Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w26 Marso p. 8-13
  • Magtiwala sa Kataas-taasang Tagapamahala ng Uniberso

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magtiwala sa Kataas-taasang Tagapamahala ng Uniberso
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • TUMAYO RIN SI SATANAS SA HARAP NI JEHOVA
  • SI JEHOVA ANG MAY KAPANGYARIHANG MAGTAKDA
  • INIHINTO NI JEHOVA ANG PAGHIHIRAP NI JOB
  • MAHAL NI JEHOVA ANG MGA TAPAT SA KANIYA
  • LUBUSANG MAGTIWALA KAY JEHOVA
  • Makakatulong sa Iyo ang Aklat ng Job Kapag May Pinagdadaanan Ka
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Pinarangalan ni Job ang Pangalan ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • “Umasa Ka kay Jehova”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Nasasangkot Kayo sa Isang Mahalagang Usapin
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
w26 Marso p. 8-13

MAYO 11-17, 2026

AWIT BLG. 7 Jehova, Aming Lakas

Magtiwala sa Kataas-taasang Tagapamahala ng Uniberso

“Jehova, ikaw lang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”​—AWIT 83:18.

MATUTUTUHAN

Kung bakit tayo makakapagtiwala na si Jehova ang Kataas-taasang Tagapamahala at na tutulungan niya tayong maharap ang mga problema natin.

1. Anong masasamang pangyayari ang naranasan ni Job?

HALOS lahat, nawala kay Job: ang mga anak niya, magandang kalusugan, at pag-aari. Nasira din ang magandang reputasyon niya. Sa mahirap na sitwasyong iyan, hindi siya pinatibay ng mga taong itinuring niyang kaibigan. Sobra ding nasiraan ng loob ang asawa niya kaya sinabi nito sa kaniya: “Sumpain mo ang Diyos para mamatay ka na!” (Job 2:9; 15:​4, 5; 19:​1-3) Dahil sa mga iyan, posibleng naisip ni Job na walang pakialam sa kaniya ang Diyos. Baka nagduda rin siya kung talaga bang poprotektahan at tutulungan ni Jehova ang mga lingkod Niya na nagmamahal sa Kaniya.

2-3. Ano ang posibleng maisip natin kapag may problema tayo, at ano ang matututuhan natin sa aklat ng Job?

2 Nakakaranas din tayo ng mahihirap na sitwasyon na puwedeng sumubok sa pagtitiwala natin kay Jehova. “Mapanganib at mahirap ang kalagayan” sa mundo ngayon. (2 Tim. 3:1) At kapag sunod-sunod ang problema natin, baka maramdaman nating hindi na natin kayang magtiis. Baka magduda pa nga ang ilan kung talaga bang nagmamalasakit sa kanila si Jehova.

3 Kung naramdaman mo na rin iyan, huwag kang masiraan ng loob. Natutuhan ni Job na inililigtas ni Jehova ang mga tapat sa Kaniya. Puwede rin tayong magkaroon ng ganiyang tiwala kay Jehova, at makakatulong sa atin ang aklat ng Job. Makikita natin dito ang dalawang mahalagang puntong ito: (1) Si Jehova lang ang Kataas-taasang Tagapamahala ng uniberso. (2) Kaya niyang kontrolin ang mga bagay-bagay para matupad ang layunin niya at maingatan ang bayan niya.

TUMAYO RIN SI SATANAS SA HARAP NI JEHOVA

4. Ano ang nangyari nang magtipon sa harap ni Jehova ang mga anghel?

4 Isang araw, nagtipon sa harap ni Jehova ang “mga anak ng tunay na Diyos.” Sinabi ng ulat na “sumama rin si Satanas” sa pagtitipong iyon. (Job 1:6) Ito ang unang beses na ginamit ng isang manunulat sa Bibliya ang “Satanas” para tukuyin ang pangunahing kaaway ni Jehova. Noong panahong iyon, hindi na tapat na anghel ng Diyos si Satanas. Kaaway na rin siya ng tapat na mga anghel at ng mga lingkod ni Jehova sa lupa. Gaya ng ipinapakita ng Genesis 3:​15, hindi na kasama si Satanas sa makalangit na bahagi ng pamilya ni Jehova—ang “babae” na pagmumulan ng “supling.”

5. Ano ang matututuhan natin sa pag-uusap ni Satanas at ni Jehova?

5 Ipinasulat ni Jehova sa Bibliya ang pagtitipong iyon sa langit. Kitang-kita sa mga sinabi doon ni Satanas na napakasama niya at galit siya sa mga lingkod ni Jehova. (Job 1:9; ihambing ang Apocalipsis 12:10.) Ipinasulat din ni Jehova ang pangyayaring iyon para tiyakin sa atin na ginagamit niya ang kapangyarihan niya sa makatarungang paraan. Malinaw ring ipinakita doon na si Jehova ang nagtatakda kung ano ang puwede at hindi puwedeng gawin ng iba.

SI JEHOVA ANG MAY KAPANGYARIHANG MAGTAKDA

6. Paano ipinakita ni Jehova na siya ang may kontrol sa takbo ng usapan sa pagtitipon sa langit? (Job 1:​7, 8)

6 Basahin ang Job 1:​7, 8. Ipinakita ni Jehova na siya ang may kontrol sa takbo ng usapan sa pagtitipong iyon. Tinanong niya si Satanas: “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” Malinaw, alam na ni Jehova na puntirya ni Satanas si Job. Tingnan natin ngayon kung paano gagamitin ni Jehova ang kapangyarihan niya para kay Job.

7. Ano ang pinalabas ni Satanas na dahilan kung bakit naglilingkod ang mga tao kay Jehova? (Job 1:​10, 11)

7 Basahin ang Job 1:​10, 11. Si Jehova ang Kataas-taasan ng uniberso. May kapangyarihan siyang gawin ang anumang gusto niya at alam niya kung ano ang pinakamabuting gawin sa bawat sitwasyon. (Jer. 32:17; Dan. 4:35) Pero pinalabas ni Satanas na ginagamit ni Jehova ang kapangyarihan Niya at awtoridad sa maling paraan. Pinalitaw ni Satanas na sinusuhulan ng Diyos ang mga tao, gaya ni Job, para maglingkod sila sa Kaniya. Inakusahan din niya ang mga tao na naglilingkod lang sila kay Jehova dahil sa mga nakukuha nila sa Kaniya. Ano ang ginawa ni Jehova?

8-9. Anong limitasyon ang itinakda ni Jehova kay Satanas, at bakit? (Job 1:12) (Tingnan din ang larawan.)

8 Basahin ang Job 1:12. Binigyan ni Jehova si Satanas ng pagkakataong patunayan ang sinabi nito, pero nagtakda siya ng limitasyon sa puwede nitong gawin kay Job. Sa harap ng lahat ng nasa pagtitipong iyon, malinaw na sinabi ni Jehova kay Satanas: “Huwag mo siyang sasaktan!” Kailangan iyang sundin ni Satanas. Wala siyang kapangyarihang lampasan ang mga limitasyong itinakda ni Jehova, at ganiyan pa rin hanggang sa ngayon. Makikita natin sa sinabi ni Jehova na ginamit Niya ang awtoridad at kapangyarihan Niya para protektahan si Job at ang reputasyon Niya.

9 Nabigo si Satanas sa unang mga pag-atake niya kay Job. Nanatiling tapat si Job kay Jehova. (Job 1:22) Pero hindi pa tapos si Satanas.

Si Satanas na nasa langit habang nakikipag-usap nang walang galang kay Jehova sa harap ng mga anghel.

Pinahintulutan ni Jehova si Satanas na sabihin ang akusasyon niya sa harap ng marami (Tingnan ang parapo 8-9)


10. Bakit hinayaan ni Jehova si Satanas na subukin pa si Job? (Job 2:​2-6)

10 Basahin ang Job 2:​2-6. Ngayon naman, plano ni Satanas na mas patindihin pa ang pagsubok niya kay Job. Gustong patunayan ni Satanas na kapag nahihirapan na si Job at iniisip niyang mamamatay na siya, siguradong susumpain niya ang Diyos. Para patunayang mali si Satanas, hinayaan ni Jehova na saktan nito si Job. Pero nagtakda ulit siya ng limitasyon: “Huwag mo lang siyang papatayin!” Kailangan ulit iyang sundin ni Satanas. Makikita natin dito na kahit hinayaan ni Jehova si Satanas na subukin si Job, kontrolado pa rin ni Jehova ang sitwasyon kasi hindi kayang lampasan ni Satanas ang mga limitasyong itinakda Niya.

INIHINTO NI JEHOVA ANG PAGHIHIRAP NI JOB

11. Pagkatapos ihinto ni Jehova ang pagsubok kay Job, paano niya ito pinagpala? (Job 42:​10-13)

11 Basahin ang Job 42:​10-13. Naging malinaw na hindi tatalikuran ni Job si Jehova, kaya inihinto na ni Jehova ang pagsubok ni Satanas sa tapat na lingkod Niya. Hindi na pinayagan ni Jehova na direkta pang atakihin ni Satanas si Job. At muli, walang nagawa si Satanas para kontrahin ang desisyong iyan. Hindi rin niya napigilan si Jehova na protektahan at pagpalain si Job.

12. Ano ang ginawa ni Jehova para sa mga lingkod niyang nagtiwala sa kaniya?

12 Sa mga huling araw na ito, ginagamit pa rin ni Jehova ang kapangyarihan niya para magligtas ng mga lingkod niya. Halimbawa, noong 1945, puwersahang pinagmartsa ng mga Nazi ang mga nakabilanggo sa isang concentration camp. Pero nakaligtas ang lahat ng 230 na Saksi ni Jehova na kasama sa death march na iyon. Ito ang isinulat nila sa isang resolusyon tungkol sa mga naranasan nila: “Natapos na ang isang mahabang yugto ng pagsubok at para sa mga nakaligtas, na waring inagaw mula sa maapoy na hurno, ang amoy ng apoy ay hindi man lamang nanikit sa kanila. . . . Sa kabaligtaran, sila ay puspos ng lakas at kapangyarihan mula kay Jehova.” Idinagdag pa nila: “Iisa lamang ang pagnanais namin . . . [pagkatapos naming manatili] sa loob ng yungib ng mga leon, na pahintulutan kaming paglingkuran si Jehova . . . magpakailanman. Iyon na mismo ang pinakamagandang gantimpala na maaari naming matanggap.”​—Ihambing ang Daniel 3:27; 6:22.

13. Kahit may mga problema tayo, sa ano tayo kumbinsido? (Tingnan din ang mga larawan.)

13 Kapag may mga problema tayo, baka maramdaman nating para tayong inihagis sa yungib ng mga leon. (1 Ped. 5:​8-10) Minsan nga baka iniisip na nating sumuko, kasi parang walang katapusan ang mga problema natin. Kapag ganiyan ang nararamdaman natin, alalahanin natin ang karanasan ni Job. Makukumbinsi tayo nito na may kapangyarihan si Jehova na alisin ang paghihirap natin—gawin man niya iyan ngayon o sa bagong sanlibutan pa. Ipinasiya na ni Jehova kung kailan ang wakas ng sistemang ito. At sisiguraduhin niyang mangyayari iyan sa mismong araw na itinakda niya!

Collage: Mga lingkod ni Jehova na nakakaranas ng iba’t ibang pagdurusa. 1. Isang may-edad na brother na dinadamayan ng isang mas batang brother habang nakatayo sila sa harap ng isang puntod sa sementeryo. 2. Isang mag-asawa na nakaupo sa tabi ng anak nilang babae na nakahiga sa isang kama sa ospital. 3. Isang brother na bilanggo habang naghuhukay sa kainitan ng araw. May armadong sundalo na nagbabantay sa kaniya.

Aalisin ni Jehova ang paghihirap ng mga tapat na lingkod niya (Tingnan ang parapo 13)


MAHAL NI JEHOVA ANG MGA TAPAT SA KANIYA

14-15. Ano ang gustong gawin ni Jehova para sa mga tapat na lingkod niya? (Job 14:15) (Tingnan din ang larawan.)

14 Basahin ang Job 14:15. Mahal na mahal ng Ama natin sa langit ang mga tapat sa kaniya. Napakahalaga nila sa kaniya kaya kapag namatay sila, bubuhayin niya silang muli. At kapag ginawa na niya iyan sa bagong sanlibutan, mapapalitan ng kagalakan ang sakit na idinulot ng kamatayan.​—Isa. 65:17.

15 Kahit noong natapos na ang pagdurusa ni Job, nabuhay pa rin siya sa masamang sanlibutan ni Satanas. Pero sinasabi ng Bibliya na saganang ginantimpalaan ni Jehova si Job. Pinagaling niya si Job at pinagpala nang higit pa kaysa sa mayroon ito noong una. At sa hinaharap, mas marami pang gagawin si Jehova para kay Job. Ipinakita ni Jehova na gusto niyang maging masayang-masaya ang mga tapat sa kaniya. Ang totoo, bibigyan niya sila ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan sa Paraiso. (Apoc. 21:​3, 4) Gustong-gustong gawin iyan ng Kataas-taasang Tagapamahala ng uniberso para sa mga lingkod niya. Talagang nakakapagpatibay isipin iyan kapag may mga problema tayong nararanasan.

Si Job na wala nang sakit at nakabihis nang maayos. Masaya siya na maraming kaibigan niya ang dumating para dalawin siya at ang asawa niya sa bahay nila.

Saganang pinagpala ni Jehova si Job at ang asawa nito pagkatapos nitong makaranas ng mga hamon (Tingnan ang parapo 14-15)


16. Bakit pa tayo makakapagtiwala kay Jehova, ang Kataas-taasang Tagapamahala?

16 Kahit nabuhay nang matagal si Job, namatay pa rin siya. Pero dahil si Jehova ang Kataas-taasang Tagapamahala at ang Makapangyarihan-sa-Lahat, kaya niyang buhaying muli ang mga namatay. (Deut. 32:39) At walang makakapigil sa kaniya na gawin iyan para sa mga minamahal niyang lingkod sa panahong pinili niya.​—Roma 8:​38, 39.

LUBUSANG MAGTIWALA KAY JEHOVA

17. Ano ang nagpapakita na hindi kaya ni Satanas na puksain ang bayan ni Jehova?

17 Kitang-kita natin sa ulat tungkol kay Job kung bakit tayo lubusang makakapagtiwala kay Jehova. Talagang nagpapasalamat tayo kasi hindi hinayaan ni Jehova si Satanas na puksain ang bayan Niya, na mga siyam na milyon na ang bilang sa ngayon. Patunay iyan ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Tagapamahala! Paulit-ulit nating nakikita na hindi nagtatagumpay ang anumang sandatang ginawa para ipanlaban sa mga lingkod ni Jehova. (Isa. 54:17) Sa tulong ni Jehova, walang makapangyarihang bansa o relihiyosong organisasyon ang nakapigil sa bayan niya, kahit parang wala silang kalaban-laban. At walang makakahadlang sa atin sa pangangaral ng katotohanan tungkol kay Jehova at sa pagpapatunay na sinungaling at mamamatay-tao si Satanas. Hindi tayo mapipigilan kahit ng kamatayan kasi bubuhaying muli ni Jehova ang mga tapat sa kaniya.​—Os. 13:14.

18. Bakit hindi natin kailangang matakot sa mga mangyayari sa hinaharap?

18 Habang pinag-iisipan nating mabuti ang buhay ni Job, mas tumitibay ang pananampalataya natin kaya hindi tayo matatakot sa mga mangyayari sa hinaharap. Sa panahon ng malaking kapighatian, aatakihin ni Satanas at ng mga nasa panig niya ang bayan ng Diyos na mukhang walang kalaban-laban. Pero gaya noong panahon ni Job, si Jehova pa rin ang may kontrol sa sitwasyon at hindi Niya hahayaan si Satanas na magdulot ng permanenteng pinsala sa bayan Niya. Malapit nang wakasan ni Jehova ang lahat ng pagdurusang nararanasan ng mga tao dahil kay Satanas. Ihahagis si Satanas at ang mga demonyo niya sa kalaliman at mananatili sila doon nang 1,000 taon. (Luc. 8:31; Apoc. 20:​1-3) At sa bandang huli, pupuksain si Satanas at ang lahat ng nasa panig niya. (Apoc. 20:10) Gaya ng sinabi ni Jehova, madudurog ang ulo ni Satanas.​—Gen. 3:15; Roma 16:20.

19. Ano ang mga gantimpala ni Jehova sa mga lubusang nagtitiwala sa kaniya? (Tingnan din ang larawan.)

19 Sabik na sabik na tayong mabuhay sa bagong sanlibutan kung saan perpekto na tayo at masaya. Napakalapit na niyan! Higit pa sa anumang naiisip natin ang magiging buhay natin doon. Nangangako si Jehova: “Tingnan mo! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” (Apoc. 21:5) Ano ang ibig sabihin niyan? Magiging malaya na ang sangkatauhan sa napakasamang impluwensiya ni Satanas at ng mga demonyo niya—hindi pa iyan nangyayari mula noong rebelyon sa Eden. Napakalaking ginhawa niyan para sa atin! Magiging masarap na rin ang tulog natin kasi wala na ang mga dati nating inaalala. Magkakaroon ng malawakang pagpapagaling para sa mga makakaligtas sa Armagedon. Bubuhayin ding muli ang mga mahal natin sa buhay na namatay na. Mararanasan na natin ang buhay na gusto ni Jehova para sa atin!

Ang mga kapatid sa naunang mga larawan habang nag-e-enjoy sa buhay nila sa Paraiso. Naglalakad ang may-edad na brother, na bumata na ngayon, kasama ang mahal niya sa buhay na binuhay nang muli. Naglalakad din ang mag-asawa kasama ang anak nilang babae, na wala nang sakit. Nakaupo naman sa ilalim ng puno ang brother na dating bilanggo. Nagbabasa siya ng Bibliya habang may katabing batang leon.

Makakatanggap ng saganang pagpapala mula kay Jehova ang mga nanatiling tapat sa kaniya sa harap ng mga problema (Tingnan ang parapo 19)


20. Ano ang determinado mong gawin?

20 Sa mga huling araw na ito, mapapaharap pa tayo sa mas maraming hamon. Kaya maging determinado sana tayong lubusang magtiwala kay Jehova at sundin siya bilang ang Kataas-taasan. Ipakita rin sana natin ang pagmamahal natin sa kaniya at patunayang mali si Satanas. Kung mananatili tayong tapat kay Jehova, makakaasa tayong magkakaroon tayo ng magandang kinabukasan. Gustong-gusto ni Jehova na gantimpalaan ang mga tapat sa kaniya, at sigurado tayong gagawin niya iyan!

PAANO PINAPATUNAYAN NG ULAT TUNGKOL KAY JOB ANG SUMUSUNOD?

  • Si Jehova ang Kataas-taasan sa buong uniberso

  • Gustong-gusto ni Jehova na gantimpalaan ang mga tapat sa kaniya

  • Makakapagtiwala ka kay Jehova, ang Kataas-taasang Tagapamahala ng uniberso

AWIT BLG. 153 Bigyan Mo Ako ng Lakas ng Loob

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2026)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2026 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share