Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es26 p. 36-46
  • Abril

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Abril
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2026
  • Subtitulo
  • Miyerkules, Abril 1
  • ARAW NG MEMORYAL
    Pagkalubog ng Araw
    Huwebes, Abril 2
  • Biyernes, Abril 3
  • Sabado, Abril 4
  • Linggo, Abril 5
  • Lunes, Abril 6
  • Martes, Abril 7
  • Miyerkules, Abril 8
  • Huwebes, Abril 9
  • Biyernes, Abril 10
  • Sabado, Abril 11
  • Linggo, Abril 12
  • Lunes, Abril 13
  • Martes, Abril 14
  • Miyerkules, Abril 15
  • Huwebes, Abril 16
  • Biyernes, Abril 17
  • Sabado, Abril 18
  • Linggo, Abril 19
  • Lunes, Abril 20
  • Martes, Abril 21
  • Miyerkules, Abril 22
  • Huwebes, Abril 23
  • Biyernes, Abril 24
  • Sabado, Abril 25
  • Linggo, Abril 26
  • Lunes, Abril 27
  • Martes, Abril 28
  • Miyerkules, Abril 29
  • Huwebes, Abril 30
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2026
es26 p. 36-46

Abril

Miyerkules, Abril 1

Kalooban ng aking Ama na ang bawat isa na nakakakilala sa Anak at nananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.​—Juan 6:40.

Kailangan nating manampalataya sa pantubos para magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Efe. 1:7) Hindi dapat makibahagi sa tinapay at alak sa Hapunan ng Panginoon ang mga tinawag ni Jesus na “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Pero puwede pa rin silang makinabang sa katawan at dugo ni Jesu-Kristo. Mangyayari iyan kung mananampalataya sila sa haing pantubos ni Jesus at sa mga pagpapalang resulta nito. (Juan 6:53) Ang mga kumakain naman ng tinapay at umiinom ng alak ay bahagi ng bagong tipan, at may pag-asa silang mamahala sa Kaharian sa langit. Kaya kasama man tayo sa mga pinahiran o ibang mga tupa, kailangan nating manampalataya sa pantubos para magkaroon ng buhay na walang hanggan. w24.12 13 ¶14, 16

Pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 12) Mateo 26:​1-5, 14-16; Lucas 22:​1-6

ARAW NG MEMORYAL
Pagkalubog ng Araw
Huwebes, Abril 2

Huwag kayong matakot, munting kawan, dahil ibinigay sa inyo ng inyong Ama ang Kaharian.​—Luc. 12:32.

Noong pasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon, ibinigay niya ang tinapay na walang pampaalsa sa mga apostol at sinabing sumasagisag iyon sa katawan niya. Pagkatapos, ibinigay niya sa kanila ang isang kopa ng alak at sinabing sumasagisag iyon sa “dugo para sa tipan.” (Mar. 14:​22-25; Luc. 22:20; 1 Cor. 11:24) Ang bagong tipang ito ay para lang sa mga makakasama ni Jesus na mamahala sa Kaharian ng Diyos. (Heb. 8:​6, 10; 9:15) Noong Hapunan ng Panginoon, ang “munting kawan” lang ang kausap ni Jesus. Ang tapat na mga apostol na kasama niya sa silid na iyon ang mga unang naging bahagi ng maliit na grupong ito. Sila ang hinilingan ni Jesus na kumain ng tinapay at uminom ng alak nang gabing iyon. Sila ang mga makakasama ni Jesus sa langit. w24.12 11 ¶9-10

Pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 13) Mateo 26:​17-19; Marcos 14:​12-16; Lucas 22:​7-13 (Mga pangyayari pagkalubog ng araw: Nisan 14) Juan 13:​1-5; 14:​1-3

Biyernes, Abril 3

Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.​—Juan 3:16.

Tinraidor si Jesus, inaresto, ininsulto, inakusahan, hinatulan, at pinahirapan pa nga. Bandang huli, ipinako ng mga sundalo si Jesus sa tulos at namatay siya. Habang tinitiis niya ang lahat ng iyon, may Isa na mas nasasaktan pa sa kaniya—ang Diyos na Jehova. Napakamakapangyarihan ni Jehova at kaya sana niyang pigilan na mangyari ito. Pero bakit hindi niya iyon ginawa? Dahil sa pag-ibig. Ang sakripisyo ni Jesus ang pinakamatibay na ebidensiya na mahal na mahal ka ni Jehova. Ginawa niya ang lahat at tiniis ang pinakamasakit na bagay na puwede niyang maranasan para iligtas ka sa kasalanan at kamatayan. (1 Juan 4:​9, 10) Malinaw na gusto niyang tulungan ang bawat isa sa atin na malabanan ang kasalanan—at matalo ito! w24.08 6 ¶13-14

Pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 14) Juan 19:​1-42

Sabado, Abril 4

Si Kristo ay nagdusa para sa inyo.​—1 Ped. 2:21.

Mas maiintindihan natin kung gaano tayo kamahal ni Jehova kung pag-iisipan natin ang sakit na naramdaman niya para ilaan ang pantubos. Sinabi ni Satanas na walang mananatiling tapat sa Diyos sa ilalim ng pagsubok. Para patunayang mali si Satanas, hinayaan ni Jehova na magdusa si Jesus bago siya mamatay. (Job 2:​1-5) Kitang-kita ni Jehova kung paano ipinahiya si Jesus ng mga kaaway niya, binugbog ng mga sundalo, at ipinako sa tulos. Nakita rin ni Jehova habang unti-unting nagdurusa si Jesus bago siya mamatay. (Mat. 27:​28-31, 39) Kayang-kayang pigilan ni Jehova ang lahat ng iyon. (Mat. 27:​42, 43) Pero kapag ginawa niya iyon, hindi mailalaan ang pantubos at hindi tayo magkakaroon ng pag-asa. Kaya hinayaan ni Jehova na magdusa ang Anak niya hanggang kamatayan. w25.01 22 ¶7

Pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 15) Mateo 27:​62-66 (Mga pangyayari pagkalubog ng araw: Nisan 16) Juan 20:1

Linggo, Abril 5

Nakita nila siya sa loob ng 40 araw.​—Gawa 1:3.

Nisan 16, 33 C.E. noon. Lungkot na lungkot at natatakot ang mga alagad ni Jesus. Dalawa sa kanila ang umalis ng Jerusalem para pumunta sa Emaus. Isang lalaki ang lumapit at naglakad kasama ng dalawang alagad. Ikinuwento nila sa lalaki ang nararamdaman nila sa nangyari kay Jesus. Pero may mga sinabi ang lalaki na hinding-hindi nila makakalimutan. “Pasimula kay Moises at sa lahat ng Propeta,” ipinaliwanag niya kung bakit kailangang magdusa at mamatay ang Mesiyas. Nang makarating na silang tatlo sa Emaus, nakilala na ng dalawang alagad kung sino talaga siya—ang binuhay-muling si Jesus! (Luc. 24:​13-35) Noong huling 40 araw ni Jesus sa lupa, maraming beses siyang nagpakita sa mga alagad niya. Pinatibay ni Jesus ang mga alagad niyang lungkot na lungkot at natatakot. Dahil dito, sumaya sila at nagkaroon ng lakas ng loob na ipangaral at ituro ang mabuting balita tungkol sa Kaharian. w24.10 12 ¶1-3

Pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 16) Juan 20:​2-18

Lunes, Abril 6

Patibayin ninyo ang inyong kabanal-banalang pananampalataya.​—Jud. 20.

Natural na lumalaki ang isang bata at nagiging adulto sa paglipas ng panahon. Pero hindi awtomatikong nagiging may-gulang na Kristiyano ang isa. Halimbawa, tinanggap ng mga kapatid sa Corinto ang mabuting balita, nabautismuhan sila, tumanggap ng banal na espiritu, at natuto sa mga itinuro ni apostol Pablo. (Gawa 18:​8-11) Pero paglipas ng ilang taon pagkatapos nilang mabautismuhan, marami sa kanila ang hindi pa rin may-gulang na Kristiyano. (1 Cor. 3:2) Para maging may-gulang na Kristiyano, dapat na determinado tayong sumulong. Nananatiling sanggol sa espirituwal at hindi sumusulong ang mga “gustong manatiling walang karanasan.” (Kaw. 1:22) Ayaw nating maging gaya ng mga adulto na nakadepende pa rin sa mga magulang nila kapag nagdedesisyon. Gusto nating tayo mismo ang magpalalim ng pag-ibig natin kay Jehova. Kung sinisikap mong maging may-gulang na Kristiyano, ipanalangin mo kay Jehova na bigyan ka ng “pagnanais at lakas para kumilos [ka] ayon sa kagustuhan niya.”​—Fil. 2:13. w24.04 4 ¶9-10

Martes, Abril 7

Hindi [gusto ni Jehova na] mapuksa ang sinuman.​—2 Ped. 3:9.

Makikita natin sa isinulat ni Ezekiel kung ano ang nararamdaman ni Jehova sa pagpuksa ng mga tao. (Ezek. 33:11) Hinding-hindi pupuksa si Jehova nang walang dahilan kasi napakamaawain niya at nagpapakita siya ng awa hangga’t posible. Sino ang mga alam natin na hindi na bubuhaying muli? Tingnan natin ang ilang halimbawa sa Bibliya. Lumilitaw na hindi na bubuhaying muli si Hudas Iscariote base sa sinabi ni Jesus. (Mar. 14:21; tingnan din ang Juan 17:12 at ang study note.) Sinadya kasi ni Hudas na kalabanin si Jehova at ang Anak Niya. (Tingnan ang Marcos 3:29 at ang mga study note.) Isa pang halimbawa ang ilan sa mga lider ng relihiyon na kumokontra kay Jesus noon. Sinabi niya na wala na silang pag-asang buhaying muli. (Mat. 23:33; tingnan ang Juan 19:11 at ang study note na “taong.”) Nagbabala rin si apostol Pablo na hindi na bubuhaying muli ang hindi nagsisising mga apostata.​—Heb. 6:​4-8; 10:29. w24.05 4 ¶10-11

Miyerkules, Abril 8

Iniingatan ni Jehova ang mga tapat.​—Awit 31:23.

Kung mananatili tayo sa tolda ni Jehova, walang magagawa si Satanas na permanenteng pinsala sa atin. (1 Juan 3:8) Sa bagong sanlibutan, patuloy na poprotektahan ni Jehova ang tapat na mga lingkod niya sa anumang puwedeng sumira sa kaugnayan nila sa kaniya. Pero hindi lang iyan, poprotektahan din niya sila mula sa kamatayan. (Apoc. 21:4) Talaga ngang malaking pribilehiyo na maging panauhin ni Jehova—puwede tayong maging malapít na kaibigan niya magpakailanman. (Ezek. 37:27) Ano ang dapat nating gawin para patuloy tayong maging panauhin niya? Kung may kaibigan ka na mag-imbita sa iyo, siyempre, iisipin mo kung ano ang mga gusto at ayaw niya. Ganiyan din pagdating kay Jehova. Gusto rin nating malaman kung ano ang mga inaasahan niya sa mga iniimbitahan niya. Dahil mahal natin siya, gusto nating gawin ang buong makakaya natin para ‘lubusan siyang mapalugdan.’ (Col. 1:10) Dapat natin siyang igalang. Huwag nating kakalimutan iyan. Tutulong iyan sa atin para maiwasan ang mga paggawi na ayaw niya. Gusto nating maipakita na ‘kinikilala natin ang limitasyon natin’ bilang mga panauhin sa tolda niya.​—Mik. 6:​8, tlb. w24.06 4 ¶8-9

Huwebes, Abril 9

Namagitan siya para sa mga makasalanan.​—Isa. 53:12.

Hiniling ni Jehova kay Abraham na ihandog ang anak nitong si Isaac. Siguradong napakahirap nito para kay Abraham. Pero sumunod pa rin siya. Nang gagawin na niya ito, pinigilan siya ni Jehova. Itinuturo ng pangyayaring iyan sa lahat ng may pananampalataya ang isang napakahalagang katotohanan—handa si Jehova na isakripisyo ang pinakamamahal niyang Anak. Ganiyan niya kamahal ang mga tao. (Gen. 22:​1-18) Pagkalipas ng daan-daang taon, ibinigay sa bansang Israel ang Kautusan. At marami itong hinihiling na handog para makapagbayad-sala ang bayan ng Diyos. (Lev. 4:​27-29; 17:11) Itinuturo ng mga handog na iyon na maglalaan si Jehova ng isang mas magandang handog na permanenteng mag-aalis ng kasalanan ng mga tao. Ginamit ni Jehova ang mga propeta niya para humula tungkol sa ipinangakong supling, na bandang huli ay tumutukoy pala sa espesyal na Anak ng Diyos. Ipinaliwanag nila na kailangang magdusa at mamatay ng supling na ito para iligtas sa kasalanan at kamatayan ang mga tao—at kasama ka diyan!—Isa. 53:​1-12. w24.08 4 ¶7-8

Biyernes, Abril 10

Mahal na mahal ko ang kautusan mo! Binubulay-bulay ko ito buong araw.​—Awit 119:97.

Habang nagbabasa ka ng Bibliya, isipin kung paano mo isasabuhay ang mga natututuhan mo. Tanungin ang sarili, ‘Paano ko magagamit ang impormasyong ito sa buhay ko ngayon o sa hinaharap?’ Halimbawa, isipin na kasama sa binasa mo ngayon ang 1 Tesalonica 5:​17, 18. Pagkatapos mong mabasa ito, puwede kang huminto sandali at pag-isipan kung gaano ka kadalas manalangin at kung gaano ito kalalim. Puwede mo ring isipin ang mga ipinagpapasalamat mo kay Jehova. Baka may maisip ka na tatlong bagay. Ilang minuto lang ang ginamit mo para pag-isipan ang mga nabasa mo. Pero tutulong na iyan sa iyo na maging tagapakinig at tagatupad ng Salita ng Diyos. Isipin na lang kung gagawin mo ito araw-araw; siguradong magiging mas mahusay kang lingkod ni Jehova! w24.09 4-5 ¶9-10

Sabado, Abril 11

Mag-ingat kayo, para hindi ninyo maiwala ang mga bagay na pinaghirapan namin, kundi makuha ninyo ang buong gantimpala.​—2 Juan 8.

Ginawa tayo ni Jehova na maging mas masaya sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap. Natutuwa tayo kapag nakakatulong tayo sa mga kapatid natin, at masaya tayo kapag nagpapasalamat sila. Pero gawin man nila iyon o hindi, masaya pa rin tayo kasi ginawa natin kung ano ang tama. Tandaan na anuman ang ibinigay mo, “higit pa roon ang kayang ibigay sa iyo ni Jehova.” (2 Cro. 25:9) Hindi natin mapapantayan ang lahat ng ibinibigay sa atin ni Jehova. At kapag siya ang nagbigay ng gantimpala, siguradong iyon ang pinakamakakapagpasaya sa atin! Maging determinado sana tayo na patuloy na tularan ang mapagbigay nating Ama sa langit. w24.09 31 ¶20-21

Linggo, Abril 12

Pinupuri kita, O Jehova na aking Diyos, nang buong puso ko, at luluwalhatiin ko ang pangalan mo magpakailanman.​—Awit 86:12.

Maawain si Jehova at mapagmalasakit. (Awit 103:13; Isa. 49:15) Nasasaktan din siya kapag nasasaktan tayo. (Zac. 2:8) Tinutulungan niya tayong mapalapit sa kaniya at maging kaibigan niya. (Awit 25:14; Gawa 17:27) Mapagpakumbaba rin siya kasi “yumuyuko siya para tumingin sa langit at sa lupa, at ibinabangon niya ang hamak mula sa alabok.” (Awit 113:​6, 7) Napakarami talaga nating dahilan para purihin ang Diyos natin. Gusto nating makilala ng iba si Jehova. Marami ang hindi nakakaalam ng katotohanan tungkol sa kaniya. Bakit? Naniniwala kasi sila sa mga kasinungalingan ni Satanas tungkol kay Jehova. (2 Cor. 4:4) Napaniwala niya sila na magagalitin ang Diyos at walang malasakit. Iniisip din ng ilan na Diyos ang dahilan ng mga pagdurusa natin. Pero alam nating hindi totoo ang mga iyan. At may pribilehiyo tayong sabihin sa iba ang totoo tungkol sa Diyos para mapapurihan siya.​—Isa. 43:10. w25.01 3-4 ¶6-7

Lunes, Abril 13

[Si Satanas ang] nagliligaw sa buong mundo.​—Apoc. 12:9.

Perpekto si Jesus at gumawa siya ng maraming himala. Pero nakapagkalat pa rin si Satanas ng kasinungalingan tungkol sa Kaniya. Gumamit siya ng mga tao. Halimbawa, sinabi ng mga lider ng relihiyon na galing sa “pinuno ng mga demonyo” ang kapangyarihan ni Jesus na magpalayas ng mga demonyo. (Mar. 3:22) Noong nililitis si Jesus, inakusahan din siya ng pamumusong ng mga lider ng relihiyon at sinulsulan nila ang mga tao na hilinging patayin siya. (Mat. 27:20) Di-nagtagal, habang nangangaral ng mabuting balita ang mga tagasunod ni Kristo, siniraan sila ng mga kaaway at ‘sinulsulan ang mga tao’ na pag-usigin ang mga Kristiyanong iyon. (Gawa 14:​2, 19) Ganito ang sinabi ng Bantayan, isyu ng Disyembre 1, 1998, tungkol sa Gawa 14:2: “Hindi pa nakontento sa pagtanggi sa mensahe, inilunsad ng mga Judiong mananalansang ang isang kampanya ng paninira, anupat sinikap na sulsulan ang mga mamamayang Gentil laban sa mga Kristiyano.” Hanggang ngayon, ‘inililigaw pa rin ni Satanas ang buong mundo.’ w24.04 11 ¶15-16

Martes, Abril 14

Hindi ba gagawin ng Hukom ng buong lupa kung ano ang tama?​—Gen. 18:25.

Hindi nakadepende ang pag-asa ng isa na mabuhay nang walang hanggan sa panahon kung kailan siya namatay. Perpektong Hukom si Jehova, kaya laging tama at makatarungan ang mga desisyon niya. (Awit 33:​4, 5) Makakapagtiwala tayo na gagawin ng “Hukom ng buong lupa” kung ano ang tama. Makatuwiran ding isipin na hindi nakadepende ang pag-asa ng isa sa lugar kung saan siya nakatira. Hinding-hindi ituturing ni Jehova na “kambing” ang milyon-milyong tao dahil lang sa nakatira sila sa lugar na hindi napaabutan ng mabuting balita. (Mat. 25:46) Kung naaawa tayo sa mga taong ito, siguradong mas naaawa sa kanila ang matuwid na Hukom ng buong lupa. Hindi natin alam kung paano pagsusunod-sunurin ni Jehova ang lahat ng mangyayari sa malaking kapighatian. Kaya posibleng ang ilan sa mga taong ito ay magkaroon ng pagkakataong makilala si Jehova, manampalataya sa kaniya, at pumanig sa kaniya kapag ipinakilala na ni Jehova ang sarili niya sa lahat ng bansa.​—Ezek. 38:16. w24.05 12 ¶14-15

Miyerkules, Abril 15

Ibigin ninyo ang isa’t isa.​—Juan 15:12.

Gustong-gusto ng mga lingkod ni Jehova na magtulungan. (2 Cor. 8:4) Pero kung minsan, kailangan ng tapang para magawa iyan. Halimbawa, kapag may digmaan, alam ng mga elder na kailangan ng mga kapatid ng pampatibay at baka ng tulong para makakuha ng espirituwal na pagkain o materyal na pangangailangan. Kaya kahit manganib ang buhay nila, ilalaan nila ang pangangailangan ng mga ito. Kailangan ang pagkakaisa sa mapanganib na mga sitwasyon, kaya napakahalagang maging masunurin tayo. Sundin ang mga tagubilin ng tanggapang pansangay. (Heb. 13:17) Dapat na regular na pag-aralan ng mga elder ang mga tagubilin kung paano maghahanda kapag may sakuna sa lugar nila, pati na ang mga tagubilin ng organisasyon sa panahon ng sakuna. (1 Cor. 14:​33, 40) Maging matapang pero maingat. (Kaw. 22:3) Mag-isip nang mabuti bago kumilos. Isipin ang pinakaligtas na paraan kung paano ka makakatulong. Umasa kay Jehova. Siguradong gagabayan ka niya na magawa ang tamang desisyon sa pagtulong sa mga kapatid. w24.07 4 ¶8; 5 ¶11

Huwebes, Abril 16

Sa kagipitan ay tumawag ako kay Jehova, . . . at narinig niya ang paghingi ko sa kaniya ng tulong.​—Awit 18:6.

Kilala ni Haring David si Jehova, at umaasa siya sa Kaniya. Nang mga panahong gusto siyang patayin ni Haring Saul at ng iba pang kaaway niya, humingi siya ng tulong kay Jehova. Sinagot ng Diyos ang panalangin ni David at iniligtas siya, kaya sinabi niya: “Buháy si Jehova!” (Awit 18:46) Ano ang ibig sabihin ni David? Ayon sa isang reperensiya, idinidiin niya dito na si Jehova ay isang Diyos na buháy na laging tumutulong sa mga lingkod niya. Napatunayan mismo ni David na buháy si Jehova, at nakatulong iyan sa kaniya na patuloy na paglingkuran at purihin ang Diyos. (Awit 18:​28, 29, 49) Kung kumbinsido tayong buháy na Diyos si Jehova, ibibigay natin ang buong makakaya natin sa paglilingkod sa kaniya. Magkakaroon din tayo ng lakas na maharap ang anumang pagsubok at ng determinasyon na patuloy na maglingkod. Bukod diyan, gagawin natin ang lahat para manatiling malapít kay Jehova. w24.06 20-21 ¶3-4

Biyernes, Abril 17

Huwag kayong magpalinlang kaninuman sa anumang paraan.​—2 Tes. 2:3.

Ano ang matututuhan natin sa mga sinabi ni apostol Pablo sa mga taga-Tesalonica? Kapag may narinig tayo na salungat sa natutuhan natin sa Bibliya o kapag may nabalitaan tayong kuwento na sobrang exciting o nakakagulat, dapat na mag-isip muna tayo. Sa dating Soviet Union, nagpakalat ang mga kaaway natin ng isang liham na pinagmukhang galing sa punong-tanggapan. Sa liham, pinayuhan ang ilang kapatid na bumuo ng hiwalay na grupo o organisasyon. Parang totoong-totoo ang liham. Pero hindi nadaya ang tapat na mga kapatid. Nakita nilang salungat ang mensahe nito sa mga katotohanang natutuhan nila. Sa ngayon, gumagamit ang mga kaaway natin ng iba’t ibang bagay, gaya ng Internet at social media, para lituhin tayo at sirain ang pagkakaisa natin. ‘Huwag nating hayaang agad-agad na malihis ang pangangatuwiran natin.’ (2 Tes. 2:2) Hindi tayo madadaya kung ikukumpara natin ang mga narinig o nabasa natin sa mga katotohanang alam na natin.​—1 Juan 4:1. w24.07 12 ¶14-15

Sabado, Abril 18

Kung magkasala ang sinuman, may katulong tayo.​—1 Juan 2:1.

Ang pinakamahalagang desisyon na magagawa ng isang tao ay ang ialay ang sarili niya kay Jehova at maging bahagi ng pamilya Niya. Gusto ni Jehova na gawin iyan ng lahat. Bakit? Gusto niya silang maging kaibigan at mabuhay nang walang hanggan. (Deut. 30:​19, 20; Gal. 6:​7, 8) Pero hindi pinipilit ni Jehova ang sinuman na maglingkod sa kaniya. Hinahayaan niya ang bawat tao na gumawa ng sariling desisyon. Paano kung nilabag ng isang bautisadong Kristiyano ang utos ng Diyos at nagkasala siya nang malubha? Kung hindi siya magsisisi, aalisin siya sa kongregasyon. (1 Cor. 5:13) Pero kahit mangyari iyan, umaasa si Jehova na manunumbalik sa kaniya ang nagkasala. Ang totoo, isa iyan sa pinakamahahalagang dahilan kung bakit niya inilaan ang pantubos—para mapatawad ang mga nagsisising nagkasala. Napakamapagmahal ng Diyos, at talagang sinisikap niyang tulungan ang mga nagkasala na magsisi.​—Zac. 1:3; Roma 2:4; Sant. 4:8. w24.08 14 ¶1-2

Linggo, Abril 19

Kung magiging marunong ka, magiging masaya ang puso ko.​—Kaw. 23:15.

Noong isulat ni apostol Juan ang ikatlong liham niya, may mga nagpapakalat na ng maling turo at sumisira sa pagkakaisa ng kongregasyon. Pero may mga ‘patuloy na lumakad sa katotohanan.’ Nanatili silang masunurin kay Jehova at patuloy na “lumakad ayon sa mga utos niya.” (2 Juan 4, 6) Hindi lang si Juan ang napasaya ng tapat na mga Kristiyanong ito, kundi pati si Jehova. (Kaw. 27:11) Ano ang aral para sa atin? Kung mananatili tayong tapat kay Jehova, magiging masaya tayo at mapapasaya din natin ang iba. (1 Juan 5:3) Masaya tayo kasi alam nating napapasaya natin si Jehova. Masaya ang Diyos kapag nilalabanan natin ang mga tukso sa mundong ito at sinusunod ang mga utos niya. Napapasaya rin niyan ang mga anghel sa langit. (Luc. 15:10) Nagiging masaya rin tayo kapag nakikita nating nananatiling tapat ang mga kapatid natin. (2 Tes. 1:4) At kapag dumating na ang bagong sanlibutan, masaya tayo kasi alam nating nanatili tayong tapat kay Jehova habang nabubuhay tayo sa mundong pinamumunuan ni Satanas. w24.11 12 ¶17-18

Lunes, Abril 20

Patuloy na unahin ng bawat isa ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili niya.​—1 Cor. 10:24.

Gaano ka dapat katagal mag-obserba bago mo sabihin sa taong nagugustuhan mo ang nararamdaman mo? Kung magsasabi ka agad sa kaniya, baka isipin niyang hindi mo ito pinag-isipang mabuti. (Kaw. 29:20) Pero kung nararamdaman na ng isa na interesado ka sa kaniya at masyado mong pinapatagal ang pagsasabi, baka isipin naman niya na hirap kang magdesisyon. (Ecles. 11:4) Tandaan, hindi kailangang kumbinsido ka na papakasalan mo siya bago ka magsabi ng nararamdaman mo. Pero dapat, kumbinsido kang handa ka nang mag-asawa at nakikita mo ring magiging mahusay siyang asawa. Paano kung nararamdaman mong may gusto sa iyo ang isang tao? Kung hindi mo siya gusto, dapat maging malinaw ito sa paraan ng pakikitungo mo sa kaniya. Kasi kawawa naman siya kung iniisip niyang may posibilidad na maging kayo, kahit ang totoo, wala naman.​—Efe. 4:25. w24.05 23 ¶9-10

Martes, Abril 21

Babalik ako at isasama ko kayo sa aking bahay.​—Juan 14:3.

Ang tapat na mga pinahiran lang ang tatanggapin ni Jesus sa Kaharian niya sa langit. Kung hindi mananatiling mapagbantay ang isang pinahiran, hindi siya makakasama kapag tinipon ang “mga pinili.” (Mat. 24:31) Pero siyempre, dapat na patuloy na magbantay at manatiling tapat ang lahat ng lingkod ni Jehova, anuman ang pag-asa nila. Kilala natin si Jehova, kaya nagtitiwala tayo sa mga ginagawa niya. Hindi tayo nag-aalala kung hanggang sa panahon natin, pumipili pa rin siya ng magiging pinahiran. Tandaan ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga nagtrabaho sa ubasan noong mga ika-11 oras. (Mat. 20:​1-16) Pareho ang natanggap na suweldo ng mga nagtrabaho nang maaga at ng mga huling dumating. Kaya kahit sa panahon natin pinili ang isang pinahiran, tatanggap pa rin siya ng gantimpala sa langit kung mananatili siyang tapat. w24.09 24 ¶15-17

Miyerkules, Abril 22

Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, at nag-iwan siya ng huwaran para sundan ninyong mabuti ang mga yapak niya.​—1 Ped. 2:21.

Nagpakita si Jesus ng perpektong halimbawa kung paano haharapin ang kawalang-katarungan. Nakaranas siya ng di-magandang pagtrato sa maraming tao, pati na sa pamilya niya. Sinabi ng mga kamag-anak niya na nababaliw na siya. Sinabi naman ng mga lider ng relihiyon na galing sa demonyo ang kapangyarihan niya. Ininsulto rin siya ng mga Romanong sundalo, pinahirapan, at pinatay. (Mar. 3:​21, 22; 14:55; 15:​16-20, 35-37) Pero tiniis ni Jesus ang lahat ng iyon at hindi siya gumanti. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa niya? (1 Ped. 2:​21-23) Tingnan ang perpektong halimbawa ni Jesus ng pagharap sa kawalang-katarungan. Alam niya kung kailan mananahimik at kung kailan magsasalita. (Mat. 26:​62-64) Hindi niya sinagot ang lahat ng kasinungalingang sinasabi tungkol sa kaniya. (Mat. 11:19) At noong magsalita siya, hindi niya ininsulto ang mga umuusig sa kaniya o pinagbantaan sila. w24.11 4-5 ¶9-10

Huwebes, Abril 23

Si Kristo Jesus ay dumating sa mundo para iligtas ang mga makasalanan.​—1 Tim. 1:15.

Isiping nagbigay ka ng isang napakagandang regalo sa taong mahalaga sa iyo at alam mong kailangan niya iyon. Paano kung nalaman mong itinago lang niya iyon at hindi na niya ginamit? Siguradong malulungkot ka. Pero kung nagpasalamat siya sa iyo at lagi niyang ginagamit iyon, siguradong magiging masaya ka. Ang punto? Ibinigay ni Jehova ang Anak niya para sa atin dahil mahal na mahal niya tayo. Kaya talagang magiging masaya siya kapag ipinakita natin na nagpapasalamat tayo sa regalo at pag-ibig niya. (Juan 3:16; Roma 5:​7, 8) Sa paglipas ng panahon, baka mabawasan ang pagpapahalaga natin sa pantubos. Kung mangyari iyan, para bang itinago at kinalimutan natin ang regalo ng Diyos. Kaya para hindi mabawasan ang pagpapahalaga natin sa ginawa ng Diyos at ni Kristo, dapat lagi nating pag-isipang mabuti iyon. w25.01 26 ¶1-2

Biyernes, Abril 24

Pag-isipan mong mabuti ang mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin dito para makita ng lahat ang pagsulong mo.​—1 Tim. 4:15.

Ang mga brother na maglilingkod bilang elder ay dapat na hindi bagong kumberte. Hindi naman kailangan na maraming taon ka nang bautisado, pero kailangan mo ng panahon para mapatibay ang kaugnayan mo kay Jehova at masanay na gamitin ang Bibliya kapag gumagawa ng desisyon. Bago ka atasan bilang elder, dapat na naipakita mo nang mapagpakumbaba ka gaya ni Jesus. Ibig sabihin, kontento ka sa mga atas mo at handa kang hintayin si Jehova para sa iba pang mga atas. (Mat. 20:23; Fil. 2:​5-8) Mapapatunayan mo namang tapat ka kung patuloy kang mamumuhay sa mga pamantayan ni Jehova at susunod sa mga tagubiling ibinibigay ng organisasyon. Malinaw na sinasabi ng Bibliya na ang mga tagapangasiwa ay dapat na kuwalipikadong magturo. Ibig bang sabihin, dapat napakahusay mong magpahayag? Hindi. May mga kuwalipikadong elder na hindi ganoon kahusay magpahayag pero epektibo naman sa ministeryo at pagse-shepherding. w24.11 23-24 ¶14-15

Sabado, Abril 25

Mahal ko ang mga utos mo nang higit kaysa sa ginto, maging sa purong ginto.​—Awit 119:127.

Kapag may hindi ka naintindihan sa binabasa mo sa Bibliya, mag-research pa. At sa buong araw, pag-isipang mabuti ang mga bagay na natutuhan mo tungkol kay Jehova, sa Anak niya, at sa pag-ibig nila sa iyo. (Awit 119:​97, tlb.) Huwag kang malungkot kung wala kang nakita o natutuhang bago sa pagbabasa at pagre-research mo. Isipin ang mga naghahanap ng ginto. Baka maraming oras o araw ang kailangan bago sila makakita ng ginto. Pero hindi sila humihinto kasi napakahalaga ng bawat piraso nito. Mas mahalaga pa diyan ang bawat katotohanan sa Bibliya! (Kaw. 8:10) Kaya ipagpatuloy mo lang ang schedule mo ng pagbabasa ng Bibliya.​—Awit 1:2. w25.01 25 ¶14-15

Linggo, Abril 26

Kung paanong lubusan kayong pinatawad ni Jehova, dapat na ganoon din ang gawin ninyo.​—Col. 3:13.

Inaasahan ni Jehova na magiging mapagpatawad tayo kapag may nakasakit sa atin. (Awit 86:5; Luc. 17:4; Efe. 4:32) Baka may magawa o masabi ang iba na sobrang makasakit sa atin. At mas masakit pa ito kung malapít sa atin o kapamilya natin ang nakagawa nito. (Awit 55:​12-14) Kung minsan, sa sobrang sakit, para tayong sinaksak. (Kaw. 12:18) Baka maisip natin na bale-walain na lang ang nararamdaman natin. Pero kung gagawin natin iyan, para tayong sinaksak at pagkatapos ay hinayaan na lang ang kutsilyo na nakabaon sa atin. Kaya hindi gagaling ang nasaktan nating damdamin kung babale-walain natin ito. Kapag may ginawang hindi maganda sa atin, baka magalit tayo. Sinasabi sa Bibliya na posible talagang maramdaman natin iyan. Pero sinasabi rin dito na hindi tayo dapat magpakontrol sa galit. (Awit 4:4; Efe. 4:26) Bakit? Kasi kadalasan nang hindi maganda ang resulta kapag nagpapadala tayo sa galit. (Sant. 1:20) Totoo, baka hindi mo mapigilang magalit, pero nasa sa iyo na kung mananatili kang galit. w25.02 15 ¶4-6

Lunes, Abril 27

Iniingatan ng karunungan ang buhay ng nagtataglay nito.​—Ecles. 7:12.

Sa isang ilustrasyon, ipinakita ni Jesus kung bakit hindi katalinuhang mag-ipon ng pera nang “hindi mayaman sa Diyos.” (Luc. 12:​16-21) Hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap. (Kaw. 23:​4, 5; Sant. 4:​13-15) Sinabi rin ni Jesus na bilang mga tagasunod niya, dapat handa nating ‘iwan ang lahat ng pag-aari natin.’ (Luc. 14:33) Nang mangyari iyan noon sa mga Kristiyano sa Judea, masaya pa rin sila. (Heb. 10:34) Sa panahon natin, maraming kapatid ang nawalan ng trabaho at mga pag-aari dahil wala silang sinuportahan na partido sa politika. (Apoc. 13:​16, 17) Ano ang nakatulong sa kanila? Talagang nagtiwala sila sa pangako ni Jehova: “Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.” (Heb. 13:5) Pinagpaplanuhan natin ang hinaharap. Pero kung may mangyaring hindi natin inaasahan, nagtitiwala tayong tutulungan tayo ni Jehova. w25.03 29 ¶13-14

Martes, Abril 28

Ngayong nalampasan na natin ang unang mga doktrina tungkol sa Kristo, sumulong tayo sa pagiging maygulang at huwag na tayong magpabalik-balik sa panimulang mga bagay.​—Heb. 6:1.

Alam ni Jehova na kailangan natin ang tulong ng iba para sumulong tayo at maging maygulang. Binigyan niya tayo ng mga pastol at guro sa kongregasyon para tulungan tayo na “maging adulto, hanggang sa maging maygulang tayo gaya ng Kristo.” (Efe. 4:​11-13) Inilalaan din ni Jehova ang banal na espiritu niya para tulungan tayong magkaroon ng “pag-iisip ni Kristo.” (1 Cor. 2:​14-16) Bukod diyan, ipinasulat ng Diyos ang apat na Ebanghelyo para tulungan tayong makita kung paano nag-isip, nagsalita, at kumilos si Jesus noong nandito siya sa lupa. Kung tutularan natin si Jesus, magiging may-gulang na Kristiyano tayo. Pero para sumulong tayo at maging may-gulang na Kristiyano, dapat na “nalampasan na natin ang unang mga doktrina,” o pangunahing mga turo, tungkol sa Kristo. w24.04 4-5 ¶11-12

Miyerkules, Abril 29

Babantayan ka ng iyong kakayahang mag-isip, at iingatan ka ng kaunawaan.​—Kaw. 2:11.

Araw-araw, kailangan nating gumawa ng mga desisyon. May ilan na madali lang gawin, gaya ng pagdedesisyon kung ano ang almusal natin o kung anong oras tayo matutulog. Pero may ilang bagay na mahirap pagdesisyunan. Kasi baka may epekto iyon sa kalusugan natin, kaligayahan, mga kapamilya, o sa kaugnayan natin kay Jehova. Gusto nating makagawa ng mga desisyon na makakabuti sa atin at sa pamilya natin. Pero higit sa lahat, gusto nating magpasaya kay Jehova ang mga desisyon natin. (Roma 12:​1, 2) Mahalagang kunin ang mga impormasyong kailangan mo. Bakit iyan mahalaga? Pag-isipan ito: Isang pasyenteng may malalang sakit ang nagpakonsulta sa doktor niya. Gagawa ba agad ng desisyon ang doktor kung paano ito gagamutin nang hindi man lang ito sinusuri o tinatanong? Siyempre hindi. Gaya ng isang mahusay na doktor, aalamin muna natin ang mga impormasyong kailangan natin bago magdesisyon. w25.01 14 ¶1-3

Huwebes, Abril 30

Pinatatawad ni Jehova ang kasalanan mo. Hindi ka mamamatay.​—2 Sam. 12:13.

Napakamaawain ni Jehova at “hindi niya gustong mapuksa ang sinuman.” (2 Ped. 3:9) Tingnan natin kung paano niya iyan ipinakita sa mga nakagawa ng malulubhang kasalanan gaya nina Haring David at Haring Manases. Nagkasala si David ng pangangalunya at pagpatay. Pero nagsisi siya, kaya pinatawad siya ni Jehova. (2 Sam. 12:​1-12) Marami ring ginawang masama si Manases. Pero kahit sobrang lala ng mga ginawa niya, pinatawad siya ni Jehova kasi nagsisi siya. (2 Cro. 33:​9-16) Itinuturo sa atin ng mga halimbawang ito na nagpapakita ng awa si Jehova kung may dahilang gawin iyon. Gaya nina David at Manases, bubuhaying muli ni Jehova ang mga taong nagkasala nang malubha pero nagsisi. w24.05 4 ¶12

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2026)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2026 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share