MAYO 18-24, 2026
AWIT BLG. 35 Unahin ang mga Bagay na Mas Mahalaga
Iwasan ang mga Puwedeng Makagambala sa Iyo
“Patuloy ninyong alamin kung ano ang kalooban ni Jehova.”—EFE. 5:17.
MATUTUTUHAN
Kung paano makakapagpokus sa mga espirituwal na gawain kahit may mga panggambala.
1-2. Paano puwedeng maging panggambala ang isang importanteng bagay?
KAILAN mo huling naiwasan ang isang panggambala? Baka may isang bagay na nakakuha ng atensiyon mo habang may ginagawa ka, kaya kailangan mong pumili kung alin ang uunahin. Halimbawa, biglang may tumawag sa iyo habang nagmamaneho ka. Baka importante naman ang tawag na iyon. Pero alam mong makakagambala iyon sa iyo at na mas mahalagang magpokus ka muna sa pagmamaneho.
2 Marami rin tayong importanteng bagay na kailangang gawin. Pero alam nating ang pag-una sa mga espirituwal na gawaina ang pinakamahalaga. (Mat. 6:33) Kaya masasabing gaya ng maiingat na driver ang mga lingkod ni Jehova. Inaalam natin ang mga puwedeng makagambala sa pag-una natin sa mas mahahalagang bagay habang nasa daan tayo ng buhay.—Kaw. 4:25; Mat. 6:22.
3. Paano makakatulong sa atin ang artikulong ito?
3 Gusto nating lahat na makapagpokus sa mga espirituwal na gawain. Pero may mga bagay na puwedeng makagambala sa atin. (Luc. 21:34-36) Kaya makakatulong ang artikulong ito para makapagpokus tayo sa paglilingkod kay Jehova. Tatalakayin natin (1) ang mga puwedeng makagambala sa atin, (2) ang mga ginawa ni Jesus para hindi mawala ang pokus niya, at (3) ang mga puwede nating gawin para hindi tayo magambala.
ANG MGA PUWEDENG MAKAGAMBALA SA ATIN
4-6. Ano ang mga puwedeng makagambala sa atin?
4 Marami tayong mahahalagang bagay na kailangang asikasuhin. Halimbawa, baka may problema tayo sa kalusugan. Baka may mga kailangan tayong gawin para sa pamilya o sa sarili natin. Siyempre, importante ang mga iyan at kailangan nating paglaanan ng panahon. Pero puwede bang makagambala sa atin ang mga iyan? Oo, kung lagi na lang nating iisipin ang mga iyan at kung mauubos na diyan ang panahon natin.
5 Marami rin sa atin ngayon ang personal na naaapektuhan ng mga kaguluhan sa politika, problema sa ekonomiya, pagkalat ng sakit, at mga nangyayaring karahasan sa mundong ito. (2 Tim. 3:1) Kapag nararanasan natin mismo ang mga iyan, baka sobra tayong mag-alala at lagi na lang iyan ang maisip natin.
6 Baka may mga kakilala kang nakaranas na ng mga iyan. Baka nakita mong talagang nagbago ang buhay nila dahil diyan, kaya sobrang problemado sila sa nangyari sa kanila. Hindi tayo nilalang ni Jehova para makaranas ng pagdurusa o sobrang stress. Kaya puwedeng maramdaman ng ilan na napagkaitan sila ng isang normal na buhay dahil sa mga pinagdadaanan nila. Dahil diyan, inuubos nila ang panahon nila sa paglilibang at pagre-relax para mabawasan ang stress nila. Ano ang puwede nating gawin kapag nasa ganiyang sitwasyon tayo? Makakatulong sa atin ang halimbawa ni Jesus. Tingnan natin ang mga ginawa niya para hindi mawala ang pokus niya sa pagsamba kay Jehova.
ANG MGA GINAWA NI JESUS PARA HINDI MAWALA ANG POKUS NIYA
7. Anong mga bagay ang puwedeng makapag-alis ng pokus ni Jesus noon?
7 Maraming bagay noon ang puwedeng makapag-alis ng pokus ni Jesus sa pagsamba kay Jehova. Noong panahon niya, may mga problema sa lipunan at politika. Marami ring Judio ang mahihirap at may sakit. (Mat. 14:14; Mar. 14:7) Nakaranas sila ng kawalang-katarungan mula sa mga Romano at kapuwa nila Judio. Kaya nang makita ng mga tao na may kapangyarihan at kakayahan si Jesus na gumawa ng mga himala, gusto nila siyang gawing hari. (Juan 6:14, 15) Tinukso rin ni Satanas si Jesus nang inialok nito sa kaniya ang lahat ng awtoridad at kaharian sa mundo. (Mat. 4:8, 9) At noong malapit nang mamatay si Jesus, posible ring makapag-alis sa pokus niya ang sinabi ni Pedro, na isa sa pinakamalalapít niyang kaibigan: “Maging mabait ka sa sarili mo, Panginoon.”—Mat. 16:21, 22.
8. Ano ang mga ginawa ni Jesus para hindi mawala ang pokus niya?
8 Ano ang mga ginawa ni Jesus para hindi mawala ang pokus niya? Una, tinularan niya ang pag-iisip ni Jehova. (Juan 8:28; 14:9) Ikalawa, naging abala siya sa mga espirituwal na gawain, gaya ng pangangaral at pagtuturo. (Mat. 9:35) At ikatlo, nagpokus siya sa mas mahahalagang bagay. (Juan 4:34) Tinanggihan agad ni Jesus ang mga tukso ni Satanas. At hindi siya nagpaapekto sa sinabi ni Pedro kahit maganda naman ang intensiyon nito. (Mat. 4:10; 16:23) Hindi hinayaan ni Jesus na makagambala sa paggawa niya ng kalooban ng Diyos ang mga iniisip, sinasabi, at ginagawa ng mga tao. Sa ngayon, posibleng iba sa mga naranasan ni Jesus ang mga bagay na puwedeng makagambala sa atin. Pero malalabanan natin ang mga iyan kung tutularan natin si Jesus.
ANG MGA PUWEDE NATING GAWIN PARA HINDI MAGAMBALA
9. Ayon sa Efeso 5:17, ano ang kailangan nating gawin?
9 Tularan ang paraan ng pag-iisip ni Jehova. Kung gagawin natin iyan, ‘malalaman natin kung ano ang kalooban ni Jehova.’ (Basahin ang Efeso 5:17.) Matututuhan natin ang gusto ni Jehova kung babasahin natin ang Bibliya at bubulay-bulayin natin ang mga sinasabi nito. Magagawa natin iyan kahit walang espesipikong sinasabi ang Bibliya tungkol sa sitwasyon natin. Paano? Kung magiging pamilyar tayo sa paraan ng pag-iisip ni Jehova at kung magpapagabay tayo sa kaniya.
10. Paano natin matutularan ang paraan ng pag-iisip ni Jehova?
10 Matutularan natin ang paraan ng pag-iisip ni Jehova kung pag-aaralan natin ang Bibliya at pag-iisipan kung paano niya pinakitunguhan ang mga tao. (Jer. 45:5) Habang binabasa ang mga ulat, puwede mong pag-isipan ang mga ito: ‘Ano ang matututuhan ko dito tungkol kay Jehova? Paano ko matutularan ang paraan ng pag-iisip ni Jehova sa ulat na ito?’ Alam nating mas mataas ang paraan ng pag-iisip ni Jehova kaysa sa atin. (Isa. 55:9) Kaya dapat lang na hingin natin ang tulong niya para magawa ang kalooban niya. (Awit 143:10) Ipinapanalangin din natin na tulungan niya tayong maintindihan at matularan ang paraan ng pag-iisip niya.—1 Juan 5:14.
11. Ano ang ayaw ni Jehova na mangyari sa atin?
11 Habang natututuhan natin ang paraan ng pag-iisip ni Jehova, maiintindihan natin na ayaw niyang mawala ang pokus natin sa paglilingkod. Gusto niya na maging handa tayo para sa wakas. (Mat. 24:44) Ayaw niya na masyado tayong mag-alala. (Mat. 6:31, 32) Kaya may mga payo siya sa atin para makayanan natin ang mga alalahanin natin sa kalusugan, trabaho, tirahan, pamilya, o iba pa. Gusto niya na humingi tayo sa kaniya ng karunungan at lakas para maharap natin ang mga problema natin.—Awit 55:22; Kaw. 3:5-7.
12. Paano tayo magiging masaya kahit may masasamang nangyayari sa mundo ngayon? (Mateo 5:3)
12 Maging abala sa mga espirituwal na gawain. Lahat tayo, nag-aalala sa mga nangyayari sa mundo ngayon. Hindi natin kontrolado ang mga bagay na iyan. Kaya para hindi iyan makagambala sa atin, magpokus sa mga espirituwal na gawain. Nilalang tayo ni Jehova na may pangangailangang maging malapít sa kaniya, kaya magiging masaya tayo kung diyan tayo magpopokus. (Basahin ang Mateo 5:3.) Paano natin masasapatan ang pangangailangang iyan? Magagawa natin iyan kung pag-aaralan natin ang Bibliya para mas makilala natin si Jehova at kung ibibigay natin ang buong makakaya natin para paglingkuran siya. Mapapasaya natin siya kapag ginawa natin iyan, kasi ginagamit natin nang tama ang oras natin.—Kaw. 23:15.
13. Paano natin magagamit “sa pinakamabuting paraan ang oras [natin]”?
13 Bilang mga Kristiyano, gusto nating gamitin “sa pinakamabuting paraan ang oras [natin].” (Efe. 5:15, 16; tingnan ang study note na “gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.”) Sa payong iyan ng Bibliya, hindi lang tayo sinasabihan na maging mas matalino sa paggamit ng oras sa araw-araw na mga gawain. Tinutulungan din tayo niyan na pag-isipan kung paano natin dapat gamitin ang oras natin bago dumating ang wakas ng sistemang ito. Kaya paano natin magagamit sa pinakamabuting paraan ang oras natin? Kung uubusin natin ang panahon natin sa masasamang balita, baka mawala ang pokus natin, masiraan tayo ng loob, o mabawasan ang sigasig natin. Kaya magandang limitahan ang dami ng balitang pinapanood o binabasa natin. Maiiwasan nating sobrang mag-alala, at makakapagpokus tayo sa mga espirituwal na gawain na magpapatibay sa atin. Makakatulong din kung maghahanap tayo ng mga paraan para mapalawak ang ministeryo natin, gaya ng mas maraming pagdalaw-muli. Alam nating napakahalagang samantalahin ang bawat pagkakataon para tulungan ang mga tao na ‘maligtas at magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.’—1 Tim. 2:4.
14. Paano makakatulong sa atin ang pagiging abala sa mga espirituwal na gawain? (Tingnan din ang larawan.)
14 Kung abala tayo sa mga espirituwal na gawain, mapapanatili natin ang tamang pananaw sa panahong kinabubuhayan natin. Kahit nakikita natin ang mga kaguluhan sa politika, problema sa ekonomiya, at pagkalat ng sakit sa mundong ito, hindi tayo sobrang nag-aalala. Alam nating mangyayari talaga ang mga iyan kasi inihula na ang mga iyan sa Bibliya. Kaya imbes na matakot, tumitibay ang tiwala natin na mangyayari ang layunin ni Jehova. At makakapanatili tayong kalmado kasi alam nating tutulungan tayo ni Jehova na magtiis.—Awit 16:8; 112:1, 6-8.
Kahit napakaraming masasamang nangyayari sa mundo, maging abala sa mga espirituwal na gawain (Tingnan ang parapo 14)b
15. Bakit mahalaga na magkaroon tayo ng “matinong pag-iisip”? (1 Pedro 4:7)
15 Magpokus sa mas mahahalagang bagay. Nakapokus ang karamihan ng mga tao ngayon sa paglilibang, hindi sa paparating na wakas ng sistemang ito. Hindi naman masamang mag-relax, pero kailangan nating magkaroon ng “matinong pag-iisip” para hindi tayo maimpluwensiyahan ng paraan ng pag-iisip ng mundo. (Basahin ang 1 Pedro 4:7.) Paano natin maipapakitang may matinong pag-iisip tayo? Magagawa natin iyan kung hindi natin uubusin ang oras natin sa paglilibang at kung pag-iisipan muna nating mabuti ang mga gagawin nating desisyon. Makikita sa mga desisyon natin diyan kung tinutularan natin ang paraan ng pag-iisip ni Jehova at kung nakapokus tayo sa mas mahahalagang bagay.—2 Tim. 1:7.
16. Saan nagpokus si Jesus noong malapit na siyang mamatay?
16 Hindi hinayaan ni Jesus na mawala ang pokus niya sa mas mahahalagang bagay. Kahit naghihirap na ang kalooban niya at malapit na siyang mamatay, alam pa rin niya kung ano ang dapat niyang gawin—manatiling tapat kay Jehova at gawin ang kalooban Niya. Kaya nanatiling gising si Jesus at nanalangin nang mas marubdob. Hindi iyan nagawa ng mga alagad niya. Nakatulog sila dahil “pagod [sila] sa pamimighati.”—Luc. 22:39-46; Juan 19:30.
17. Bakit marami ang gumagamit ng social media, at ano ang puwedeng maging epekto nito sa kanila? (Tingnan din ang larawan.)
17 Gaya ng mga alagad ni Jesus, puwede rin tayong mag-alala paminsan-minsan. Baka ma-stress tayo dahil sa mga pangyayari sa mga huling araw na ito. At para matakasan iyan, marami ang gumagamit ng social media. Nagagamit nila iyan para makausap ang mga kaibigan at kapamilya nila kahit malayo ang mga ito. Nakakapag-share sila ng mga balita, picture, at iba pa. Marami rin silang mapapanood na video at malalarong games. Pero sa dami ng bagong lumalabas sa social media, puwedeng maubos ang lakas at oras nila dito. Kaya para hindi natin matularan ang tingin nila sa social media, puwede nating tanungin ang sarili natin, ‘Nare-relax ba talaga ako kapag gumagamit ako ng social media, o nawawala na ako sa pokus dahil dito?’
Para hindi mawala ang pokus natin, dapat tayong maging matalino sa paggamit ng social media, paglilibang, at pagre-relax (Tingnan ang parapo 17)
18. Bakit dapat tayong maging matalino sa pagpili ng libangan at sa dami ng panahong gagamitin natin para dito?
18 Kailangan nating maging matalino sa pagpili ng mga video game, pati na ng papanooring mga pelikula, serye, at maiikling video online. Masaya namang gawin ang mga iyan at makakatulong din iyan para mabawasan ang stress natin. Pero kailangan din nating pag-isipang mabuti kung anong klaseng libangan ang pinipili natin at kung gaano karaming oras ang ginagamit natin diyan. Halimbawa, pagkatapos mong panoorin ang isang video, baka may lilitaw na mga bagong video. Kaya baka matukso kang manood nang tuloy-tuloy, at posible pa ngang may imoralidad o karahasan sa mga video na iyon. Iyan ang nangyari sa isang brother sa Asia. Noong una, nanonood lang siya ng mga video clip ng mga pelikula sa social media. Habang tuloy-tuloy niyang ginagawa iyan, nakakapanood na siya ng mga imoral na eksena. Di-nagtagal, nanonood na rin siya ng pornograpya. Pero sa tulong ng mga elder at ng malalapít na kaibigan niya, naihinto niya iyon. Tinanggal na rin niya ang ilang app sa phone niya at nilimitahan ang paggamit nito. Makikita sa karanasang iyan ang kahalagahan ng matalinong pagpili ng libangan.
19. Ano ang puwedeng mangyari kung masyadong maraming oras ang ginagamit natin sa pagre-relax o pagbabakasyon?
19 Kailangan din nating pag-isipang mabuti ang dami ng oras na gagamitin natin sa pagre-relax o pagbabakasyon. Nakakatulong naman ang mga iyan paminsan-minsan. Mahalagang makapagpahinga tayo, at makakatulong iyan para mabawasan ang stress natin. Pero kung masyadong maraming oras ang gagamitin natin para diyan, baka wala na tayong panahon para sa mas mahahalagang bagay. (Fil. 1:10) Tayo ang dapat magpasiya kung saan natin gagamitin ang oras natin at kung gaano karaming oras ang gagamitin natin para doon. Kapag nagpapasiya, tanungin ang sarili: ‘Pinag-iisipan ko bang mabuti ang dami ng oras na ginagamit ko sa pagre-relax at pagbabakasyon? Inuuna ko ba ang mas mahahalagang bagay at inihahanda ang sarili ko para sa wakas?’
20. Paano tayo makikinabang kung hindi natin hahayaang mawala ang pokus natin sa pagsamba?
20 Makikinabang tayo kung hindi natin hahayaang mawala ang pokus natin sa mga espirituwal na gawain. (Isa. 48:17) Sa tulong ni Jehova, makakayanan natin ang mga hamon sa buhay. Hindi tayo sobrang mag-aalala sa mga nangyayari sa mundo. At maiiwasan nating maubos ang oras natin sa paglilibang. Kaya maging determinadong tularan ang paraan ng pag-iisip ni Jehova. Maging abala rin tayo sa mga espirituwal na gawain, at manatili tayong nakapokus sa mas mahahalagang bagay. Kung gagawin natin iyan, ‘makakapanghawakan tayong mahigpit sa tunay na buhay.’—1 Tim. 6:19.
AWIT BLG. 129 Hindi Tayo Susuko
a KARAGDAGANG PALIWANAG: Tumutukoy ang mga espirituwal na gawain sa anumang ginagawa natin para sa pagsamba natin kay Jehova, gaya ng pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa mga pulong, family worship, at pakikibahagi sa ministeryo. Sumasamba rin tayo kay Jehova kapag tumutulong tayo sa pagmamantini at pagtatayo ng mga lugar ng pagsamba, sumusuporta tayo sa relief work, nagboboluntaryo tayo sa mga kombensiyon, o naglilingkod tayo sa Bethel.
b LARAWAN: Isang mag-asawa na abala sa pangangaral ng mabuting balita at hindi nagpapagambala sa masasamang nangyayari sa mundo.