ABRIL 6-12, 2026
AWIT BLG. 82 Pasikatin ang Inyong Liwanag
Tulungan ang mga Di-sumasampalatayang Kapamilya
“Huwag tayong tumigil sa paggawa ng mabuti.”—GAL. 6:9.
MATUTUTUHAN
Kung paano mapapanatili ang magandang kaugnayan sa mga kapamilya nating di-sumasampalataya at kung paano natin sila matutulungang mahalin din si Jehova, kung posible.
1-2. Ano ang ilang posibleng dahilan kung bakit naging di-maganda ang kaugnayan natin sa mga kapamilya nating di-Saksi?
SINABI ni Jesus sa isang lalaking gustong maging tagasunod niya: “Umuwi ka sa pamilya mo at mga kamag-anak, at ibalita mo sa kanila ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa iyo.” (Mar. 5:19) Makikita sa sinabi ni Jesus na normal sa atin na kapag may magandang bagay tayong nalaman, gusto nating sabihin iyon sa mga mahal natin sa buhay.
2 Ano ang naramdaman mo noong una mong malaman ang katotohanan? Siguradong napakasaya mo at gustong-gusto mong sabihin iyon sa mga kapamilya mo! Pero baka hindi sila natuwa sa desisyon mong makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. O kaya, baka nang magpatotoo ka na sa kanila, hindi nila nagustuhan ang paraan ng pagsasabi mo sa kanila. Ano ang puwede mong gawin para mapanatili o maibalik ang magandang kaugnayan mo sa kanila nang hindi ikinokompromiso ang mga pamantayan sa Bibliya?
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Sa artikulong ito, matututuhan natin (1) kung paano tayo mapapakilos ng awa para tulungan ang mga di-sumasampalataya nating kapamilyaa kahit na hindi sila nakikinig sa atin, (2) kung ano ang puwede nating gawin kapag may sinabi o ginawa silang di-maganda sa atin, (3) kung paano makakatulong sa kanila kung magiging matiisin tayo at aasang maglilingkod din sila kay Jehova, at (4) kung paano natin maipapakitang mahal natin sila.
MAGPAKITA NG AWA AT TULUNGAN SILA
4. Ano ang ginawa ni Jesus kahit hindi nakinig ang mga tao sa kaniya?
4 Hindi sinukuan ni Jesus ang mga taong hindi nakinig sa mensahe niya. Ikinumpara niya ang sarili niya sa isang tagapag-alaga ng ubasan na ginawa ang lahat para mapabunga ang isang puno ng igos na hindi namumunga. (Luc. 13:6-9) Nang sabihin ni Jesus ang ilustrasyong iyan, mahigit tatlong taon na siyang nangangaral sa mga Judio. Bakit patuloy pa rin niyang ginawa iyan kahit hindi sila nakikinig sa kaniya? Nakaramdam kasi si Jesus ng awa sa mga tao. At dahil diyan, naging matiisin siya sa kanila.
5. Bakit naawa si Jesus sa mga Judio?
5 Naawa si Jesus sa mga Judio dahil hindi sila natulungan ng mga lider ng relihiyon na magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos. Nakita niya na “para silang mga tupa na walang pastol.” (Mar. 6:34) Noong malapit nang mamatay si Jesus, iniyakan pa nga niya ang Jerusalem. Alam kasi niyang mamamatay ang karamihan sa mga tagaroon dahil wala silang pananampalataya. (Luc. 19:41-44) Gaya ni Jesus, kung pag-iisipan natin kung bakit kailangan ng mga kapamilya natin ang mabuting balita, mapapakilos tayo nitong tulungan sila.
6. Bakit dapat tayong maging matiisin sa mga di-sumasampalataya nating kapamilya? (Galacia 6:9)
6 Basahin ang Galacia 6:9. Kahit hindi interesado sa katotohanan sa ngayon ang mga kapamilya natin, dapat tayong maging matiisin sa kanila at huwag tumigil sa “paggawa ng mabuti.” Alam nating kailangan ng panahon para mabago ng isang tao ang mga pinaniniwalaan niya at magkaroon ng pananampalataya kay Jehova. Baka noon, isa ka rin sa mga taong nabubuhay “nang walang pag-asa at walang Diyos.” (Efe. 2:12) Pero siguradong may tumulong sa iyo para malaman mo ang katotohanan. Hindi ba napapakilos ka rin niyan na tulungan ang mga kapamilya mo na makilala si Jehova?
HUWAG MAGPOKUS SA MGA SINASABI AT GINAGAWA NILANG DI-MAGANDA
7. Bakit posibleng hindi nanampalataya kay Jesus ang mga kapatid niya noong una?
7 Malamang na nabalitaan ng mga kapatid ni Jesus na gumawa siya ng mga himala sa Galilea. (Luc. 4:14, 22-24) Pero noong una, hindi sila nanampalataya sa kaniya. (Juan 7:5) Hindi sinasabi ng Bibliya kung bakit. Pero may mababasa tayo dito na dalawang posibleng dahilan kung bakit hindi naging alagad ni Jesus ang ilang Judio. May ilan na natakot dahil baka itakwil sila ng mga kababayan nila. (Juan 9:18-22) Kilala naman ng iba si Jesus mula noong bata pa siya kaya hindi nila maisip na siya ang Anak ng Diyos. (Mar. 6:1-4) Baka iyan din ang mga dahilan kung bakit hindi agad nanampalataya kay Jesus ang mga kapatid niya. Posible kayang ganiyan din ang mga kapamilya natin?
8. Kung minsan, bakit may nasasabi o nagagawang di-maganda sa atin ang mga kapamilya natin?
8 Isipin kung bakit may nasabi o nagawa silang di-maganda sa atin. Baka kasama ang mga kapatid ni Jesus sa mga kamag-anak niyang nagsabi na “nababaliw na siya.” (Mar. 3:21) Bakit kaya nila nasabi iyan? Ipinapakita sa ulat na sa dami ng mga lumalapit kay Jesus, wala na siyang panahon para kumain. (Mar. 3:20) Naisip kaya ng mga kamag-anak niya na nagiging panatiko na siya? Posible. Baka iniisip din ng mga kapamilya natin na sobra-sobra nating sineseryoso ang relihiyon natin. Kung ganiyan ang tingin nila, ipakita natin sa kanila na makatuwiran at balanse tayo.
9. Ano ang puwedeng makatulong para magbago ang tingin ng mga kapamilya natin sa mga Saksi ni Jehova? (1 Pedro 3:1, 2) (Tingnan din ang mga larawan.)
9 Laging maging mabait at makatuwiran. Puwedeng magbago ang tingin sa atin ng mga kapamilya natin kapag mabait tayong nakikitungo sa kanila. (Basahin ang 1 Pedro 3:1, 2.) Halimbawa, baka nalulungkot o naiinis ang di-Saksing asawa ng isang sister kapag umaalis ito para dumalo o lumabas sa larangan. Pero dahil ayaw ng sister na maramdaman iyan ng asawa niya, ia-adjust niya ang schedule niya para magkaroon siya ng mas maraming panahong kasama ito. Baka puwedeng kapag busy ang asawa niya o wala ito sa bahay, saka siya mangangaral. Nagiging makatuwiran at handang mag-adjust ang sister kapag ginawa niya iyan. At baka makatulong iyan para magbago ang opinyon ng asawa niya sa mga Saksi.
Kapag mabait makipag-usap at makitungo ang isang sister sa asawa niyang di-sumasampalataya, puwedeng magbago ang tingin nito sa mga Saksi (Tingnan ang parapo 9)g
10. Paano natin matutularan si Jesus kapag may sinabing di-maganda tungkol sa atin ang iba?
10 Hindi mo laging kailangang patunayan na mali ang sinasabi ng iba tungkol sa iyo. Noong sabihin ng mga tao na matakaw at mahilig uminom ng alak si Jesus, hindi siya nagalit at hindi niya sinikap na ipaliwanag ang sarili niya sa kanila. Sinabi lang niya sa kanila na tingnan ang mga bagay-bagay para malaman kung ano ang totoo. (Mat. 11:19) Ipinakita rin niya sa mga ginagawa niya na balanse siya at masaya. (Ihambing ang Juan 2:2, 6-10.) Gaya ni Jesus, hindi mo rin laging kailangang patunayan na mali ang sinasabi ng iba tungkol sa iyo. Ipakita mo lang sa mga ginagawa mo na makatuwiran at masaya ka. Pagkatapos, hayaan mo nang bumuo ang mga kapamilya mo ng sarili nilang konklusyon. Puwedeng makatulong iyan para makita nila na mali ang narinig nila tungkol sa atin.
MAGING MATIISIN AT UMASANG MAGLILINGKOD DIN SILA KAY JEHOVA
11. Paano nakitungo si Jesus sa mga di-sumasampalataya niyang kapatid?
11 Ipinapakita sa mga Ebanghelyo na nanatiling matiyaga si Jesus sa mga kapatid niya. Lumilitaw na nandoon din sa Cana ang mga ito noong gawin ni Jesus ang una niyang himala. (Juan 2:11, 12) Pero gaya ng nabanggit kanina, hindi sila nanampalataya sa kaniya. Kahit ganoon, hindi pa rin sila sinukuan ni Jesus. Ipinapakita ng Bibliya na mga tatlong taon pagkatapos ng himala sa Cana, mabait pa ring makipag-usap si Jesus sa kanila.—Juan 7:5-8.
12. Ano ang makakatulong para hindi tayo mawalan ng pag-asa na maglilingkod din kay Jehova ang ilan sa mga kapamilya natin sa hinaharap?
12 Alam nating napakamaawain ni Jehova. Dahil diyan, hindi tayo nawawalan ng pag-asa para sa mga kapamilya natin. Kapag nawala na ang huwad na relihiyon, baka maalala ng mga kapamilya natin na nasabi na nating mangyayari iyon.b (Apoc. 17:16) Baka nga maging lingkod pa sila ni Jehova kahit nagsimula na ang malaking kapighatian! Pero ngayon pa lang, gawin na natin ang lahat para tulungan sila kapag kailangang-kailangan nila. Baka dahil diyan, mas makinig sila sa mensahe natin kasi nakikita nilang talagang mahal natin sila.
IPAKITANG MAHAL MO SILA
13. Kahit marami tayong ginagawa sa paglilingkod kay Jehova, ano ang ayaw nating mangyari?
13 Kahit marami tayong ginagawa para kay Jehova, ayaw nating maiparamdam sa mga kapamilya natin na wala na tayong panahon para sa kanila o na hindi na natin sila mahal. (Mat. 7:12) Ano ang puwede nating gawin para hindi nila maramdaman iyan?
14-15. Ano ang isang paraan para maiparamdam natin sa mga di-sumasampalatayang kapamilya natin na mahal natin sila? Magbigay ng halimbawa.
14 Regular na makipag-usap sa kanila at ipakitang mahal mo sila. Maipaparamdam natin ang pagmamahal sa mga kapamilya natin kung regular tayong magkukuwento sa kanila tungkol sa mga nangyayari sa buhay natin. Baka puwede natin silang itext at padalhan ng mga picture noong nagbakasyon tayo o kasama natin ang mga kaibigan natin. Puwede rin tayong magbigay sa kanila ng isang simpleng regalo o maikling sulat. Ilan lang iyan sa mga magagawa natin para maiparamdam na mahal natin ang mga kapamilya natin, at baka makatulong iyan para gumanda ang kaugnayan natin sa kanila.
15 Tingnan ang halimbawa ni Anna, isang sister na taga-Armenia. Madalas na nagsasama-sama ang mga kapamilya niya, lalo na kapag may mga birthday at holiday. Nang maging Saksi si Anna, nag-alala ang mga kapamilya niya na baka hindi na siya maging close sa kanila. Naisip din nila na magiging mahirap ang buhay niya dahil naging Saksi siya. Ano ang ginagawa ni Anna? Ikinuwento niya: “Kapag bumibisita ako sa mga kapamilya ko, sinasabi ko sa kanila ang mga nangyayari sa akin at ang mga ginagawa ko. Niyayaya ko rin sila sa bahay ko at ipinapakilala sa mga kaibigan ko. Kaya kilala na nila ang mga kaibigan ko at palagay na ang loob nila sa mga ito.” Sinabi pa niya: “Marami sa mga kapamilya ko ang nagsabing kitang-kita nilang masaya ako. Hindi na sila nag-aalala sa akin.”
16. Paano ipinakita ni Jesus na nagmamalasakit siya sa kapatid niyang si Santiago? (Tingnan din ang talababa.)
16 Ipakitang nagmamalasakit ka sa kanila. Pagkatapos buhaying muli si Jesus, ipinaramdam niyang nagmamalasakit pa rin siya sa kapatid niyang si Santiago nang magpakita siya dito. (1 Cor. 15:7) Siguradong napakasaya ni Santiago nang makita niyang hindi pa rin siya sinusukuan ni Jesus. Malamang na ito rin ang nakakumbinsi sa kaniya na si Jesus ang Mesiyas. Pagkatapos ng pangyayaring ito, posibleng tinulungan ni Santiago ang iba pa nilang kapamilya na manampalataya rin kay Jesus.c—Gawa 1:14.
17. Paano natin masusunod ang sinasabi sa Roma 12:15? (Tingnan din ang larawan.)
17 Basahin ang Roma 12:15. Puwede nating mabago ang tingin sa atin ng mga kapamilya natin kung magpapakita tayo ng malasakit sa kanila, lalo na kapag may mahalagang pangyayari sa buhay nila o kapag nasa mahirap silang sitwasyon.d Halimbawa, kapag nagka-baby ang isang kapamilya natin, puwede natin siyang batiin at bigyan ng regalo para ipakitang masaya tayo para sa kaniya. Kapag namatayan naman ang isang kapamilya natin, puwede tayong makiramay o magbigay ng praktikal na tulong. Regular din nating tawagan, itext, o bisitahin ang mga kapamilya natin, lalo na kapag may pinagdadaanan sila.
Puwedeng magbago ang tingin ng mga kapamilya natin sa atin at sa mga paniniwala natin kapag nagpapakita tayo ng malasakit sa kanila, lalo na sa panahong kailangan nila tayo (Tingnan ang parapo 17)h
18. Paano natin matutularan ang alagad ni Jesus na si Andres?
18 Ipakilala sila sa mga kapatid sa kongregasyon. Nang malaman ng alagad na si Andres na si Jesus ang Mesiyas, agad niyang ipinakilala ang kapatid niyang si Pedro kay Jesus. (Juan 1:40-42) Paano natin siya matutularan? Puwede nating imbitahan ang isang kapamilya natin sa pulong o kumaing kasama ng ibang mga kapatid. Kapag nakilala niya ang mga Saksi, makikita niya na mabubuting tao tayo at hindi tayo kakaiba.
19. Kahit hindi naiintindihan ng mga kapamilya natin ang mga paniniwala natin, paano natin sila dapat pakitunguhan? (1 Pedro 3:15)
19 Basahin ang 1 Pedro 3:15. Baka hindi maintindihan ng mga kapamilya natin kung bakit hindi natin ginagawa ang ilang bagay. Pero siguradong maaalala nila na mabait tayo sa kanila at na nirerespeto natin sila. At mapapasaya natin sila kapag nakita nilang sinisikap pa rin nating makasama sila. Halimbawa, hindi tayo nakikibahagi sa mga di-makakasulatang okasyon o gawain, pero puwede tayong bumisita, kumaing kasama nila, at magbigay ng regalo sa ibang pagkakataon.
HUWAG SUKUAN ANG MGA KAPAMILYA MO
20. Bakit nakakapagpatibay sa atin ang halimbawa ni Santiago?
20 Hindi nakasama si Santiago sa ministeryo ni Jesus. Pero bandang huli, naging alagad din siya. (Gal. 1:18, 19; 2:9) At siguradong natutuhan din niya ang mga itinuro ni Jesus noon. Halimbawa, sa liham niya para sa mga Kristiyano, bumanggit siya ng mga aral na kapareho ng mga aral sa Sermon sa Bundok.e
21. Bakit hindi natin dapat sukuan ang mga di-sumasampalataya nating kapamilya?
21 Kahit ipinapakita natin sa mga di-sumasampalatayang kapamilya natin na mahal natin sila, baka hindi pa rin nila tayo pakitunguhan nang maganda o hindi sila makinig sa mensahe natin. Pero bakit hindi natin sila dapat sukuan? Dahil sa tuwing nagpapakita tayo ng kabaitan sa kanila, natutularan natin ang maawain nating Diyos na si Jehova at ang Anak niyang si Jesus. (Luc. 6:33, 36) Kung patuloy nating gagawin iyan, baka magbago rin ang tingin nila sa atin. At malay natin, baka marami pala silang natatandaan sa mga sinasabi natin sa kanila tungkol kay Jehova. Siguradong magiging napakasaya natin kapag pinili nilang sumama sa atin sa paglilingkod kay Jehova dahil hindi natin sila sinukuan!
AWIT BLG. 60 Buhay Nila ang Nakataya
a KARAGDAGANG PALIWANAG: Sa Bibliya, ang terminong “di-sumasampalataya” ay hindi laging tumutukoy sa isang taong walang relihiyon o hindi naniniwala sa Diyos. (1 Cor. 7:12; tingnan ang study note na “asawang babae na di-sumasampalataya.”) Sa artikulong ito, tumutukoy ang terminong iyan sa isang tao na hindi sumasamba kay Jehova bilang Saksi ni Jehova.
b Tingnan ang artikulong “Ang mga Hatol ni Jehova sa Hinaharap” sa Bantayan, isyu ng Mayo 2024, p. 11, par. 11-13.
c Di-bababa sa dalawang kapatid ni Jesus—sina Santiago at Judas—ang naging Kristiyano pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus.
d Tingnan ang kahong “Pupunta Ka Ba sa Kasal o Libing?”
e Ihambing ang Santiago 1:2 sa Mateo 5:11, 12; Santiago 1:19 sa Mateo 5:22; Santiago 1:22; 2:24 sa Mateo 7:21; Santiago 2:13 sa Mateo 5:7; 6:14, 15.
f Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, mga isyu ng Mayo 15, 2002 at Nobyembre 15, 2007.
g LARAWAN: Bago lumabas sa larangan ang isang sister, masaya niyang inihahanda ang pagkain ng mister niya.
h LARAWAN: Dinadalaw rin ng sister na iyon ang biyenan niyang di-Saksi.