na masagot iyan.

11. Bakit mahalagang pag-isipan ang magiging schedule ng pag-aaral o training? (Tingnan din ang mga larawan.)

11 Schedule. Pag-isipan kung gaano karaming oras bawat linggo ang kakailanganin mo para sa mga klase, training, at paggawa ng homework. Magkakaroon ka pa rin ba ng panahon para sa espirituwal na rutin mo at responsibilidad sa pamilya? (Fil. 1:10) Masyado ka na kayang mapapagod kaya hindi ka na makakapaghanda para sa pulong o makakapag-personal study? Ganiyan ang nangyari kay Jeroz, isang brother na taga-India. Sinabi niya: “Nahirapan akong maging regular sa pangangaral. Nahirapan din akong magpokus sa pulong, at may mga panahon pa ngang hindi ako nakakadalo. Kapag naiisip ko ngayon ang kursong kinuha ko, nanghihinayang ako sa panahon at lakas na ginamit ko doon.” Pero may mga kurso naman na hindi makakakuha ng masyadong maraming panahon; may mga part time lang, at may iba naman na kaunti lang ang homework. Ganiyan ang kursong napili ni Rabeca, na taga-Mozambique, at masaya siya sa naging desisyon niya. Sinabi niya, “Dalawang oras lang sa isang araw ang klase ko, kaya nakapagpatuloy ako sa pagiging regular pioneer.”

Collage: Isang brother na pinag-iisipan kung magagampanan pa rin niya ang mga responsibilidad niya kapag kumuha siya ng karagdagang edukasyon. 1. Nag-aabot siya ng mic sa pulong. 2. Nagbabahay-bahay siya. 3. Nagtatrabaho siya bilang barista sa isang coffee shop. 4. Nakikinig siya habang nasa classroom sa school.

Kung pinag-iisipan mong kumuha ng karagdagang edukasyon, tiyakin na may panahon ka pa rin para sa lahat ng responsibilidad mo (Tingnan ang parapo 11)


12. Pagdating sa edukasyon, paano magagamit ng isang Kristiyano sa pinakamabuting paraan ang oras niya? (Eclesiastes 12:1)

12 Haba ng pag-aaral. Pag-isipan kung gaano karaming buwan o taon ang kakailanganin para matapos ang naiisip mong kurso. Magagamit mo ba sa pinakamabuting paraan ang oras mo kung kukunin mo iyan? (Efe. 5:​15-17) Kung isa kang kabataan, siguradong gusto mong ibigay ang best mo kay Jehova habang bata ka pa—halimbawa, baka gusto mong mag-regular pioneer. (Basahin ang Eclesiastes 12:1.) Magagawa mo pa rin ba iyan kapag kinuha mo ang kursong naiisip mo? May kurso kayang katulad niyan pero hindi ganoon kahaba? Halimbawa, sa mga vocational at trade school, puwede kang matuto ng mga skill nang hindi kasintagal o kasingmahal ng pag-aaral sa mga unibersidad. Sinabi ni Mario, na taga-Chile: “Dalawang-taóng technical course ang kinuha ko, at mas mura iyon kaysa sa kurso sa unibersidad. Apat na araw lang sa isang linggo ang klase ko, kaya nakapagpayunir pa rin ako habang nag-aaral.”

13. Bakit dapat mong pag-isipan ang lokasyon kung saan mo pinaplanong mag-aral?

13 Lokasyon. Baka may mahanap kang kurso na hindi ka mapapalayo sa pamilya mo. Pero paano kung wala kang mahanap na ganiyan at nasa malayo ang gusto mong kurso? O baka kailangan mong tumira mismo sa campus habang nag-aaral. Tandaan na kapag napalayo ka sa pamilya mo at tumira ka sa isang bahay kasama ng mga di-kapananampalataya, malaki ang posibilidad na masira ang kaugnayan mo kay Jehova. (Kaw. 22:3; 1 Cor. 15:33) Si Matias, na taga-Mozambique, ay kumuha ng kurso na isang taon lang at hindi ganoon kamahal. Pero pinagsisihan niya iyon. Sinabi niya: “Sa buong taon na iyon, nakatira ako sa boarding school. Araw-araw akong natutuksong gumawa ng mali. Kung ako ang tatanungin, mas magandang hindi ka mapalayo sa pamilya mo habang nag-aaral.” Sinabi ng isang sister na taga-Russia, “Dahil nakatira ako sa bahay kasama ng mga magulang ko at hindi sa campus o sa dorm, marami akong naiwasang problema at tukso.” Baka nga may mahanap ka ring online course.

14. Paano makakatulong sa iyo ang prinsipyo sa Lucas 14:28 kapag pinag-iisipan mong kumuha ng karagdagang edukasyon?

14 Gagastusin. May mga kurso na hindi ganoon kamahal. Mayroon pa nga na sinasagot na ng gobyerno. Kung ganitong kurso ang kukunin mo, hindi mo kailangang gumastos nang malaki para matuto ng mga skill na magagamit mo sa trabaho. Pero sa maraming lugar, napakamahal ng karagdagang edukasyon. At baka may mga dagdag pang gastusin, gaya ng pagbabayad sa tutor o mga klase para makapasok ka sa isang school. May ilan na nabaon sa utang dahil sa kursong kinuha nila. Pinagsisihan ni Adilson, isang brother na taga-Mozambique, ang kursong napili niya. Ikinuwento niya, “May mga pagkain at pangangailangang isinakripisyo ang pamilya ko para mabayaran namin ang apat-na-taóng kurso ko.” Habang sinusuri mo ang isang kurso, pag-isipan ito: ‘Magkano ang magagastos ko dito? Kaya ko ba o ng pamilya ko na mabayaran iyon? Meron bang mas murang opsiyon?’ (Basahin ang Lucas 14:28.) ‘Kung kailangan kong umutang, gaano katagal bago ko iyon mabayaran? Sasapat kaya ang magiging suweldo ko para masuportahan ang sarili ko at mabayaran ang utang na iyon?’—Kaw. 22:7.

15. Bakit dapat mo ring isipin ang mga posibleng maging trabaho sa kursong gusto mong kunin?

15 Mga posibleng maging trabaho. Pag-isipan ang mga trabahong kailangan sa lugar ninyo o sa lugar na plano mong lipatan. Makakahanap ka ba talaga ng trabaho sa kursong gusto mong kunin? May mga kurso na puro ideya at pilosopiya lang ang itinuturo kaya hindi ka matututo ng mga skill na kailangan para sa trabaho. (Col. 2:8) Sinabi ng isang sister na taga-India: “Sa kursong kinuha ko, hindi ako natuto ng mga skill na kakailanganin ko sana sa trabaho. Hindi tuloy ako nakakuha ng trabaho na may kaugnayan sa pinag-aralan ko.” May mga kurso naman na nagtuturo ng mga skill, pero kaunti lang ang available na trabaho para sa skill na iyon. Halimbawa, kumuha si Sublime, isang brother mula sa Central African Republic, ng isang kurso sa pag-aayos ng mga air-con. Sinabi niya, “Sa lugar namin, sanay ang mga tao na mag-repair ng sarili nilang gamit, kaya nahirapan akong makahanap ng trabaho.”

16. Bakit magandang pag-isipan ang klase ng trabahong makukuha mo sa kursong gusto mo?

16 Pag-isipan din ang klase ng trabahong puwede mong makuha. Mae-enjoy mo ba iyon? (Ecles. 3:​12, 13) Ano ang karaniwang kalagayan sa trabahong iyon? Mapanganib ba iyon o nakaka-stress? Masyado bang competitive ang mga nasa ganoong trabaho? Magkano ang karaniwang suweldo doon? Makakasuporta ba iyon sa iyo? Kailangan mo bang patuloy na mag-aral para sa trabahong iyon? At ang pinakamahalaga, magagawa mo pa rin bang unahin ang Kaharian? (Ecles. 12:13) Siyempre, kapag kaunti lang ang available na trabaho, hindi tayo puwedeng maging sobrang mapamili. Pero tandaan, puwedeng makaapekto sa mga trabahong mapagpipilian mo ang edukasyong kukunin mo. Kumuha si Tabitha, na taga-India, ng anim-na-buwang kurso sa pananahi. Sinabi niya: “Naisip ko na makakatulong sa pagpapayunir ko ang pananahi. Hindi kasi nawawalan ng customer ang trabahong iyon, flexible din ang schedule, at hindi ko kailangan ng malaking puhunan.” Dahil sa kursong iyon, nakahanap si Tabitha ng trabahong makakasuporta sa pagpapayunir niya.

17. (a) Paano ka makakahanap ng impormasyong kailangan mo para makagawa ng matalinong desisyon tungkol sa edukasyon? (b) Anong mga prinsipyo sa Bibliya ang makakatulong sa iyo? (Tingnan ang kahong “Mga Prinsipyo sa Bibliya na Puwede Mong Pag-isipan.”)

17 Tinalakay natin ang mga bagay na dapat mong pag-isipan tungkol sa karagdagang edukasyon. Paano ka makakahanap ng impormasyong kailangan mo para makagawa ng matalinong desisyon? Puwede kang pumunta sa school na nagtuturo ng kursong gusto mong kunin o mag-research sa website ng school para magkaideya ka tungkol doon. Alamin din kung gaano karaming trabaho na may kaugnayan sa kursong iyon ang available. Puwede ka ring makipag-usap sa mga nakapag-aral ng ganoong kurso o nakakuha ng trabaho na may kaugnayan doon. (Kaw. 13:10) Tanungin sila, “Ano ang mga pakinabang at hamon sa kurso o trabahong iyon?” Humingi rin ng payo sa mga Kristiyanong masayang naglilingkod kay Jehova. (Kaw. 15:22) Anong edukasyon o trabaho ang mairerekomenda nila? Baka may mabanggit pa nga silang klase ng trabaho na hindi mo naisip.

Mga Prinsipyo sa Bibliya na Puwede Mong Pag-isipan

  • Bakit gusto kong kumuha ng karagdagang edukasyon? (Mat. 6:33; 1 Tim. 6:​8-10)

  • Gaano karaming oras bawat linggo ang magagamit ko sa mga klase at homework? (Fil. 1:10)

  • Gaano karaming taon ang kailangan bago ko matapos ang kursong ito? (Efe. 5:​15-17)

  • Saan ako titira? (1 Cor. 15:33)

  • Magkano ang magagastos ko? (Luc. 14:28)

  • Makakatulong ba ang kursong ito para makahanap ako ng trabahong makakasuporta sa akin at sa mga goal ko sa espirituwal? (Ecles. 12:13)

18. Ano ang dapat nating tandaan?

18 Gaya ng nakita natin, may mga pakinabang at hamon sa pagkuha ng karagdagang edukasyon. Kaya ipanalangin at pag-isipang mabuti ang mga opsiyon mo. Tandaan, puwedeng makatulong ang karagdagang edukasyon para makakuha ka ng trabahong susuporta sa iyo, pero magiging tunay na masaya ka lang kapag may malapít kang kaugnayan kay Jehova. (Awit 16:​9, 11) Laging aalagaan ni Jehova ang mga lingkod niya, anuman ang antas ng edukasyon nila. (Heb. 13:5) Ngayon, paano kung nagpasiya kang kumuha ng karagdagang edukasyon? Ano ang makakatulong sa iyo para makapanatili kang malapít kay Jehova habang nag-aaral? Iyan ang tatalakayin sa susunod na artikulo.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Base sa Galacia 6:​5, sino ang dapat magpasiya para sa isang Kristiyano kung kukuha siya ng karagdagang edukasyon?

  • Ano ang dapat na maging tingin ng mga Kristiyano sa karagdagang edukasyon?

  • Anong mga bagay ang dapat pag-isipan ng isang Kristiyano kapag nagdedesisyon siya tungkol sa karagdagang edukasyon?

AWIT BLG. 45 “Ang Pagbubulay-bulay ng Aking Puso”

a KARAGDAGANG PALIWANAG: Sa artikulong ito at sa susunod, tumutukoy ang “karagdagang edukasyon” sa anumang sekular na edukasyon o training na karagdagan pa sa itinuturing ng gobyerno na pangunahing edukasyon. Kasama diyan ang maiikli at mahahabang kurso sa unibersidad o kolehiyo, trade school, technical school, at vocational school.

b Noon, hindi inirerekomenda ng mga publikasyon natin na kumuha ang mga Kristiyano ng ilang partikular na klase ng karagdagang edukasyon. Halimbawa, sa artikulong “Mga Magulang—Anong Kinabukasan ang Gusto Ninyo Para sa Inyong mga Anak?” na nasa Bantayan, isyu ng Oktubre 1, 2005, binanggit ang mga panganib sa pagkuha ng mataas na edukasyon. Hindi pa rin nawawala ang mga panganib na iyan, pero ang pagkuha ng karagdagang edukasyon ay isang personal na desisyon. Ang bawat Kristiyano—at sa kaso ng menor de edad, ang bawat ulo ng pamilya—ang dapat magpasiya tungkol dito. Bago magdesisyon, dapat silang manalangin at dapat nilang pag-isipan ang mga prinsipyo sa Bibliya at iba pang bagay tungkol sa espesipikong kurso na naiisip nila. Hindi dapat husgahan ng sinuman—kahit ng mga elder—ang personal na desisyon ng isang Kristiyano tungkol dito.​—Sant. 4:12.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2026)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2026 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share