Mga May-edad Naming Kapatid, Mahalaga Kayo sa Kongregasyon
“Kapag binabalikan ko ang kabataan ko, naiisip ko, ang dami ko palang nagagawa noon. Pero ngayon, matanda na ako. Hindi ko na kaya iyon.”—Connie, 83 taóng gulang.
Baka mas kaunti na lang din ang nagagawa mo ngayon habang nagkakaedad ka. Kahit matagal ka nang naglilingkod nang tapat kay Jehova, baka nasisiraan ka ng loob kapag naikukumpara mo ang nagagawa mo ngayon sa nagagawa mo noon. Kung ganiyan ang nararamdaman mo, ano ang makakatulong sa iyo?
ANG INAASAHAN SA IYO NI JEHOVA
Tanungin ang sarili, ‘Ano ang inaasahan sa akin ni Jehova?’ Mapapatibay ka sa sinasabi ng Deuteronomio 6:5: “Dapat ninyong ibigin ang Diyos ninyong si Jehova nang inyong buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas.”
Ayon sa tekstong iyan, inaasahan ni Jehova na paglilingkuran mo siya nang buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas mo. Makakatulong iyan para hindi mo na maikumpara ang sarili mo sa iba o ang nagagawa mo ngayon sa nagagawa mo noon.
Pag-isipan ito: Noong mas bata ka pa, malamang na ginagawa mo ang buong makakaya mo sa paglilingkod kay Jehova, at iyon ang pinakamabuting maibibigay mo sa kalagayan mo noon. Pero kahit nagbago na ang sitwasyon mo, siguradong ibinibigay mo pa rin sa kaniya ang pinakamabuti mo, ayon sa kalagayan mo ngayon. Kung iisipin mo iyan, makukumbinsi kang ibinibigay mo pa rin ang buong makakaya mo ngayon kay Jehova, gaya ng ginagawa mo noon.
Ibinigay mo ang buong makakaya mo kay Jehova noong bata ka pa, at iyan pa rin ang ginagawa mo ngayong may-edad ka na
MALAKI ANG MAITUTULONG MO SA IBA
Ito pa ang isang magandang pag-isipan: Imbes na magpokus sa mga hindi mo na nagagawa dahil nagkakaedad ka na, magpokus sa mga puwede mo nang gawin na hindi magagawa ng mas batang mga Kristiyano. Halimbawa, puwede mong gawin ang sumusunod:
Ikuwento sa iba ang mga karanasan mo. Tingnan ang mga tekstong ito sa Bibliya:
Haring David: “Bata ako noon, at ngayon ay matanda na, pero wala pa akong nakitang matuwid na pinabayaan, at wala akong nakitang anak niya na namamalimos ng tinapay.”—Awit 37:25.
Josue: “Makinig kayo, malapit na akong mamatay, at alam na alam ninyo na walang isa man sa lahat ng mabubuting bagay na ipinangako sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.”—Jos. 23:14.
Baka may ganiyan ka na ring nasabi sa iba. Personal na karanasan nina David at Josue ang mga sinabi nila. Naobserbahan nila iyon sa matagal na panahon nilang tapat na paglilingkod kay Jehova, kaya mas naging kapani-paniwala ang mga sinabi nila.
Kung matagal ka nang naglilingkod kay Jehova, maikukuwento mo sa iba ang mga pagpapalang natanggap mo. Baka may naaalala kang pagkakataon na nakita mong tinulungan ni Jehova ang mga lingkod niya sa espesyal na paraan. Sabihin mo iyon sa iba! Siguradong mapapatibay mo sila. Malamang na nagawa mo na iyan noon at nakita mo kung paano sila napatibay. Huwag bale-walain ang epekto ng pagkukuwento mo sa iba ng mga karanasan mo sa paglilingkod kay Jehova.—Roma 1:11, 12.
Mapapatibay mo rin ang iba kung dadalo ka sa pulong in person, hangga’t kaya mo. At hindi lang mga kakongregasyon mo ang makikinabang—pati ikaw. Sinabi ni Connie, na binanggit kanina: “Nakakatulong sa akin ang pagdalo sa Kingdom Hall para hindi ako masiraan ng loob. Ramdam na ramdam ko doon ang pag-ibig ng lahat, kaya paano ako malulungkot? Para maipakita ang pasasalamat ko sa mga kapatid, nagbibigay ako ng mga simpleng regalo. At sinisikap kong laging makibahagi sa espirituwal na mga gawain kasama ng mga kapatid.”
PINAPAHALAGAHAN NI JEHOVA ANG TAPAT NA PAGLILINGKOD MO
Marami tayong mababasa sa Bibliya na mga lingkod ni Jehova na mahal niya kahit limitado lang ang nagagawa nila para sa kaniya. Isa na diyan si Simeon, isang may-edad nang Israelita na nabubuhay noong panahong ipinanganak si Jesus. Kapag pumupunta si Simeon sa templo, malamang na nakikita niyang mga nakakabatang lalaki ang nag-aasikaso sa mahahalagang gawain doon. Ano kaya ang nararamdaman ni Simeon? Posibleng naiisip niya na hindi na siya mahalaga sa Diyos ngayong may-edad na siya. Pero hindi ganiyan ang tingin sa kaniya ni Jehova. Para kay Jehova, “matuwid at may takot sa Diyos” si Simeon. Binigyan pa nga niya si Simeon ng pribilehiyong makita ang sanggol na si Jesus at humula tungkol sa magiging Mesiyas na ito. (Luc. 2:25-35) Maliwanag na kapag tinitingnan ni Jehova si Simeon, hindi isang matandang lalaki ang nakikita niya, kundi isang lalaking may matibay na pananampalataya, “at sumasakaniya ang banal na espiritu.”
Binigyan ni Jehova si Simeon ng pribilehiyong makita ang sanggol na si Jesus at humula tungkol sa magiging Mesiyas na ito
Makakatiyak ka rin na mahalaga kay Jehova ang tapat na paglilingkod mo kahit limitado na lang ang nagagawa mo. Para sa kaniya, “kalugod-lugod” ang anumang sakripisyo mo; “hindi inaasahan [ni Jehova] na ibibigay ng isa ang hindi niya kayang ibigay kundi kung ano lang ang kaya niya.”—2 Cor. 8:12.
Kaya magpokus sa kaya mong gawin. Halimbawa, pag-isipan kung sa anong mga anyo ng ministeryo ka puwedeng makibahagi, kahit sa maikling panahon lang. Puwede mo ring tawagan o bigyan ng card ang isang kapatid para mapatibay siya. Puwedeng magkaroon ng malaking epekto sa iba ang mga simpleng paraan ng pagpapatibay, lalo na kung isang matagal nang lingkod ni Jehova ang gagawa nito.
Kahit na mas mahina ka na ngayon, marami ka pa ring magagawa para kay Jehova. Tingnan ang karanasan ng isang kapatid mula sa East Africa sa kahong “Naligtas ang Buhay Niya.”
Tandaan na mapapatibay mo ang iba sa ipinakita mong pananampalataya at katapatan sa loob ng maraming taon. Napakagandang halimbawa mo sa pagtitiis, at makakatiyak kang “matuwid ang Diyos, kaya hindi niya lilimutin ang mga ginawa [mo] at ang pag-ibig na ipinakita [mo] para sa pangalan niya sa pamamagitan ng paglilingkod at patuloy na paglilingkod sa mga banal.”—Heb. 6:10.
MAGING ABALA SA PAGTULONG SA IBA
Ayon sa mga pag-aaral, mas malusog, mas matalas ang isip, at mas mahaba ang buhay ng mga may-edad na tumutulong sa iba.
Hindi naman ibig sabihin nito na kapag gumagawa tayo ng mabuti, maiiwasan na natin ang lahat ng epekto ng pagtanda. Mangyayari lang iyan kapag dumating na ang Kaharian ng Diyos, dahil aalisin nito ang pinakadahilan ng pagtanda at kamatayan—ang pagiging makasalanan natin.—Roma 5:12.
Pero makakatulong ang paglilingkod mo kay Jehova—kasama na diyan ang pagtulong sa iba na makilala siya—para manatiling matibay ang pag-asa mo. Baka makabuti rin ito sa kalusugan mo. Mahal naming mga may-edad, tandaan na pinapahalagahan ni Jehova ang paglilingkod ninyo at napapatibay ninyo ang kongregasyon dahil sa pananampalataya ninyo.