Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es26 p. 26-36
  • Marso

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Marso
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2026
  • Subtitulo
  • Linggo, Marso 1
  • Lunes, Marso 2
  • Martes, Marso 3
  • Miyerkules, Marso 4
  • Huwebes, Marso 5
  • Biyernes, Marso 6
  • Sabado, Marso 7
  • Linggo, Marso 8
  • Lunes, Marso 9
  • Martes, Marso 10
  • Miyerkules, Marso 11
  • Huwebes, Marso 12
  • Biyernes, Marso 13
  • Sabado, Marso 14
  • Linggo, Marso 15
  • Lunes, Marso 16
  • Martes, Marso 17
  • Miyerkules, Marso 18
  • Huwebes, Marso 19
  • Biyernes, Marso 20
  • Sabado, Marso 21
  • Linggo, Marso 22
  • Lunes, Marso 23
  • Martes, Marso 24
  • Miyerkules, Marso 25
  • Huwebes, Marso 26
  • Biyernes, Marso 27
  • Sabado, Marso 28
  • Linggo, Marso 29
  • Lunes, Marso 30
  • Martes, Marso 31
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2026
es26 p. 26-36

Marso

Linggo, Marso 1

Ang taong namatay ay napawalang-sala na.​—Roma 6:7.

May mababasa tayo sa Bibliya tungkol sa mga taong matuwid na naging di-matuwid. Isa na diyan si Haring Solomon. Kilalang-kilala niya si Jehova, at marami siyang tinanggap na pagpapala noong una. Pero bandang huli, sumamba siya sa huwad na mga diyos. Dahil dito, nagalit sa kaniya si Jehova at nagdusa ang bansang Israel nang maraming taon. Totoo, sinasabi ng Bibliya na noong mamatay si Solomon, inilibing siyang kasama ng mga ama niya, gaya ng tapat na si Haring David. (1 Hari 11:​5-9, 43; 2 Hari 23:13) Dahil ba sa ganiyang paraan inilibing si Solomon, sigurado nang bubuhayin siyang muli? Walang sinasabi ang Bibliya. Regalo ng mapagmahal nating Diyos ang pagkabuhay-muli. Ibinibigay niya iyon sa mga gusto niyang bigyan ng pagkakataon na maglingkod sa kaniya nang walang hanggan. (Job 14:​13, 14; Juan 6:44) Makakatanggap kaya si Solomon ng ganitong regalo? Si Jehova lang ang nakakaalam. Pero alam natin na gagawin ni Jehova kung ano ang tama. w24.05 4 ¶9

Lunes, Marso 2

Ako ay magiging panauhin sa iyong tolda magpakailanman.​—Awit 61:4.

Nang ialay natin ang buhay natin kay Jehova, naging panauhin tayo sa makasagisag na tolda niya. Sagana tayo sa espirituwal na pagkain, at masaya tayong makasama ang iba pang panauhin ni Jehova. Hindi makikita sa iisang lokasyon ang makasagisag na tolda niya. Makikita ang toldang ito saanman mayroong tapat na mga lingkod niya. (Apoc. 21:3) Paano naman ang tapat na mga lingkod ni Jehova na namatay na? Masasabi ba natin na panauhin pa rin sila sa tolda ni Jehova? Oo. Kasi buháy pa rin sila sa alaala niya. Sinabi ni Jesus: “Sa ulat tungkol sa matinik na halaman, may binanggit si Moises tungkol sa pagbuhay-muli sa mga patay. Tinawag niya si Jehova na ‘Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy, dahil silang lahat ay buháy sa kaniya.”​—Luc. 20:​37, 38. w24.06 3-4 ¶6-7

Martes, Marso 3

Si Jehova ang aking lakas at aking kalasag.​—Awit 28:7.

Pumunta si Zadok sa Hebron dala ang mga sandata niya at handang makipaglaban. (1 Cro. 12:38) Handa niyang samahan si David sa digmaan at ipagtanggol ang Israel sa mga kaaway nito. Posibleng walang karanasan si Zadok sa pakikipagdigma, pero napakatapang niya. Ano kaya ang nakatulong sa saserdoteng si Zadok na maging matapang? Marami siyang kasabayan na mga lalaking malakas at matapang. Siguradong natuto siya sa kanila. Halimbawa, buong tapang na ‘pinangunahan ni David ang Israel sa mga labanan’ kaya gusto siyang gawing hari ng mga Israelita. (1 Cro. 11:​1, 2) Laging umaasa si David kay Jehova sa tuwing nakikipaglaban siya sa mga kaaway. (Awit 138:3) Naging magandang halimbawa rin kay Zadok si Jehoiada at ang mandirigmang anak nito na si Benaias, pati na ang 22 pinuno ng tribo na sumuporta kay David.​—1 Cro. 11:​22-25; 12:​26-28. w24.07 3 ¶5-6

Miyerkules, Marso 4

Sinisikap kang akayin ng Diyos sa pagsisisi dahil sa kabaitan niya.​—Roma 2:4.

Malupit na pinag-usig ni Saul ng Tarso ang minamahal na mga tagasunod ni Kristo. Posibleng iniisip ng karamihan sa mga Kristiyano noon na wala nang pag-asang magbago si Saul. Pero ibang-iba ang tingin sa kaniya ng binuhay-muling si Jesus. Nakita niya at ng Ama niya ang magagandang katangian ni Saul. Sinabi ni Jesus: “Ang taong ito ay pinili ko.” (Gawa 9:15) Gumamit pa nga si Jesus ng himala para akayin si Saul sa pagsisisi. (Gawa 7:58–8:3; 9:​1-9, 17-20) Nang maging Kristiyano na si Saul at makilala bilang si apostol Pablo, madalas niyang sabihin na talagang nagpapasalamat siya sa ipinakitang kabaitan at awa sa kaniya. (1 Tim. 1:​12-15) Nang mabalitaan ni Pablo na nagkaroon ng problema tungkol sa imoralidad ang kongregasyon sa Corinto, paano niya ito inasikaso? Kapag pinag-aralan natin ang ulat na ito, marami tayong matututuhan tungkol sa pag-ibig at pagdidisiplina ni Jehova. Matututuhan din natin kung paano tayo magiging maawain gaya ni Jehova. w24.08 13 ¶15-16

Huwebes, Marso 5

Iyan ang dahilan kung bakit dumating ang Anak ng Diyos, para sirain ang mga gawa ng Diyablo.​—1 Juan 3:8.

Sa paglipas ng panahon, unti-unting nilinaw ni Jehova kung paano mapapalapit sa kaniya ang makasalanang mga tao. Pagkatapos ng nangyari sa Eden, si Abel, na ikalawang anak nina Adan at Eva, ang pinakaunang nanampalataya kay Jehova. Mahal ni Abel si Jehova at gusto niyang mapasaya Siya at mapalapit sa Kaniya. Kaya naghandog si Abel. Isa siyang pastol, kaya kumuha siya ng ilang batang tupa at pinatay iyon para ihandog kay Jehova. Ano ang naging reaksiyon ni Jehova? “Sinang-ayunan [niya] si Abel at ang handog nito.” (Gen. 4:4) Tinanggap din ni Jehova ang mga handog ng ibang tao na nagmamahal at nagtitiwala sa kaniya—gaya ni Noe. (Gen. 8:​20, 21) Ipinakita ni Jehova na puwede siyang mapasaya ng makasalanang mga tao at posible silang mapalapit sa kaniya. w24.08 3 ¶5-6

Biyernes, Marso 6

Muntik nang maligaw ang mga paa ko; muntik na akong madulas sa mga hakbang ko.​—Awit 73:2.

Kapag nakaranas tayo ng kawalang-katarungan, baka sobra tayong masaktan at malungkot. (Ecles. 7:7) Naramdaman din iyan ng tapat na mga lingkod ni Jehova, gaya nina Job at Habakuk. (Job 6:​2, 3; Hab. 1:​1-3) Kaya normal lang na maramdaman iyan. Pero dapat nating bantayan ang magiging reaksiyon natin para hindi tayo makagawa ng mga bagay na magpapalala lang sa sitwasyon. Kapag parang hindi napaparusahan ang mga gumagawa ng masama, baka magduda tayo kung sulit pa bang gawin ang tama. Nakita ng salmista na gumaganda ang buhay ng masasama habang nagdurusa naman ang mabubuti dahil sa mga ginagawa nila. Sinabi niya: “Ganiyan ang masasama, na laging maginhawa ang buhay.” (Awit 73:12) Nadidismaya rin siya sa nakikita niyang kawalang-katarungan at naisip pa ngang para saan pa ang paglilingkod niya kay Jehova. Sinabi niya: “Nang subukan kong unawain iyon, nabagabag ako.”​—Awit 73:​14, 16. w24.11 3 ¶5-7

Sabado, Marso 7

Ibigay ninyo kay Jehova ang nararapat sa kaniya, kayong mga pamilya ng mga bayan, ibigay ninyo kay Jehova ang nararapat sa kaniya dahil sa kaniyang lakas at kaluwalhatian.​—Awit 96:7.

Niluluwalhati natin si Jehova kasi malaki ang respeto natin sa kaniya. Marami tayong dahilan para irespeto siya. Siya ang Makapangyarihan-sa-Lahat; kayang-kaya niyang gawin ang anumang gusto niya. (Awit 96:​4-7) Kitang-kita ang karunungan niya sa mga nilalang niya. Siya rin ang nagbigay ng buhay natin at ng lahat ng kailangan natin para manatiling buháy. (Apoc. 4:11) Tapat siya. (Apoc. 15:4) Nagtatagumpay ang lahat ng ginagawa niya at lagi niyang tinutupad ang mga pangako niya. (Jos. 23:14) Sinabi nga ni propeta Jeremias tungkol kay Jehova: “Walang sinumang marunong sa lahat ng kaharian ang makapapantay sa iyo”! (Jer. 10:​6, 7) Marami talaga tayong dahilan para respetuhin ang Ama natin sa langit. Pero hindi lang natin siya nirerespeto—mahal din natin siya. Niluluwalhati natin si Jehova dahil mahal na mahal natin siya. w25.01 3 ¶5-6

Linggo, Marso 8

Alisin ninyo ang masama sa gitna ninyo.​—1 Cor. 5:13.

Gusto ng mga kaaway na palabasing masama ang ilan sa magagandang ginagawa ng organisasyon. Halimbawa, natutuhan natin sa Bibliya na gusto ni Jehova na manatiling malinis sa pisikal, moral, at espirituwal ang mga mananamba niya. Nagbigay siya ng tagubilin sa kongregasyon na itiwalag ang sinumang patuloy na gumagawa ng karumihan at hindi nagsisisi. (1 Cor. 5:​11, 12; 6:​9, 10) Sinusunod natin ang utos na iyan. Pero dahil diyan, inaakusahan tayo ng mga kaaway natin na masyado tayong mahigpit, mapanghusga, at malupit. Dapat nating kilalanin kung sino talaga ang kaaway. Kay Satanas na Diyablo galing ang lahat ng kasinungalingan tungkol sa organisasyon. Siya ang “ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44; Gen. 3:​1-5) Kaya hindi na tayo magtataka kung gagamit siya ng mga tao para magkalat ng maling impormasyon tungkol sa organisasyon ni Jehova. w24.04 10 ¶13-14

Lunes, Marso 9

Tiyak na magkakatotoo iyon.​—Ezek. 33:33.

Kapag nagsimula na ang malaking kapighatian at nawasak na ang “Babilonyang Dakila,” baka maalala ng ilan na matagal na itong sinasabi ng mga Saksi ni Jehova. Posible kayang dahil dito, manampalataya na ang ilan kay Jehova? (Apoc. 17:5) Nangyari na iyan sa Ehipto noong panahon ni Moises. “Isang malaking grupo ng mga banyaga” ang sumama sa Israel noong umalis sila sa Ehipto. (Ex. 12:38) May ilan sa mga banyagang ito na nanampalataya lang noong makita nilang nagkatotoo ang mga sinabi ni Moises tungkol sa Sampung Salot. Kung may mga sumama rin sa atin pagkatapos mawasak ng Babilonyang Dakila at magawa nilang manampalataya bago ang Armagedon, madidismaya ba tayo? Siyempre, hindi! Gusto nating tularan ang Ama natin sa langit, na “isang Diyos na maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan.”​—Ex. 34:6. w24.05 11 ¶12-13

Martes, Marso 10

Manghawakan ka sa pamantayan ng kapaki-pakinabang na mga salita.​—2 Tim. 1:13.

Ano ang puwedeng mangyari kung bibitaw tayo sa “pamantayan ng kapaki-pakinabang na mga salita”? Tingnan ang isang halimbawa. Noong unang siglo, may kumalat na balita sa mga Kristiyano na dumating na ang araw ni Jehova. Posibleng galing ito sa isang liham na iniisip nilang isinulat ni apostol Pablo. Naniwala ang ilang Kristiyano sa Tesalonica sa balitang ito at ikinalat pa nga. Hindi man lang nila tiniyak kung totoo ba ang balita. Hindi sana sila nadaya kung tinandaan nila ang itinuro ni Pablo sa kanila noong kasama pa nila siya. (2 Tes. 2:​1-5) Pinayuhan ni Pablo ang mga kapatid na huwag paniwalaan ang lahat ng naririnig nila. At para hindi na ito mangyari ulit, ganito tinapos ni Pablo ang ikalawang liham niya sa mga taga-Tesalonica: “Narito ang aking pagbati, at ako mismong si Pablo ang sumulat nito. Ganito lagi ang paraan ko ng pagsulat, para matiyak ninyo na ako ang sumulat nito.”​—2 Tes. 3:17. w24.07 12 ¶13-14

Miyerkules, Marso 11

Kailangan ninyo ng pagtitiis.​—Heb. 10:36.

Kailangan ng mga Hebreong Kristiyano ang kakayahang magtiis habang naglilingkod kay Jehova dahil palala na nang palala ang kalagayan sa Judea. Totoo, may ilan sa kanila na nakaranas na ng matinding pag-uusig, pero marami ang hindi pa. Kaya ipinaalala sa kanila ni apostol Pablo na dapat silang maging handa sa mas matitindi pang pag-uusig at maging determinadong manatiling tapat hanggang kamatayan, gaya ni Jesus. (Heb. 12:4) Dahil patuloy na dumarami ang mga Kristiyano, mas tumitindi ang galit ng mga Judio, pati na ang pang-uusig nila. Mga ilang taon bago isulat ni Pablo ang liham sa mga Hebreo, mahigit 40 Judio ang “sumumpa na hindi sila kakain o iinom hangga’t hindi nila napapatay si Pablo.” (Gawa 22:22; 23:​12-14) Kahit ganiyan ang kalagayan noon, kailangan pa rin ng mga Kristiyano na magsama-sama para sumamba, ipangaral ang mabuting balita, at patibayin ang pananampalataya nila. w24.09 11 ¶15

Huwebes, Marso 12

Sinabi [ni Jesus] sa kaniyang ina: “Tingnan mo! Ang iyong anak!”—Juan 19:26.

Si Juan ay isang minamahal na apostol ni Jesu-Kristo. (Mat. 10:2) Kasama siya ni Jesus sa pangangaral. Nakita rin niya ang mga himala ni Jesus, at nanatili siyang tapat sa Panginoon niya kahit may mga pagsubok. Nandoon si Juan nang patayin si Jesus, at nakita rin niya ito pagkatapos itong buhaying muli. Bukod diyan, nakita ni Juan ang pagdami ng mga Kristiyano noong unang siglo—mula sa isang maliit na grupo ng tapat na mga lingkod hanggang sa maipangaral ang mabuting balita “sa lahat ng nilalang sa buong lupa.” (Col. 1:23) Noong malapit nang mamatay ang may-edad nang apostol na si Juan, nagkapribilehiyo siyang sumulat ng ilang bahagi ng Bibliya. Isinulat niya ang isang kapana-panabik na “pagsisiwalat ni Jesu-Kristo.” (Apoc. 1:1) Sumulat din siya ng isang Ebanghelyo at tatlong liham. Ang ikatlong liham niya ay para kay Gayo, isang tapat na Kristiyano na minahal ni Juan na gaya ng sarili niyang anak. (3 Juan 1) Malaking pampatibay sa lahat ng tagasunod ni Jesus, mula noon hanggang ngayon, ang isinulat ng tapat na apostol na ito. w24.11 12 ¶15-16

Biyernes, Marso 13

Kayong mga asawang lalaki, . . . bigyan ninyo sila ng [karangalan].​—1 Ped. 3:7.

Kapag mahal ng lalaki ang asawa niya, pinapahalagahan niya ito at inaalagaan. Itinuturing niya itong isang napakagandang regalo mula kay Jehova. (Kaw. 18:22; 31:10) Kaya pinapakitunguhan niya ito nang mabait at may paggalang, kahit pa nga sa pribadong mga bagay na pangmag-asawa. Hindi pipilitin ng lalaki ang asawa niya na gawin ang mga bagay na ayaw nito kapag nagse-sex. Baka kasi hindi komportable ang babae, pakiramdam niya naaabuso siya, o nababagabag ang konsensiya niya. Pagsisikapan din ng asawang lalaki na panatilihin ang malinis na konsensiya sa harap ni Jehova. (Gawa 24:16) Mga asawang lalaki, makakasigurado kayo na nakikita at pinapahalagahan ni Jehova ang mga pagsisikap ninyo na parangalan ang asawa ninyo sa lahat ng sinasabi at ginagawa ninyo. Maging determinadong iwasan ang mga bagay na makakasakit sa kanila. Maging mabait, magalang, at mapagmahal para maparangalan sila. Sa ganitong paraan, maipaparamdam ninyong mahal ninyo sila at pinapahalagahan. Kapag pinaparangalan ninyo ang asawa ninyo, mapoprotektahan ninyo ang pinakamahalagang bagay sa buhay ninyo—ang pakikipagkaibigan ninyo kay Jehova.​—Awit 25:14. w25.01 13 ¶17-18

Sabado, Marso 14

[Ibinigay niya ang] sarili niya para mapalaya tayo . . . at para dalisayin ang isang bayan na espesyal niyang pag-aari at buong pusong gumagawa ng mabuti.​—Tito 2:14.

Kitang-kita ang kaibahan ng bayan ni Jehova sa mga nag-aangking Kristiyano dahil sa sigasig nila sa ministeryo. Paano natin mapapanatili o mapapatindi ang sigasig natin sa pangangaral? May matututuhan tayo sa halimbawa ni Jesus sa pangangaral. Noong nasa lupa siya, hindi nabawasan ang sigasig niya. Ang totoo, mas naging masigasig pa nga siya sa paglipas ng panahon. Gaya ng tagapag-alaga ng ubasan sa ilustrasyon ni Jesus na tatlong taóng nag-alaga ng isang puno ng igos na hindi namumunga, mga tatlong taon ding nangaral si Jesus sa mga Judio, na karamihan ay hindi nakinig sa kaniya. Hindi sinukuan ng tagapag-alaga ng ubasan ang puno ng igos. Hindi rin sinukuan ni Jesus ang mga tao. (Luc. 13:​6-9) Magiging masigasig din tayo ngayon kung pag-aaralan natin ang mga sinabi at ginawa ni Jesus. w25.03 14-15 ¶1-4

Linggo, Marso 15

Ang marunong ay kumikilos nang may kaalaman.​—Kaw. 13:16.

Paano kung sa tingin mo, nakakita ka na ng isang mahusay na mapapangasawa? Dapat bang sabihin mo na agad sa kaniya ang nararamdaman mo? Sinasabi ng Bibliya na kumukuha muna ng kaalaman o impormasyon ang isang taong marunong bago kumilos. Kaya makakabuting obserbahan mo muna ang isa bago mo sabihin sa kaniya ang nararamdaman mo. Paano mo maoobserbahan ang isa nang hindi niya napapansin? Sa mga pulong o gathering, posibleng may mapansin ka sa espirituwalidad niya, katangian, at paggawi. Sino ang mga kaibigan niya, at ano ang bukambibig niya? (Luc. 6:45) Pareho ba kayo ng mga goal? Puwede kang magtanong sa mga elder nila sa kongregasyon o sa ibang may-gulang na Kristiyano na kilalang-kilala siya. (Kaw. 20:18) Puwede mong itanong kung ano ang mga katangian niya o kung anong reputasyon mayroon siya. (Ruth 2:11) Habang inoobserbahan mo siya, tiyakin mong hindi ka makagawa ng bagay na maiilang siya. Igalang mo ang nararamdaman niya at privacy niya. w24.05 22 ¶7-8

Lunes, Marso 16

Sa wakas ay ipinagtapat ko sa iyo ang kasalanan ko.​—Awit 32:5.

Hindi agad iniisip ng mga elder na ayaw magsisi ng isang nagkasala. Totoo, may ilan na magsisisi agad sa unang pag-uusap pa lang kasama ng komite, pero may ilan na kailangan pa ng panahon. Kaya puwedeng magpasiya ang mga elder na kausapin nang higit sa isang beses ang nagkasala. Baka kasi pagkatapos ng unang pag-uusap nila, mapag-isipan niyang mabuti ang mga sinabi sa kaniya. Baka magpakumbaba na siya at humingi ng kapatawaran kay Jehova. (Awit 38:18) Kaya sa susunod na pag-uusap, posibleng mas bukás na ang isip niya kaysa noong una siyang kausapin. Para maakay ng mga elder sa pagsisisi ang nagkasala, dapat silang magpakita ng empatiya at kabaitan. Ipinapanalangin nila na pagpalain sana ni Jehova ang pagsisikap nila at na matauhan at magsisi ang nagkasala.​—2 Tim. 2:​25, 26. w24.08 22-23 ¶12-13

Martes, Marso 17

“Hindi ako natutuwa sa kamatayan ng sinuman,” ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. “Kaya manumbalik kayo at patuloy na mabuhay.”​—Ezek. 18:32.

Ayaw ni Jehova na mapuksa ang sinuman! Gusto niyang makipagkasundo sa kaniya ang mga nagkasala. (2 Cor. 5:20) Kaya naman sa buong kasaysayan ng tao, paulit-ulit na sinikap ni Jehova na tulungan ang masuwaying bayan niya—pati na ang mga nagkasalang indibidwal—na magsisi at manumbalik sa kaniya. Pribilehiyo ng mga elder na makipagtulungan kay Jehova at akayin ang mga nagkasala sa pagsisisi. (Roma 2:4; 1 Cor. 3:9) Isipin na lang kung gaano kasaya sa langit kapag nagsisi ang mga nagkasala! Napakasaya ng Ama natin sa langit sa tuwing bumabalik sa kongregasyon ang isang nawalang tupa. At lalong lumalalim ang pagmamahal natin kay Jehova habang pinag-iisipan natin ang awa at walang-kapantay na kabaitan niya.​—Luc. 1:78. w24.08 31 ¶16-17

Miyerkules, Marso 18

Dahil alam ni Jesus na papalapit na sila para kunin siya at gawing hari, muli siyang umalis na nag-iisa papunta sa bundok.​—Juan 6:15.

Kung hahayaan ni Jesus ang mga tao na gawin siyang hari, magiging kasangkot siya sa politika. Kasi parang kinakampihan na niya ang mga Judio na sakop noon ng mga Romano. Ano ang ginawa niya? “Umalis [siya] papunta sa bundok.” Kaya kahit pinipilit siya ng iba, hindi siya nakisangkot sa politika. Napakagandang aral niyan sa atin! Siguradong hindi naman inaasahan ng mga tao na makahimala tayong magpaparami ng pagkain o magpapagaling ng maysakit, at hindi rin nila tayo gagawing hari o presidente. Pero baka pilitin nila tayong makisangkot sa politika. Baka sabihin nilang iboto natin o suportahan ang isang tao na sa tingin nila ay magiging mahusay na lider. Pero malinaw ang halimbawang iniwan ni Jesus. Tumanggi siyang makisangkot sa politika. Sinabi pa nga niya: “Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 17:14; 18:36) Kaya bilang mga Kristiyano, kailangan nating tularan ang pag-iisip at halimbawa ni Jesus. Tapat tayo sa Kaharian ng Diyos. Ipinapangaral natin ito at ipinapanalangin ang pagdating nito.​—Mat. 6:10. w24.12 3-4 ¶5-6

Huwebes, Marso 19

Ang nagmamahal sa akin ay ang tumatanggap sa mga utos ko at sumusunod sa mga iyon. At ang nagmamahal sa akin ay mamahalin ng Ama ko, at mamahalin ko siya at lubusan kong ipapakilala sa kaniya ang sarili ko.​—Juan 14:21.

Habang nag-aaral ka, pag-isipan kung paano mo isasabuhay ang mga natututuhan mo. Halimbawa, para matularan mo ang katarungan ni Jehova, maging patas sa lahat. Matutularan mo naman ang pag-ibig ni Jesus sa kaniyang Ama at sa iba kung handa mong gawin ang gusto ni Jehova at tulungan ang iba, kahit mahirap iyon kung minsan. Matutularan mo rin si Jesus kung mangangaral ka sa iba para malaman din nila ang napakagandang regalo ni Jehova. Habang mas naiintindihan at napapahalagahan natin ang pantubos, mas mamahalin natin si Jehova at ang Anak niya. Dahil diyan, mas mamahalin din nila tayo. (Sant. 4:8) Kaya patuloy nating gawin ang lahat para matuto pa tungkol sa pantubos. w25.01 25 ¶16-17

Biyernes, Marso 20

Itinapon mo sa likuran mo ang lahat ng kasalanan ko.​—Isa. 38:17.

Puwedeng isalin ang teksto sa araw na ito sa ganitong paraan: “Inalis mo sa paningin mo ang lahat ng kasalanan ko.” Ipinapakita sa ilustrasyong iyan na itinatapon ni Jehova ang kasalanan ng mga nagsisisi at hindi na niya ito tinitingnan ulit. Puwede ring isalin iyan sa ganitong paraan: “Napangyari mo [ang aking mga kasalanan] na para bang hindi ko ginawa ang mga ito.” Para mas maidiin ang puntong iyan, gumamit ang Bibliya ng isa pang ilustrasyon. Makikita iyon sa Mikas 7:​18, 19. Sinasabi dito na para bang inihahagis ni Jehova sa kalaliman ng dagat ang mga kasalanan natin. Noong panahon ng Bibliya, imposible nang makita ulit ang anumang bagay na nahulog sa kalaliman ng dagat. Sa mga ilustrasyong natalakay natin, natutuhan natin na kapag nagpatawad si Jehova, inilalayo niya nang husto ang mga kasalanang nagpapabigat sa atin para maginhawahan tayo. Gaya ng sinabi ni David, “maligaya ang mga pinagpaumanhinan sa kasamaan nila at pinatawad sa mga kasalanan nila.” (Roma 4:7) Iyan ang tunay na pagpapatawad! w25.02 9 ¶7-8

Sabado, Marso 21

Magsaya kayo at magalak magpakailanman sa aking nililikha.​—Isa. 65:18.

May isang paraiso ngayon sa lupa na punong-puno ng mga taong abala sa paggawa ng mabuti. Nararanasan nila ang tunay na kapayapaan. Determinado ang mga nasa paraisong ito na huwag itong iwan. At gusto nilang maranasan din ng iba ang paraisong ito. Ano ito? Ang espirituwal na paraiso! Dahil kay Satanas, naging mapanganib at napuno ng galit at kasamaan ang mundong ito. Pero sa kabila nito, nakagawa si Jehova ng isang makasagisag na lugar kung saan payapa at nagkakaisa ang mga tao. (1 Juan 5:19; Apoc. 12:12) Alam ng mapagmahal nating Diyos ang masamang epekto ng mundong ito sa atin. Kaya gumawa siya ng paraan para maging panatag tayo at patuloy na makapaglingkod nang masaya. Sa Bibliya, inilalarawan ang espirituwal na paraiso bilang isang ligtas na “kanlungan” at isang “hardin na laging nadidiligan.” (Isa. 4:6; 58:11) Dahil sa pagpapala ni Jehova, masaya at panatag ang mga nakatira sa paraisong ito kahit nabubuhay sila sa mahirap na mga huling araw na ito.​—Isa. 54:14; 2 Tim. 3:1. w24.04 20 ¶1-2

Linggo, Marso 22

Ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo.​—Fil. 4:6.

Kung naghahanap ka ng mapapangasawa, siguradong isinasama mo iyan sa panalangin mo. Hindi pinangakuan ni Jehova ang bawat isa sa atin ng mapapangasawa. Pero nagmamalasakit siya sa iyo, alam niya ang mga kailangan at nararamdaman mo, at kaya ka niyang tulungan na makahanap ng mapapangasawa. Kaya patuloy mong sabihin sa kaniya ang mga gusto at nararamdaman mo. (Awit 62:8) Ipanalangin mong maging matiisin ka at marunong. (Sant. 1:5) Kung hindi ka man makahanap agad ng mapapangasawa, ipinapangako sa iyo ni Jehova na ilalaan niya ang pangangailangan mo sa pisikal at emosyonal. (Awit 55:22) Tandaan: Huwag hayaang maging pokus ng buhay mo ang paghahanap ng asawa. (Fil. 1:10) Hindi kailangan na may asawa ka para maging masaya. Nakadepende ang tunay na kaligayahan sa mabuting kaugnayan mo kay Jehova. (Mat. 5:3) At habang single ka pa, mas magagawa mong palawakin ang ministeryo mo. (1 Cor. 7:​32, 33) Gamiting mabuti ang panahong ito ng buhay mo. w24.05 21 ¶4; 22 ¶6

Lunes, Marso 23

[Isipin] ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.​—Fil. 2:4.

Gaano kayo dapat katagal na magkasintahan? Kadalasan nang pangit ang resulta ng padalos-dalos na desisyon. (Kaw. 21:5) Kaya dapat na may sapat na haba ng panahon ang pagiging magkasintahan ninyo para talagang makilala ninyo ang isa’t isa. Pero hindi rin ito dapat patagalin nang hindi kinakailangan. Sinasabi rin ng Bibliya: “Ang inaasahan na hindi nangyayari ay nagpapalungkot sa puso.” (Kaw. 13:12) Paano makakatulong ang iba sa magkasintahan? Puwede natin silang imbitahang kumain, sumama sa family worship, o sa paglilibang natin. (Roma 12:13) Kailangan ba nila ng chaperone, ng masasakyan, o ng lugar kung saan puwede silang mag-usap? Kung oo, may magagawa ka ba para tulungan sila? (Gal. 6:10) Kung pinakisuyuan kang mag-chaperone, isipin mong paraan iyon para matulungan ang mga kaibigan mo. Huwag hayaang magkaroon ng pagkakataon na maiiwan silang dalawa lang. Pero tingnan din kung kailangan nila ng panahon at distansiya para makapag-usap sila nang sila lang. w24.05 30 ¶13-14

Martes, Marso 24

Binigyan ko siya ng panahon para magsisi.​—Apoc. 2:21.

Sinisikap alamin ng mga elder kung ano ang mga nagawa ng isang kapatid na umakay sa pagkakasala. Halimbawa, unti-unti bang humina ang espirituwalidad niya dahil napabayaan niya ang personal na pag-aaral o ministeryo niya? Madalang na lang ba siyang manalangin o naging rutin na lang ito? Hindi na ba niya nilalabanan ang maling mga pagnanasa? Masasamang kasama ba o libangan ang pinipili niya? Paano iyan nakaimpluwensiya sa kaniya? Naiintindihan ba niya na naapektuhan ang Ama niyang si Jehova sa mga desisyong ginawa niya? Puwedeng gumamit ng mga tanong ang mga elder para tulungan ang kapatid na mapag-isipan kung bakit siya humina sa espirituwal at nagkasala. Gagawin nila ito sa mabait na paraan, at hindi na nila tatanungin ang mga detalyeng hindi naman nila kailangang malaman. (Kaw. 20:5) Puwede ring gumamit ang mga elder ng ilustrasyon para maintindihan ng kapatid kung gaano kasama ang ginawa niya. Posibleng sa unang pag-uusap pa lang, makadama na ang kapatid ng matinding kalungkutan sa mga nagawa niya. Baka nga magsisi na siya. w24.08 22 ¶9-11

Miyerkules, Marso 25

Dapat ko ring ihayag sa ibang lunsod ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos dahil isinugo ako para dito.​—Luc. 4:43.

Masigasig na ipinangaral ni Jesus “ang mabuting balita ng Kaharian” kasi alam niyang ito ang gusto ng Diyos na gawin niya. Ito ang naging pinakamahalaga kay Jesus. Kahit sa mga huling buwan ng ministeryo niya, pumunta siya “sa mga lunsod at nayon at nagturo sa mga tao.” (Luc. 13:22) Tinuruan din niya ang iba pang alagad kung paano mangaral. (Luc. 10:1) Hindi nagbago ang tingin ni Jehova at ni Jesus sa pangangaral. Ito pa rin ang pinakamahalagang atas ng bayan ng Diyos ngayon. (Mat. 24:14; 28:​19, 20) Kapag tinularan natin ang tingin ni Jehova sa mga tao, magiging mas masigasig tayo sa pangangaral. Gusto niyang marinig ng lahat ang mabuting balita at kumilos. (1 Tim. 2:​3, 4) Kaya sinasanay niya tayo na maging mas mahusay sa gawaing ito. Hindi man kumilos ang mga tao ngayon, puwede pa rin silang magbago sa hinaharap hangga’t hindi pa natatapos ang malaking kapighatian. w25.03 15-16 ¶5-7

Huwebes, Marso 26

Ang babati sa kaniya ay magiging kasangkot sa masasamang ginagawa niya.​—2 Juan 11.

Dapat gamitin ng bawat Kristiyano ang konsensiya niyang sinanay sa Bibliya para magpasiya kung babati siya o hindi. Pero hindi pa rin tayo makikipagkuwentuhan o makikipagsamahan sa kaniya. Baka maisip ng ilan, ‘Hindi ba sinasabi ng Bibliya na kapag binati natin ang mga di-nagsisising nagkasala, magiging kasangkot tayo sa masasamang ginagawa nila?’ (2 Juan 9-11) Ipinapakita ng konteksto ng tekstong ito na tumutukoy ito sa mga apostata at sa mga umiimpluwensiya sa iba na gumawa ng masama. (Apoc. 2:20) Kaya kapag apostata pa rin ang isang tao o iniimpluwensiyahan niya ang iba na gumawa ng masama, hindi siya dadalawin ng mga elder. Siyempre, umaasa pa rin tayo na puwede pa siyang magbago. Pero hangga’t hindi niya iyon ginagawa, hindi natin siya babatiin o iimbitahan na dumalo sa pulong. w24.08 30 ¶14-15

Biyernes, Marso 27

Hindi pa rin nila naiintindihan.​—Mar. 6:52.

Pagkatapos pakainin ni Jesus ang mga tao, pinauna niyang umalis ang mga apostol. Pinasakay niya sila sa isang bangka papuntang Capernaum. At pumunta naman siya sa bundok para matakasan ang mga tao na gusto siyang gawing hari. (Juan 6:​16-20) Habang naglalayag ang mga apostol, bumagyo sa lawa, kaya nagkaroon ng malakas na hangin at malalaking alon. Pagkatapos, naglakad si Jesus sa tubig papunta sa kanila. Tinawag niya si apostol Pedro para maglakad din sa tubig. (Mat. 14:​22-31) Pagsakay ni Jesus sa bangka, huminto ang bagyo. Manghang-mangha ang mga alagad kaya nasabi nila: “Talagang ikaw ang Anak ng Diyos.” (Mat. 14:33) May ginawa nang himala si Jesus sa mga tinapay, pero bakit ngayon lang nila nasabi iyan? Isinulat ni Marcos: “Manghang-mangha [ang mga apostol], dahil hindi nila nakuha ang aral sa ginawa niyang himala sa mga tinapay.” (Mar. 6:​50-52) Hindi nila naiintindihan kung gaano kalakas ang kapangyarihang ibinigay ni Jehova kay Jesus para gumawa ng mga himala. w24.12 5 ¶7

Sabado, Marso 28

[Gusto ng Diyos na] maligtas ang lahat ng uri ng tao at magkaroon sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.​—1 Tim. 2:4.

Maipapakita nating pinapahalagahan natin ang pag-ibig ni Jehova kung gagamitin natin ang panahon ng Memoryal para ipakitang nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil sa pantubos. Siguradong inaayos na natin ang schedule natin para makadalo tayo sa Memoryal. Pero gusto rin nating imbitahan ang iba na dumalo. Ipaliwanag natin sa kanila kung ano ang mayroon sa Memoryal. Makakatulong din kung ipapapanood natin sa kanila ang mga video na Bakit Namatay si Jesus? at Alalahanin ang Kamatayan ni Jesus sa jw.org. Dapat ding siguraduhin ng mga elder na maiimbitahan nila ang mga inactive. Isipin na lang kung gaano kasaya ang mga nasa langit, pati na tayo, kapag may nanumbalik na nawawalang tupa ni Jehova! (Luc. 15:​4-7) At sa mismong Memoryal, batiin natin ang mga kapatid, pero lalo na ang mga bisita at mga matagal nang hindi nakadalo. Gusto nating maramdaman nila na welcome sila!—Roma 12:13. w25.01 29 ¶15

Linggo, Marso 29

Isinugo ng Diyos ang Anak niya bilang pampalubag-loob na handog para sa mga kasalanan natin . . . dahil mahal niya tayo.​—1 Juan 4:10.

Natutuhan natin na makatarungan si Jehova. Pero mas makikita natin sa pantubos ang pag-ibig niya—kung gaano niya tayo kamahal. (Juan 3:16; 1 Juan 4:​9, 10) Ibinigay ni Jehova ang Anak niya para sa atin dahil gusto niya tayong mabuhay magpakailanman at gusto rin niya na maging bahagi tayo ng pamilya niya. Nang magkasala kasi si Adan, hindi na siya bahagi ng pamilya ni Jehova. Kaya ganiyan na rin ang sitwasyon natin ngayon. Pero dahil sa pantubos, posible nang maging bahagi ng pamilya ni Jehova sa hinaharap ang mga nananampalataya at sumusunod sa Kaniya. At ngayon pa lang, pinapatawad na ni Jehova ang mga kasalanan natin. Puwede na rin tayong maging malapít sa kaniya at sa iba pang sumasamba sa kaniya. Mahal na mahal talaga tayo ni Jehova!—Roma 5:​10, 11. w25.01 21 ¶6

Pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 9) Juan 12:​12-19; Marcos 11:​1-11

Lunes, Marso 30

Sa ganito nahayag ang pag-ibig ng Diyos.​—1 Juan 4:9.

Napakagandang regalo ng pantubos! (2 Cor. 9:15) Dahil namatay si Jesus para sa atin, puwede tayong maging kaibigan ng Diyos na Jehova. Puwede rin tayong magkaroon ng buhay na walang hanggan. Kaya tama lang na magpasalamat tayo kay Jehova dahil mahal na mahal niya tayo at ibinigay niya ang pantubos! (Roma 5:8) Para hindi natin makalimutan ang ginawa ni Jehova at ni Jesus, pinasimulan ni Jesus ang Memoryal ng kamatayan niya. (Luc. 22:​19, 20) Ngayong taon, aalalahanin natin ang Memoryal sa Huwebes, Abril 2, 2026. Siguradong gagawin natin ang lahat para makadalo. At mas makikinabang tayo kung pag-iisipan nating mabuti sa panahon ng Memoryal ang ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin. w25.01 20 ¶1-2

Pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 10) Juan 12:​20-50

Martes, Marso 31

Piliin mo ang disiplina ko sa halip na pilak at ang kaalaman sa halip na pinakamagandang klase ng ginto.​—Kaw. 8:10.

Matututo ka pa tungkol sa pag-ibig ng Diyos na Jehova at ni Kristo Jesus kung patuloy mo itong pag-iisipan. Ngayong panahon ng Memoryal, puwede mong basahin ang isa o higit pa sa mga Ebanghelyo. Huwag mong madaliin ang pagbabasa. Maghanap ng iba pang dahilan para mahalin si Jehova at si Jesus. Baka matagal ka nang nasa katotohanan at maisip mo kung posible ba talagang may bago kang matutuhan sa mga bagay na alam mo na, gaya ng katarungan ng Diyos, pag-ibig niya, at pantubos. Pero ang totoo, mayroon at mayroon ka pa ring matututuhan tungkol sa mga bagay na ito. Kaya basahin at pag-aralang mabuti ang mga salig-Bibliyang publikasyon natin. w25.01 24-25 ¶13-15

Pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 11) Lucas 21:​1-36

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2026)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2026 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share