AGOSTO 3-9, 2026
AWIT BLG. 113 Ang Taglay Nating Kapayapaan
Igalang ang Desisyon ng Iba
“Huwag ninyo siyang hatulan dahil iba ang opinyon niya.”—ROMA 14:1.
MATUTUTUHAN
Kung paano natin maipapakita na iginagalang natin ang mga desisyon ng mga kapatid kahit hindi tayo sang-ayon doon.
1-2. Bakit may mga desisyon tayo na iba sa desisyon ng mga kapatid?
NAHUSGAHAN ka na ba ng iba dahil sa isang desisyong ginawa mo? May nahusgahan ka na rin bang kapatid dahil sa desisyon niya? Malamang na marami sa atin ang sasagot ng oo sa dalawang tanong na iyan.
2 Hindi na tayo dapat magtaka kung may mga desisyon tayo na hindi kapareho ng desisyon ng ibang tapat na mga kapatid. Bakit? Magkakaiba kasi tayong lahat, at may kani-kaniya tayong pananaw. Naaapektuhan tayo ng kinalakhan nating lugar o pamilya at ng mga naranasan natin sa buhay. Pero kahit magkakaiba tayo ng opinyon, hindi ito dapat makasira sa kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon.—Efe. 4:3.
3. Bakit posibleng mahirapan tayong igalang ang desisyon ng isang kapatid?
3 Kapag hindi tayo sang-ayon sa desisyon ng isang kapatid, baka maramdaman natin na kailangan natin siyang kumbinsihin na magbago ng isip o na dapat nating sabihin sa iba na mali ang desisyon niya. Baka maganda naman ang intensiyon natin. Mahal natin ang mga kapatid, at gusto nating mapabuti sila. (Kaw. 17:17) Kaya ayaw nating makagawa sila ng desisyong pagsisisihan nila o makakasira sa kaugnayan nila kay Jehova.
4-5. Ano ang dapat nating gawin kung hindi tayo sang-ayon sa desisyon ng isang kapatid?
4 Kung hindi tayo sang-ayon sa desisyon ng isang kapatid, dapat ba nating ipakipag-usap iyon sa kaniya? Depende iyan sa sitwasyon. Halimbawa, kung may malalabag siyang utos sa Bibliya, dapat natin siyang tulungang ituwid ang kaisipan niya kasi mahal natin siya. (Kaw. 27:5, 6) Pero paano kung wala naman siyang malalabag na utos ng Diyos at iba lang talaga ang desisyon niya sa naiisip nating gawin? Makikita natin ang sagot sa temang teksto ng artikulong ito: “Huwag [natin] siyang hatulan dahil iba ang opinyon niya.”—Roma 14:1.
5 Pero baka may mga pagkakataon pa rin na mahirapan tayong igalang ang desisyon ng mga kapatid. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung bakit dapat nating igalang ang mga desisyon ng iba at kung paano natin iyan magagawa. Pero pag-usapan muna natin ang ilang halimbawa ng personal na desisyon ng mga kapatid na posible nating mahusgahan.
PERSONAL NA MGA DESISYON NG IBA NA POSIBLE NATING MAHUSGAHAN
6-7. Magbigay ng mga senaryo kung saan posible nating mahusgahan ang desisyon ng iba.
6 Gaya ng nabanggit kanina, may epekto ang kinalakhan natin at mga karanasan sa pananaw natin tungkol sa iba’t ibang bagay. At kung minsan, baka sobrang kumbinsido tayo na tama ang opinyon natin. Baka iniisip din natin na kapareho natin ng opinyon ang iba. Pero hindi laging ganiyan. Tingnan ang ilang senaryo. Senaryo 1: Lumaki ang isang brother sa pamilyang di-Saksi, at lasenggo ang tatay niya. Sa isang gathering, nakita niyang umiinom ng alak ang mga kapatid. Nadismaya siya, at sinabihan niya sila na mali ang ginagawa nila. Senaryo 2: Naka-recover ang isang sister sa isang malalang sakit. Pagkatapos, nalaman niyang may ganoon ding sakit ang isa pang sister. Gusto niya itong tulungan, kaya pinipilit niya itong gayahin ang paraan ng paggagamot na nakatulong sa kaniya. Baka sinasabihan niya ito na kumain lang ng ilang partikular na pagkain, uminom ng isang partikular na gamot, o subukan ang isang alternatibong paraan ng paggagamot. Senaryo 3: Dating miyembro ng isang huwad na relihiyon ang isang brother. Ayaw na ayaw na niya ang anumang bagay na may kinalaman sa relihiyong iyon. Noong malaman niya na pumunta ang isang kapatid sa simbahan para sa isang libing, hindi niya iyon matanggap.a
7 Tingnan ang iba pang senaryo. Senaryo 4: Lumaki ang isang brother noong panahong para sa karamihan, hindi angkop na magpatubo ng balbas ang mga lalaki o na magsuot ng slacks ang mga babae sa pormal na mga okasyon. Kahit alam ng brother ang naging pagbabago sa pananaw natin dito, ipinipilit pa rin niya na hindi dapat magbalbas ang mga brother at na hindi dapat mag-slacks ang mga sister sa teokratikong mga gawain. Senaryo 5: May kakilala ang isang elder na isang kapatid na kumuha ng karagdagang edukasyon at huminto sa paglilingkod kay Jehova bandang huli. Ngayon, isang kabataang brother na kakongregasyon niya ang kukuha ng karagdagang edukasyon. Nag-aalala ang elder, kaya kinukumbinsi niya ang kabataan at ang mga magulang nito na huwag nang ituloy ang plano nila.
8. (a) Sa anong sitwasyon posibleng mahusgahan ng isang magulang ang ibang mga magulang? (b) Ano ang puwedeng maging epekto sa kongregasyon kung hinuhusgahan natin ang ginagawa ng mga kapatid?
8 Tingnan naman ang isang sitwasyon na puwedeng makaapekto sa mga magulang. Senaryo 6: Bilang isang magulang, ginagawa mo ang lahat para mapalaki ang anak mo “ayon sa disiplina at patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4) Pero napapansin mo na mas maluwag ang ibang kapatid sa mga anak nila. Halimbawa, mas late ang curfew ng mga anak nila, puwedeng maglaro ang mga ito ng video games na hindi marahas, o binibilhan nila ang mga ito ng cellphone kahit bata pa. Pakiramdam tuloy ng anak mo, masyado kang istrikto. “Bakit po sila puwede, ako hindi?” sabi niya sa iyo. Dahil diyan, baka negatibo na ang maging tingin mo sa ibang magulang. Ang totoo, posible talagang may masabi tayo sa desisyon ng mga kapatid kapag iba iyon sa iniisip natin. Halimbawa, baka kuwestiyunin natin kung paano ginagamit ng isang kapatid ang pera niya, kung gaano kadalas siyang nagbabakasyon, o kung ano ang mga pinipili niyang libangan. Pero hindi natin dapat hayaan na maging mas mahalaga sa atin ang opinyon natin kaysa sa pagkakaisa ng kongregasyon.
9. Ano ang dapat nating tandaan? (Tingnan din ang larawan.)
9 Hindi porke iba ang desisyon natin sa desisyon ng isang kapatid, ibig sabihin na nito, tama ang isa at mali naman ang isa. (Roma 14:5) Tinuturuan tayo na “magkaisa sa kaisipan” pagdating sa mga pamantayan ni Jehova, pero hindi ibig sabihin nito na dapat, pare-pareho na tayo ng pananaw sa lahat ng bagay. (2 Cor. 13:11) Puwede nating ikumpara ang paggawa ng personal na mga desisyon sa pagpili natin ng paraan ng paglalakbay. Madalas na may iba’t ibang ruta papunta sa iisang lugar. Siyempre, pipiliin natin ang paraan na gusto natin at babagay sa sitwasyon natin. Ganiyan din sa paggawa ng personal na mga desisyon. Kahit magkakaiba tayo ng pipiliing gawin, iisa pa rin ang goal natin—ang mapasaya si Jehova. Kaya hindi natin dapat hatulan ang iba sa personal na mga desisyon nila.—Mat. 7:1; 1 Tes. 4:11.
Puwede tayong pumili ng iba’t ibang ruta papunta sa iisang lugar; puwede ring magkaroon ng iba’t ibang desisyon ang mga Kristiyano pagdating sa personal na mga bagay (Tingnan ang parapo 9)
BAKIT DAPAT NATING IGALANG ANG PERSONAL NA MGA DESISYON NG IBA?
10. Ayon sa Santiago 4:12, wala tayong awtoridad na gawin ang ano, at bakit?
10 Nagbibigay ang Bibliya ng mga dahilan kung bakit dapat nating igalang ang personal na mga desisyon ng iba. Pansinin ang ilan sa mga ito. Wala tayong awtoridad na hatulan ang iba pagdating sa personal na mga bagay. (Basahin ang Santiago 4:12.) Si Jehova ang makatarungang Tagapagbigay-Batas at Hukom. Siya lang ang may karapatang magtakda ng mga dapat at hindi dapat gawin. Kaya anumang desisyon ang gawin ng mga kapatid, kay Jehova sila mananagot at hindi sa atin. (Roma 14:10) Wala tayong karapatang hatulan o punahin ang mga desisyon nila base sa sarili nating pamantayan o opinyon.b
11. Ano ang puwede nating gawin para mapanatili ang pagkakaisa ng kongregasyon? (Tingnan din ang larawan.)
11 Gusto ni Jehova na magkaisa ang mga lingkod niya, pero hindi niya inaasahang magiging magkakapareho sila. Ang totoo, natutuwa si Jehova kapag nakikita niya ang pagkakaiba-iba natin. Alam natin iyan kasi magkakaiba ang mga nilalang niya. Halimbawa, magkakaiba ang bawat snowflake. At kung mga tao naman ang pag-uusapan, walang kahit isa sa mahigit walong bilyong tao sa mundo ang may eksaktong kamukha o kaparehong-kapareho ng personalidad. Ganiyan tayo nilalang ni Jehova. Ayaw niya na maging carbon copy lang tayo ng isa’t isa. Pero gusto niya na magkaisa tayo. Kaya kahit magkakaiba tayo, ginagawa natin ang lahat para mapanatili ang kapayapaan. Mas mahalaga sa atin ang pagkakaisa ng kongregasyon kaysa sa sarili nating mga opinyon.—Roma 14:19.
Magkakaiba tayong lahat at ganiyan tayo nilalang ni Jehova, pero gusto niya na magkaisa tayo (Tingnan ang parapo 11)
PAANO NATIN MAIPAPAKITANG IGINAGALANG NATIN ANG DESISYON NG IBA?
12-13. Ano ang dapat nating tandaan kung sa tingin natin, nakagawa ng “maling hakbang” ang isang kapatid? (Galacia 6:1; tingnan din ang kahong “Kapag Hindi Ka Sang-ayon.”)
12 Kapag gumagawa ang iba ng personal na desisyon. Pag-isipan, ‘Talaga bang nakagawa ng “maling hakbang” ang kapatid o iba lang iyon sa gagawin ko kung ako ang nasa sitwasyon niya?’ Kung talagang may ginagawa siya na hindi kaayon sa sinasabi ng Bibliya, pag-isipan naman, ‘Isa ba akong may-gulang na Kristiyano na nasa posisyon para ituwid siya o may ibang mas kuwalipikadong gumawa n’on?’ Kung kuwalipikado kang tulungan siya, sikaping gawin iyon sa mahinahong paraan. (Basahin ang Galacia 6:1.) Pero kadalasan, wala namang ginagawang mali ang mga kapatid—iba lang talaga ang desisyon nila sa naiisip mong gawin. Kung iyan ang sitwasyon, huwag mag-isip ng masama tungkol sa kanila o magkomento nang negatibo tungkol sa desisyon nila. Igalang ang karapatan nilang magdesisyon para sa sarili nila, at huwag silang husgahan.—Roma 14:2-4.
13 Pag-isipan ang ilustrasyong ito: Kung kakain kayo ng kaibigan mo sa isang restaurant, pipilitin mo ba siyang i-order ang pagkaing oorderin mo? Hindi. Hahayaan mo siyang pumili ng gusto niyang kainin, kasi hindi naman ikaw ang kakain ng inorder niya. At siguradong ayaw mo rin namang pilitin ka ng kaibigan mo na gayahin ang order niya dahil lang sa iyon ang paborito niya. Ganiyan din sa paggawa ng desisyon. Maipapakita nating nirerespeto natin ang iba kung hahayaan natin silang gumawa ng sarili nilang mga desisyon nang hindi ipinipilit sa kanila ang opinyon natin.
14. Ano ang puwede mong gawin para hindi masira ang pagkakaisa sa kongregasyon kapag gumagawa ka ng personal na mga desisyon? (1 Corinto 8:12, 13)
14 Kapag gumagawa ka ng personal na mga desisyon. Makakatulong ka para mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon kung sisikapin mong hindi makatisod sa iba. (Basahin ang 1 Corinto 8:12, 13.) Kung minsan, malinaw sa iyo na “ipinapahintulot ng kautusan” ang desisyong gagawin mo. Pero kung makakatisod iyon sa isang kapatid, masasabi bang “kapaki-pakinabang” iyon?c (1 Cor. 10:23, 24) Imbes na isiping ‘Gagawin ko ang gusto ko kasi wala namang mali doon,’ mas makakabuti kung iisipin mo rin ang mararamdaman ng iba. (Roma 15:1) Pero hindi ba kakasabi lang natin na dapat nating igalang ang personal na desisyon ng isa’t isa? Oo, pero dapat din nating tandaan ang payo ng Bibliya sa Roma 12:18: “Hangga’t nakadepende sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” Kaya ginagawa natin ang makakaya natin para hindi makatisod sa iba at hindi masira ang kapayapaan sa kongregasyon.
15. Ano ang puwedeng gawin ng mga elder para maingatan ang pagkakaisa sa kongregasyon? (1 Corinto 4:6)
15 Iginagalang ng mga elder ang mga desisyon ng iba. Maiingatan ng mga elder ang pagkakaisa sa kongregasyon kung hindi sila gagawa ng mga batas pagdating sa personal na mga bagay at kung hindi nila “[hihigitan] ang mga bagay na nasusulat” sa Bibliya. (Basahin ang 1 Corinto 4:6.) Ibig sabihin din nito, hindi nila hihigitan ang mga payo sa mga publikasyon natin na base rin sa Bibliya. At kung hingan sila ng payo ng isang kapatid, hindi lang sila aasa sa sarili nilang karanasan. Ibabase nila sa Bibliya ang payo nila.—Isa. 48:17, 18.
16. Paano maipapakita ng isang elder na iginagalang niya ang mga desisyong ginawa ng lupon ng matatanda?
16 Iginagalang din ng isang elder ang mga desisyong ginawa ng lupon ng matatanda bilang isang grupo. Bago gumawa ng desisyon ang lupon ng matatanda, nananalangin muna sila para sa banal na espiritu at maingat nilang sinusuri ang sinasabi ng Bibliya. (Efe. 5:17) Kaya dapat suportahan ng bawat elder ang desisyon ng lupon kahit iba iyon sa iniisip niya. Maingat din ang mga elder sa pagsunod sa mga tagubilin, at hindi nila ito binibigyan ng sarili nilang interpretasyon. Halimbawa, hindi gagamitin ng isang elder ang isang pangungusap mula sa publikasyon natin para lang patunayang tama ang opinyon niya, habang binabale-wala naman ang ibang bahagi nito.
17. Ano ang magandang resulta kung igagalang natin ang mga desisyon ng isa’t isa?
17 Gaya ng nakita natin, magkakaiba tayong lahat. May kani-kaniya tayong mga opinyon at mga gusto. Pero maganda iyan! Dahil magkakaiba tayo ng pinagmulan at personalidad, nagiging masaya ang kongregasyon. Kaya huwag nating hayaang pagmulan ng problema ang pagkakaiba-iba natin. Igalang natin ang mga desisyon ng iba, at iwasan nating makatisod sa kanila. Kung sisikapin nating gawin iyan, maiingatan natin ang kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon.—Awit 133:1; Mat. 5:9.
AWIT BLG. 89 Makinig at Sumunod Upang Pagpalain Ka
a May mga dapat pag-isipan ang isang Kristiyano bago siya magdesisyon kung pupunta siya sa simbahan para sa isang kasal o libing. Tingnan ang artikulong “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, isyu ng Mayo 15, 2002.
b May mga pagkakataon na kailangang magbigay ng hatol ng mga elder kapag may isa na nakagawa ng labag sa sinasabi ng Bibliya. Pero tinatandaan ng mga elder na humahatol sila para kay Jehova base sa mga pamantayan niya at hindi base sa sarili nilang mga opinyon.—Ihambing ang 2 Cronica 19:6.
c Para sa mga halimbawa, tingnan ang aklat na Masayang Buhay Magpakailanman, aralin 35 number 5.