Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w26 Pebrero p. 8-13
  • Ang Kahulugan at Kahalagahan ng Bautismo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kahulugan at Kahalagahan ng Bautismo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANG KAHULUGAN NG BAUTISMO
  • KUNG PAANO GINAGAWA ANG BAUTISMO
  • “SA PANGALAN NG AMA AT NG ANAK AT NG BANAL NA ESPIRITU”
  • Bautismo​—Isang Napakagandang Goal!
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Bautismo—Kahilingan Para sa mga Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Ano ang Bautismo?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Bakit ba Magpapabautismo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
w26 Pebrero p. 8-13

ABRIL 13-19, 2026

AWIT BLG. 52 Kristiyanong Pag-aalay

Ang Kahulugan at Kahalagahan ng Bautismo

“Gumawa [kayo] ng mga alagad . . . , na binabautismuhan sila.”​—MAT. 28:19.

MATUTUTUHAN

Ang kahulugan ng bautismo, ang kahalagahan nito, at kung paano ito ginagawa.

1. Bakit natin masasabi na isang pangunahing turo ng Bibliya ang bautismo?

MASAYANG-MASAYA tayo kapag may mga nababautismuhan! Iyan din ang naramdaman ng mga unang Kristiyano nang makita nilang maraming nagpabautismo noong Pentecostes 33 C.E. Nagkaroon doon ng pahayag kung saan ipinaliwanag ang kahalagahan ng bautismo. (Gawa 2:​38, 40, 41) Isinulat ni apostol Pablo na kasama sa “unang mga doktrina tungkol sa Kristo” ang “turo tungkol sa mga bautismo.” (Heb. 6:​1, 2) Kaya isang pangunahing turo ng Bibliya ang bautismo, at dapat natin itong maintindihang mabuti. Bakit iyan makakatulong sa atin?

2. Bakit kailangan nating maintindihang mabuti ang tungkol sa bautismo?

2 Kailangan ng matibay na pundasyon para maging matatag ang isang bahay. Kailangan din nating maintindihang mabuti ang tungkol sa bautismo para maging matatag ang pananampalataya natin. Mahalagang maintindihan natin iyan, bautisado man tayo o hindi pa. Sa artikulong ito, sasagutin natin ang mga tanong na ito: Ano ang kahulugan ng bautismo? Paano ito ginagawa? At bakit tayo nagpapabautismo sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng banal na espiritu?

ANG KAHULUGAN NG BAUTISMO

3. Ano ang kahulugan ng bautismo?

3 Sa pagpapabautismo mo, ipinapakita mo sa lahat na (1) tinanggap mo na ang katotohanan tungkol sa Diyos na Jehova at kay Kristo Jesus, (2) pinagsisihan mo na ang mga kasalanan mo, (3) gumawa ka na ng mga pagbabago para paglingkuran si Jehova, (4) kinikilala mo nang maliligtas ka tangi lang sa pamamagitan ni Jesus, at (5) ipinangako mo na sa Diyos sa panalangin na gagawin mo ang kalooban niya kasama ng organisasyon niya. Pagkatapos mong gawin ang pag-aalay na iyan at nagpabautismo ka na, nagsimula ka nang maglakad sa daan papunta sa buhay na walang hanggan.

4. Ano ang ibig sabihin ng paglulubog sa atin sa tubig kapag nagpabautismo tayo? (Tingnan din ang larawan.)

4 Kapag nagpabautismo ka, inilulubog ka sa tubig at iniaahon.a Ikinukumpara iyan sa paglilibing at pagkabuhay-muli. (Ihambing ang Colosas 2:12.) Inilalarawan ng bautismo mo ang malalaking pagbabagong ginawa mo sa buhay. Bakit natin nasabi iyan? Kapag inilubog ka sa tubig, ipinapakita niyan na inihinto mo na ang dati mong paraan ng pamumuhay. At kapag iniahon ka na, ipinapakita niyan na nagbagong-buhay ka na at pinakamahalaga na sa buhay mo ang paggawa ng kalooban ng Diyos.

Collage: Isang lalaking binabautismuhan pagkatapos niyang gumawa ng mga pagbabago. 1. Excited siya habang nanonood ng boxing sa TV. 2. Naninigarilyo siya. 3. Naglalasing siya. 4. Paglipas ng panahon, binabautismuhan na siya sa isang pool.

Ipinapakita ng bautismo mo na inihinto mo na ang dati mong paraan ng pamumuhay at na pinakamahalaga na sa buhay mo ang paggawa ng kalooban ng Diyos (Tingnan ang parapo 4)


5. Bakit maikukumpara ang paghahanda mo para sa bautismo sa pagtatayo ni Noe ng arka? (1 Pedro 3:​18-21)

5 Basahin ang 1 Pedro 3:​18-21. Maikukumpara ang ginagawa mong paghahanda para sa bautismo sa ginawa ni Noe para maitayo ang arka. Kung nagsisimula ka pa lang mag-aral ng Bibliya, baka maisip mong napakarami mo pang kailangang gawin at na kasinghirap iyon ng pagtatayo ng arka. Kailangan mo ba talagang gawin iyan? Oo. Kinailangang sundin ni Noe ang lahat ng utos ng Diyos sa pagtatayo ng arka para makaligtas sa baha. Pero dahil nanampalataya si Noe kay Jehova at umasa sa tulong Niya, naitayo niya ang arka. Gaya ni Noe, kaya mo ring magawa “ang lahat ayon sa iniutos ng Diyos” pagdating sa paghahanda sa bautismo.​—Gen. 6:22.

6. Paano tayo inililigtas ng bautismo?

6 Sa 1 Pedro 3:​21, sinabi ni apostol Pedro na “nagliligtas” ang bautismo. Hindi naman ibig sabihin nito na kapag nalubog na tayo sa tubig, ligtas na tayo at awtomatiko nang mawawala ang mga kasalanan natin. Mapapatawad lang ang mga kasalanan natin sa pamamagitan ng pantubos. (1 Juan 1:7) Pero mahalaga pa rin ang bautismo kasi kasama iyan sa mga utos ng Diyos at maituturing iyan na “paghiling [natin] sa Diyos ng isang malinis na konsensiya.” Masaya si Jehova na ibigay ang hiling natin at patawarin ang mga kasalanan natin. Kaya masasabing inililigtas tayo ng bautismo kasi dahil diyan, posible na tayong magkaroon ng buhay na walang hanggan.

KUNG PAANO GINAGAWA ANG BAUTISMO

7. Paano ginagawa ang bautismo?

7 Bukod sa pagsasabing kailangang malubog sa tubig ang isa, halos wala nang ibang sinasabi ang Bibliya tungkol sa mga dapat gawin sa bautismo. Pero matutulungan pa rin tayo nito na malaman kung ano ang magandang gawin. Halimbawa, may mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong pagdating sa pananamit ng mga babautismuhan at sa pagkilos ng mga manonood. (1 Cor. 14:40; 1 Tim. 2:9) Karaniwan nang elder ang naglulubog sa mga babautismuhan; iniiwasan nating ituring na espesyal ang mga elder na may pribilehiyong gawin ito. (1 Cor. 1:​14, 15) At katanggap-tanggap ang bautismo marami man ang nakapanood nito o kaunti lang.​—Gawa 8:36.

8. Anong dalawang tanong ang dapat sagutin ng mga kandidato sa bautismo, at bakit? (Gawa 2:​38-42) (Tingnan din ang larawan.)

8 Sinasabi ng Bibliya na dapat nating ‘hayagang sabihin’ ang pananampalataya natin para maligtas. (Roma 10:​9, 10; tingnan ang study note na “hayagan mong sinasabi.”) At tama lang na gawin natin iyan sa panahon ng bautismo natin. Dahil diyan, may dalawang tanong na dapat sagutin ang mga kandidato sa bautismo. Ang una: “Pinagsisihan mo na ba ang iyong mga kasalanan, inialay ang sarili mo kay Jehova, at tinanggap ang pagliligtas niya sa pamamagitan ni Jesu-Kristo?” Nakapokus ang tanong na ito sa mga paghahandang ginawa ng isa para mabautismuhan siya. May pagkakatulad iyan sa sinabi ni Pedro sa mga tao noong Pentecostes. Ang ikalawa: “Nauunawaan mo ba na ang iyong bautismo ay nagpapakitang isa ka nang Saksi ni Jehova at bahagi ka na ng organisasyon ni Jehova?” Ipinapaalala ng tanong na ito na dapat nating tuparin ang pag-aalay natin sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tagubilin ng organisasyon ni Jehova at pagsamba sa kaniya kasama ng mga kapuwa natin Kristiyano. Iyan din ang ginawa ng mga nabautismuhan noong Pentecostes. (Basahin ang Gawa 2:​38-42.) Kuwalipikadong mabautismuhan ang mga buong pusong sasagot ng “oo” sa dalawang tanong na ito.

Mga kandidato sa bautismo na iba-iba ang edad at nakatayo sa bandang harapan ng isang asam­blea. Hayagan nilang sinasabi ang pananampalataya nila.

Sa bautismo mo, “hayagan mong sinasabi” ang pananampalataya mo (Tingnan ang parapo 8)d


9. Ano ang kailangang gawin ng lahat para maging katanggap-tanggap kay Jehova?

9 Bago mo pa nalaman ang katotohanan, baka isa ka nang mabuting tao at hindi ka gumagawa ng malulubhang kasalanan. O baka Saksi ang mga magulang mo, kaya bata ka pa lang, mahal mo na si Jehova. Kailangan mo pa rin bang magsisi at magpabautismo para maging katanggap-tanggap kay Jehova? Oo. Alam nating nagmana tayong lahat ng kasalanan at na hindi lahat ng ginagawa natin, nakakapagpasaya sa kaniya. (Awit 51:5) Pero habang mas nakikilala natin si Jehova, pinipili nating unahin ang kalooban niya imbes na ang gusto natin. Dahil diyan, pinagsisisihan natin ang mga ginawa natin na ayaw ni Jehova, inihihinto ang mga iyon, at ginagawa na natin ang mga nagpapasaya sa kaniya. Pagkatapos, puwede na tayong mabautismuhan.​—Gawa 3:19.

10. Ano ang dapat mong gawin kahit nabautismuhan ka na noon sa ibang relihiyon?

10 Kung nabautismuhan ka na noon sa ibang relihiyon, kailangan mo pa ring mabautismuhan bilang isang Saksi ni Jehova. Bakit? Kasi wala ka pang sapat na kaalaman noon tungkol kay Jehova at kay Jesus. At kahit inialay mo na noon ang sarili mo sa Diyos sa panalangin, hindi nakabatay ang pangako mo sa tamang pagkaunawa sa kalooban niya. Nang makilala ni Pablo ang mga taga-Efeso na nabautismuhan noon nang walang tamang kaalaman tungkol kay Jesus, isinaayos niyang mabautismuhan silang muli.b (Gawa 19:​1-5) Ganiyan din sa ngayon. Katanggap-tanggap lang ang bautismo ng isa kung ginawa niya iyon nang may tumpak na kaalaman tungkol sa kalooban ni Jehova.

“SA PANGALAN NG AMA AT NG ANAK AT NG BANAL NA ESPIRITU”

11. Ano ang ibig sabihin ng pagpapabautismo “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu”? (Mateo 28:​18-20)

11 Iniutos ni Jesus na dapat mabautismuhan ang mga bagong alagad “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Basahin ang Mateo 28:​18-20.) Ano ang ibig niyang sabihin? Sa Bibliya, ang salitang “pangalan” ay madalas na tumutukoy sa reputasyon ng isa. Puwede rin itong tumukoy sa posisyon at awtoridad niya. Kaya kapag ginagawa natin ang isang bagay “sa pangalan” ng isang tao, kinikilala natin ang awtoridad niya. (Ihambing ang Mateo 10:41; tingnan ang study note na “dahil ito ay propeta.”) Pag-usapan natin kung paano natin kikilalanin ang posisyon at awtoridad ng Ama at ng Anak, pati na ang papel ng banal na espiritu.

12. Paano tayo binabautismuhan sa pangalan ng Ama? (Apocalipsis 4:11) (Tingnan din ang larawan.)

12 Sa pangalan ng Ama. Kinikilala natin na si Jehova ang Ama natin sa langit na nagbigay sa atin ng buhay. Siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, ang Maylalang ng lahat ng bagay. (Basahin ang Apocalipsis 4:11.) Kinikilala rin natin na siya ang Dumirinig ng panalangin, kaya ginagamit natin nang may paggalang ang pangalan niya kapag nananalangin tayo. (Awit 65:2) Malaya rin nating ginagamit ang pangalan niya kapag ipinapakilala natin siya sa iba. Pero hindi lang iyan ang kailangan para mabautismuhan sa pangalan ng Ama. Kilala na ng mga tagapakinig ni Pedro noong Pentecostes ang Diyos na Jehova, pero kailangan din nilang kilalanin na maglalaan si Jehova ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.​—Roma 5:8.

Isa sa mga bagong-bautisadong sister na ipinakita sa naunang larawan, habang nananalangin sa bahay niya.

Pagkatapos ng bautismo mo, patuloy na kilalanin ang posisyon at awtoridad ng Ama (Tingnan ang parapo 12)


13. Paano tayo binabautismuhan sa pangalan ng Anak? (Tingnan din ang larawan.)

13 Sa pangalan ng Anak. Kinikilala natin na si Jesus ang kaisa-isang Anak ng Diyos. Alam din nating siya “ang daan”—ang tanging paraan para magkaroon tayo ng magandang kaugnayan kay Jehova. (Juan 14:6) Si Jesus din ang ating Manunubos, kasi namatay siya para magkaroon tayo ng buhay. Napapakilos tayo niyan na sundan ang halimbawa niya, hindi lang sa araw ng bautismo natin, kundi sa bawat araw ng buhay natin. (1 Juan 2:6) Gaya niya, masigasig din tayo sa pangangaral at hindi natin hinahayaang may makapigil sa atin. (Luc. 4:43) Handa rin tayong magtiis ng pag-uusig para makapanatiling tapat sa Diyos. (2 Tim. 3:12) At kinikilala natin si Jesus bilang “ulo ng kongregasyon,” kaya nagpapasakop tayo sa mga inatasan niyang manguna sa mga tagasunod niya.​—Efe. 4:​8, 11, 12; 5:23.

Isa sa mga bagong-bautisadong brother na ipinakita sa naunang larawan, habang ipinapakita ang isang teksto sa isang lalaking nakausap niya sa bahay-bahay.

Pagkatapos ng bautismo mo, patuloy na kilalanin ang posisyon at awtoridad ng Anak (Tingnan ang parapo 13)


14. (a) Paano tayo binabautismuhan sa pangalan ng banal na espiritu? (Tingnan din ang larawan.) (b) Ano pang mga bautismo ang nararanasan ng mga pinahiran? (Tingnan ang kahong “Mga Bautismo na Nararanasan ng mga Pinahiran.”)

14 Sa pangalan ng banal na espiritu. Tinatanggap natin ang katotohanan tungkol sa banal na espiritu—ito ang aktibong puwersa ng Diyos at hindi isang persona o bahagi ng Trinidad. Kinikilala natin na ito ang ginamit ng Diyos para gabayan ang mga propeta at mga manunulat ng Bibliya, kaya regular nating binabasa ang Bibliya at sinusunod ang mga natututuhan natin dito. (2 Ped. 1:​20, 21) Iniiwasan din nating makagawa ng malubhang kasalanan. Alam kasi nating mapipigilan niyan ang pagdaloy ng banal na espiritu sa atin at sa kongregasyon.​—Efe. 4:30.

Isa sa mga bagong-bautisadong sister na ipinakita sa naunang larawan, habang nagbabasa ng Bibliya sa bahay niya.

Pagkatapos ng bautismo mo, patuloy na kilalanin ang papel ng banal na espiritu (Tingnan ang parapo 14)


Mga Bautismo na Nararanasan ng mga Pinahiran

Bukod sa bautismo sa tubig, nararanasan din ng mga pinahirang Kristiyano ang mga bautismong ito:

  • Binabautismuhan sila sa pamamagitan ng banal na espiritu kapag inanyayahan silang maglingkod sa langit kasama ni Kristo. (Mat. 3:11)

  • Binabautismuhan sila kay Kristo, na ang ibig sabihin ay binabautismuhan sila at nagiging kaisa ni Kristo, kaya matatawag na silang katawan ni Kristo. (Gal. 3:​27, 28; 1 Cor. 12:27)

  • Binabautismuhan sila sa kamatayan ni Kristo, na ang ibig sabihin ay maingat nilang sinusunod ang halimbawa niya hanggang sa mamatay sila at buhaying muli sa langit. (Roma 6:​3-5)

15. Ano ang determinasyon natin?

15 Kung isa ka nang bautisadong Kristiyano, maging determinadong maintindihang mabuti ang “turo tungkol sa mga bautismo.”c Maging determinado ring tuparin ang ipinangako mo kay Jehova noong mag-alay ka at magpabautismo. Pero paano kung hindi ka pa bautisado? May nakakapigil kaya sa iyo na gawin iyan? Makakatulong ang susunod na artikulo para makapagdesisyon kang magpabautismo.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Ano ang kahulugan ng bautismo?

  • Anong dalawang tanong ang dapat sagutin ng mga kandidato sa bautismo, at bakit?

  • Ano ang ibig sabihin ng pagpapabautismo “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu”?

AWIT BLG. 161 Kaligayahan Kong Gawin ang Kalooban Mo

a Ang salitang Griego na ba’pti-sma, na isinasaling “bautismo,” ay nangangahulugang “paglulubog; paglulublob.” Kaya kapag binabautismuhan ang isang tao, kailangan siyang ilubog sa tubig, at hindi lang basta wiwisikan ng tubig, gaya ng itinuturo ng ilang relihiyon.

b Nabautismuhan ang mga lalaking iyon sa Efeso sa “bautismo ni Juan.” (Gawa 19:3) Hinimok ni Juan Bautista na pagsisihan ng mga Judio ang mga nagawa nilang paglabag sa Kautusan ni Moises, at binautismuhan niya ang mga nakinig. (Mar. 1:​4, 5) Pero nang magwakas na ang Kautusan, nawalan na rin ng bisa ang bautismo ni Juan. Mula noon, “iisang bautismo” na lang ang sinasang-ayunan ng Diyos na umaakay sa kaligtasan.​—Efe. 4:5.

c Tingnan sa jw.org at sa JW Library® ang artikulong “Ano ang Bautismo?” sa seryeng “Sagot sa mga Tanong sa Bibliya.”

d LARAWAN: Sa isang asamblea, nakatayo ang mga kandidato sa bautismo para hayagang sabihin ang pananampalataya nila.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2026)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2026 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share