Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Disyembre p. 14-19
  • Tularan ang Kapakumbabaan ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tularan ang Kapakumbabaan ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • MADALING LAPITAN SI JEHOVA
  • MAKATUWIRAN SI JEHOVA
  • HANDANG MAGHINTAY SI JEHOVA
  • PINAPAHALAGAHAN NI JEHOVA ANG MGA MAPAGPAKUMBABA
  • Tularan Kung Paano Mag-isip si Jehova at si Jesus
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Talagang Mas Masaya ang Nagbibigay!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Linangin ang Tunay na Kapakumbabaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Disyembre p. 14-19

ARALING ARTIKULO 50

AWIT BLG. 48 Lumakad Kasama ni Jehova Araw-araw

Tularan ang Kapakumbabaan ni Jehova

“Tularan ninyo ang Diyos, bilang minamahal na mga anak.”​—EFE. 5:1.

MATUTUTUHAN

Alamin ang apat na paraan kung paano natin matutularan ang kapakumbabaan ni Jehova.

1. Bakit kahanga-hanga ang kapakumbabaan ni Jehova?

KAPAG inoobserbahan mo ang mga taong may awtoridad ngayon, malamang na napapansin mong hindi sila mapagpakumbaba. Pero hindi ganiyan si Jehova. Siya ang Makapangyarihan-sa-Lahat, pero mapagpakumbaba pa rin siya. (Awit 113:​5-8) Isa iyan sa pinakamagagandang katangian niya, at hindi siya kailanman naging mapagmataas. Marami tayong matututuhan sa katangian niyang iyan, at iyan ang tatalakayin natin sa artikulong ito. Titingnan natin ang apat na paraan kung paano ipinapakita ni Jehova na mapagpakumbaba siya. Pag-uusapan din natin kung paano tinularan ni Jesus ang Ama niya. Tutulong ang mga ito para maging mas malapít tayo kay Jehova at mas matularan natin ang kapakumbabaan niya.

MADALING LAPITAN SI JEHOVA

2. Ano ang sinasabi ng Awit 62:8 tungkol kay Jehova? (Tingnan din ang larawan.)

2 Hindi madaling lapitan ang mga mapagmataas. Bakit? Dahil sa pride, madalas na iniisip nilang mas magaling sila sa iba. Hindi rin sila mabait makitungo sa iba kaya iniiwasan sila. Pero ibang-iba si Jehova! Dahil mapagpakumbaba ang Ama natin sa langit, inaanyayahan niya tayong lumapit sa kaniya para sabihin ang lahat ng iniisip at nararamdaman natin. (Basahin ang Awit 62:8.) Kung paanong handang makinig ang isang ama sa mga problema ng anak niya, handa ring makinig si Jehova sa mga panalangin ng mga lingkod niya. Ipinasulat pa nga niya sa Bibliya ang karamihan sa mga panalanging iyon. Ipinapakita niyan na gusto talaga niyang makinig sa mga panalangin natin. (Jos. 10:​12-14; 1 Sam. 1:​10-18) Pero kung minsan, baka maramdaman nating hindi tayo karapat-dapat lumapit sa kaniya. Ano ang makakatulong sa atin?

Isang ama na matiyagang nakikinig sa anak niyang may hawak na laruang eroplano. Ipinapaliwanag ng batang lalaki kung paano niya nabasag ang vase habang naglalaro.

Gaya ni Jehova, mapagpakumbabang nakikinig ang isang ama sa anak niya, na nakabasag ng vase habang naglalaro (Tingnan ang parapo 2)


3. Bakit tayo sigurado na gusto ni Jehova na lagi tayong manalangin sa kaniya?

3 Makakalapit tayo kay Jehova sa panalangin kahit pakiramdam nating hindi tayo karapat-dapat sa pag-ibig niya. Bakit natin nasabi iyan? Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa nawalang anak, ikinumpara niya si Jehova sa isang maibiging ama. Pakiramdam ng anak nito, hindi siya karapat-dapat tanggapin ulit sa pamilya kasi marami siyang nagawang pagkakamali. Pero ano ang ginawa ng ama nang makita niyang bumalik ang anak niya? Pansinin ang sinabi ni Jesus. Malayo pa lang ang anak, natanaw na siya ng kaniyang ama. Pagkatapos, “tumakbo ito at niyakap at hinalikan siya.” (Luc. 15:​17-20) Ganiyang-ganiyan din si Jehova. Kapag ipinapanalangin natin sa kaniya ang mga problema at alalahanin natin, talagang nakikinig siyang mabuti sa atin. (Panag. 3:​19, 20) At gaya ng ama sa ilustrasyon na tumakbo sa anak niya, napapakilos si Jehova ng awa niya para tiyakin sa atin na mahal na mahal niya tayo. (Isa. 57:15) Paano niya iyan ginagawa? Ginagamit niya ang mga elder, mga kapamilya natin, at mga kapatid para patibayin tayo. (Sant. 5:​14, 15) Ginagawa niya iyan kasi gusto niyang mapalapit tayo sa kaniya.

4. Paano ipinakita ni Jesus na madali siyang lapitan?

4 Paano tinularan ni Jesus ang Ama niya? Gaya ng Ama niya, mapagpakumbaba rin si Jesus. Noong nasa lupa siya, panatag ang mga tao na lumapit at magtanong sa kaniya. (Mar. 4:​10, 11) Kaya kapag inaalam niya ang opinyon nila, talagang nasasabi nila ang mga nararamdaman nila. (Mat. 16:​13-16) At kapag may nagawa silang pagkakamali, hindi sila natatakot sa posibleng maging reaksiyon ni Jesus. Alam kasi nilang mabait siya, maawain, at matiisin. (Mat. 17:​24-27) Mas nakilala ng mga tagasunod ni Jesus si Jehova, kasi talagang natularan niya ang kaniyang Ama. (Juan 14:9) Nakita nila na ibang-iba si Jehova sa malulupit at mapagmataas na mga lider ng relihiyon noong panahon nila. Mapagpakumbaba si Jehova at madaling lapitan.

5. Paano makakatulong ang kapakumbabaan para maging mas madali sa iba na lumapit sa atin?

5 Paano natin matutularan si Jehova? Kapag mapagpakumbaba tayo, magiging mas madali para sa iba na lumapit sa atin. Bakit? Kasi kapag hindi tayo mapagpakumbaba, magiging mainggitin tayo, maiisip natin na mas mataas tayo kaysa sa iba, at magiging mahirap para sa atin na magpatawad. Dahil sa mga bagay na iyan, iiwasan tayo ng iba. Pero tutulong ang kapakumbabaan para maging mabait tayo sa iba, mapagpasensiya, at handang magpatawad. Mga katangian iyan na hinahanap ng iba sa mga gusto nilang maging kaibigan. (Col. 3:​12-14) At mas dapat ipakita ng mga elder na madali silang lapitan. Para magawa nila iyan, maganda na lagi nilang kasama ang mga kapatid. Ibig sabihin, sisikapin nilang dumalo in person sa Kingdom Hall, kung posible, imbes na sa pamamagitan lang ng videoconference. At depende sa kalagayan nila, sinisikap nilang makasama ang mga kapatid na mangaral sa bahay-bahay. Makakatulong ang mga iyan para mas makilala ng mga kapatid ang mga elder at magiging mas madali sa kanila na humingi ng tulong sa mga brother na ito.

MAKATUWIRAN SI JEHOVA

6-7. Magbigay ng mga halimbawa kung kailan pinakinggan ni Jehova ang mga pakiusap ng lingkod niya.

6 Madalas na iniisip ng mapagmataas na mga tao na alam na nila ang pinakamagandang desisyon, kaya hindi sila nagbabago ng isip. Pero dahil mapagpakumbaba si Jehova, makatuwiran siya at handang magbago ng desisyon. Handa niyang gawin iyan kahit siya ang Kataas-taasan. Pag-isipan kung paano niya ginawa iyan para kay Miriam, ang ate ni Moises. Nagsalita siya at si Aaron laban kay Moises. Nang gawin nila iyan, parang kinalaban nila si Jehova kasi kinatawan niya si Moises. At dahil diyan, nagalit si Jehova kay Miriam at pinarusahan ito ng ketong. Pero nang magmakaawa si Aaron kay Moises, at nakiusap naman si Moises kay Jehova para pagalingin si Miriam, ano ang ginawa ni Jehova? Kung mapagmataas si Jehova, hindi niya babaguhin ang hatol niya. Pero dahil mapagpakumbaba siya, pinagaling niya si Miriam.​—Bil. 12:​1-15.

7 Nagpakita rin ng kapakumbabaan si Jehova nang makiusap sa kaniya si Haring Hezekias. Ginamit ni Jehova ang propetang si Isaias para sabihin sa hari na mamamatay na ito. Nang malaman iyan ni Hezekias, umiyak siya at nagmakaawa kay Jehova na pagalingin siya. Ano ang ginawa ni Jehova? Nakinig siya sa panalangin ni Hezekias at sinabing mabubuhay pa ito nang 15 taon. (2 Hari 20:​1, 5, 6) Dahil sa kapakumbabaan ni Jehova, napapakilos siya nitong magpakita ng awa at makinig sa iba.

8. Paano ipinakita ni Jesus na makatuwiran siya? (Marcos 3:​1-6)

8 Paano tinularan ni Jesus ang Ama niya? Noong nasa lupa si Jesus, gumawa siya ng mabuti sa iba kung makatuwiran namang gawin ito. Halimbawa, iniisip ng mga kaaway niya na hindi siya dapat magpagaling ng mga tao sa araw ng Sabbath. Pero dahil makatuwiran siya, nagpagaling pa rin siya ng mga maysakit. (Basahin ang Marcos 3:​1-6.) At kahit siya na ang ulo ng kongregasyong Kristiyano, makatuwiran pa rin siya. Halimbawa, binibigyan niya ng pagkakataong magbago ang mga Kristiyanong nakagawa ng malubhang kasalanan.​—Apoc. 2:​2-5.

9. Paano natin maipapakitang makatuwiran tayo? (Tingnan din ang mga larawan.)

9 Paano natin matutularan si Jehova? Dapat nating pagsikapang tularan ang pagiging makatuwiran ni Jehova. (Sant. 3:17) Paano natin magagawa iyan? Maipapakita ng mga magulang na makatuwiran sila kung hindi sila aasa nang higit sa kaya ng mga anak nila. Ginawa iyan ni Jacob, gaya ng makikita sa Genesis 33:​12-14. Ipinapakita rin ng mga magulang na mapagpakumbaba at makatuwiran sila kung hindi nila pagkukumparahin ang mga anak nila sa isa’t isa. Paano naman maipapakita ng mga elder na makatuwiran sila? Kapag nakagawa na ng desisyon ang karamihan sa lupon ng matatanda na hindi naman lumalabag sa mga prinsipyo sa Bibliya, susuportahan nila iyon. (1 Tim. 3:​2, 3) Maipapakita naman natin na makatuwiran tayo kung sisikapin nating intindihin ang paraan ng pag-iisip ng ibang tao kahit iba ang opinyon natin sa kanila. (Roma 14:1) Dapat ipakita ng bawat isa sa atin “ang pagiging makatuwiran.”​—Fil. 4:5.

Collage: Isang ama na masayang kasama ang mga anak niya habang nangangaral sa bahay-bahay. 1. Nakangiti siya sa anak niyang lalaki habang nag-aalok ito ng brosyur na “Masayang Buhay Magpakailanman” sa isang lalaki. 2. Nakangiti rin siya sa anak niyang babae habang nagbibigay ito ng jw.org contact card sa isang babae.

Makatuwiran ang inaasahan ng isang ama sa kayang gawin ng mga anak niya sa ministeryo (Tingnan ang parapo 9)


HANDANG MAGHINTAY SI JEHOVA

10. Kailan ipinakita ni Jehova na handa siyang maghintay?

10 Napansin ba ninyo na ayaw maghintay ng mga taong mapagmataas? Dahil iyan sa pride nila. Pero hindi ganiyan si Jehova. Talagang handa siyang maghintay, at wala nang ibang mas magandang halimbawa kaysa sa kaniya. Ipinakita niya iyan noong panahon ni Noe. Sinabi niya na maghihintay siya ng 120 taon bago niya puksain ang masasama noong panahong iyon. (Gen. 6:3) Nakatulong iyan para mapalaki ni Noe ang mga anak niya at maitayo ang arka. Naghintay rin si Jehova noong panahon ni Abraham. Maraming tanong si Abraham tungkol sa pagkawasak ng Sodoma at Gomorra. Kung mapagmataas na tao ang kausap ni Abraham, malamang na nasabi nito sa kaniya, ‘Sa tingin mo ba, hindi ko alam ang ginagawa ko?’ Pero hindi iyan ang ginawa ni Jehova. Dahil mapagpakumbaba siya, matiyaga niyang pinakinggan si Abraham.​—Gen. 18:​20-33.

11. Paano ipinapakita ni Jehova na naghihintay siya sa ngayon? (2 Pedro 3:9)

11 Naghihintay rin si Jehova sa panahon natin ngayon. May itinakda siyang panahon para sa wakas, at hinihintay niya iyon “dahil hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.” (Basahin ang 2 Pedro 3:9.) Ano ang resulta ng paghihintay ni Jehova? Milyon-milyon ang napalapit sa kaniya. At umaasa tayong marami pa ang gagawa niyan. Pero hindi ibig sabihin nito na lagi na lang maghihintay si Jehova. Mahal niya ang mga tao, pero hindi siya kunsintidor. Lilipulin niya ang masasama sa hinaharap.​—Hab. 2:3.

12. Gaya ni Jehova, paano ipinapakita ni Jesus na handa rin siyang maghintay?

12 Paano tinularan ni Jesus ang Ama niya? Gaya ni Jehova, libo-libong taon na ring naghihintay si Jesus. Nakita niya kung paano siniraan ni Satanas si Jehova at ang mga tapat na lingkod niya. (Gen. 3:​4, 5; Job 1:11; Apoc. 12:10) Nakikita rin niya ang pagdurusa ng napakaraming tao. Siguradong gustong-gusto na niyang “sirain ang mga gawa ng Diyablo.” (1 Juan 3:8) Pero bakit hinihintay pa rin ni Jesus ang itinakdang panahon ni Jehova para puksain ang Diyablo? Mapagpakumbaba kasi siya. At alam niyang si Jehova lang ang may karapatang magsabi kung kailan niya iyon gagawin.​—Gawa 1:7.

13. Paano at bakit naging matiyaga si Jesus sa mga apostol niya?

13 Naging matiyaga rin si Jesus sa mga apostol niya. Paulit-ulit silang nagtalo kung sino ang pinakadakila. Pero sinukuan ba sila ni Jesus? Hindi. Alam niyang magbabago rin sila. (Luc. 9:46; 22:​24-27) Sigurado siyang sa tamang panahon, matututo rin silang maging mapagpakumbaba. Nakikita mo ba ang sarili mo sa mga apostol? May mga pagkakamali ka rin bang paulit-ulit na nagagawa? Hindi ba napakasarap isipin na mayroon tayong mapagpakumbaba at matiyagang Hari?

14. Ano ang mga puwede nating gawin para maging mas matiyaga tayo?

14 Paano natin matutularan si Jehova? Para matularan natin kung paano mag-isip si Jehova, kailangan nating tularan “ang pag-iisip ni Kristo.” (1 Cor. 2:16) Paano natin magagawa iyan? Kailangan nating basahin at bulay-bulayin ang mga Ebanghelyo. Makakatulong iyan para mas maintindihan natin kung paano mag-isip si Jesus. At napakahalaga ring hilingin natin kay Jehova na tulungan tayong maging mapagpakumbaba at matiisin gaya ni Jesus. Kapag ginawa natin ang mga iyan, matutularan natin si Jehova at magiging mas matiyaga tayo sa sarili natin at sa mga kapatid.​—Mat. 18:​26-30, 35.

PINAPAHALAGAHAN NI JEHOVA ANG MGA MAPAGPAKUMBABA

15. Paano pinapahalagahan ni Jehova ang mga mapagpakumbaba? (Awit 138:6)

15 Basahin ang Awit 138:6. Si Jehova ang Kataas-taasan, pero pinapahalagahan niya ang mga taong mapagpakumbaba. Tingnan natin kung paano niya ginawa iyan sa mga tapat na lingkod niya noong panahon ng Bibliya. Malamang na hindi natin agad makilala ang ilan sa mga taong ito, pero kilalang-kilala sila ni Jehova. Halimbawa, ipinasulat ni Jehova kay Moises ang ulat ni Debora. Mga 125 taon niyang pinaglingkuran ang pamilya nina Isaac at Jacob bilang yaya. Wala tayong masyadong alam tungkol sa tapat na babaeng ito, pero ipinasulat ni Jehova kung gaano siya kamahal ni Jacob at ng pamilya nito. (Gen. 24:59; 35:​8, tlb.) Pagkalipas ng daan-daang taon, ginawa naman ni Jehova na hari ng Israel ang isang batang pastol, si David. (2 Sam. 22:​1, 36) Nang ipinanganak na si Jesus, gumamit si Jehova ng anghel para sabihin sa mga pastol na isinilang na sa Betlehem ang magiging Mesiyas—sila ang unang nakaalam ng bagay na iyan. (Luc. 2:​8-11) At nang dalhin nina Jose at Maria si Jesus sa templo, binigyan ni Jehova sina Simeon at Ana ng pagkakataong makita ang Anak Niya. (Luc. 2:​25-30, 36-38) Kitang-kita diyan na “kahit mataas si Jehova, nagbibigay-pansin siya sa mapagpakumbaba.”

16. Paano tinularan ni Jesus ang Ama niya sa pakikitungo sa mga tao?

16 Paano tinularan ni Jesus ang Ama niya? Gaya ng Ama niya, pinahalagahan ni Jesus ang mga mapagpakumbaba. Tinuruan niya ang mga ‘hindi nakapag-aral at pangkaraniwang mga tao’ tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Gawa 4:13; Mat. 11:25) Hindi lang niya basta pinagaling ang mga maysakit. Ipinaramdam niya rin sa kanila na minamahal sila at nirerespeto. (Luc. 5:13) Noong gabi bago siya mamatay, hinugasan ni Jesus ang mga paa ng mga apostol niya kahit gawain iyon ng isang lingkod. (Juan 13:5) At bago siya umakyat sa langit, inatasan niyang mangaral ang mga lingkod niya noon at ang mga magiging lingkod niya sa hinaharap. Wala nang ibang mas mahalagang atas kaysa dito, kasi tutulong ito para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga tao.​—Mat. 28:​19, 20.

17. Paano natin maipapakitang pinapahalagahan natin ang iba? (Tingnan din ang larawan.)

17 Paano natin matutularan si Jehova? Maipapakita nating pinapahalagahan natin ang iba kapag ipinapangaral natin ang mabuting balita sa lahat ng tao. Ginagawa natin iyan anuman ang kanilang pinagmulan, lahi, o natanggap na edukasyon. Ipinapakita naman nating pinapahalagahan natin ang mga kapatid kapag itinuturing natin sila na nakakataas sa atin, anuman ang kakayahan o pribilehiyong mayroon tayo. (Fil. 2:3) Natutuwa si Jehova kapag mapagpakumbaba tayo at naghahanap ng mga paraan para mauna sa pagpapakita ng paggalang sa iba.​—Roma 12:10; Zef. 3:12.

Dalawang sister na nagba-Bible study sa isang babaeng nakakulong.

Tinutularan natin ang kapakumbabaan ni Jehova kapag nangangaral tayo sa lahat ng uri ng tao (Tingnan ang parapo 17)a


18. Bakit mo gustong tularan ang kapakumbabaan ni Jehova?

18 Kapag nagsikap tayo na tularan ang kapakumbabaan ng Diyos na Jehova, madali tayong lapitan ng iba, at magiging mas makatuwiran tayo at matiisin. Gaya ni Jehova, mapapahalagahan din natin ang iba. Kaya gawin natin ang lahat para matularan ang mapagpakumbaba nating Diyos. Kung gagawin natin iyan, magiging mas mahalaga tayo sa paningin niya.​—Isa. 43:4.

PAANO MAKAKATULONG SA IYO ANG KAPAKUMBABAAN PARA . . .

  • mas madali kang lapitan ng iba?

  • maging makatuwiran ka?

  • maging matiisin ka?

AWIT BLG. 159 Ibigay kay Jehova ang Kaluwalhatian

a LARAWAN: Mapagpakumbabang tinutularan ng mga sister si Jehova habang nagtuturo ng Bibliya sa mga nakakulong.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2026)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2026 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share