HULYO 27–AGOSTO 2, 2026
AWIT BLG. 56 Manindigan Ka sa Katotohanan
Manatiling Malapít kay Jehova Habang Kumukuha ng Karagdagang Edukasyon
“Anumang antas ng pagsulong ang naabot na natin, patuloy tayong lumakad nang maayos sa gayong landasin.”—FIL. 3:16.
MATUTUTUHAN
Apat na prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa iyo na manatiling malapít kay Jehova kung nagpasiya kang kumuha ng karagdagang edukasyon.
1-2. (a) Kung nagpasiya kang kumuha ng karagdagang edukasyon, ano pa rin ang kailangan mong gawin? (b) Ano ang ibig sabihin ng “patuloy [na] lumakad nang maayos sa gayong landasin”? (Filipos 3:16)
MAY mga lingkod ni Jehova na nagpasiyang kumuha ng karagdagang edukasyon nang makatapos na sila sa itinuturing ng gobyerno na pangunahing edukasyon. Posibleng iniisip nila na makakatulong iyon para makahanap sila ng trabahong makakasuporta sa paglilingkod nila kay Jehova. Kung nagpasiya kang kumuha ng karagdagang edukasyon, paano mo masisigurado na makakapanatili kang malapít kay Jehova? (Sant. 4:8a) Siguradong napaharap ka na sa maraming hamon sa nakalipas na mga taon ng pag-aaral mo, at nakapanatili kang tapat kay Jehova. Iyan pa rin ang kailangan mong gawin. Kailangan mong “patuloy [na] lumakad nang maayos sa gayong landasin.”—Basahin ang Filipos 3:16.
2 Ang pandiwang Griego na ginamit sa pananalitang “lumakad nang maayos sa gayong landasin” ay isang terminong pangmilitar noon na tumutukoy sa sabay-sabay na pagmamartsa ng mga sundalo. Kung nagpasiya kang kumuha ng karagdagang edukasyon, kailangan mong patuloy na “magmartsa” paabante sa paglilingkod kay Jehova—hindi umaatras o basta lang nakatayo. Tatalakayin sa artikulong ito ang apat na prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa iyo. Nakatulong na sa iyo ang mga prinsipyong ito noon, at makakatulong pa rin sa iyo ang mga ito habang kumukuha ka ng karagdagang edukasyon at kahit makatapos ka na.
HUWAG PABAYAAN ANG ESPIRITUWAL NA RUTIN MO
3. Habang kumukuha ka ng karagdagang edukasyon, anong hamon ang puwedeng mapaharap sa iyo dahil nagiging mas busy ka?
3 Hamon. Habang kumukuha ka ng karagdagang edukasyon, magiging mas busy ka at dadami ang kailangan mong gawin araw-araw. Natural lang na gusto mong galingan sa school. Pero baka dahil diyan, mapabayaan mo na ang paglilingkod mo kay Jehova. Baka hindi ka na maging regular sa pulong at ministeryo, o baka mabawasan na ang panahon mo para sa pagbabasa ng Bibliya at pananalangin.—Apoc. 2:4.
4. Paano mo masusunod ang payo sa 1 Corinto 15:58?
4 Basahin ang 1 Corinto 15:58. Para patuloy na umabante ang isang bisikleta, kailangan mong patuloy na magpedal. Parang ganiyan din pagdating sa kaugnayan mo kay Jehova. Para manatili kang malapít sa kaniya, dapat na patuloy kang maging aktibo, o “maraming ginagawa para sa Panginoon.” Pero hindi lang ang dami ng panahong ginagamit mo sa paglilingkod ang mahalaga. Mahalaga rin kung ano ang tingin mo sa mga gawaing iyon. Tandaan na ang paglilingkod kay Jehova ang dapat na pinakamahalaga sa iyo, hindi ang pagkuha ng karagdagang edukasyon. (Mat. 22:37) Sinabi ng kabataang sister na si Samantha, “Nangako ako sa sarili ko na kung mapapabayaan ko ang paglilingkod kay Jehova dahil sa school, hihinto ako sa pag-aaral.”
5. Ano ang puwede mong gawin para makapanatili kang aktibo sa paglilingkod kay Jehova?
5 Ang puwede mong gawin bago magsimula ang kurso mo. Tiyaking malinaw sa isip mo na ang paglilingkod kay Jehova ang priyoridad mo. Pag-isipan, ‘Ano ang plano ko para masiguradong regular pa rin akong makakadalo, makakapangaral, at makakapag-personal study?’ (Jos. 1:8; Mat. 28:19, 20; Heb. 10:25) Pag-isipan din: Paano mo napanatili ang pokus mo sa paglilingkod sa nakalipas na mga taon ng pag-aaral mo? Kung may dapat kang pasulungin doon, anong mga pagbabago ang puwede mong gawin ngayon? Maging determinado na manatiling aktibo sa paglilingkod kay Jehova habang kumukuha ka ng karagdagang edukasyon. Pagbutihin ang pag-aaral mo—pero hindi sa puntong maisasakripisyo mo na ang paglilingkod kay Jehova.a—Mat. 6:24.
6. Ano ang mga puwede mong pag-isipan para matiyak na inuuna mo pa rin si Jehova sa buhay mo? (Tingnan din ang larawan.)
6 Habang kumukuha ka ng karagdagang edukasyon, regular na suriin ang sarili mo. Puwede mong gawin iyan kada buwan. Pag-isipan, ‘Malinaw pa rin ba sa isip ko kung ano ang priyoridad ko?’ Huwag bale-walain ang mga palatandaan na nawawala ka na sa pokus. Halimbawa, baka napapadalas ka nang nale-late o hindi nakakadalo sa pulong, o baka nasasanay ka nang hindi dumalo in person. O kaya naman, baka dumadalo ka nga, pero mga homework naman ang iniisip mo. Baka hindi ka na rin regular sa pananalangin at pagbabasa ng Bibliya. O baka nagmiministeryo ka lang para masabing nakalabas ka at gustong-gusto mo na ring umuwi kaagad. Kapag napansin mong nangyayari iyan sa iyo, kumilos agad. Huwag hayaang makahadlang sa pag-una mo kay Jehova ang pag-aaral mo.
Huwag hayaang makahadlang sa pag-una mo kay Jehova ang pag-aaral mo (Tingnan ang parapo 6)
‘BANTAYAN ANG KAKAYAHAN MONG MAG-ISIP’
7. Habang kumukuha ka ng karagdagang edukasyon, paano puwedeng maapektuhan ang kakayahan mong mag-isip?
7 Hamon. Kung kukuha ka ng karagdagang edukasyon, baka magkaroon ka ng mga subject na nagtuturo ng “pilosopiya at mapanlinlang at walang-saysay na mga ideya,” kasama na ang ateismo at ebolusyon. (Col. 2:8) Baka maimpluwensiyahan ka rin na sobrang umasa sa sarili mo. Ikinuwento ng isang kabataang brother: “Hindi lang mga skill ang itinuro sa amin sa school; itinuro din sa amin kung paano kami dapat mag-isip, at madalas, hindi iyon kaayon ng kaisipan ni Jehova. Halimbawa, itinuro sa amin na para maging matagumpay, kailangan naming umasa sa sarili naming kakayahan. Unti-unti ko tuloy naramdaman na hindi ko kailangan ang tulong ni Jehova para maging masaya. Dahil diyan, nahirapan akong umasa sa kaniya.”
8. Bakit mahalagang “mabantayan mo ang kakayahan mong mag-isip”? (Kawikaan 5:1, 2)
8 Basahin ang Kawikaan 5:1, 2. Sinasabi ng Bibliya na dapat mong ‘bantayan ang kakayahan mong mag-isip.’ Kailangan nating bantayan ang isang bagay kung may gustong sumira nito o kumuha nito sa atin. Ganiyan ang gustong gawin ni Satanas at ng mundo niya sa kakayahan mong mag-isip—gusto nila itong sirain. (1 Ped. 5:8) Dahil sa impluwensiya ng mundo, baka pagdudahan mo na ang sinasabi ng Bibliya pagdating sa kung ano ang tama at mali, kung saan nagmula ang buhay, o kung talaga bang may Diyos. Baka ipaisip sa iyo ng mga tao na kung gagayahin mo ang kaisipan nila, matalino ka. Pero ang totoo, “ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos.”—1 Cor. 3:18-20.
9. Ano ang puwede mong gawin para mabantayan ang kakayahan mong mag-isip?
9 Ang puwede mong gawin bago magsimula ang kurso mo. Para mabantayan ang kakayahan mong mag-isip, siguraduhin na kumbinsido kang tama ang sinasabi ng Bibliya bago ka kumuha ng karagdagang edukasyon. Pag-isipan ang mga tanong na gaya nito: ‘Bakit ako naniniwalang may Diyos? Bakit kumbinsido ako na galing sa Diyos ang Bibliya? Bakit ako naniniwala na mapapabuti ako kung susundin ko ang mga pamantayan sa Bibliya at hindi ang pamantayan ng mundo?’ Isipin din ang nakalipas na mga taon ng pag-aaral mo. Noong nakita mong kumbinsido ang iba sa turo ng ebolusyon, nagduda ka ba kung talagang may Diyos na lumalang ng lahat ng bagay? Noong nakita mo naman ang maling mga ginagawa ng mga kaklase mo, natukso ka bang gayahin sila? Kung oo ang sagot mo sa alinman sa mga tanong na iyan, ano ang puwede mong gawin ngayon para maging kumbinsido ka sa mga paniniwala mo? Maging determinadong bantayan ang kakayahan mong mag-isip habang kumukuha ka ng karagdagang edukasyon.—2 Tim. 2:16-18.b
10. Paano mo patuloy na maiingatan ang kakayahan mong mag-isip?
10 Habang kumukuha ka ng karagdagang edukasyon, regular na suriin ang sarili mo. Pag-isipan: ‘Natatanggap ko na ba ang masasamang ginagawa ng mga nakakasama ko? Madali ko bang makita kung kaisipan lang ng mundo ang itinuturo sa akin? Talaga bang kumbinsido ako na Kaharian lang ng Diyos ang solusyon sa problema ng mga tao?’ Para mabantayan ang kakayahan mong mag-isip, patuloy na pag-aralan ang Bibliya at pag-isipang mabuti ang natututuhan mo. Makakatulong iyan para talagang maging kumbinsido ka na totoo ang sinasabi ng Bibliya.—1 Tim. 4:15.
GAMITIN NANG TAMA ANG ORAS MO
11. Habang kumukuha ka ng karagdagang edukasyon, bakit posibleng mahirapan kang balansehin ang oras mo?
11 Hamon. Kakain ng maraming panahon ang pagpasok mo sa mga klase at pag-aaral para sa mga subject mo. At kapag may mga test at project ka, baka nga maging mas busy ka pa. Kung hindi mo gagamitin nang tama ang oras mo, puwede kang sobrang ma-stress o ma-burnout pa nga. Kaya bukod sa pag-aaral, napakahalagang maglaan ka rin ng panahon para alagaan ang sarili mo.
12. Ano ang mga kailangan mong isama sa schedule para magamit mo “sa pinakamabuting paraan ang oras [mo]”? (Efeso 5:15, 16)
12 Basahin ang Efeso 5:15, 16. Pinapayuhan tayo ng Bibliya na gamitin “sa pinakamabuting paraan ang oras [natin].” Baka mahirapan kang gawin iyan kung minsan kasi napakarami mong kailangang gawin. Halimbawa, kailangan mong maglaan ng panahon para mag-aral para sa mga subject mo. Pero ang mas mahalaga diyan, dapat mong tiyakin na may panahon ka para sa mga kapatid sa kongregasyon at sa pamilya mo. (Awit 133:1; Kaw. 18:1) At siyempre, ang pinakapriyoridad mo ay ang mga espirituwal na gawain na makakatulong para manatili kang malapít kay Jehova. (Mat. 6:33) Baka may trabaho ka rin o mga responsibilidad sa pamilya. Isa pa, para maalagaan ang kalusugan mo, kailangan mo ng sapat na pahinga at exercise. (Ecles. 4:6; 1 Tim. 4:8) Para magawa mo ang lahat ng iyan, dapat na may maayos kang schedule.
13. Ano ang puwede mong gawin para magamit mo sa pinakamabuting paraan ang oras mo?
13 Ang puwede mong gawin bago magsimula ang kurso mo. Sinasabi ng Bibliya na kung magpaplano ang isang tao, magtatagumpay siya. (Kaw. 21:5) Masusunod mo ang prinsipyong iyan kung gagawa ka ng makatotohanang schedule bago ka kumuha ng karagdagang edukasyon. Makakatulong kung pag-iisipan mo ang mga ito: Sa nakalipas na mga taon ng pag-aaral mo, paano ka nakapaglaan ng panahon para sa mas mahahalagang bagay? Kung may dapat kang pasulungin doon, anong mga pagbabago ang puwede mong gawin ngayon? Tandaan na kung may maayos kang schedule, hindi ka masyadong mai-stress dahil sa paghahabol sa oras.c
14. Anong mga tanong ang puwede mong pag-isipan para masuri ang paggamit mo ng oras?
14 Habang kumukuha ka ng karagdagang edukasyon, regular na suriin kung paano mo ginagamit ang oras mo. Pag-isipan: ‘May sapat na panahon ba ako para sa pahinga at exercise? May panahon din ba ako para makasama ang mga kapatid sa kongregasyon? Natatapos ko ba ang mga homework ko bago ang deadline? Kung hindi, dahil ba iyon sa napakarami kong kailangang gawin o dahil lang sa ipinagpapaliban ko lagi ang mga gawain ko? Sa tingin ba ng mga kaibigan at kapamilya ko, may mga kailangan akong baguhin sa paggamit ko ng oras?’ Kung nakita mo na may kailangan kang i-adjust sa schedule mo o kailangan mo lang mas magsikap na sundin iyon, gawin iyan agad. Puwede ka ring humingi ng payo sa mga kakilala mong mahusay sa paggamit ng oras.—Kaw. 11:14.
PATULOY NA ‘LUMAKAD NA KASAMA NG MARURUNONG’
15. Habang kumukuha ka ng karagdagang edukasyon, anong hamon ang puwedeng mapaharap sa iyo?
15 Hamon. Habang kumukuha ka ng karagdagang edukasyon, baka yayain ka ng mga kaklase mo na sumama sa kanila pagkatapos ng klase. Baka gustuhin mong maka-bonding sila kasi pareho kayo ng mga interes at sanay ka nang nakakasama sila sa klase. Baka nga pakiramdam mo, mas nakaka-relate ka sa kanila kaysa sa mga kapatid sa kongregasyon. Pero dapat mong tandaan na kahit may mga pagkakapareho kayo ng mga kaklase mo, magkaiba kayo ng mga pamantayan. Kapag mas madalas mo silang nakakasama, mas malamang na magaya mo ang paraan ng pag-iisip nila. (1 Cor. 15:33) Iyan ang nangyari kay Michael, na apat na taóng nag-training para maging electrician. Sinabi niya: “Noong nasa training ako, may mga kasama akong nagmumura, nakikinig sa mga kantang hindi para sa mga Kristiyano, at walang paggalang sa mga babae. Mahigit 40 oras kada linggo ko silang kasama, kaya bandang huli, naiisip ko na tuloy na hindi ganoon kasamâ ang ginagawa nila.”
16. Ano ang itinuturo sa atin ng Kawikaan 13:20?
16 Basahin ang Kawikaan 13:20. Sinasabi ng Bibliya na puwede tayong mapahamak dahil sa masasamang kasama. Pero sinasabi rin nito na “ang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.” Ito ang punto: Maiimpluwensiyahan tayo ng mga nakakasama natin—puwede tayong mapabuti o mapasamâ dahil sa kanila. Kaya piliing maging kaibigan ang mga taong naglilingkod kay Jehova, gaya mo. Makakapagtiwala kang gusto nila ang pinakamabuti para sa iyo.—Awit 101:6, 7; 119:63.
17. Ano ang puwede mong gawin para maiwasan ang masasamang kasama?
17 Ang puwede mong gawin bago magsimula ang kurso mo. Magpasiya na kung paano mo lilimitahan ang pakikisama sa mga kaklase mo. Sinabi ng brother na si Trenton: “Mabait akong makitungo sa mga kaklase ko, pero hindi ako sumasama sa kanila pagkatapos ng klase. Mga kaklase ko lang sila, hindi malalapít na kaibigan.” Ikaw, anong limitasyon ang itatakda mo? Para masagot iyan, pag-isipan: Sa nakalipas na mga taon ng pag-aaral mo, paano mo nilimitahan ang pakikisama sa mga kaklase mo? Kung may dapat kang pasulungin doon, anong mga pagbabago ang puwede mong gawin ngayon? Maging determinado na ‘lumakad na kasama ng marurunong’ at limitahan ang pakikisama sa mga hindi nagmamahal kay Jehova.d
18. Anong mga tanong ang puwede mong pag-isipan? (Tingnan din ang larawan.)
18 Habang kumukuha ka ng karagdagang edukasyon, regular na suriin ang pakikisama mo sa mga kaklase mo. Pag-isipan: ‘Masyado na ba akong nagiging close sa kanila? Nagagaya ko na ba ang mga ugali at paraan ng pagsasalita nila? Kung si Jehova ang tatanungin, ano ang masasabi niya sa pakikisama ko sa kanila?’ (Awit 1:1) Kung may napansin ka na kailangan mong baguhin, gawin iyan agad. Tiyakin na ang magiging mga best friend mo ay ang mga taong kagaya mo na nagmamahal kay Jehova. Huwag ding mag-alangan na magpatotoo sa mga kaklase mo. Dahil kilala ka nila at nakakasama ka nila, may maganda kang pagkakataon para tulungan silang malaman ang katotohanan.
Huwag mag-alangang magpatotoo sa mga kaklase mo (Tingnan ang parapo 18)e
MAGING HANDA
19. Paano ka maghahanda para mapagtagumpayan ang mga hamon habang kumukuha ka ng karagdagang edukasyon? Magbigay ng ilustrasyon.
19 Kung gustong umakyat sa bundok o mag-hiking ng isang tao, may mga kailangan siyang ihanda bago siya magsimula. Halimbawa, kailangan niyang siguraduhin na nasa mabuting kondisyon ang katawan niya, na angkop ang susuotin niya, at na alam niya ang goal, o destinasyon, niya. Kahit hindi niya alam ang lahat ng posibleng mangyari, makakatulong sa pagha-hiking niya ang mga ginawa niyang paghahanda. Sa pagkuha mo ng karagdagang edukasyon, may mga kailangan ka ring siguraduhin. Dapat mong panatilihing malakas ang pananampalataya mo, isuot ang “kumpletong kasuotang pandigma mula sa Diyos,” at panatilihing malinaw sa isip kung ano ang goal mo—ang mapasaya si Jehova sa lahat ng ginagawa mo, at hindi ang maging matagumpay sa mundong ito.—Efe. 6:11-13; 1 Cor. 9:26, 27; 10:31.
20. Paano mo ‘patuloy na masusubok kung nasa pananampalataya ka’?
20 Pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya; patuloy na patunayan kung ano nga kayo.” (2 Cor. 13:5) Puwede mong gawin iyan habang kumukuha ka ng karagdagang edukasyon. Regular na suriin ang sarili mo may kinalaman sa mga puntong tinalakay sa artikulong ito. Hindi mo ba napapabayaan ang espirituwal na rutin mo? Binabantayan mo ba ang kakayahan mong mag-isip para hindi ito maimpluwensiyahan ng kaisipan ng mundo? Ginagamit mo ba nang tama ang oras mo? Iniiwasan mo ba ang masasamang kasama at pinipiling maging kaibigan ang mga lingkod ni Jehova? Dapat mong pag-isipan ang mga tanong na iyan nag-aaral ka man, nagtatrabaho, o anuman ang ginagawa mo. Panatilihing malakas ang pananampalataya mo kahit ano pa ang sitwasyon mo. Kung sisikapin mong gawin iyan, siguradong pagpapalain ka ni Jehova.—Kaw. 3:5, 6.
AWIT BLG. 87 Halikayo at Guminhawa!
a Para sa mga puwede mong gawin para manatiling aktibo sa paglilingkod, tingnan ang artikulo sa jw.org na “Tanong ng mga Kabataan . . . Ano ang Dapat Kong Gawin Pagkatapos ng Bautismo?—Bahagi 1: Ipagpatuloy ang mga Ginagawa Mo.”
b Para sa mga puwede mong gawin para mabantayan ang kakayahan mong mag-isip, tingnan ang artikulong “Huwag Magpadaya sa ‘Karunungan ng Sanlibutang Ito’” sa Bantayan, isyu ng Mayo 2019.
c Para sa mga puwede mong gawin para maplano ang mga gawain mo sa araw-araw, tingnan sa jw.org ang artikulong “Tanong ng mga Kabataan . . . Paano Ko Mababadyet ang Oras Ko?”
d Para sa mga puwede mong gawin para magkaroon ng mabubuting kaibigan, tingnan ang aralin 48, “Piliing Mabuti ang mga Kaibigan Mo,” sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman.
e LARAWAN: Nagpapatotoo ang isang sister sa kaklase niya habang kumukuha siya ng kurso sa hairdressing.