Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es26 p. 17-26
  • Pebrero

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pebrero
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2026
  • Subtitulo
  • Linggo, Pebrero 1
  • Lunes, Pebrero 2
  • Martes, Pebrero 3
  • Miyerkules, Pebrero 4
  • Huwebes, Pebrero 5
  • Biyernes, Pebrero 6
  • Sabado, Pebrero 7
  • Linggo, Pebrero 8
  • Lunes, Pebrero 9
  • Martes, Pebrero 10
  • Miyerkules, Pebrero 11
  • Huwebes, Pebrero 12
  • Biyernes, Pebrero 13
  • Sabado, Pebrero 14
  • Linggo, Pebrero 15
  • Lunes, Pebrero 16
  • Martes, Pebrero 17
  • Miyerkules, Pebrero 18
  • Huwebes, Pebrero 19
  • Biyernes, Pebrero 20
  • Sabado, Pebrero 21
  • Linggo, Pebrero 22
  • Lunes, Pebrero 23
  • Martes, Pebrero 24
  • Miyerkules, Pebrero 25
  • Huwebes, Pebrero 26
  • Biyernes, Pebrero 27
  • Sabado, Pebrero 28
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2026
es26 p. 17-26

Pebrero

Linggo, Pebrero 1

Kapuri-puri ang taong umiiwas sa pakikipagtalo, pero madaling mapaaway ang mangmang.​—Kaw. 20:3.

Pagpapala sa kongregasyon ang mga brother na nagpapakita ng mga Kristiyanong katangian. Sinisikap ng isang taong makatuwiran na mapanatili ang kapayapaan. Kung gusto mong magkaroon ng reputasyon ng pagiging makatuwiran, maging handang makinig at sundin ang sinasabi ng iba. Halimbawa, kapag may meeting, handa ka bang suportahan ang desisyon ng nakakarami kung wala namang prinsipyo sa Bibliya ang nalalabag? Huwag ipilit ang sarili mong paraan. Pahalagahan ang opinyon ng iba at makinig ka sa kanila. (Gen. 13:​8, 9; Kaw. 15:22) Magalang na makipag-usap sa iba, at maging mabait sa kanila. At dahil mapagpayapa ka, maunang makipag-ayos kahit sa mahihirap na sitwasyon. (Sant. 3:​17, 18) Mabait ka ring makipag-usap, kaya napapakalma mo kahit ang mga kumokontra sa paniniwala mo.​—Huk. 8:​1-3; Kaw. 25:15; Mat. 5:​23, 24. w24.11 23 ¶13

Lunes, Pebrero 2

Isusugo niya ang kaniyang mga anghel at titipunin ang mga pinili niya mula sa apat na direksiyon, mula sa dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.​—Mar. 13:27.

Namatay si Jesus “nang minsanan” para sa atin, pero patuloy pa rin siyang nagsasakripisyo hanggang ngayon. (Roma 6:10) Paano? May mga ginagawa pa rin siya hanggang ngayon para makinabang tayo sa pantubos. Halimbawa, naglilingkod siya bilang Hari, Mataas na Saserdote, at ulo ng kongregasyon. (1 Cor. 15:25; Efe. 5:23; Heb. 2:17) Siya ang nangunguna sa pagtitipon ng mga pinahiran at ng malaking pulutong, isang gawain na aabot bago matapos ang malaking kapighatian. (Mat. 25:32) Sinisigurado rin ni Jesus na may saganang espirituwal na pagkain ang mga lingkod niya sa mga huling araw na ito. (Mat. 24:45) At sa Sanlibong-Taóng Paghahari niya, marami pa siyang gagawin para sa mga tao. Talagang ibinigay ni Jehova ang Anak niya para sa atin! w25.01 24 ¶12

Martes, Pebrero 3

Dahil sa kaniyang walang-kapantay na kabaitan, nagbigay siya ng walang-bayad na regalo—ipinahayag niya silang matuwid sa pamamagitan ng ibinayad na pantubos ni Kristo Jesus na nagpalaya sa kanila.​—Roma 3:24.

Kapag nagpatawad si Jehova, lubusan ito at permanente. Dahil dito, puwede niya tayong maging kaibigan. Pero dapat nating tandaan na isang regalo ang pagpapatawad ni Jehova. Ibinibigay niya ito dahil sa pag-ibig at walang-kapantay na kabaitan niya, hindi dahil sa karapat-dapat tayong tumanggap nito. Talagang dapat nating ipagpasalamat na “tunay na kapatawaran” ang ibinibigay ng Diyos nating si Jehova! (Awit 130:4; Roma 4:8) Pero may dapat tayong gawin na mahalagang bagay para mapatawad tayo. Sinabi ni Jesus: “Kung hindi ninyo pinatatawad ang mga pagkakamali ng iba, hindi rin patatawarin ng inyong Ama ang mga pagkakamali ninyo.” (Mat. 6:​14, 15) Maliwanag na dapat nating tularan ang pagpapatawad ni Jehova. w25.02 13 ¶18-19

Miyerkules, Pebrero 4

Bubuhaying muli ng Diyos ang mga matuwid at di-matuwid.​—Gawa 24:15.

Isipin ang mga taga-Sodoma at Gomorra. Tumira sa lunsod nila ang matuwid na lalaking si Lot. Pero masasabi ba nating napangaralan silang lahat ni Lot? Hindi. Masasabi rin ba natin na alam nilang lahat na mali ang ginagawa nila? Hindi rin. Isipin noong may isang grupo ng mga lalaki doon na gustong gumahasa sa mga bisita ni Lot. Sinasabi ng Bibliya na may mga bata sa grupong iyon. (Gen. 19:4; 2 Ped. 2:7) Kaya sigurado ba tayo na kahit isa sa kanila, hindi na bubuhaying muli ng maawain nating Diyos? Sinabi ni Jehova kay Abraham na hindi aabot sa 10 ang matuwid sa lunsod na iyon. (Gen. 18:32) Kaya maituturing silang di-matuwid, at pinarusahan sila ni Jehova dahil sa mga ginawa nila. Pero sigurado ba tayo na walang isa man sa kanila ang makakasama kapag ‘binuhay nang muli ang mga di-matuwid’? Hindi natin alam! w24.05 2 ¶3; 3 ¶8

Huwebes, Pebrero 5

Patuloy ninyong unahin ang Kaharian at ang katuwiran niya, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng ito.​—Mat. 6:33.

Dahil sa mga pagbabago sa pinansiyal na kalagayan, pinili ng ilan na tanggapin ang trabahong maglalayo sa kanila sa pamilya nila. Pero bandang huli, nakita ng ilan sa kanila na hindi maganda ang desisyong iyon. Bago tanggapin ang isang trabaho, pag-isipan hindi lang ang laki ng kikitain mo, kundi pati na ang laki ng magiging epekto nito sa espirituwalidad mo at ng pamilya mo. (Luc. 14:28) Pag-isipan ito: ‘Kung magkalayo kaming mag-asawa, ano kaya ang magiging epekto nito sa pagsasama namin? Makakalabas, makakadalo, at makakasama ko pa kaya ang mga kapatid?’ Kung may mga anak ka, pag-isipan din ito: ‘Paano ko papalakihin ang mga anak ko “ayon sa disiplina at patnubay ni Jehova” kung hindi ko sila kasama?’ (Efe. 6:4) Makinig sa payo ni Jehova, hindi sa mga kapamilya at kaibigan na hindi sumusunod sa mga prinsipyo sa Bibliya. w25.03 29 ¶12

Biyernes, Pebrero 6

Huwag na tayong maging mga bata.​—Efe. 4:14.

Kapag hindi pa maygulang, o matured, ang isang Kristiyano, madali siyang ‘madadaya’ at mabibiktima ng “tusong mga pakana.” Baka maniwala rin siya agad sa mga maling impormasyon at apostata. Baka madali rin siyang mainggit, mainis, maghinanakit, o madala ng tukso. (1 Cor. 3:3) Inihalintulad ng Bibliya sa paglaki ng isang bata ang pagsulong tungo sa pagiging maygulang. (Efe. 4:15) Marami pang hindi alam ang isang bata, kaya kailangan niya ang patnubay. Isipin ito: Kung tatawid sa kalsada ang isang nanay kasama ang anak niya, hahawakan niya ang kamay nito. Habang lumalaki ang anak niya, baka hayaan na niya itong tumawid mag-isa, pero papaalalahanan pa rin niya ito na tingnan muna kung walang dumadaang sasakyan. Kapag naging adulto na ang bata, alam na niya ang mga panganib. Ganiyan din kapag naging may-gulang na ang isang Kristiyano. Pinag-iisipan niyang mabuti ang mga prinsipyo sa Bibliya para malaman ang kaisipan ni Jehova, at pagkatapos, susundin niya ito. w24.04 3 ¶5-6

Sabado, Pebrero 7

O Jehova, sino ang puwedeng maging panauhin sa iyong tolda?​—Awit 15:1.

Sa loob ng mahabang panahon, ang mga kasama lang ng Diyos sa langit ang may pribilehiyong maging kaibigan niya. Pero nang lalangin niya ang mga tao, inimbitahan niya rin sila na tumira sa tolda niya. Ang ilan sa mga tumanggap sa imbitasyon niya ay sina Enoc, Noe, Abraham, at Job. Tinawag silang mga kaibigan ng Diyos kasi lumakad silang “kasama ng tunay na Diyos.” (Gen. 5:24; 6:9; Job 29:4; Isa. 41:8) Sa paglipas ng panahon, patuloy na iniimbitahan ni Jehova sa tolda niya ang mga kaibigan niya. (Ezek. 37:​26, 27) Halimbawa, matututuhan natin sa hula ni Ezekiel na talagang gusto ng Diyos na maging malapít sa kaniya ang tapat na mga mananamba niya. Nangangako siya na “makikipagtipan [siya] sa kanila para sa kapayapaan.” Tumutukoy ang hulang iyan sa panahon kung kailan magkakasama sa makasagisag na tolda ni Jehova ang mga may pag-asa sa langit at ang mga may pag-asa sa lupa. Magiging “iisang kawan” sila. (Juan 10:16) Natutupad na ngayon ang hulang iyan! w24.06 2 ¶2; 3 ¶4-5

Linggo, Pebrero 8

Nag-ipon kami ng lakas ng loob sa tulong ng ating Diyos.​—1 Tes. 2:2.

Bilang mga lingkod ni Jehova, buong puso nating sinusuportahan ang Kaharian ng Diyos. (Mat. 6:33) Pero madalas, kailangan natin ng tapang para magawa iyan. Halimbawa, kailangan natin ng tapang para masunod ang mga pamantayan ni Jehova at maipangaral ang mabuting balita ng Kaharian sa masamang mundong ito. Kailangan din natin iyan para makapanatili tayong neutral sa mundong ito na nagkakagulo sa politika. (Juan 18:36) Marami sa mga lingkod ni Jehova ang nagkaproblema sa pinansiyal, binugbog, o ikinulong dahil sa pagtangging magsundalo o sumali sa politika. Lumalakas ang loob natin kapag pinag-iisipan natin ang halimbawa ng mga buong tapang na sumuporta sa pamamahala ni Jehova. Noong nasa lupa ang Hari nating si Kristo Jesus, hindi siya pumayag na maging bahagi ng politikal na sistema ni Satanas. (Mat. 4:​8-11; Juan 6:​14, 15) Lagi siyang umaasa na ibibigay ni Jehova ang lakas na kailangan niya para magawa ang tama. w24.07 2 ¶4; 3 ¶7

Lunes, Pebrero 9

Pumitas siya ng bunga at kinain iyon. At nang kasama na niya ang kaniyang asawa, binigyan din niya ito at kumain ito.​—Gen. 3:6.

Ipinasulat ni Jehova sa Bibliya ang malungkot na pangyayaring ito dahil may gusto siyang ituro sa atin. Gusto niyang maintindihan natin kung bakit galit na galit siya sa kasalanan. Dahil kasi sa kasalanan, napapalayo tayo sa kaniya at namamatay tayo. (Isa. 59:2) Pero gustong-gusto iyan ni Satanas kasi galit siya kay Jehova at sa mga tao. Kaya tinukso niya sina Adan at Eva na magkasala, at ganiyan pa rin ang ginagawa niya sa mga tao ngayon. Nang maimpluwensiyahan ni Satanas sina Adan at Eva, akala niya nagtagumpay na siya na sirain ang layunin ni Jehova para sa mga tao. Pero hindi niya alam kung gaano sila kamahal ni Jehova. Hindi binago ng Diyos ang layunin niya sa mga anak nina Adan at Eva. Mahal na mahal niya ang mga tao kaya nagbigay siya agad ng pag-asa para sa lahat. (Roma 8:​20, 21) Alam ni Jehova na ang ilan sa magiging anak nina Adan at Eva ay magmamahal sa kaniya at hihingi ng tulong sa kaniya para labanan ang kasalanan. At bilang Ama nila at Maylalang, gagawa siya ng paraan para mapalaya sila sa kasalanan at mapalapit sa kaniya. w24.08 3 ¶3-4

Martes, Pebrero 10

[Tiyakin] ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.​—Fil. 1:​10, tlb.

Napakaabala ng karamihan sa mga lingkod ni Jehova. Nagtatrabaho tayo para mapaglaanan ang sarili natin at ang pamilya natin. (1 Tim. 5:8) May mga kapatid din na nag-aalaga sa may-sakit o may-edad nilang kamag-anak. At lahat tayo, kailangan ng panahon para alagaan ang sarili natin. May mahahalagang gawain din tayo sa kongregasyon. Isa na diyan ang pangangaral, at gusto nating ibigay ang buong makakaya natin dito. Ang pagbabasa ng Bibliya ay kasama sa “mas mahahalagang bagay” na dapat gawin ng mga Kristiyano. Kaya dapat nating siguraduhin na magagawa natin ito. Ganito ang sinabi ng pinakaunang awit tungkol sa isang maligayang tao: “Nalulugod siya sa kautusan ni Jehova, at ang kautusan Niya ay binabasa niya nang pabulong araw at gabi.” (Awit 1:​1, 2) Maliwanag na ipinapakita niyan na dapat maglaan ng panahon para sa pagbabasa ng Bibliya. Kailan pinakamagandang gawin iyan? Baka magkakaiba ang sagot natin diyan. Kung magagawa mong regular ang pagbabasa ng Bibliya sa iskedyul na mapipili mo, masasabing iyon ang pinakamagandang panahon para sa iyo. w24.09 3 ¶5-6

Miyerkules, Pebrero 11

Ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pasan.​—Gal. 6:5.

Kailangan ba ng isang may-gulang na Kristiyano ang tulong ng iba? May mga pagkakataong kailangan din niya ng tulong. Kapag sumusulong pa lang ang isa sa pagiging maygulang, baka inaasahan niya na may magsasabi sa kaniya ng gagawin niya. Pero kapag isang may-gulang na Kristiyano ang kailangang magdesisyon, humihingi rin siya ng tulong sa iba na mas marunong at mas makaranasan. Pero alam niya na siya ang magiging responsable sa desisyon niya at siya mismo ang “magdadala ng sarili niyang pasan.” Kung paanong magkakaiba ng hitsura ang mga adulto, magkakaiba rin ng katangian ang mga may-gulang na Kristiyano. Halimbawa, may ilan na matalino, malakas ang loob, mapagpatuloy, at mapagmalasakit. Puwede rin na magkaiba ang opinyon ng dalawang may-gulang na Kristiyano sa iisang sitwasyon. Pero pareho naman itong makakasulatan. Madalas na nangyayari ito kapag kailangan nilang magpasiya base sa konsensiya. Kaya iginagalang pa rin nila ang isa’t isa kahit magkaiba sila ng desisyon. Mas mahalaga sa kanila ang pagkakaisa.​—Roma 14:10; 1 Cor. 1:10. w24.04 4 ¶7-8

Huwebes, Pebrero 12

Noong maraming gumugulo sa isip ko, pinayapa mo ang kalooban ko at pinaginhawa mo ako.​—Awit 94:19.

Ano ang puwede mong gawin kung nararamdaman mo na wala kang halaga? Magbasa ng mga teksto na nagpapakita na talagang mahalaga ka kay Jehova at bulay-bulayin ang mga ito. Huwag ikumpara ang sarili mo sa iba, at huwag magpokus sa hindi mo kayang gawin. Hindi ipapagawa ni Jehova ang alam niyang hindi mo kaya. (Awit 103:​13, 14) Kung nakaranas ka ng pagmamaltrato o seksuwal na pang-aabuso, huwag sisihin ang sarili mo. Hindi mo kasalanan iyon. Tandaan, ang mga gumawa ng masama ang mananagot kay Jehova, hindi ang mga biktima. (1 Ped. 3:12) Huwag isipin na hindi ka magagamit ni Jehova para tulungan ang iba. Itinuturing ka niyang kamanggagawa niya sa gawaing pangangaral. (1 Cor. 3:9) Dahil sa mga naranasan mo sa buhay, baka mas madali sa iyo na maintindihan ang nararamdaman ng iba at makapagpakita ng malasakit sa kanila. Malaki ang magagawa mo para sa kanila. w24.10 7-8 ¶6-7

Biyernes, Pebrero 13

Hindi ba sisiguraduhin . . . ng Diyos na mabigyan ng katarungan ang mga pinili niya na dumaraing sa kaniya araw at gabi, habang patuloy siyang nagiging matiisin sa kanila? Sinasabi ko sa inyo, kikilos siya agad para mabigyan sila ng katarungan.​—Luc. 18:​7, 8.

Nakikita ni Jehova kapag pinapakitunguhan tayo nang di-patas ng iba, at ayaw niyang nararanasan natin iyon. Mababasa sa Awit 37:28 na “iniibig ni Jehova ang katarungan.” Tinitiyak sa atin ni Jesus na kapag panahon na, ‘kikilos agad’ si Jehova para mabigyan tayo ng katarungan. Malapit na niyang alisin ang lahat ng pagdurusa natin, at hinding-hindi na niya hahayaang makaranas ulit tayo ng kawalang-katarungan. (Awit 72:​1, 2) Habang hinihintay natin na mawala na ang lahat ng kawalang-katarungan, tinutulungan tayo ni Jehova na maharap ito sa ngayon. (2 Ped. 3:13) Halimbawa, itinuturo niya kung ano ang magandang maging reaksiyon natin para hindi na lumala ang sitwasyon. Gamit ang perpektong halimbawa ni Jesus, ipinakita ni Jehova sa atin kung paano haharapin ang kawalang-katarungan. Nagbigay rin siya ng magagandang payo sa Bibliya na tutulong sa atin. w24.11 2-3 ¶3-4

Sabado, Pebrero 14

Bigyan ninyo sila ng makakain.​—Mat. 14:16.

Parang imposible ang iniutos na iyon ni Jesus, kasi mga lalaki pa lang nasa mga 5,000 na. Kapag isinama pa ang mga babae at mga bata, posibleng umabot sila ng mga 15,000. (Mat. 14:21) Sinabi ni Andres: “Isang batang lalaki ang may limang tinapay na sebada at dalawang maliliit na isda. Pero paano ito magkakasya sa ganito karaming tao?” (Juan 6:9) Karaniwang pagkain noon ang tinapay na sebada at posibleng inasinan at pinatuyo ang maliliit na isda. Pero kulang ito para mapakain ang lahat. Magandang halimbawa si Jesus sa pagiging mapagpatuloy. Gusto niyang magpakita ng kabaitan sa mga tao, kaya pinaupo niya sila sa damuhan nang grupo-grupo. (Mar. 6:​39, 40; Juan 6:​11-13) Nakita natin sa ulat na nanalangin muna si Jesus sa Ama niya para sa tinapay at isda. Tama lang na magpasalamat muna sa Diyos para sa pagkain kasi sa kaniya galing iyon. Napakagandang tularan ng ginawa ni Jesus. Mahalagang manalangin muna bago kumain. Pagkatapos, sinabihan niya ang mga alagad na ipamahagi ang pagkain, kaya kumain ang lahat at nabusog. w24.12 2-3 ¶3-4

Linggo, Pebrero 15

Purihin ninyo . . . si Jehova na inyong Diyos.​—1 Cro. 29:20.

Noong nasa lupa si Jesus, niluwalhati niya ang Ama niya nang sabihin niyang sa Kaniya nagmula ang kapangyarihang gumawa ng mga himala. (Mar. 5:​18-20) Niluwalhati rin ni Jesus si Jehova dahil sa mga sinabi niya tungkol sa Ama niya at sa paraan ng pakikitungo niya sa iba. Minsan, nagtuturo si Jesus sa sinagoga. Nakikinig sa kaniya ang isang babaeng 18 taon nang may kapansanan at hindi makatayo nang tuwid dahil sinasapian ito ng demonyo. Napakahirap ng kalagayan ng babae. Naawa si Jesus, kaya nilapitan niya ito at mabait niyang sinabi: “Mawawala na ang kapansanan mo.” Hinawakan ni Jesus ang babae, “at agad itong nakatayo nang tuwid at niluwalhati ang Diyos.” (Luc. 13:​10-13) Tama lang na luwalhatiin ng babae si Jehova, at ganiyan din dapat tayo. w25.01 3 ¶3-4

Lunes, Pebrero 16

Patawarin mo kami sa mga kasalanan namin.​—Luc. 11:4.

Posible pa ba nating maibalik ang lahat ng naiwala nina Adan at Eva? Kung tayo lang, hindi na. (Awit 49:​7-9) Kung walang tutulong sa atin, wala na tayong pag-asang mabuhay nang walang hanggan at mamamatay na lang tayong gaya ng mga hayop na hindi na bubuhaying muli. (Ecles. 3:19; 2 Ped. 2:12) Ang mapagmahal nating Ama, si Jehova, ang nagbigay ng pambayad sa kasalanang minana natin kay Adan. Ipinaliwanag ni Jesus ang ginawa ng Ama niya: “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Dahil din sa regalong ito, puwede na ulit maging kaibigan ni Jehova ang mga tao. Puwede tayong makinabang sa napakagandang regalong ito ni Jehova at mapatawad ang mga kasalanan, o “utang,” natin. w25.02 2-3 ¶3-6

Martes, Pebrero 17

Tumayo [si Saul] at nabautismuhan.​—Gawa 9:18.

Ano ang nakatulong kay Saul na magpabautismo? Nang kausapin ni Jesus si Saul mula sa langit, nabulag si Saul. (Gawa 9:​3-9) Tatlong araw siyang hindi kumain at uminom. Malamang na pinag-isipan din niya ang nangyari sa kaniya. Dahil dito, nakumbinsi si Saul na si Jesus ang Mesiyas at na tama ang pagsamba ng mga Kristiyano. Hindi hinayaan ni Saul na mapigilan siya ng pride o takot sa tao para magpabautismo. Naging Kristiyano siya kahit alam niyang pag-uusigin siya. (Gawa 9:​15, 16; 20:​22, 23) At pagkatapos mabautismuhan, patuloy siyang nagtiwala kay Jehova para makayanan ang mga pagsubok. (2 Cor. 4:​7-10) Kapag nabautismuhan ka na bilang Saksi ni Jehova, puwede ka ring pag-usigin at makaranas ng mga pagsubok. Pero makakasiguro ka na tutulungan at susuportahan ka ng Diyos at ni Kristo.​—Fil. 4:13. w25.03 4 ¶8-9

Miyerkules, Pebrero 18

Hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan.​—1 Cor. 9:26.

Magandang goal ang pagbabasa ng Bibliya. Pero may kailangan pa tayong gawin kung gusto talaga nating makinabang dito. Pag-isipan ang ilustrasyong ito: Kailangan ng halaman ang ulan para mabuhay ito. Pero kung sobra-sobrang tubig-ulan ang makukuha ng lupa sa loob ng maikling panahon, hindi magkakaroon ng panahon ang lupa na ma-absorb ang tubig. Kaya hindi rin makikinabang ang halaman. Ganiyan din sa pagbabasa ng Bibliya. Kung bibilisan natin ito para lang makarami, hindi natin maa-absorb, o maiintindihan, ang binabasa natin. Wala rin tayong matatandaan na magagamit natin sa buhay natin. (Sant. 1:24) Nangyayari ba sa iyo na mabilisan lang ang pagbabasa mo ng Bibliya? Ano ang puwede mong gawin? Basahin ito sa bilis na makakapagbulay-bulay ka habang nagbabasa o pagkatapos mong magbasa. Para magawa iyan, baka puwede mong mas habaan ang pag-aaral mo. w24.09 4 ¶7-9

Huwebes, Pebrero 19

Maging masunurin kayo sa mga nangunguna sa inyo.​—Heb. 13:17.

Kapag nakatanggap ng tagubilin ang mga elder, kailangan nila itong basahing mabuti at sikaping masunod ito. Bukod sa mga tagubiling natatanggap nila kung paano gagampanan ang mga bahagi sa pulong at kung paano mananalangin para sa kongregasyon, nakakatanggap din sila ng tagubilin kung paano aalagaan ang mga tupa ni Kristo. Kapag sinusunod ng mga elder ang lahat ng tagubilin mula sa organisasyon, nararamdaman ng mga kapatid na mahal at inaalagaan sila ni Jehova. Dapat na handa tayong sumunod sa mga tagubilin ng mga elder. Kung ganiyan tayo, magiging mas madali sa kanila na gawin ang atas nila. Pinapasigla tayo ng Bibliya na maging masunurin at mapagpasakop sa mga nangunguna. (Heb. 13:​7, 17) Hindi iyan laging madali, kasi hindi sila perpekto. Kung magpopokus tayo sa pangit na mga ugali nila imbes na sa magagandang katangian nila, para na rin nating tinutulungan ang mga kaaway natin. Bakit? Gusto kasi ng mga kaaway natin na mawalan tayo ng tiwala sa organisasyon. At puwedeng mangyari iyan kung negatibo ang tingin natin sa mga nangunguna. w24.04 10 ¶11-12

Biyernes, Pebrero 20

Pagbubukod-bukurin niya ang mga tao.​—Mat. 25:32.

Wala na bang pag-asang mabuhay-muli ang lahat ng mamamatay sa panahon ng malaking kapighatian? Ang mga pupuksain lang ni Jehova at ng mga hukbo niya sa Armagedon ang malinaw na sinasabi ng Bibliya na hindi na bubuhaying muli. Sila ang mga taong kumakalaban sa Diyos. (2 Tes. 1:​6-10) Pero paano naman ang iba? Halimbawa, sa panahon ng malaking kapighatian, posibleng may mamatay dahil sa sakit o katandaan. Baka may mamatay rin dahil sa aksidente o dahil sa kagagawan ng iba. (Ecles. 9:11; Zac. 14:13) Posible kaya na kasama sa mga “di-matuwid” na bubuhaying muli ang ilan sa kanila? (Gawa 24:15) Hindi natin alam. Pero alam na natin ang ilang detalye ng mga mangyayari sa hinaharap. Halimbawa, alam nating hahatulan ang mga tao sa Armagedon base sa naging pakikitungo nila sa mga kapatid ni Kristo. (Mat. 25:40) At ituturing na tupa ang mga sumuporta sa mga pinahiran at kay Kristo.​—Apoc. 12:17. w24.05 10-11 ¶9-11

Sabado, Pebrero 21

Buháy si Jehova! Purihin ang aking Bato! Dakilain nawa ang Diyos na tagapagligtas ko.​—Awit 18:46.

Sinasabi ng Bibliya na “mapanganib at mahirap ang kalagayan” sa ngayon. (2 Tim. 3:1) Pero mas mahirap ang kalagayan natin bilang bayan ni Jehova. Bukod sa mga problema natin sa araw-araw, pinag-uusig din tayo. Kaya bakit patuloy pa rin nating nasasamba si Jehova kahit marami tayong problema? Pangunahin na, dahil pinatunayan sa atin ni Jehova na siya ang “Diyos na buháy.” (Jer. 10:10; 2 Tim. 1:12) Talagang Diyos na buháy si Jehova, dahil nakikita niya ang mga problemang kinakaharap natin at naghahanap siya ng pagkakataong tulungan tayo. (2 Cro. 16:9; Awit 23:4) Kapag tinatandaan natin iyan, makakayanan natin ang anumang pagsubok. w24.06 20 ¶1-2

Linggo, Pebrero 22

Ang landas ng mga matuwid ay gaya ng maningning na liwanag sa umaga, na patuloy na lumiliwanag hanggang sa katanghaliang-tapat.​—Kaw. 4:18.

Dapat tayong magtiwala sa organisasyon ni Jehova. Kapag naging malinaw na kailangan ang pagbabago sa unawa natin sa isang turo ng Bibliya o sa isang paraan ng pagsamba natin, agad na ginagawa ng mga nangunguna sa atin ang kinakailangang pagbabago. Ginagawa nila iyon kasi gusto nilang mapasaya lagi si Jehova. Bukod diyan, ginagawa rin nila ang buong makakaya nila na magdesisyon base sa Salita ng Diyos—ang pamantayang dapat sundin ng lahat ng lingkod ni Jehova. Nagpayo si apostol Pablo: “Manghawakan ka sa pamantayan ng kapaki-pakinabang na mga salita.” (2 Tim. 1:13) Ang “pamantayan ng kapaki-pakinabang na mga salita” ay tumutukoy sa mga turong Kristiyano na makikita sa Bibliya. (Juan 17:17) Ang mga turong ito ang basehan ng lahat ng paniniwala natin. Tinuruan tayo ng organisasyon ni Jehova na kumapit nang mahigpit sa pamantayang iyan. At hangga’t ginagawa natin iyan, pagpapalain tayo. w24.07 11-12 ¶12-13

Lunes, Pebrero 23

Matiisin [si Jehova] sa inyo dahil hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.​—2 Ped. 3:9.

Alam na alam ni apostol Pedro ang pakiramdam ng nagsisi at napatawad, kaya maituturo niya iyon sa iba. Pagkatapos ng kapistahan ng Pentecostes, nagsalita si Pedro sa harap ng isang grupo ng mga di-sumasampalatayang Judio at sinabing may kasalanan sila sa pagkamatay ng Mesiyas. Pero mabait niyang sinabi sa kanila: “Magsisi kayo at manumbalik para mapatawad [o, “mapawi,” tlb.] ang inyong mga kasalanan, para dumating ang mga panahon ng pagpapaginhawa mula mismo kay Jehova.” (Gawa 3:​14, 15, 17, 19) Ipinakita ni Pedro na kung talagang nagsisisi ang isang makasalanan, manunumbalik siya—babaguhin niya ang kaisipan at mga ginagawa niya—at gagawin na ang mga bagay na nagpapasaya sa Diyos. Ipinakita rin ng apostol na papawiin ni Jehova ang mga kasalanan nila at lubusang papatawarin, na para bang binubura ito. Nakakapagpatibay malaman na kapag nakagawa tayo ng kasalanan, puwede tayong mapatawad ni Jehova kahit pa nga malubha ito! w24.08 12 ¶14

Martes, Pebrero 24

Huwag nawang makita sa pamumuhay ninyo ang pag-ibig sa pera.​—Heb. 13:5.

Kung matibay ang pananampalataya natin at totoong-totoo sa atin na malapit nang wakasan ni Jehova ang masamang mundong ito, hindi natin uunahin ang materyal na mga bagay. Sa panahon ng malaking kapighatian, mawawalan ng halaga ang pera. Sinasabi ng Bibliya na “itatapon [ng mga tao] sa lansangan ang kanilang pilak,” dahil maiisip nila na “hindi sila maililigtas ng kanilang pilak o ginto sa araw ng galit ni Jehova.” (Ezek. 7:19) Imbes na ubusin ang panahon natin sa pag-iipon ng maraming pera, dapat tayong gumawa ng mga desisyon na tutulong sa atin na magkaroon ng simple at balanseng buhay. Ibig sabihin, napaglalaanan natin ang sarili at pamilya natin habang naglilingkod kay Jehova. Hindi rin tayo umuutang nang hindi kinakailangan o kumukuha ng maraming pag-aari na uubos ng panahon natin. Dapat din tayong mag-ingat para hindi tayo magkaroon ng sobrang pagpapahalaga sa mga pag-aaring mayroon tayo. (Mat. 6:​19, 24) Habang papalapit nang papalapit ang wakas, posibleng masubok ang pananampalataya natin dahil sa materyal na mga bagay o iba pang mga dahilan. w24.09 11 ¶13-14

Miyerkules, Pebrero 25

Ang sinumang nag-iisip na nakatayo siya ay dapat mag-ingat para hindi siya mabuwal.​—1 Cor. 10:12.

May mga kahinaan tayo na posible nating maalis. Pero baka may ilang kahinaan din na kailangan nating patuloy na labanan. Tingnan ang nangyari kay apostol Pedro. Dahil sa takot sa tao, tatlong beses niyang ikinaila si Jesus. (Mat. 26:​69-75) Mukhang napagtagumpayan ni Pedro ang kahinaang iyon nang lakas-loob siyang nagpatotoo sa harap ng Sanedrin. (Gawa 5:​27-29) Pero pagkalipas ng ilang taon, ‘dahil sa takot sa mga tagasuporta ng pagtutuli,’ iniwasan niya ang mga Kristiyanong Gentil. (Gal. 2:​11, 12) Bumalik ang kahinaan ni Pedro. O baka nga hindi talaga iyon naalis. Gaya ni Pedro, baka kailangan pa rin nating paglabanan ang isang kahinaan na akala natin, napagtagumpayan na natin. Pero madadaig natin ito kung susundin natin ang payo ni Jesus na “patuloy [na] magbantay.” (Mat. 26:41) Kahit pakiramdam mo, malakas ka, iwasan pa rin ang mga sitwasyon na puwede kang matukso. Patuloy na gawin ang mga bagay na ginagawa mo para labanan ang kahinaan mo.​—2 Ped. 3:14. w24.07 18-19 ¶17-19

Huwebes, Pebrero 26

May ibinigay siyang mga tao bilang regalo.​—Efe. 4:8.

Walang taong makakapantay sa pagiging mapagbigay ni Jesus. Noong nasa lupa siya, madalas niyang gamitin ang kapangyarihan niya para tulungan ang iba. (Luc. 9:​12-17) Nang ibigay niya ang buhay niya para sa atin, naibigay niya ang pinakamahalagang regalo na puwede nating matanggap. (Juan 15:13) Kahit noong matapos siyang buhaying muli, patuloy pa rin siyang naging mapagbigay. Gaya ng ipinangako ni Jesus, hiniling niya kay Jehova na bigyan tayo ng banal na espiritu para maturuan at mapatibay tayo. (Juan 14:​16, 17, tlb.; 16:13) At sa mga pulong natin sa kongregasyon, patuloy na ibinibigay ni Jesus ang mga kailangan natin para makagawa tayo ng mga alagad sa buong mundo. (Mat. 28:​18-20) Isinulat ni apostol Pablo na noong umakyat si Jesus sa langit, “may ibinigay siyang mga tao bilang regalo.” (Efe. 4:​7, 8) Ipinaliwanag ni Pablo na ibinigay ni Jesus ang mga lalaking ito para suportahan ang kongregasyon sa iba’t ibang paraan. (Efe. 1:​22, 23; 4:​11-13) Siyempre, hindi sila perpekto, kaya puwede pa rin silang magkamali. (Sant. 3:2) Pero ginagamit sila ng Panginoong Jesu-Kristo para tulungan tayo; regalo niya sila sa atin. w24.10 18 ¶1-2

Biyernes, Pebrero 27

Iingatan ka ng kaunawaan.​—Kaw. 2:11.

Sinabi ni David kay Solomon na magiging matagumpay lang siya hangga’t sinusunod niya si Jehova. Nakakalungkot, sumamba sa ibang mga diyos si Solomon pagtanda niya. Dahil doon, naiwala niya ang pagsang-ayon ni Jehova at hindi na siya binigyan ng Diyos ng karunungan para mapamunuan nang mabait at makatarungan ang mga sakop niya. (1 Hari 11:​9, 10; 12:4) Ano ang aral para sa atin? Kapag masunurin tayo kay Jehova, magtatagumpay tayo. (Awit 1:​1-3) Hindi naman tayo pinangakuan ni Jehova na magiging mayaman at kilala tayo gaya ni Solomon. Pero kung susundin natin ang Diyos, bibigyan niya tayo ng karunungan para makagawa tayo ng matatalinong desisyon. (Kaw. 2:​6, 7; Sant. 1:5) Makakatulong sa atin ang mga payo ni Jehova kapag nagdedesisyon tayo pagdating sa trabaho, edukasyon, libangan, at pera. Maiingatan din nito ang kaugnayan natin sa kaniya at ang pag-asa nating mabuhay nang walang hanggan. (Kaw. 2:​10, 11) At kapag sumusunod tayo sa Diyos, magkakaroon tayo ng mabubuting kaibigan at masayang pamilya. w24.11 10-11 ¶11-12

Sabado, Pebrero 28

Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay; manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mabuti.​—1 Tes. 5:21.

Maraming pagkakataon ang mga magulang na makausap ang anak nila tungkol sa Bibliya o pananampalataya sa Diyos. Puwede mong gawin iyan kapag pumunta kayo sa museum. Puwede mong gamitin ang isang artifact o isang pangyayari sa kasaysayan para ipakitang totoo ang sinasabi ng Bibliya. Alam kaya niyang makikita ang pangalan ng Diyos sa Moabite Stone, isang piraso ng bato na 3,000 taon na ang tanda? May replika ng Moabite Stone na nakadispley sa exhibit na “The Bible and the Divine Name” sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Warwick, New York. Makikita sa batong iyan na nagrebelde laban sa Israel si Haring Mesa ng Moab. Kaayon iyan ng sinasabi ng Bibliya. (2 Hari 3:​4, 5) Kapag nakita mismo ng anak mo ang mga ebidensiya na totoo ang Bibliya, titibay ang pananampalataya niya. w24.12 15 ¶4, 6

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2026)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2026 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share