ARALING ARTIKULO 51
AWIT BLG. 132 Tayo’y Isa Na
Parangalan si Jehova sa Araw ng Inyong Kasal
“Mangyari nawa ang lahat ng bagay nang disente at maayos.”—1 COR. 14:40.
MATUTUTUHAN
Kung paano mapaparangalan ng mga Kristiyanong magkasintahan si Jehova sa araw ng kasal nila.
1-2. Ano ang gusto ni Jehova para sa araw ng kasal ninyo?
IKAKASAL ka na ba? Kung oo, siguradong excited ka na! Malamang na pinaghahandaan na ninyong mabuti ang araw na iyan. Masayang-masaya rin si Jehova para sa inyo. Gusto niyang maging espesyal para sa inyo ang araw ng kasala ninyo at na maging masaya kayo kapag mag-asawa na kayo.—Kaw. 5:18; Sol. 3:11.
2 Napakahalagang maparangalan si Jehova sa kasal ninyo. Bakit, at paano ninyo iyan magagawa? Tatalakayin natin iyan sa artikulong ito. Malaking tulong ito para sa mga magkasintahang nagpaplano na para sa kasal nila. Pero siguradong magagamit din nating lahat ang mga prinsipyong tatalakayin dito kung dadalo tayo sa isang kasal o kung hihingi sa atin ng payo ang isang ikakasal.
BAKIT DAPAT MAPARANGALAN SI JEHOVA?
3. Ano ang dapat pag-isipan ng magkasintahan habang nagpaplano para sa kasal nila, at bakit?
3 Habang nagpaplano ang Kristiyanong magkasintahan para sa kasal nila, dapat nilang pag-isipan ang mga prinsipyo sa Bibliya. Bakit? Dahil si Jehova ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa. Siya ang nagkasal sa unang mag-asawa, sina Adan at Eva. (Gen. 1:28; 2:24) Kaya dapat na kaayon ng kaisipan ni Jehova ang anumang magiging desisyon ng magkasintahan para sa kasal nila.
4. Bakit dapat tiyakin ng magkasintahan na mapaparangalan nila si Jehova sa kasal nila?
4 May mahalagang dahilan kung bakit dapat ninyong pag-isipan ang mararamdaman ni Jehova sa kasal ninyo: Siya ang inyong Ama sa langit at pinakamalapít na Kaibigan. (Heb. 12:9) Siguradong ayaw ninyong masira ang kaugnayan ninyo sa kaniya, kaya iiwasan ninyong makagawa ng anumang bagay na makakasakit sa kaniya. (Awit 25:14) Kapag pinag-isipan ninyo ang lahat ng ginawa at gagawin ni Jehova para sa inyo, siguradong gugustuhin ninyo na maparangalan siya sa kasal ninyo.—Awit 116:12.
PAANO NINYO MAPAPARANGALAN SI JEHOVA?
5. Paano makakatulong ang Bibliya sa mga magkasintahang nagpaplano para sa kasal nila?
5 Walang listahan sa Bibliya ng mga dapat o di-dapat gawin sa seremonya ng kasal o sa handaan pagkatapos nito. Kaya puwedeng pag-isipan ng magkasintahan sa pagpaplano nila para sa kasal ang kultura, sitwasyon, at mga gusto nila. Sinusunod din ng mga Kristiyano ang mga batas ng gobyerno. (Mat. 22:21) Pero ang pinakamahalaga, sinusunod nila ang mga prinsipyo sa Bibliya habang nagpaplano sila para sa kasal. Alam nila na iyon ang magpaparangal at magpapasaya kay Jehova. Kaya anong mga prinsipyo ang dapat ninyong pag-isipan?
6. Bakit mahalagang sundin ng mga ikakasal ang mga batas ng gobyerno sa pagpapakasal?
6 Sundin ang mga batas ng gobyerno. (Roma 13:1, 2) Sa maraming bansa, may mga batas na kailangang sundin ang magkasintahan para maikasal sila. Kaya dapat alamin ng magkasintahan kung ano ang mga batas sa lugar nila. Kung kailangan mo ng tulong para malaman ang mga ito, puwede kang lumapit sa mga elder.b
7. Ano ang dapat tiyakin ng magkasintahan sa kasal nila?
7 Tiyakin na may dignidad ang kasal ninyo. (1 Cor. 10:31, 32) Siguradong gusto ninyo na mga katangian na bunga ng espiritu ng Diyos ang makita sa kasal ninyo, hindi ang espiritu ng sanlibutan. (Gal. 5:19-26) At dahil ang lalaking ikakasal ang magiging ulo ng pamilya, responsibilidad niyang tiyakin na magiging masaya at may dignidad ang okasyong iyon. Ano ang puwedeng gawin ng magkasintahan para maging ganiyan ang kasal nila? Makakatulong ang isang salig-Bibliyang pahayag na iniharap sa maibigin at may dignidad na paraan para maintindihan ng lahat kung gaano kagandang regalo mula kay Jehova ang pag-aasawa. Makikita rin ng lahat kung gaano kaseryoso ang okasyong iyon. Dahil diyan, pinipili ng karamihan sa mga magkasintahan na magpakasal sa Kingdom Hall kung posible. Kung gusto ninyong gamitin ang Kingdom Hall para sa kasal ninyo, dapat kayong sumulat nang maaga sa mga elder.
8. Paano ninyo matitiyak na mapaparangalan si Jehova sa handaan ng kasal ninyo? (Roma 13:13)
8 Basahin ang Roma 13:13. Kung may handaan pagkatapos ng kasal ninyo, paano ninyo matitiyak na hindi espiritu ng sanlibutan ang makikita dito? Ang salitang Griego na isinalin sa teksto na “walang-patumanggang mga pagsasaya” ay tumutukoy sa mga salusalong may sobrang pag-inom ng alak at musikang inaabot nang gabing-gabi. (Tingnan ang study note na “walang-patumanggang mga pagsasaya” sa Roma 13:13.) Kaya kapag nagpasiya kayong maglabas ng inuming de-alkohol sa handaan ninyo, siguraduhing walang iinom nang sobra-sobra.c At kung may musika sa handaan ninyo, siguraduhing hindi iyon masyadong malakas para makapagkuwentuhan pa rin ang mga bisita ninyo. I-check ding mabuti ang klase ng musikang ipapatugtog, pati na ang lyrics nito, para walang matisod sa okasyong iyon.
9. Ano ang dapat tandaan ng ikakasal kung may mga hihilingan sila na magbigay ng mensahe o kung may programa sa handaan ng kasal nila?
9 May mga hihilingan ba kayong magbigay ng mensahe sa handaan ng kasal ninyo? Magkakaroon ba kayo ng programa? Siguradong mas magpapasaya ang mga iyon sa espesyal na araw ninyo. Pero dapat ninyong tiyakin na nakakapagpatibay ang mga iyon. (Fil. 4:8) Puwede ninyong pag-isipan ang mga ito: ‘Mapapanatili ba nito ang respeto sa iba? Mapapanatili ba nito ang dignidad ng kaayusan sa pag-aasawa?’ At ang pinakamahalagang tanong: ‘Magpaparangal ba ito kay Jehova?’ Hindi naman masamang magpatawa. Pero iwasan ang anumang bagay na hindi disente, gaya ng pagbibiro tungkol sa sex. (Efe. 5:3) Kung hihilingan ninyo ang ilang kapamilya o kaibigan na magbigay ng mensahe, tiyakin na naiintindihan nila ang mga gusto at ayaw ninyong mangyari sa kasal ninyo.
10. Bakit makakabuti kung pananatilihing simple ang kasal? (1 Juan 2:15-17)
10 Maging simple. (Basahin ang 1 Juan 2:15-17.) Mapapasaya natin si Jehova kung sisikapin nating parangalan siya imbes na ang sarili natin. Kaya iniiwasan ng mga Kristiyano ang paggastos nang sobra-sobra at “pagyayabang ng mga pag-aari.” Paano makikinabang ang mga ikakasal kung pananatilihin nilang simple ang kasal nila? Ganito ang sinabi ni Mike, na taga-Norway: “Naiwasan naming magkautang at nakapagpatuloy kami sa pagpapayunir. Simple lang ang kasal namin, pero napakaganda n’on. Hinding-hindi namin ’yon malilimutan.” Sinabi naman ni Tabitha, isang sister mula sa India: “Hindi kami masyadong na-stress kasi simple lang ang kasal namin. Konti lang ang kinailangan naming planuhin, kaya wala rin kaming masyadong pinagtalunan.”
Saanman nakatira ang isang Kristiyanong magkasintahan, puwedeng maging simple, maganda, at di-malilimutan ang araw ng kasal nila (Tingnan ang parapo 10-11)
11. Paano magiging simple at mahinhin ang mga ikakasal pagdating sa pananamit at pag-aayos nila? (Tingnan din ang mga larawan.)
11 Nakahanda na ba ang isusuot ninyo sa kasal ninyo? Siguradong gusto ninyong maging guwapo at maganda sa araw na iyon. Kahit noong panahon ng Bibliya, gusto rin ng mga ikakasal na maging maayos ang hitsura nila. (Isa. 61:10) Siguradong mas espesyal ang isusuot ninyo sa kasal ninyo kaysa sa isinusuot ninyo sa ibang araw, pero dapat na maging mahinhin pa rin ito. (1 Tim. 2:9) Huwag gawing pinakamahalagang bagay sa araw ng kasal ninyo ang pananamit at pag-aayos ninyo.—1 Ped. 3:3, 4.
12. Bakit dapat iwasan ng mga ikakasal ang anumang kaugalian na hindi kaayon ng Bibliya?
12 Iwasan ang mga kaugaliang hindi kaayon ng Bibliya. (Apoc. 18:4) Maraming tradisyon sa kasal ngayon ang nahaluan na ng mga paganong kaugalian, espiritismo, at pamahiin. Kasama iyan sa maruruming bagay na pinapaiwasan sa atin ni Jehova. (2 Cor. 6:14-17) Kaya kung hindi ka sigurado sa isang kaugalian sa lugar ninyo, alamin muna ang pinagmulan nito. Maghanap din ng mga prinsipyo sa Bibliya na tutulong sa inyong makapagdesisyon kung gagawin ninyo sa kasal ang isang bagay o hindi.
13. Paano matutularan ng mga ikakasal ang pananaw ni Jehova sa pagtanggap ng regalo?
13 Karaniwan ba sa lugar ninyo ang magbigay ng regalo sa ikakasal? Magkakaiba ang ibinibigay na regalo ng mga bisita, depende sa kalagayan nila sa pinansiyal. Siyempre, pinapayuhan ang mga Kristiyano na magbigay, at masaya silang gawin iyon. (Kaw. 11:25; Gawa 20:35) Pero ayaw nating maiparamdam sa mga bisita na obligado silang magregalo. Ayaw rin nating maramdaman nila na hindi natin papahalagahan ang regalo nila kung simple lang ito. Tinutularan natin si Jehova at ang pananaw niya sa pagtanggap ng regalo. Kaya masaya tayo sa anumang kayang ibigay ng iba mula sa puso.—2 Cor. 9:7.
MAIIWASAN AT MAKAKAYANAN NINYO ANG MGA HAMON
14. Anong mga hamon ang napaharap sa ilan noong nagpaplano sila ng kasal?
14 Puwede kayong mapaharap sa mga hamon habang nagpaplano kayo ng isang kasal na magpaparangal kay Jehova. Halimbawa, baka mahirapan kayong panatilihing simple ang kasal. Sinabi ni Charlie, na taga-Solomon Islands: “Nahirapan kaming pumili ng mga iimbitahan sa handaan. Ang dami kasi naming kaibigan. At sa kultura namin, iniisip ng lahat na imbitado sila!” Ganito naman ang ikinuwento ni Tabitha, na binanggit kanina: “Karaniwan sa lugar namin ang malalaking handaan. Kaya matagal din bago naintindihan ng mga magulang namin ang desisyon naming mga 100 lang ang imbitahan.” Ito naman ang sinabi ni Sarah, mula sa India: “Para sa ilan, napakahalagang maipakita sa iba kung gaano sila kayaman. Engrande ang kasal ng mga pinsan ko, kaya pinipilit ako ng iba na magkaroon ng mas engrande pang kasal.” Ganiyan din ba kayo? Ano ang makakatulong sa inyo na maharap ang mga hamong gaya ng mga iyan?
15. Bakit mahalaga ang pananalangin sa pagpaplano ng kasal?
15 Laging manalangin habang nagpaplano. Puwede ninyong ipanalangin kay Jehova ang anumang desisyong kailangan ninyong gawin, pati na ang mga ipinag-aalala ninyo habang nagpaplano. (Fil. 4:6, 7 at study note na “lahat”) Puwede ninyong hilingin na makagawa sana kayo ng matatalinong desisyon, manatiling kalmado kapag nai-stress, at magkaroon ng lakas ng loob na panindigan ang mga desisyong nagawa ninyo. (1 Ped. 5:7) Habang mas nakikita ninyong tinutulungan kayo ni Jehova, mas magtitiwala kayo sa kaniya. Sinabi ni Tabitha, na binanggit kanina: “Noong nagpaplano kami ng kasal, nag-aalala kami na baka lagi kaming magtalo o baka hindi kami maintindihan ng mga pamilya namin. Kaya tuwing pag-uusapan namin ang mga plano namin sa kasal, nananalangin muna kami. Naramdaman talaga namin ang tulong ni Jehova, at laging payapa ang mga pag-uusap namin.”
16-17. Paano makakatulong ang mabuting komunikasyon habang nagpaplano ng kasal?
16 Makipag-usap sa malinaw at magalang na paraan. (Kaw. 15:22) Habang nagpaplano kayong magkasintahan para sa kasal, marami kayong kailangang pagdesisyunan. Kasama na diyan ang petsa ng kasal, budget, mga iimbitahan, at marami pang iba. Bago kayo magdesisyon, pag-usapan ninyong mabuti ang mga opsiyon ninyo at ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa inyo. Pag-isipan din ang mga payo sa inyo ng mga may-gulang na Kristiyano. Kapag sinasabi ninyo sa isa’t isa o sa mga kapamilya ninyo ang mga gusto ninyo, maging mabait, makatuwiran, at handang mag-adjust. Tandaan na espesyal din para sa pamilya ninyo ang kasal ninyo. Kaya puwede ninyong pagbigyan ang malalapit ninyong kapamilya, gaya ng mga magulang ninyo, kung wala namang masama sa mga hinihiling nila. Kung hindi naman ninyo sila mapagbibigyan, ipaliwanag sa mabait na paraan kung bakit. (Col. 4:6) Linawin sa mga kapamilya ninyo na ang pinakamahalaga sa inyo sa masayang araw na iyon ay ang maparangalan si Jehova.
17 Baka mahirapan kayong ipaliwanag sa mga magulang ninyo ang mga desisyon ninyo, lalo na kung hindi sila Saksi. Pero huwag kayong susuko. “Gusto ng mga pamilya namin na magsama kami ng mga ritwal ng Hindu sa kasal namin,” ang sabi ni Santhosh, isang brother sa India. “Maraming beses kaming nagpaliwanag sa kanila. Pinagbigyan namin ang ilang gusto nila na hindi naman labag sa pamantayan ni Jehova. Halimbawa, pinalitan namin para sa kanila ang mga pagkain sa handaan namin. Wala na ring kumanta at sumayaw sa programa dahil hindi sila sanay doon.”
18. Ano ang makakatulong para masigurado ninyong magiging maayos ang kasal ninyo? (1 Corinto 14:40) (Tingnan din ang larawan.)
18 Magplanong mabuti. Kapag organisado ang mga plano ninyo, malamang na mabawasan ang stress ninyo sa araw ng kasal. (Basahin ang 1 Corinto 14:40.) Sinabi ni Wayne, na taga-Taiwan: “Ilang araw bago ang kasal namin, nag-meeting kami kasama ang mga may bahagi sa kasal. Pinag-usapan namin ang mga kaayusan, at may mga pinraktis kami.” Bilang respeto sa mga bisita ninyo sa kasal, gawin ang lahat para maging nasa oras ang mga bagay-bagay.
Makakatulong ang pagpaplanong mabuti para masiguradong magiging maayos ang kasal (Tingnan ang parapo 18)
19. Ano ang puwede ninyong gawin para matiyak na masusunod ang mga kaayusan ninyo sa handaan?
19 Maraming problema ang maiiwasan kung magpaplano kayong mabuti. (Kaw. 22:3) Halimbawa, kung karaniwan sa mga tao sa lugar ninyo na pumunta sa handaan ng kasal kahit hindi imbitado, pag-isipan ang puwede ninyong gawin para maiwasan ito. Tiyaking alam ng mga kamag-anak ninyong di-Saksi ang mga mangyayari sa kasal ninyo, at ipaliwanag ang pananaw ninyo sa ilang kaugalian sa kasal. Puwede ninyong ipabasa sa kanila ang artikulong “Ano ang Nangyayari sa Kasalan ng mga Saksi ni Jehova?” sa jw.org. Para matiyak na masusunod ang mga kaayusan ninyo sa handaan, puwede kayong pumili ng isang may-gulang na brother na magiging “direktor sa handaan.” (Juan 2:8, tlb.) Kapag malinaw ninyong sinabi sa kaniya ang mga plano ninyo, makakatulong siya para maging maayos ang kasal at masunod ang mga iyon.
20. Ano ang dapat tandaan ng mga nagpaplano ng kasal?
20 Baka ma-stress kayo kapag naiisip ninyo ang lahat ng kailangan ninyong pagplanuhan sa kasal. Pero tandaan na isang araw lang ang kasal ninyo. Simula pa lang iyon ng masayang buhay ninyo na magkasama kayong maglilingkod kay Jehova. Sikaping gawing simple at marangal ang kasal ninyo. Magtiwala kay Jehova. Sa tulong niya, makakapagplano kayo ng isang masaya at magandang kasal na hindi ninyo malilimutan o pagsisisihan.—Awit 37:3, 4.
AWIT BLG. 107 Tularan ang Pag-ibig ni Jehova
a KARAGDAGANG PALIWANAG: Sa maraming kultura, ang mga kasalan ay may seremonya kung saan mananata sa harap ng Diyos ang mga ikakasal. Minsan, sinusundan ito ng isang handaan. Sa mga kultura naman na walang pormal na seremonya o handaan, makakatulong pa rin sa mga ikakasal ang pagsunod sa mga prinsipyo sa Bibliya sa araw ng kasal nila.
b Para sa iba pang impormasyon tungkol sa pananaw ng mga Kristiyano sa mga batas ng gobyerno may kinalaman sa pagpapakasal, tingnan ang artikulong “Mga Kasalang Marangal sa Paningin ng Diyos at ng Tao” sa Bantayan, isyu ng Oktubre 15, 2006.
c Tingnan ang video na Maglalabas Ba Ako ng Alak? sa jw.org.