TIP SA PAG-AARAL
Unawain ang mga Ilustrasyon sa Bibliya
Daan-daang ilustrasyon ang mababasa sa Bibliya. Pero nahihirapan ang marami na maintindihan ang mga iyon. (Mat. 13:13) Ano ang puwede mong gawin para talagang maunawaan mo ang mga ilustrasyon sa Bibliya? Subukan ang mga sumusunod:
Alamin kung ano ang paksa at ang larawan. Sa mga ilustrasyon, ikinukumpara ang isang paksa sa isang larawan, o konsepto. Halimbawa, ikinukumpara sa Apocalipsis 3:3 ang pagdating ni Jesus (paksa) sa pagdating ng isang magnanakaw (larawan).
Alamin kung ano ang pagkakatulad ng paksa at ng larawan. Pag-isipan kung bakit ikinukumpara ang paksa sa larawan at kung ano ang pagkakatulad ng mga ito.
Tiyakin na tama ang nakuha mong aral. Kung minsan, baka mali ang makuhang aral ng isang tao sa pinag-aaralan niyang ilustrasyon. Sa halimbawang binanggit kanina, hindi ibig sabihin nito na darating si Jesus para magnakaw. Ipinapakita ng konteksto na magiging gaya ng magnanakaw ang pagdating ni Jesus kasi mangyayari ito sa panahong hindi inaasahan ng mga tao at hindi rin niya sasabihin kung kailan siya eksaktong darating.