HUNYO 29–HULYO 5, 2026
AWIT BLG. 131 Ang Pinagsama ng Diyos
Patuloy na Patibayin ang Pagkakaibigan Ninyong Mag-asawa
“May kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.”—KAW. 18:24.
MATUTUTUHAN
Nagiging masaya ang pagsasama ng mag-asawa kapag matalik nilang kaibigan ang isa’t isa at kapag pareho nilang mahal si Jehova.
1. Bakit regalo mula kay Jehova ang mabubuting kaibigan?
REGALO mula kay Jehova ang mabubuting kaibigan. (Sant. 1:17) Mahal nila ang Diyos, at mahal nila tayo. Masaya sila kapag masaya tayo, nandiyan sila kapag may problema tayo, at nagpapayo sila kapag kailangan natin iyon. Hindi sila nang-iiwan, at mapagkakatiwalaan natin sila. Talagang “nagpapasaya sa puso” ang ganiyang mga kaibigan!—Kaw. 27:9.
2. Bakit mahalagang patuloy na patibayin ng isang mag-asawa ang pagkakaibigan nila? (Mateo 19:6)
2 Napakahalagang maging matalik na magkaibigan ang mag-asawa. Kailangan nilang patuloy na magsikap para maging mas malapít sa isa’t isa. Kung pababayaan nila ang pagkakaibigan nila, puwede silang malungkot, magalit, o maging hindi masaya sa pagsasama nila. Pero kung papatibayin nila ang pagkakaibigan nila, magkakaroon sila ng pinakamalapít na ugnayan na puwedeng maranasan ng dalawang tao. (Basahin ang Mateo 19:6.) Sa artikulong ito, aalamin natin kung paano iyan magagawa ng mga mag-asawa. Pero tingnan muna natin kung paano makakapili ang mga single na Kristiyano ng mapapangasawa na magiging best friend nila habambuhay.
ISANG TAONG MAGIGING KAIBIGAN MO HABAMBUHAY
3-4. Ano ang makakatulong sa isa na makapili ng mahusay na mapapangasawa? (Kawikaan 18:22)
3 Bago tayo gumawa ng isang malaking desisyon, dapat nating alamin ang mga posibleng maging epekto nito—mabuti man o masama. Puwede kasi nitong maapektuhan ang buong buhay natin, kaya talagang kailangan nating pag-isipang mabuti ang ganiyang mga desisyon.
4 Ang pagpili natin ng mapapangasawa—na magiging kaibigan natin habambuhay—ang isa sa pinakamalalaking desisyon na gagawin natin. Si Jehova ang nagpasimula ng pag-aasawa, kaya tama lang na magpagabay tayo sa kaniya kapag pumipili ng mapapangasawa. Gusto niyang makahanap ang isang lalaki ng mahusay na asawang babae at ang isang babae ng mahusay na asawang lalaki. Alam ni Jehova kung ano ang makakabuti sa atin. (Basahin ang Kawikaan 18:22; Isa. 48:17, 18) Makakatulong ang mga prinsipyo sa Salita Niya para makahanap ang isang Kristiyano ng taong babagay sa kaniya.
5. Bakit mahalaga na bautisadong Kristiyano ang pipiliin nating mapangasawa?
5 Noong mabautismuhan tayo, naging kaibigan na tayo ng Diyos. (Awit 25:14) At kung gusto nating mag-asawa, dapat na kaibigan din ni Jehova ang piliin natin. (1 Cor. 7:39) Kung gagawin mo iyan, maipapakita mong nirerespeto mo ang mga pamantayan ni Jehova. Maituturing mo ring pagpapala mula sa kaniya ang mapapangasawa mo. (Kaw. 19:14) Bukod diyan, maiiwasan mo ang mga problemang puwedeng lumitaw kapag hindi lingkod ni Jehova ang napangasawa mo. (2 Cor. 6:14) Kaya hindi tamang isipin na okey lang na maging kasintahan ang isang di-Saksi dahil sa wala kang mahanap na mapapangasawa sa mga kapatid. Hindi rin tamang ikatuwiran na posible namang maging Saksi ang taong iyon.
6-7. Anong mga tanong tungkol sa taong gusto mong mapangasawa ang dapat mong pag-isipan?
6 Pero hindi dahil bautisado ang isang tao, siguradong magiging mahusay na siyang asawa. Kaya kung may nagugustuhan ka, magandang pag-isipan ang mga tanong na ito: ‘Paano siya makitungo sa pamilya niya? Makonsiderasyon ba siya sa iba? May respeto ba siya sa kanila? Sino ang mga kaibigan niya? Ano ang ginagawa niya kapag may hindi sang-ayon sa opinyon niya? Ipinipilit ba niya iyon, o nagpaparaya siya kung wala namang nalalabag na prinsipyo sa Bibliya? Gaano kahalaga sa kaniya ang pera?’
7 Puwede mo ring pag-isipan ang mga ito: ‘Mahal na mahal ba niya si Jehova? Nagsisikap ba siyang magsuot ng “bagong personalidad”? Matutulungan ba niya akong mas makapaglingkod pa kay Jehova? Pareho ba kami ng mga goal sa paglilingkod? Sa tingin ko ba, puwede ko siyang maging best friend?’ (Col. 3:9, 10) Kung isa kang sister, magiging mahusay bang ulo ng pamilya ang nagugustuhan mong brother? (1 Cor. 11:3) Kung isa ka namang brother, magiging mapagpasakop kaya sa iyo ang sister na nagugustuhan mo kahit may mga kahinaan at pagkakamali ka? Kailangan ng panahon para masagot ang mga iyan. Kaya gamitin ang panahon ng pakikipagligawan at pagiging magkasintahan para makilalang mabuti ang taong gusto mong mapangasawa.
8-9. Ano ang makakatulong sa mga gustong mag-asawa para makagawa ng tamang desisyon? (Tingnan din ang larawan.)
8 Sa panahon ng pakikipagligawan at pagiging magkasintahan, makakatulong din kung aalamin mo ang tingin ng iba sa nagugustuhan mo para mas makilala mo siya at makagawa ka ng tamang desisyon. Puwede mong itanong sa kanila kung ano ang mga katangian niya at kung ano ang masasabi nila tungkol sa kaniya. Halimbawa, kilala ba siyang mapagpakumbaba, mabait, at makatuwiran? Ikinuwento ni Sarah, isang sister sa French Guiana, ang ginawa niya bago niya napangasawa si Daniel: “Nagtanong ako sa iba kung ano ang masasabi nila tungkol kay Daniel. Kinausap ko y’ong brother na nakasama niya sa bahay at sa pagpapayunir, pati na y’ong isang elder sa kongregasyon nila. Nagtanong din ako sa mga kaibigan namin at sa mga sister na kakongregasyon niya.” Sa mabait na paraan, puwede mo ring tanungin ang kasintahan mo kung may kailangan kang malaman tungkol sa nakaraan niya o sa buhay niya ngayon. May ilang seryosong bagay kasi na puwedeng pagmulan ng problema kapag mag-asawa na kayo.
9 Kung may napansin ang ibang mature na kapatid tungkol sa kasintahan mo o kung may mga pagdududa ka na hindi maalis sa isip mo, huwag bale-walain ang mga iyon. Pag-isipang mabuti ang mga iyon para makapagdesisyon ka kung talaga bang para kayo sa isa’t isa.a Ngayon naman, pag-usapan natin ang mga puwedeng gawin ng mga mag-asawa para mapatibay ang pagkakaibigan nila.
Sa panahon ng pakikipagligawan at pagiging magkasintahan, sikaping makilala nang mabuti ang nagugustuhan mo (Tingnan ang parapo 8-9)
MAGLAAN NG PANAHON SA ISA’T ISA
10. Bakit magandang maglaan ng panahon sa isa’t isa ang isang mag-asawa?
10 Gaano man ka-busy ang isang mag-asawa, dapat pa rin silang maglaan ng panahon sa isa’t isa para mapatibay ang pagkakaibigan at pagsasama nila. Pagkakataon iyon para mapag-usapan nila ang mga nangyayari sa araw-araw, masabi ang mga naiisip at nararamdaman nila, makapagpakita ng pagmamahal sa isa’t isa, at makapag-enjoy nang magkasama.
11. Ano ang puwedeng makasira sa pagkakaibigan ng isang mag-asawa?
11 Kapag matalik na magkaibigan ang isang mag-asawa, mas gusto nilang magkasama sila imbes na magkalayo. Siyempre, may mga panahon talaga na hindi sila magiging magkasama. Pero delikado kung magkakalayo sila nang matagal. Halimbawa, may ilang may asawa na nagtatrabaho sa ibang bansa kaya matagal silang napapalayo sa pamilya nila. Totoo, baka makatulong sa pinansiyal na pangangailangan ng pamilya ang trabahong iyon. Pero kung matagal na hindi magkasama ang isang mag-asawa, posibleng masira ang pagsasama nila.
12-13. (a) Ano ang ginawa ng ilang may asawang Kristiyano para matiyak na may panahon sila sa asawa nila? (Tingnan din ang larawan.) (b) Gaano dapat kahalaga ang kaugnayan natin sa ating asawa? (Tingnan ang kahong “Kung Gaano Dapat Kaimportante sa Buhay Natin ang Asawa Natin.”)
12 Tingnan ang ginawa ng ilang may asawang Kristiyano para matiyak na may panahon sila sa asawa nila. Sinabi ni Leah, na taga-Guam: “Marami kaming nae-enjoy gawin nang magkasama ng asawa ko. Bihira lang kaming sumama sa mga gathering o mga lakad nang hindi kasama ang isa’t isa.” Sinabi naman ni Roxanne, na taga-United States: “Napaka-busy namin, kaya nakatulong sa amin ang pag-iiskedyul ng panahon para sa isa’t isa, gaya ng ginagawa namin sa iba pang importanteng gawain.” (Ihambing ang Amos 3:3.) Ganito naman ang sinabi ni Damien, na taga-France: “Sinikap naming magkaroon ng interes sa gustong gawin ng isa’t isa. At bandang huli, nae-enjoy na rin talaga namin iyon.” (Mat. 7:12) Sinabi ni Katie, na taga-United States din: “Minsan, itinatabi muna namin ang cellphone namin para makapagpokus kami sa isa’t isa.”
13 Ang pinakaimportante sa lahat, gawin ninyo nang magkasama ang mga espirituwal na gawain. Ikinuwento ni Myriam, na taga-France: “Umaga pa lang, nagbabasa na kami ng Bibliya. ’Tapos, pinag-uusapan namin kung ano y’ong mga nagustuhan namin doon at kung paano namin iyon magagamit sa buhay namin. Talagang nae-enjoy ko ’yon.” Idinagdag pa niya: “Gustong-gusto ko rin kapag magkasama kaming nananalangin at naririnig ko kung gaano kamahal ng asawa ko si Jehova.” Ito ang sinabi ni Katie, na binanggit kanina: “Paborito naming gawing magkasama ang pangangaral. Natutuwa kaming marinig ang sinasabi ng isa’t isa tungkol kay Jehova. At natututo rin kami sa isa’t isa.”—Kaw. 27:17.
Maglaan ng panahon sa isa’t isa para mapatibay ang pagkakaibigan ninyo (Tingnan ang parapo 12-13)
MANATILING MALAPÍT KAHIT MAY PROBLEMA
14-15. Kapag nagkaproblema ang isang mag-asawa, bakit dapat nilang pagsikapan na ayusin iyon? Magbigay ng ilustrasyon.
14 Dahil hindi perpekto ang mga mag-asawa, hindi maiiwasang magkaproblema sila sa pagsasama nila. Sinasabi ng Bibliya na magkakaroon sila ng “karagdagang mga problema sa buhay.” (1 Cor. 7:28) Ayon sa study note sa tekstong ito, ang mga problemang iyon ay “karaniwan sa mga mag-asawa.” Kapag lumitaw ang ganiyang mga problema, bakit dapat pagsikapan ng isang mag-asawa na ayusin ang mga iyon at manatiling malapít sa isa’t isa?
15 Pag-isipan ang ilustrasyong ito. Nagkaroon ng sira ang isang sikat na building o painting. Para maayos iyon, kailangang gumastos nang malaki ng may-ari. Aabutin din nang maraming taon ang pagpapaayos. Pero malamang na ipapaayos pa rin niya iyon kasi napakahalaga sa kaniya ng building o painting na iyon. Parang ganiyan din ang ugnayan ng mag-asawa. Kahit gaano pa ka-close ang isang mag-asawa, magkakaroon pa rin sila ng problema. Pero dahil napakahalaga ng pagsasama nila, aayusin nila iyon. At posible naman talagang maging masaya ulit sila bilang mag-asawa. Malamang na kailangan ng panahon at pagsisikap para magawa iyon. Pero mapapasaya nila si Jehova kung gagawin nila ang lahat para mapatibay ang pagsasama nila at para hindi sila maghiwalay. (Mal. 2:16) Kapag talagang pinagsikapan nilang maayos ang pagsasama nila, maipapakita nilang mahal at nirerespeto nila ang isa’t isa at si Jehova, ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa.
16. Ayon sa 1 Corinto 13:4-8a, ano ang makakatulong sa isang mag-asawa kapag nagkaproblema sila sa pagsasama nila? (Tingnan din ang larawan at ang kahong “Tulong Para Mapatibay ang Pagkakaibigan Ninyo.”)
16 Kapag nagkaproblema ang pagsasama ninyo, huwag isiping paghihiwalay ang solusyon. (1 Cor. 7:10, 11) Ito ang puwede mong pag-isipan: ‘Ano pa ang puwede kong gawin para mapatibay ang pagkakaibigan namin?’ Pag-aralan ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapakita ng pag-ibig, at pag-isipan kung paano mo mas masusunod ang mga prinsipyo sa 1 Corinto 13:4-8a. (Basahin.) Imbes na maghanap ng paraan para takasan ang pagsasama ninyo, maghanap ng paraan para mapalapít at mapamahal ulit kayo sa isa’t isa. Magpokus sa magagawa mo para maayos ang pagsasama ninyo. Ipanalangin kay Jehova na tulungan ka. Humanap ng mga publikasyon at video na makakatulong sa iyo, at humingi ng payo sa mga elder at iba pang mature na Kristiyano. Tandaan na si Jehova ang ikatlo at pinakamatibay na “hibla” sa pagsasama ninyo. Kung aasa kayo sa kaniya, magiging matibay ang pagsasama ninyo bilang mag-asawa.—Ecles. 4:12.
Kapag nagkaproblema ang pagsasama ninyo, sikaping maayos iyon (Tingnan ang parapo 16)
17. Paano magiging masaya ang mga gustong mag-asawa at ang mga may asawa na?
17 Gusto ni Jehova na maging masaya ang lahat ng lingkod niya, kasama na ang mga gustong mag-asawa at ang mga may asawa na. Kaya kung single ka at gusto mong mag-asawa, piliing mabuti ang magiging kaibigan mo habambuhay. At kung may asawa ka, patuloy na patibayin ang pagkakaibigan ninyong mag-asawa. Pagsikapang ayusin ang mga problema na puwedeng lumitaw sa pagsasama ninyo, at umasa sa tulong ni Jehova para magawa iyan. Kung gagawin mo ang mga iyan, “[masisiyahan] ka sa iyong buhay kasama ng minamahal mong asawa”!—Ecles. 9:9.
AWIT BLG. 132 Tayo’y Isa Na
a Para sa higit pang payo kung paano ninyo mas makikilala pa ang isa’t isa, tingnan ang artikulong “Ang Panahon ng Pagiging Magkasintahan” sa Bantayan, isyu ng Mayo 2024, sa ilalim ng subheading na “Kilalaning Mabuti ang Isa’t Isa.”