Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w26 Marso p. 2-7
  • Maging Mas ‘Mahusay sa Pagtuturo’ ng Bibliya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maging Mas ‘Mahusay sa Pagtuturo’ ng Bibliya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • MAGMALASAKIT SA MGA TINUTURUAN MO
  • LAGING GAMITIN ANG SALITA NG DIYOS
  • MAGPOKUS KAY JEHOVA
  • PATULOY NA PAHUSAYIN ANG PAGTUTURO MO
  • Tulungan ang mga Bible Study na Manindigan sa Katotohanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Tulungan Agad ang mga “Nakaayon sa Buhay na Walang Hanggan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
w26 Marso p. 2-7

MAYO 4-10, 2026

AWIT BLG. 53 Maghanda Para Mangaral

Maging Mas ‘Mahusay sa Pagtuturo’ ng Bibliya

“Ipangaral mo ang salita ng Diyos . . . nang may pagtitiis at husay sa pagtuturo.”​—2 TIM. 4:2.

MATUTUTUHAN

Tatlong paraan kung paano natin mas mapapahusay ang kakayahan natin sa pagtuturo sa iba.

1. Ano ang dapat nating matutuhan, at bakit? (2 Timoteo 4:2) (Tingnan din ang larawan.)

SINABI ni Jesus sa mga tagasunod niya: ‘Gumawa ng mga alagad at turuan silang tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.’ (Mat. 28:​19, 20) Ibig sabihin, inuutusan ni Jesus ang lahat ng Kristiyano na magturo. Totoo, inilalapit ni Jehova sa kaniya ang “lahat ng nakaayon sa buhay na walang hanggan,” at inaakay rin tayo ng mga anghel sa mga taong iyon. (Gawa 13:48; Juan 6:44; Apoc. 14:6) Pero may kailangan din tayong gawin. Tingnan ang halimbawa ng mga apostol na sina Pablo at Bernabe. Ganito ang sinasabi ng Bibliya noong mangaral sila sa sinagoga sa Iconio: “Dahil sa husay nilang magsalita, maraming Judio at Griego ang naging mananampalataya.” (Gawa 14:1) Ipinapakita lang niyan na naging ‘mahusay sa pagtuturo’ sina Pablo at Bernabe. (Basahin ang 2 Timoteo 4:2.) Kaya mahalagang sikapin ng lahat ng Kristiyano na maging mahusay rin sa pagtuturo.

Si Pablo na nagsasalita sa isang sinagoga. Nakikinig nang mabuti sa kaniya ang mga tao. Nasa malapit si Bernabe at masayang nakikinig habang nagtuturo siya.

Marami tayong matututuhan sa mga halimbawang ipinakita ni Jesus at ng mga alagad niya, gaya ng mga apostol na sina Pablo at Bernabe, para maging ‘mahusay tayo sa pagtuturo’ (Tingnan ang parapo 1)


2. Bakit posibleng maramdaman ng ilang Kristiyano na hindi nila kayang maging mahusay sa pagtuturo?

2 Baka maramdaman ng ilan na hindi nila kayang maging mahusay sa pagtuturo. Posibleng iniisip nila na wala silang masyadong pinag-aralan o na hindi lang talaga sila mahusay magpaliwanag. Naramdaman din iyan ng ilang lingkod ni Jehova sa Bibliya. (Ex. 4:10; Jer. 1:6) Nasisiraan naman ng loob ang ilan kasi hindi nagiging maganda ang resulta ng pangangaral nila kumpara sa ibang kapatid. Tandaan, hindi lahat ng makakausap natin sa ministeryo ay tatanggap ng mabuting balita. At hindi lang nakadepende sa sarili nating kakayahan ang magiging tugon ng mga tao. Gaya ng nabanggit na, sinisigurado ni Jehova at ng mga anghel na mahahanap natin ang mga tapat-puso. Pero ginagawa natin ang buong makakaya natin para masabi natin sa mga tao ang mensahe sa paraang magugustuhan nila. Para magawa iyan, tatalakayin sa artikulong ito ang tatlong paraan kung paano natin mapapahusay ang pagtuturo natin.

MAGMALASAKIT SA MGA TINUTURUAN MO

3. Bakit tumagos sa puso ng mga tao ang mga sinabi ni Jesus?

3 Sinasabi ng Bibliya na “alam [ni Jesus] kung ano ang nasa puso [ng tao].” (Juan 2:25) Ipinapakita niyan na alam ni Jesus ang iniisip ng mga tao at mga motibo nila. Tumagos sa puso ng mga tao ang itinuturo niya kasi naiintindihan niya kung ano ang kailangan nila. Nakita niya na gutom na gutom sila sa espirituwal at na masyado silang napapabigatan ng napakaraming tradisyon at batas ng tao. (Mat. 9:36; 23:4) Kaya kasama iyan sa mga paksang tinalakay ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok. Nakinig nang mabuti ang mga tao sa kaniya kasi tungkol sa mga pinagdadaanan nila ang mga sinabi niya.

4. Paano natin maipapakitang nagmamalasakit tayo sa mga tao? (Tingnan din ang mga larawan.)

4 Maipapakita natin sa mga taong nakakausap natin na nagmamalasakit tayo kapag sinisikap nating intindihin ang mga pinagdadaanan nila. Siguradong bawat taong nakakausap natin ay apektado ng masamang sistema ni Satanas. Kung tatandaan natin iyan, makakapagpakita tayo ng empatiya sa mga tao sa teritoryo natin. Halimbawa, may balita ba kamakailan na posibleng nakakaapekto sa mga tao sa teritoryo ninyo? Nag-aalala ba ang mga magulang sa kaligtasan ng mga anak nila habang nasa paaralan? Marami ba sa lugar ninyo ang nahihirapang maghanap ng trabaho? Pag-isipan kung gaano kahirap para sa mga taong hindi nakakaalam ng pag-asang nasa Bibliya na harapin ang mga problema nila sa panahong ito na “mapanganib at mahirap ang kalagayan.”​—2 Tim. 3:1; Isa. 65:​13, 14.

Collage: Isang sister na naghahanda para sa ministeryo. Pinag-iisipan niya ang mga sitwasyon ng mga makakausap niya sa teritoryo nila. 1. Isang nanay na yakap ang maliit niyang anak na lalaki. Iniiwas niya ito sa isang lalaki na nakataas ang kamao. 2. Isang kabataang babae na naninigarilyo. 3. Isang may-edad na babae na nag-aalala dahil sa sinasabi ng doktor niya tungkol sa kalusugan niya.

Sikaping unawain ang sitwasyon ng mga tinuturuan mo at ipakitang nagmamalasakit ka sa kanila (Tingnan ang parapo 4)


5. Bilang tagapagturo, paano naiiba si Jesus sa mga Pariseo? (Mateo 11:​28-30)

5 Nagmamalasakit si Jesus sa mga tagapakinig niya, at kitang-kita nila iyon sa paraan ng pakikitungo niya sa kanila. Talagang ibang-iba siya sa mga Pariseo; mababa ang tingin nila sa karaniwang mga tao at hinahamak nila ang mga ito! (Mat. 23:13; Juan 7:49) Pero si Jesus, mabait at may respeto sa mga taong ito. Siya ay “mahinahon at mapagpakumbaba,” at nakatulong iyan para maging mahusay siyang tagapagturo. (Basahin ang Mateo 11:​28-30.) Dapat din tayong maging mabait at magalang sa mga tinuturuan natin.

6. Paano natin magagawang maging mabait pa rin at magalang sa mga tumatanggi o kumokontra sa mensahe natin?

6 May ilan na tumatanggi o kumokontra pa nga sa mensahe natin. Ano ang dapat na maging reaksiyon natin? Tinuruan tayo ni Jesus na huwag gumanti. Pero bukod doon, may iba pa siyang ipinapagawa sa atin. Sinabi niya na “gawan ng mabuti ang mga napopoot sa [atin],” “pagpalain ang mga sumusumpa sa [atin],” at “ipanalangin [pa nga] ang mga umiinsulto sa [atin].” (Luc. 6:​27, 28) Magagawa natin iyan kung pag-iisipan natin ang mga posibleng dahilan kung bakit ayaw nilang makinig. Totoo, may mga tao talaga na gusto tayong patigilin sa pangangaral. Pero may mga tao rin na sadyang problemado lang sa pamilya o maraming iniisip at hindi naman talaga galit sa atin. Posible rin na hindi lang naging maganda ang araw nila. Anuman ang dahilan, dapat nating sundin ang payo na “laging maging mabait sa [ating] pananalita, na tinitimplahan ito ng asin, para malaman [natin] kung paano [tayo] dapat sumagot sa bawat isa.” (Col. 4:6) Kung may empatiya tayo sa iba at sinisikap nating intindihin ang sitwasyon nila, hindi tayo basta-basta maiinis at makakatulong iyon para maging mas mahusay tayong tagapagturo.

LAGING GAMITIN ANG SALITA NG DIYOS

7. Ano ang ginamit ni Jesus para turuan ang mga tao? (Juan 7:​14-16)

7 Hindi sariling kaalaman ang itinuro ni Jesus sa mga tao. Gumamit siya ng mga teksto sa Bibliya na makakatulong sa kanila, at ipinaliwanag niya iyon sa paraan na madali nilang maiintindihan at matatandaan. Sinasabi ng Bibliya na “nagtuturo siya sa kanila bilang isa na may awtoridad, at hindi gaya ng mga eskriba.” Dahil diyan, “hangang-hanga ang mga tao” sa pagtuturo niya. (Mar. 1:22; tingnan ang study note na “hindi gaya ng mga eskriba.”) Ibinabatay ng mga eskriba noong panahon ni Jesus ang mga turo nila sa sinasabi ng mga iginagalang na rabbi. Pero si Jesus, laging nakabatay sa Kasulatan ang mga itinuturo niya. Kung iisipin, Anak ng Diyos si Jesus at nanggaling siya sa langit, kaya puwede sana niyang gamitin ang lahat ng alam niya para pahangain ang mga nakikinig sa kaniya at maiparamdam pa nga sa kanilang wala silang alam. Pero hindi niya ginawa iyan. Sa halip, ginamit niya ang Kasulatan para ituro sa mga tao kung ano ang gusto ng Diyos na gawin nila. (Basahin ang Juan 7:​14-16.) Napakagandang halimbawa iyan para sa mga tagasunod ni Jesus.

8. Paano tinularan ni apostol Pedro si Jesus?

8 Lagi ring ginagamit ng mga alagad ni Jesus ang Salita ng Diyos kapag nagtuturo. Halimbawa, ginamit ni apostol Pedro ang Salita ng Diyos nang magturo siya sa harap ng maraming tao noong araw ng Pentecostes 33 C.E. Hindi mataas ang pinag-aralan ni Pedro, pero tumagos sa puso ng mga tagapakinig niya ang mga sinabi niya. Gumamit siya ng maraming teksto para ipakitang natupad kay Jesus ang mga hula sa Bibliya. (Gawa 2:​14-37) Ang resulta? “Nabautismuhan ang mga masayang tumanggap sa sinabi niya, at nang araw na iyon ay mga 3,000 ang nadagdag sa kanila.”​—Gawa 2:41.

9. Bakit dapat na lagi nating gamitin ang Salita ng Diyos kapag nagtuturo?

9 Bibliya lang ang may kapangyarihang bumago sa isang tao para mapasaya niya ang Diyos. (Heb. 4:12) Kaya dapat na lagi nating gamitin ang Bibliya kapag nagtuturo tayo. Gusto nating “ipangaral . . . ang salita ng Diyos,” hindi ang sarili nating mga ideya. (2 Tim. 4:2) Sinasabi sa Kawikaan 2:6: “Si Jehova mismo ang nagbibigay ng karunungan; sa bibig niya nagmumula ang kaalaman at kaunawaan.” Kaya kapag ginagamit natin ang Bibliya, para bang si Jehova mismo ang pinagsasalita natin. (Mal. 2:7) Gusto nating malaman ng mga tao na di-hamak na nakahihigit ang karunungang nasa Bibliya kumpara sa karunungan ng mga tao. Mula ito sa Diyos, at itinuturo nito sa atin ang mga kailangan nating gawin para mapasaya ang Maylalang natin at magkaroon ng masaya at makabuluhang buhay.​—2 Tim. 3:​16, 17.

10. Paano natin magagamit nang mabuti ang Bibliya kapag nagba-Bible study?

10 Kapag naghahanda para sa Bible study, pag-isipan kung paano mo magagamit nang mabuti ang mga teksto sa Bibliya. Dapat makita ng estudyante mo na Bibliya mismo ang pinag-aaralan ninyo at na pantulong lang ang mga larawan at video. Kaya basahin ang mga tekstong sa tingin mo ay makakatulong sa tinuturuan mo na maintindihan ang pangunahing punto. Pagkatapos, tulungan siyang makita ang aral sa mga iyon. Kapag gumagamit ng mga larawan at video, siguraduhing naiintindihan ng estudyante mo ang mga prinsipyo sa Bibliya na itinuturo nito. Hindi mo kailangang magsalita nang magsalita o bumasa ng napakaraming teksto para magawa iyan. Kailangan mo lang bigyan ng panahon ang estudyante mo na mapag-isipan at maintindihan ang binasa ninyong teksto. Kung minsan, baka kailangan pa nga ninyong basahin ulit iyon. Kung gagawin natin ang mga iyan, ipinapakita nating sa Bibliya talaga galing ang mga itinuturo natin, hindi sa isang aklat, larawan, o video.​—1 Cor. 2:13.

11-12. (a) Paano tayo magiging matiyaga sa mga tinuturuan natin? (Gawa 17:​1-4) (Tingnan din ang larawan.) (b) Ano ang hindi alam ng ilan tungkol sa Bibliya, at paano natin sila matutulungan?

11 Kung nahihirapan ang tinuturuan mo na tanggapin ang isang katotohanan, tandaan na dapat mong ‘ipangaral ang salita ng Diyos nang may pagtitiis,’ o pagtitiyaga. Hindi pare-pareho ang pagsulong ng mga bina-Bible study natin. May ilang turo na baka sa tingin natin ay madali lang pero hindi agad naiintindihan ng iba. Halimbawa, noong nagturo si Pablo sa mga Judio sa Tesalonica, hindi nila agad iyon naintindihan. Kinailangan niyang mangatuwiran sa kanila nang maraming beses gamit ang Kasulatan para maintindihan nila ang punto niya.​—Basahin ang Gawa 17:​1-4.

12 Baka maisip natin na mas madali kung tayo na lang ang laging magpapaliwanag. Pero maipapakita nating matiyaga tayo kung sisikapin nating magtanong hanggang sa makuha ng tinuturuan natin ang punto. Makinig nang mabuti at alamin kung ano talaga ang nasa isip nila. Pagkatapos, basahin at pag-usapan ang mga tekstong makakatulong para maintindihan nila ang kaisipan ng Diyos sa isang bagay. Pag-isipan din ito: May mga tao na hindi pamilyar at walang kaide-ideya sa nilalaman ng Bibliya. Puwede mong gamitin ang “Introduksiyon sa Salita ng Diyos,” na nasa bandang unahan ng Bagong Sanlibutang Salin, para magkaideya sila na napakarami palang matututuhan sa Bibliya. Pagkatapos, puwede mo ring ipakita na magagamit nila sa buhay nila ang nilalaman nito gamit ang isa o dalawang teksto sa tanong 15 na tungkol sa pagkakaroon ng masayang buhay. Sa maikli, kung maipapakita mo sa tinuturuan mo kung gaano kahalaga ang mga itinuturo ng Bibliya, magiging mas epektibo ang pagtuturo mo.

Ang sister sa naunang larawan na bina-Bible study ang kabataang babae na naninigarilyo. Nakaupo sila sa isang bench sa labas. Nakikinig nang mabuti ang sister habang sinasabi ng babae ang niloloob niya.

Ang isang mahusay na tagapagturo ay nakikinig nang mabuti at hindi salita nang salita (Tingnan ang parapo 11-12)


MAGPOKUS KAY JEHOVA

13. Kapag nagtuturo tayo, kanino dapat mapunta ang atensiyon? Magbigay ng ilustrasyon.

13 Ang gusto natin, makilala ng mga bina-Bible study natin si Jehova at maging malapít sila sa kaniya. (Sant. 4:8) Maikukumpara natin ang gawain natin sa trabaho ng isang lighting technician sa teatro. Itinatapat niya ang spotlight sa mga aktor sa entablado, hindi sa sarili niya. Dapat na ganiyan din ang gawin natin kapag nagtuturo tayo. Hindi dapat mapunta sa atin ang atensiyon, kundi kay Jehova.

14. Paano natin tutulungan ang estudyante natin na mapasaya si Jehova?

14 Tulungan ang bina-Bible study mo na mahalin si Jehova. Kapag nagawa mo iyan, gugustuhin niya na mapasaya ang Diyos. (Kaw. 27:11) Hindi mo lang basta ituturo sa kaniya ang mga dapat at hindi niya dapat gawin, na para bang sumasali lang siya sa isang club. Gusto mo na gumawa siya ng mga pagbabago dahil gusto niyang mapasaya si Jehova. Halimbawa, kung may pinaglalabanan siyang bisyo, puwede mong itanong sa kaniya: “Bakit ayaw ni Jehova ang gawaing ito? Bakit kaya hinihiling ni Jehova na itigil mo ang isang bagay na nae-enjoy mo? Paano ipinapakita ng utos na ito ni Jehova na mahal ka niya?” Kapag tinulungan mo ang estudyante mo na laging isipin si Jehova at ang mga katangian Niya, mas magiging kumbinsido siya na mahal siya ni Jehova. Dahil diyan, mamahalin din niya si Jehova at gugustuhin niyang mapasaya ang Diyos.

PATULOY NA PAHUSAYIN ANG PAGTUTURO MO

15. Ano ang puwede mong gawin para maging mas mahusay sa pagtuturo?

15 Puwede mong hilingin kay Jehova na tulungan kang suriin ang kakayahan mong magturo at makita kung ano pa ang puwede mong pasulungin. (1 Juan 5:14) Bukod sa pananalangin, seryosohin din ang pagsasanay na ibinibigay ni Jehova sa mga pulong. At kapag nagba-Bible study, puwede kang magsama ng mga kapatid na mahusay magturo. Pagkatapos, humingi sa kanila ng payo. Pag-isipan din ang mga posibleng alam at hindi alam ng inaaralan mo sa paksang pag-uusapan ninyo. Ilagay mo ang sarili mo sa posisyon niya. Pagkatapos, tulungan siyang makita ang kahalagahan ng mga natututuhan niya, pati na ang magagandang pangako ng Diyos. Makakatulong iyan para magkaroon siya ng malapít na kaugnayan kay Jehova at maging tunay na masaya.​—Awit 1:​1-3.

16. Paano tayo makikinabang kung patuloy nating pahuhusayin ang kakayahan natin sa pagtuturo?

16 Isa sa pinakamasayang bagay na puwede nating maranasan ngayon ay ang turuan ang iba tungkol kay Jehova. At sa bagong sanlibutan, mas marami pa tayong tuturuan. Kaya magmalasakit tayo sa mga tao, lagi nating gamitin ang Salita ng Diyos, at magpokus kay Jehova habang ipinapangaral natin ang mabuting balita. Kung gagawin natin iyan, magiging mas mahusay tayo sa pagtuturo.

PAANO MO MAIPAPAKITANG . . .

  • nagmamalasakit ka sa mga tinuturuan mo?

  • lagi mong ginagamit ang Salita ng Diyos?

  • nagpopokus ka kay Jehova?

AWIT BLG. 65 Sulong Na!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2026)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2026 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share