ABRIL 20-26, 2026
AWIT BLG. 49 Pinasasaya ang Puso ni Jehova
Gumawa ng mga Pagbabago at Magpabautismo
“Talagang ngayon ang panahon ng kabutihang-loob!”—2 COR. 6:2.
MATUTUTUHAN
Ngayon na ang panahon para maging kaibigan ni Jehova at magpabautismo.
1. (a) Bakit napabuti ang buhay natin mula nang magpabautismo tayo? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
INIALAY mo na ba ang sarili mo kay Jehova at nagpabautismo? Kung oo, hiniling mo na kay Jehova na bigyan ka ng isang malinis na konsensiya. (1 Ped. 3:21) At naging magandang halimbawa ka sa mga kabataan at baguhan sa kongregasyon ninyo. Napakaganda ng ginawa mong desisyon! Pero paano kung hindi ka pa bautisado? Siguradong mahal mo si Jehova at gusto mong gawin ang magpapasaya sa kaniya. Alam mo ring kailangan mong magpabautismo para mapatawad ang mga kasalanan mo at maging katanggap-tanggap ka kay Jehova. (Gawa 2:38-40) Pero baka nahihirapan ka pa ring magdesisyon kung magpapabautismo ka na. Makakatulong sa iyo ang artikulong ito. Pag-uusapan dito (1) kung ano ang nakakapigil sa ilan na magpabautismo, (2) kung bakit magandang laging tandaan na malapit na ang wakas, at (3) kung bakit makakabuti sa iyo na kumilos na ngayon at gumawa ng mga pagbabago para magpabautismo.
KUNG ANO ANG NAKAKAPIGIL SA ILAN
2. Ano ang nakakapigil sa ilan na magpabautismo?
2 May ilan na napipigilang magpabautismo dahil sa takot. Halimbawa, kahit gusto nilang paglingkuran si Jehova, natatakot sila na anuman ang gawin nila, hindi nila mapapasaya si Jehova. Kung ganiyan ang nararamdaman mo, pag-aralan ang mga teksto sa Bibliya na nagpapakitang hindi hinihiling ni Jehova na maging perpekto ka at na masaya siya sa pagsamba mo basta’t ginagawa mo ang buong makakaya mo. (Awit 103:13, 14; Col. 3:23) Paano naman kung natatakot ka sa pag-uusig? Hilingin kay Jehova na tulungan kang magkaroon ng tiwala sa kaniya gaya ng salmista na sumulat: “Kakampi ko si Jehova; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?”—Awit 118:6.
3. Anong kaisipan ang nakakapigil sa ilan na magpabautismo? (Tingnan din ang larawan.)
3 Kahit mahal ng ilan si Jehova, hindi pa sila nagpapabautismo kasi iniisip nilang kulang pa ang kaalaman nila. Pero gaano ba talaga karaming kaalaman ang kailangan mo? Tingnan ang halimbawang ito mula sa Bibliya. Pagkatapos magkaroon ng lindol sa lugar kung saan nakakulong sina apostol Pablo at Silas, nagpatotoo sila sa tagapagbilanggo at sa sambahayan nito. Malamang na naintindihan ng lalaki at ng pamilya niya na Diyos ang nagpangyari na makalaya sina Pablo at Silas. Marami rin silang natutuhan noong gabing iyon. Dahil diyan, napakilos silang magpabautismo agad. (Gawa 16:25-33) Kung kilala mo na si Jehova, mahal na mahal mo siya, alam mo na ang mga pangunahing turo ng Bibliya, pinagsisihan mo na ang mga kasalanan mo, at determinado kang sundin ang mga pamantayan niya, handa ka na sa bautismo.—Mar. 12:30.
Nagpabautismo agad ang tagapagbilanggo at ang pamilya nito nang magpatotoo sa kanila sina Pablo at Silas (Tingnan ang parapo 3)
4. Ano ang isa pang dahilan kung bakit napipigilan ang ilan na magpabautismo? (Tingnan din ang larawan.)
4 Gusto naman ng ilan na mapasaya ang Diyos, pero nakapokus sila sa mawawala sa kanila kapag nagpabautismo sila. Siyempre, tama lang na pag-isipan ang magiging epekto ng anumang desisyong gagawin natin. (Luc. 14:27-30) Kaya lang, masyadong nag-aalala ang ilan sa mga sakripisyong gagawin nila para mapaglingkuran si Jehova. Iyan ang naramdaman ni Candace. Pinalaki siya sa pamilyang Saksi, pero hindi siya sumulong hanggang sa bautismo. Noong malaki na siya, inalukan siyang mag-aral ng Bibliya. Sinabi niya: “Alam ko naman kung ano ang kailangan kong gawin para mapasaya si Jehova. Pero nag-alangan akong gawin iyon kasi nag-e-enjoy ako sa buhay ko sa sanlibutan. Alam kong mahihirapan akong iwan ang mga iyon.” Nag-aalala naman ang ilan na hindi nila maaabot ang mataas na pamantayan na hinihiling ng Diyos sa mga bautisado na. Natatakot sila na baka pagkatapos nilang mabautismuhan, makagawa sila ng malubhang kasalanan at maalis sa kongregasyon. Kung napipigilan kang magpabautismo dahil sa mga iyan, ano ang puwede mong gawin?
Masyadong nag-aalala ang ilan sa mga sakripisyong gagawin nila para mapaglingkuran si Jehova (Tingnan ang parapo 4)
5. Saan tayo dapat magpokus kapag pinag-iisipan natin kung magpapabautismo tayo? (Mateo 13:44-46)
5 Kapag may gusto tayong bilhin, hindi lang natin pinag-iisipan ang halagang ibabayad natin, kundi pati na ang halaga ng makukuha natin. Kung mas mataas ang halaga ng makukuha natin kaysa sa ibabayad natin, malamang na bibilhin natin agad iyon. Ganiyan din pagdating sa pagdedesisyon kung magpapabautismo na tayo. Hindi lang natin iisipin ang mga pagbabagong kailangan nating gawin. Dapat na mas magpokus tayo sa mga pagpapalang matatanggap natin kapag nagkaroon tayo ng mas malapít na kaugnayan kay Jehova. Gumamit si Jesus ng dalawang ilustrasyon para idiin iyan. (Basahin ang Mateo 13:44-46.) Sa parehong ilustrasyon, may isang lalaking nagbenta ng lahat ng pag-aari niya para mabili ang mahalagang bagay na nahanap niya. May nahanap ka ring napakahalagang bagay—ang katotohanan tungkol sa Kaharian. Pinag-iisipan mo ba kung sulit gumawa ng mga pagbabago para sa katotohanang iyan? Kung oo, pag-isipang mabuti ang mga ilustrasyon ni Jesus, pati na ang mga tanong na ito: ‘Kumbinsido ba ako na napakahalaga ng katotohanang nahanap ko? Mahalaga ba para sa akin ang kaugnayan ko kay Jehova, ang pag-asa na ibinibigay niya, at ang mga kapatid?’ Malalaman mo sa mga sagot mo kung may kailangan ka pang gawin para makapagdesisyon kang magpabautismo.
6. Paano tayo magkakaroon ng mabuting kalagayan ng puso?
6 Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa magsasaka, binanggit niya ang mga kalagayan ng puso na puwedeng makapigil sa isa na sumulong sa espirituwal. Pero sinabi rin ni Jesus na may ilan na tutugon sa mensahe ng Kaharian dahil mayroon silang “napakabuting puso.” (Luc. 8:5-15) Kung nag-aalala ka na hindi ganiyan ang puso mo, huwag sumuko. Sa tulong ng Diyos, puwede mong ‘baguhin ang puso mo’ para magkaroon ka ng kagustuhang sundin siya. Hilingin kay Jehova na tulungan kang mas mahalin ang natututuhan mo at isabuhay ito.—Ezek. 18:31; 36:26.
7-8. Ano ang nakakapigil sa ilang kabataan na magpabautismo? (Tingnan din ang larawan.)
7 Kahit mahal ng ilang kabataan si Jehova, napipigilan silang magpabautismo dahil sa impluwensiya ng iba. Halimbawa, itinuturo ng ilang teacher sa mga estudyante nila na walang mali sa ilang gawain o paraan ng pamumuhay kahit labag iyon sa pamantayan ng Diyos. Pero kung makikinig ang mga kabataan sa payong iyon, mapapahamak sila. (Awit 1:1, 2; Kaw. 7:1-5) Maiiwasan mo iyan kung tutularan mo ang salmistang nagsabi kay Jehova: “Mas may unawa ako kaysa sa lahat ng guro ko, dahil binubulay-bulay ko ang mga paalaala mo.”—Awit 119:99.
8 Lumilitaw na napipigilan ng ilang Saksing magulang ang mga anak nila na magpabautismo. May mga magulang na masyadong nakapokus sa pag-aaral o magiging trabaho ng anak nila. May ilan naman na hindi natutulungan ang anak nila na magkaroon ng mga goal sa espirituwal. Kung pakiramdam mo, may magagawa pa ang mga magulang mo para matulungan kang sumulong sa espirituwal, puwede ninyong pag-usapan iyon. Tandaan na anuman ang edad mo, puwede kang maging malapít kay Jehova.—Kaw. 20:11.
Puwede mong ipakipag-usap sa mga magulang mo ang tungkol sa pagpapabautismo (Tingnan ang parapo 8)
9. Bakit hindi pa nagpapabautismo ang ilan?
9 Hindi pa nagpapabautismo ang ilan kahit kuwalipikado na sila dahil may hinihintay silang magpabautismo rin. Baka gusto nilang makasabay sa bautismo ang isang kapamilya o kaibigan. Hindi naman maling makasabay mo sa bautismo ang isang mahal sa buhay. Pero hindi iyan dapat makapigil sa iyo. Tandaan na sa pag-aalay mo, nangangako ka kay Jehova. Kaya hindi dapat nakadepende sa iba ang pagpapabautismo mo.—Roma 14:12.
TANDAAN NA MALAPIT NA ANG WAKAS
10. Ano ang isa pang dahilan kung bakit hindi pa nagpapabautismo ang ilan?
10 Bukod sa mga nabanggit na, hindi pa nagdedesisyon ang ilan na magpabautismo kasi iniisip nilang matagal pa ang wakas. Pero tama bang isipin iyan? Nagbabala si Jesus sa mga alagad niya: “Manatili . . . kayong handa, dahil sa oras na hindi ninyo inaasahan, darating ang Anak ng tao.”—Luc. 12:40.
11. Habang mas nakikilala natin si Jehova, napapakilos tayong gawin ang ano, at bakit? (Awit 119:60)
11 Dapat na pag-ibig ang dahilan kung bakit natin iaalay ang buhay natin kay Jehova. Habang mas nakikilala natin ang Diyos, mas nakikita natin kung gaano niya tayo kamahal at na talagang nakakabuti sa atin ang mga utos niya, kaya napapakilos tayong sundin agad ang mga iyon. (Basahin ang Awit 119:60.) Idiniin pa ng alagad na si Santiago kung bakit dapat nating sundin agad ang mga utos ni Jehova: Hindi natin alam kung ano ang mangyayari bukas. Kaya dapat nating samantalahin ang bawat araw para “gawin ang tama,” ang gusto ni Jehova.—Sant. 4:13-17.
12. Ano ang matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa ubasan?
12 Paano naman ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa ubasan? Hindi ba sinabi niya doon na may mga nagtrabaho nang isang oras lang, pero pareho din ang sinuweldo nila sa mga nagtrabaho nang buong araw? Totoo naman iyon. Pero ano ba ang dahilan kung bakit hindi sila nagtrabaho agad? Sinabi nila: “Wala kasing nagbibigay sa amin ng trabaho.” Kaya hindi naman sila umiiwas sa trabaho; wala lang talagang kumukuha sa kanila. Pero nang tawagin sila, kumilos sila agad. (Mat. 20:1-16) Ngayon, tinatawag tayo ni Jesus para makibahagi sa gawaing pang-Kaharian. Kaya dapat tayong kumilos agad.
13. Ano ang matututuhan natin sa asawa ni Lot?
13 Baka hindi agad gumawa ng kinakailangang mga pagbabago ang ilan para mapaglingkuran si Jehova dahil iniisip nilang gagawin na lang nila iyon kapag malaking kapighatian na. Pero kapag ginawa mo iyon, mas mahihirapan kang magbago. Nagbabala si Jesus sa mga alagad niya: “Alalahanin ang asawa ni Lot.” (Luc. 17:31-35) Alam ng asawa ni Lot na malapit nang puksain ng Diyos ang Sodoma at Gomorra. Pero lumilitaw na hindi niya kayang iwan ang mga pag-aari niya. (Gen. 19:23-26) Matututuhan natin sa nangyari sa kaniya na limitado lang ang panahong ibinigay ni Jehova para magbago ang mga tao. Kapag dumating na ang wakas, magiging huli na ang lahat para sa mga hindi pa nagbabago.—Luc. 13:24, 25.
14. Ano ang dapat na maging epekto sa iyo ng katuparan ng mga hula sa Bibliya?
14 Kitang-kita sa mga nangyayari sa ngayon na natutupad na ang mga hula sa Bibliya tungkol sa katapusan ng sistemang ito. Pero paano kung hindi ka pa direktang naaapektuhan ng ilan sa mga hulang iyan? Dahil nakikita mong nangyayari iyan sa maraming lugar, dapat na mapakilos ka nito na gumawa agad ng mga pagbabago at magpabautismo. Tingnan ang halimbawa ng mga Kristiyano noong unang siglo. Pinayuhan sila ni apostol Pedro na maging ‘laging handa,’ o “alisto,” dahil “ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na.” (1 Ped. 4:7; tlb.) Lumilitaw na tumutukoy ang “wakas” na iyon sa katapusan ng Judiong sistema noon. Sinabi iyan ni Pedro sa mga Kristiyanong malayo sa Jerusalem, kaya hindi sila direktang apektado ng pagkawasak ng lunsod. (1 Ped. 1:1) Pero nang makita nilang natutupad na ang hulang iyon, mas naging sigurado sila na matutupad din ang lahat ng iba pang pangako ni Jehova. Ganiyan din sa ngayon. Habang nakikita mong natutupad ang mga hula tungkol sa wakas, mapapakilos ka nitong sumulong at magpabautismo.
15. Paano tayo magiging handa sa “araw ni Jehova”? (2 Pedro 3:10-13)
15 Sinabi ni Pedro sa ikalawang liham niya kung paano tayo magiging handa sa “araw ni Jehova,” ang katapusan ng sistemang ito. Napakalayo pa ng araw na iyan para sa mga unang-siglong Kristiyano, pero sinabihan na sila ni Pedro na ‘isaisip,’ o ‘panabikan,’ ang araw na iyan. (Basahin ang 2 Pedro 3:10-13; tlb.) Kung isinasaisip natin ang araw ni Jehova, mas aabangan natin ang pagdating nito. Maipapakita natin iyan kung gagawa tayo ng “banal na paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.” Siguradong mapapasaya mo si Jehova kung gagawin mo iyan. At mas mapapasaya mo pa siya kapag inialay mo ang sarili mo sa kaniya at nagpabautismo ka.
KUNG BAKIT MAKAKABUTING MAGPABAUTISMO KA NA NGAYON
16. Kailan ang pinakamagandang panahon para magpabautismo? (2 Corinto 6:1, 2) (Tingnan din ang mga larawan.)
16 Ngayon na ang pinakamagandang panahon para magpabautismo. (Basahin ang 2 Corinto 6:1, 2.) Nang makausap ni Felipe ang mataas na opisyal na Etiope, nakita ng Etiope kung gaano kahalagang kumilos agad. Nang maintindihan niya ang mabuting balita at magkaroon siya ng pagkakataong magpabautismo, hindi niya inisip: ‘Gusto ko pang matuto nang higit tungkol sa mabuting balita. Baka may iba pa namang madadaanang lugar kung saan ako puwedeng magpabautismo.’ Sa halip, sinabi niya kay Felipe, “Ano ang nakahahadlang sa akin na magpabautismo?” (Gawa 8:26, 27, 35-39) Pagkatapos mabautismuhan ng Etiope, “masaya [siyang] nagpatuloy sa paglalakbay.” Napakaganda ng ginawa niya!
May matututuhan tayo sa mataas na opisyal na Etiope: Ngayon na ang pinakamagandang panahon para magpabautismo! (Tingnan ang parapo 16)a
17. Ano ang gagawin ni Jehova para sa iyo?
17 Kung nag-aalangan ka pang magpabautismo, magtiwalang tutulungan ka ni Jehova at gusto niyang magkaroon ka ng malapit na kaugnayan sa kaniya. (Roma 2:4) Tutulungan ka niyang makayanan ang anumang ikinakatakot o ikinakabahala mo, pati na ang anumang bagay na puwedeng humadlang sa pagpapabautismo mo. At kapag nabautismuhan ka na, magiging masaya ka dahil napapasaya mo si Jehova. Makikita mo rin na hindi na mahalaga sa iyo ang “mga bagay na nasa likuran.” Mas aabangan mo na ang “mga bagay na nasa unahan,” ang katuparan ng mga pangako ni Jehova para sa mga nag-alay sa kaniya at nagpabautismo.—Fil. 3:8, 13; Gawa 3:19.
AWIT BLG. 38 Tutulungan Ka Niya
a LARAWAN: Gaya ng mataas na opisyal na Etiope na nagsabi kay Felipe na gusto na niyang magpabautismo, nilapitan ng isang bina-Bible study ang mga elder para sabihing gusto na niyang magpabautismo.