HULYO 13-19, 2026
AWIT BLG. 127 Ang Uri ng Pagkatao na Dapat Kong Taglayin
Sanayin ang Konsensiya Mo Gamit ang mga Prinsipyo sa Bibliya
“Ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pasan.”—GAL. 6:5.
MATUTUTUHAN
Kung paano makakatulong ang mga prinsipyo sa Bibliya para maging mabuting gabay ang konsensiya natin.
1-2. (a) Anong regalo ang ibinigay kina Adan at Eva? (b) Paano sana nila naipakita ang pagpapahalaga nila sa regalong iyan?
GINAGAWA ng mga hayop kung ano lang ang likas sa kanila. Gumagana naman ang mga makina ayon sa nakaprograma sa kanila. Pero iba ang mga tao. Noong lalangin tayo, binigyan tayo ng isang espesyal na regalo—ang kalayaang magpasiya. Dahil diyan, may kakayahan tayong gumawa ng sarili nating mga desisyon. At talagang pinapahalagahan natin ang regalong iyan. Sinasabi ng Bibliya na ginawa ang unang tao, si Adan, ayon sa larawan ng Diyos. (Gen. 1:26, 27) Kaya nilalang ni Jehova sina Adan at Eva na may kakayahang magpasiya para sa sarili nila.
2 Hindi binigyan ni Jehova sina Adan at Eva ng mahabang listahan ng mga dapat at di-dapat gawin. Sinabi lang niya sa kanila na alagaan ang lupa, punuin ito ng mga anak nila, at igalang ang awtoridad niyang magtakda ng mga limitasyon. (Gen. 1:28; 2:16, 17) Paano sana naipakita nina Adan at Eva na pinapahalagahan nila ang Diyos na nagbigay sa kanila ng kalayaang magpasiya? Napakaraming ibinigay ni Jehova sa kanila, kaya dapat sana, sinunod nila ang mga simpleng utos niya. Kung ginawa nila iyan, naipakita nila na mahal nila si Jehova at gusto nila siyang mapasaya.—Kaw. 23:15.
3. Paano ginamit nina Adan at Eva ang kalayaan nilang magpasiya?
3 Gaya ng ipinapakita ng ulat ng Bibliya, hindi ginamit nang tama nina Adan at Eva ang kalayaan nilang magpasiya. Imbes na mapakilos ng pag-ibig at pagpapahalaga kay Jehova, naging makasarili sila. Sinuway nila si Jehova. (Gen. 3:1-7) At nagdurusa pa rin tayo ngayon dahil sa desisyon nilang iyan.—Roma 5:12.
4. (a) Ayon sa Galacia 6:5, ano ang kailangang gawin ng bawat isa sa atin? (b) Ano ang isa pang regalo na tatalakayin natin?
4 Napakakomplikado ng buhay natin sa ngayon. Bawat araw, marami tayong kailangang gawing desisyon. (Basahin ang Galacia 6:5.) May ilan na simple lang, pero may mga bagay rin na hindi ganoon kadaling pagpasiyahan. Paano tayo makakagawa ng mga desisyong magpapasaya kay Jehova? Dapat muna nating tanggapin na kailangan natin ang tulong niya. (Kaw. 16:3; Jer. 10:23) Perpekto si Jesus, pero humingi pa rin siya ng tulong sa Diyos. (Heb. 5:7) Paano pa kaya tayong mga di-perpekto? Siguradong mas kailangan natin ng gabay ni Jehova. Talakayin natin ngayon ang isa pang regalo ni Jehova na makakatulong para makagawa tayo ng tamang mga desisyon—ang konsensiya natin.
ANO ANG KONSENSIYA?
5. (a) Ano ang konsensiya? (b) Paano nakakatulong sa atin ang konsensiya natin? (Roma 2:14, 15)
5 Ang konsensiya natin ay ang kakayahan nating malaman kung ano ang tama at mali. May konsensiya ang lahat ng tao, kahit ang mga hindi nakakaalam ng mga utos ng Diyos. (2 Cor. 4:2, tlb.) Parang isang hukom sa loob natin ang konsensiya natin—puwede nitong hatulan o ipagtanggol ang mga kaisipan o paggawi natin. (Basahin ang Roma 2:14, 15.) Puwede tayong babalaan ng konsensiya natin para hindi tayo makagawa ng isang bagay na alam nating mali. (1 Sam. 26:8-11) At puwede tayo nitong pakilusin na gawin ang isang bagay na alam nating tama. Tandaan, hindi dahil binigyan tayo ni Jehova ng kalayaang magpasiya, magugustuhan na niya ang lahat ng desisyong gagawin natin. Kaya kailangan natin ang konsensiya natin kasi makakatulong ito para makita natin kung tama o mali ang gagawin nating desisyon.
6. Bakit hindi laging makakatulong ang konsensiya natin sa paggawa ng tamang mga desisyon?
6 Pero hindi laging makakatulong ang konsensiya natin sa paggawa ng tamang mga desisyon. Hindi tayo perpekto, kaya hindi rin perpekto ang konsensiya natin. Puwede itong maimpluwensiyahan ng pagpapalaki sa atin, kultura, o maling mga pagnanasa. Sinasabi ng Bibliya na ang konsensiya ay puwedeng ‘madumhan’ o maging ‘mahina,’ “manhid,” o ‘masama.’ (Tito 1:15; 1 Cor. 8:12; 1 Tim. 4:2; Heb. 10:22) Kapag naging ganiyan ang konsensiya natin, hindi na ito magiging mabuting gabay. Para na itong sirang timbangan na kailangang ayusin. Kaya dapat tayong magsikap para mapanatiling nasa mabuting kalagayan ang konsensiya natin. (1 Ped. 3:16) Paano natin gagawin iyan?
KUNG PAANO SASANAYIN ANG KONSENSIYA NATIN
7-8. (a) Ano ang makakatulong para masanay natin ang konsensiya natin? (b) Paano tayo magagabayan ng mga prinsipyo sa Bibliya? Magbigay ng ilustrasyon. (Tingnan din ang larawan.)
7 Paano natin sasanayin ang konsensiya natin? Dapat nating regular na basahin ang Bibliya at alamin kung ano ang tama at mali sa paningin ni Jehova. Makakatulong ang pagsusuri sa mga batas niya para malaman natin iyan. Pero gaya ng natalakay sa naunang artikulo, limitado ang sakop ng espesipikong mga utos. Kaya kailangan din nating hanapin ang mga prinsipyo. Makakatulong ang mga ito para mas maintindihan natin ang kaisipan at damdamin ni Jehova.—Isa. 55:9.
8 Maikukumpara ang buhay natin sa paglalakbay sa isang disyerto na walang kalsada o mga road sign. Baka makatulong naman ang posisyon ng araw at mga bituin para malaman natin ang direksiyon papunta sa destinasyon natin. Pero mas makakatulong ang isang mapa na nagpapakita ng madadaanang mga landmark, o palatandaan. Gamit ang mapang iyon, makakasigurado tayong naglalakad tayo sa tamang direksiyon at makikita natin kung napapalihis na tayo doon. Ang destinasyon natin sa buhay ay ang mapasaya si Jehova. Ang Bibliya ang mapang nagbibigay sa atin ng direksiyon para magawa iyan, at gaya naman ng mga landmark sa daan ang mga prinsipyo sa Bibliya. Kung magpapagabay tayo sa mga prinsipyong iyan, siguradong makakarating tayo sa destinasyon natin.
Ang mga prinsipyo sa Bibliya ay gaya ng mga landmark sa daan; magagamit natin ang mga ito para makasigurado tayong naglalakad tayo sa tamang direksiyon (Tingnan ang parapo 8)
9. Ano pa ang makakatulong para masanay natin ang konsensiya natin? (Roma 9:1)
9 Kailangan natin ang tulong ng banal na espiritu ng Diyos para masanay natin ang konsensiya natin. (Basahin ang Roma 9:1.) Makakatulong ang banal na espiritu para maintindihan natin ang tingin ni Jehova sa mga bagay-bagay. Mapapasigla rin tayo nito at mapapalakas na gawin ang mga bagay na gusto ni Jehova. (Fil. 2:13) Pero ano ang kailangan nating gawin para matanggap ang tulong ng banal na espiritu?
10. Ano ang kailangan nating gawin para matanggap ang tulong ng banal na espiritu? (Lucas 11:10, 13)
10 Humingi ng banal na espiritu sa panalangin. (Basahin ang Lucas 11:10, 13.) Makakasigurado tayo na hindi ipagkakait sa atin ni Jehova ang banal na espiritu niya. (Juan 3:34) Sinasabi sa Bibliya na sagana niya itong ibinibigay sa mga sumusunod sa kaniya. (Kaw. 1:23; Sant. 1:5) Pero ano pa ang makakatulong para masanay natin ang konsensiya natin?
11. (a) Ano ang dapat na maging pinakamahalaga sa atin? (b) Bakit dapat nating siguraduhin na nasanay at gumagana nang tama ang konsensiya natin?
11 Pasayahin si Jehova sa lahat ng ginagawa mo. (Kaw. 8:34, 35) Iyan ang dapat na maging pinakamahalaga sa atin. Kung malinaw sa isip natin na goal nating mapasaya si Jehova sa lahat ng gagawin nating desisyon, makakatulong iyan para masanay ang konsensiya natin. Masasabing nasanay ito nang tama kapag tinutularan natin ang paraan ng pag-iisip ni Jehova at mahalaga sa atin ang nararamdaman niya. Kaya apektado dito ang isip at puso natin. Napakahalaga ng isang nasanay na konsensiya kasi napakakomplikado ng buhay sa ngayon. Marami tayong kailangang pagdesisyunan na walang espesipikong direksiyon mula sa Bibliya. Kasama diyan ang libangan natin, trabaho, edukasyon, o mga pipiliin nating kaibigan. Paano natin mapapasaya si Jehova sa mga desisyon natin sa mga bagay na iyan?—2 Cor. 1:12.
12. Paano natin malalaman kung gumagana nang tama ang konsensiya natin? (Efeso 5:10)
12 Bulay-bulayin ang nababasa mo sa Bibliya. (Awit 49:3) Kapag nagbabasa ka ng Bibliya, hanapin ang mga prinsipyong tutulong sa iyo na maintindihan ang kaisipan ni Jehova. (Basahin ang Efeso 5:10.) Makakatulong iyan para kapag napaharap tayo sa mahihirap na sitwasyon sa buhay, makikita natin kung gumagana nang tama ang konsensiya natin kasi nakakagawa tayo ng magagandang desisyon. (Kaw. 2:4-9, 11-13) Magagamit din natin ang mga prinsipyong iyon para maituwid ang konsensiya natin kung kinakailangan.—Heb. 5:14.
13. Ano ang dapat nating iwasan kapag gumagawa ng desisyon? Magbigay ng halimbawa.
13 Huwag munang gumawa ng desisyon hangga’t hindi mo pa alam ang tingin dito ni Jehova. Tingnan natin ang isang halimbawa. Noong mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., may mga Israelitang naiwan sa lupain ng Juda. Sinabi nila kay Jeremias: “Sabihin nawa sa amin ni Jehova na iyong Diyos ang daan na dapat naming lakaran at ang dapat naming gawin.” (Jer. 42:3-6) Pero ang totoo pala, nakapagdesisyon na sila kung ano ang gagawin nila. Nang hindi nila magustuhan ang sinabi ni Jehova, itinuloy nila ang nauna nilang plano. Dahil diyan, napahamak sila. (Jer. 42:19-22; 43:1, 2, 4) Ayaw natin silang tularan. Kaya bago tayo magdesisyon, maghanap muna tayo ng mga prinsipyo sa Bibliya na nagpapakita ng tingin ni Jehova sa sitwasyon natin, at saka tayo magdesisyon base doon.
14. Bakit kailangan nating magdesisyon base sa mga prinsipyo sa Bibliya?
14 Magdesisyon base sa mga prinsipyo sa Bibliya. (Mat. 7:24-29; Sant. 1:23-25) Kapag ginagawa natin iyan, nagpapaakay tayo sa banal na espiritu. At dahil diyan, patuloy tayong bibigyan ni Jehova ng espiritu niya. (Gawa 5:32) Pero kung hindi tayo magpapaakay sa banal na espiritu, baka hindi natin mamalayan na ‘pinipighati’ na natin ito, o nilalabanan. (Efe. 4:30; Isa. 63:10; Gawa 7:51) At mas malala pa, baka alisin sa atin ni Jehova ang espiritu niya. (Awit 51:11; 1 Tes. 5:19) Ayaw nating mangyari iyan, kasi kailangan natin ang lakas na ibinibigay ng banal na espiritu.—Efe. 3:16.
KUNG PAANO MAKAKAHANAP NG MGA PRINSIPYO NA MAKAKATULONG SA ATIN
15-16. (a) Paano tayo makakahanap ng mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa sitwasyon natin? (b) Anong mga prinsipyo sa Bibliya ang makakatulong sa isang bina-Bible study para maihinto niya ang paninigarilyo?
15 Gumamit ng mga pantulong sa pag-aaral. Siyempre, bago natin masunod ang mga prinsipyong makakatulong sa atin, dapat muna nating malaman kung saan makikita ang mga ito sa Bibliya. Halimbawa, paano kung hindi maintindihan ng bina-Bible study mo kung bakit kailangan niyang ihinto ang paninigarilyo? Baka iniisip niya, ‘Wala namang sinasabi ang Bibliya tungkol sa paninigarilyo, kaya paano natin nasabing mali iyon?’ Paano mo siya matutulungang maghanap ng mga prinsipyo sa Bibliya para maintindihan niyang mali ang gawaing iyon? Puwede mong gamitin ang Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova. Ipakita sa kaniya ang heading na “Tabako at Paninigarilyo.” Makikita niya diyan ang artikulong “Ano ang Tingin ng Diyos sa Paninigarilyo?” (Tingnan ang Bantayan, isyu ng Hunyo 1, 2014.) Kapag binasa niya ang artikulong iyan, anong mga teksto at prinsipyo ang makikita niya?
16 May limang prinsipyo diyan na puwede niyang pag-isipan. (1) Hindi tayo dapat maging alipin ng isang bagay na puwede nating ikamatay. (Roma 6:16) (2) Dapat nating iwasan ang anumang bagay na makakapinsala sa katawan natin. (2 Cor. 7:1) (3) Gusto ni Jehova na maglingkod tayo sa kaniya nang buong kaluluwa. (Mat. 22:37) (4) Huwag tayong gagawa ng anumang bagay na makakapinsala sa iba. (Mat. 22:39; 1 Cor. 10:24) (5) Puwede tayong bigyan ni Jehova ng lakas para magawa natin ang tama. (Fil. 4:13) Kaya kahit hindi direktang sinasabi sa Bibliya na mali ang paninigarilyo, may mga prinsipyo dito na makakatulong para maintindihan ng bina-Bible study mo ang kaisipan ni Jehova.
17. Paano makakahanap ang isang magkasintahang Kristiyano ng mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa pagpaplano nila ng kasal?
17 Kung nagpaplano nang magpakasal ang isang magkasintahang Kristiyano, paano sila makakahanap ng mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa kanilang gumawa ng magagandang desisyon? Makakatulong din sa kanila ang pagre-research gamit ang Tulong sa Pag-aaral. Puwede nilang tingnan ang heading na “Kasalan at Handaan.” Sa mga artikulong nandoon, may makikita silang anim na prinsipyong puwede nilang pag-isipan. (1) Dapat magparangal kay Jehova ang lahat ng kaayusan sa kasal. (1 Cor. 10:31, 32) (2) Ang pananamit natin ay dapat na maayos, disente, at hindi makakatisod sa iba. (1 Tim. 2:9; 1 Ped. 3:3, 4) (3) Dapat nating iwasan ang pagyayabang ng mga pag-aari, na karaniwan sa sanlibutan ni Satanas. (Juan 17:14; Sant. 1:27; 1 Juan 2:15, 16) (4) Dapat na organisado ang mga kaayusan. (1 Cor. 14:40) (5) Hindi dapat maging magulo at di-kontrolado ang handaan, at hindi ito dapat mauwi sa paglalasingan. (Gal. 5:21) (6) Dapat na may nangangasiwa sa okasyon.—Juan 2:8, 9.
18-19. (a) Ano pang pantulong ang puwede nating gamitin? (b) Kung pinag-iisipan mo kung puwede kang sumali sa isang selebrasyon, paano mo magagamit ang pantulong na ito para makahanap ng mga prinsipyo sa Bibliya? (Tingnan ang kahong “Hanapin ang mga Prinsipyo sa Bibliya.”)
18 May isa pang pantulong na puwede nating gamitin para maghanap ng mga prinsipyo sa Bibliya—ang Mga Teksto Para sa Kristiyanong Pamumuhay. Mayroon itong iba’t ibang paksa. Sa ilalim ng maraming paksa, may nakalistang mga tanong na may kasamang mga teksto na tutulong sa iyo na makita ang mga prinsipyo sa Bibliya. Halimbawa, iniisip mo ba kung puwede kang sumali sa isang partikular na selebrasyon? Puwede mong tingnan ang heading na “Selebrasyon.”
19 Sa ilalim ng heading na iyon, makikita mo ang subheading na “Selebrasyong iniiwasan ng mga Kristiyano.” Tingnan ang ilang impormasyong nasa ilalim ng subheading na iyan: “Bakit maling makibahagi sa mga selebrasyong may koneksiyon sa huwad na relihiyon? (1Co 10:21; 2Co 6:14-18; Efe 5:10, 11).” Pagkatapos, may makikita kang ilang halimbawa ng ganiyang mga selebrasyon. Paano naman kung kailangan mong magdesisyon pagdating sa mga selebrasyong may kinalaman sa mga nagawa ng isang bansa, sa mga selebrasyong may kinalaman sa mga digmaan, o sa mga seremonyang sobrang nagpaparangal sa tao? Makakatulong sa iyo ang mga prinsipyong makikita sa ilalim ng subheading na “Selebrasyong para sa bayan.” Talagang nagpapasalamat tayo na binigyan tayo ng organisasyon ni Jehova ng ganitong mga pantulong para masanay ang konsensiya natin!
TIYAKIN NA NASANAY NANG TAMA ANG KONSENSIYA MO
20. Paano natin masasabi na nasanay natin nang tama ang konsensiya natin?
20 Nagpapasalamat tayo na binigyan tayo ni Jehova ng kalayaang magpasiya. Pero nakita natin na para magamit natin iyan nang tama, kailangan nating sanayin ang konsensiya natin. Kapag nasanay natin ang konsensiya natin, makakagawa tayo ng mga desisyong magpapasaya kay Jehova. At kailangan natin ang tulong ng banal na espiritu para magawa iyan. Kaya patuloy natin itong hingin sa panalangin at magpaakay tayo dito. Makakatulong din ang mga prinsipyo sa Bibliya para masanay ang konsensiya natin. Magamit sana natin nang tama ang mga regalong ito para makita natin ang magagandang resulta ng pagsunod sa Salita ng Diyos!—2 Tim. 3:16, 17; Heb. 4:12.
AWIT BLG. 135 “Magpakarunong Ka, Anak Ko”