HUNYO 22-28, 2026
AWIT BLG. 90 Patibayin ang Isa’t Isa
Matuto Mula sa “Diyos na Nagbibigay ng Kaaliwan”
“[Aliwin] natin ang iba . . . sa pamamagitan ng kaaliwan na tinanggap natin mula sa Diyos.”—2 COR. 1:4.
MATUTUTUHAN
Malalaman natin kung paano nagbibigay ng kaaliwan si Jehova at kung paano siya tinularan ng mga lingkod niya. Makakatulong iyan sa atin kapag may pinapatibay tayo.
1. Bakit dapat tayong magbigay ng kaaliwan sa iba?
LAHAT tayo, “[dumaranas] ng iba’t ibang pagsubok,” kaya may mga panahong kailangan natin ng kaaliwan at pampatibay. (1 Ped. 1:6) Pinapahalagahan natin kapag nakakatanggap tayo ng kaaliwan. Kaya dapat na handa rin tayong magbigay nito kapag may problema ang iba. (Mat. 7:12) Si Jehova ang “Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon,” at ipinapakita niya sa atin kung ano ang puwede nating gawin para “maaliw rin natin ang iba na napapaharap sa anumang pagsubok.” Matutularan natin ang halimbawa niya kapag pinapatibay natin ang isa’t isa. (2 Cor. 1:3, 4; 1 Tes. 4:18) At ginagawa natin iyan, hindi dahil sa obligasyon, kundi dahil mahal natin ang mga kapatid. Sa artikulong ito, tatalakayin natin (1) ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaaliwan, (2) kung paano tayo magbibigay ng kaaliwan sa iba, at (3) kung ano ang puwede nating gawin kapag kailangan natin ng kaaliwan.
ANG SINASABI NG BIBLIYA TUNGKOL SA KAALIWAN
2. Sa Bibliya, ano ang mga puwedeng maging ibig sabihin ng salitang isinasaling “kaaliwan”?
2 Sa Bibliya, maraming puwedeng maging ibig sabihin ang salitang Griego na isinasaling “kaaliwan.” Puwede itong mangahulugang “magpatibay,” “magpayo,” o “humimok.” (Roma 12:8; tingnan ang study note na “pagpapatibay.”) Ang salitang ito ay literal na nangangahulugang “tawagin ang isa para tabihan ka.” Kaya maiisip natin ang isang tao na agad-agad na pinupuntahan ang kaibigan niyang may problema para ibigay ang anumang tulong na kailangan nito. Pero anumang paraan ang gawin ng isa para magbigay ng kaaliwan, ito pa rin ang dapat na maging resulta: gumaan ang pakiramdam ng nakatanggap nito.
3. Ano ang matututuhan natin kay Bernabe sa pagbibigay ng kaaliwan? (Tingnan din ang larawan.)
3 Pag-usapan natin ang isang halimbawa sa Bibliya. Isang Kristiyanong nagngangalang Jose ang kilalang-kilala sa pagbibigay ng pampatibay at kaaliwan. Dahil diyan, tinawag siya ng mga apostol na Bernabe, na nangangahulugang “Anak ng Kaaliwan.” (Gawa 4:36) Bagay na bagay sa kaniya ang pangalang iyan kaya hindi na siya ulit tinawag na Jose sa Bibliya. Maraming beses na tumulong si Bernabe sa mga kapatid. Halimbawa, noong bagong kumberte pa lang si Saul, pumunta siya sa Jerusalem at gusto sana niyang makasama ang mga alagad doon. Kaya lang, natatakot sila sa kaniya kasi dati siyang mang-uusig. Pero naging mabait sa kaniya si Bernabe at ipinakilala siya sa mga apostol.—Gawa 9:26-28.
Bagay na bagay kay Bernabe ang pangalan niya (Tingnan ang parapo 3)
KUNG PAANO MAGBIBIGAY NG KAALIWAN SA IBA
4. Ano ang isa sa pinakamagagandang paraan para magbigay ng kaaliwan? (Roma 1:11, 12)
4 Dalawin sila kung posible. Ginagamit ni Jehova ang mga lingkod niya para magbigay ng kaaliwan sa iba. Halimbawa, noong lungkot na lungkot ang propetang si Elias, nagpadala si Jehova ng isang anghel para patibayin siya. (1 Hari 19:4-7) Alam din ni apostol Pablo na malaki ang magagawa ng pagdalaw niya sa mga kapatid para makapagpatibayan sila. (Basahin ang Roma 1:11, 12.) Kapag pinuntahan mo ang isang kapatid para patibayin siya, huwag umalis agad. Kailangan ng sapat na panahon para mapatibay mo siya. (1 Cor. 16:7) Pero kung hindi ka naman makakadalaw, puwede mo siyang tawagan, itext, o padalhan ng sulat o card. Malaki ang magagawa niyan. Kung handa tayong tumulong sa mga kapatid, puwede tayong magamit ni Jehova para patibayin sila.
5. Bakit puwedeng maging mahirap para sa atin na patibayin ang mga kapatid?
5 Habang mas lumalala ang kalagayan sa mga huling araw na ito, baka maging mas mahirap para sa atin na dalawin at patibayin ang mga kapatid. Noong nakabilanggo si Pablo sa Roma, hinanap siya ni Onesiforo, na nanggaling pa sa Efeso. Ginawa iyan ni Onesiforo kahit puwede rin siyang makulong o ipapatay dahil diyan. (2 Tim. 1:16-18) Ganiyan din ang ginagawa ng mga kapatid natin sa Russia. Pinapatibay nila ang mga Saksing nakabilanggo dahil sa pananampalataya. Kapag nililitis ang mga Saksi, nagpupunta ang mga kapatid sa korte para suportahan sila. Ginagawa iyan ng mga kapatid kahit puwede rin silang maaresto dahil diyan. Ano ang puwede mong gawin para magkaroon ka rin ng lakas ng loob na patibayin ang mga kapatid? Puwede mong pag-aralan ang mga halimbawa sa Bibliya at sa panahon natin ngayon kung paano pinatibay ng mga lingkod ni Jehova ang isa’t isa at kung paano sila nakapanatiling masaya kahit pinag-uusig.
6. Paano natin matutularan si Jehova kapag nagpapatibay sa iba? (Tingnan din ang larawan.)
6 Makinig sa kanila. Noong natatakot si propeta Elias dahil nanganganib ang buhay niya, sinabi niya kay Jehova ang lahat ng nararamdaman niya. Alam na ni Jehova ang problema ni Elias, pero nakinig pa rin Siya. Ginawa iyan ni Jehova kahit paulit-ulit pa nga ang sinasabi ni Elias! (1 Hari 19:9, 10, 14) Nakinig din si Jehova kay propeta Habakuk noong sinasabi niya ang nararamdaman niya, kahit parang kinukuwestiyon na niya ang awtoridad ni Jehova sa paraan ng pagsasalita niya. (Hab. 1:2, 3) Sa ngayon, nakikinig din si Jehova sa lahat ng sinasabi natin sa panalangin kahit alam na niya kung ano ang kailangan natin. Matutularan natin si Jehova kung makikinig tayong mabuti sa mga kapatid. Kapag nagsasalita sila, “maging mabilis sa pakikinig” at huwag sumabat. Huwag ding mainis kahit padalos-dalos sila sa pagsasalita o kahit paulit-ulit pa nga ang sinasabi nila.—Sant. 1:19; Ecles. 7:9.
Matutularan natin si Jehova kung makikinig tayong mabuti habang sinasabi ng isa ang niloloob niya (Tingnan ang parapo 6)
7. Paano natin malalaman ang kailangan ng isang kaibigan na may pinagdadaanan?
7 Alamin ang kailangan nila. Nababasa ni Jehova ang puso ng tao, pero hindi natin kayang gawin iyan. Kaya malalaman lang natin ang kailangan ng isa kung makikinig tayong mabuti sa kaniya. Huwag isiping alam mo na agad kung ano ang kailangan niya. Kahit pareho pa kayo ng problema, baka iba ang kailangan niya sa kailangan mo. Magkakaiba kasi tayo. Kaya maglaan ng panahon para pakinggan siya. Makakatulong kung tatanungin mo siya para malaman mo kung ano ang kailangan niya.—Kaw. 20:5.
8. Paano pinatibay ni Jesus si Marta at si Maria noong mamatay si Lazaro? (Tingnan din ang mga larawan.)
8 Pag-isipan kung paano pinatibay ni Jesus si Marta at si Maria noong mamatay ang kapatid nilang si Lazaro. Pareho silang lungkot na lungkot dahil sa nangyari, pero magkaiba ang ginawa ni Jesus para patibayin sila. Noong makausap ni Jesus si Marta, sinabi ni Jesus ang tungkol sa pagkabuhay-muli para patibayin ang pananampalataya nito. Pero noong kausap naman niya si Maria at nakita niyang umiiyak ito, wala tayong mababasa sa Bibliya na binanggit ni Jesus ang tungkol sa pagkabuhay-muli. Sa halip, nakiiyak siya kay Maria at tinanong niya kung saan nakalibing si Lazaro. (Juan 11:20-35) Ano ang matututuhan natin kay Jesus? Kapag pinapatibay natin ang mga may pinagdadaanan, dapat na alamin natin kung ano ang kailangan nila. Hindi porke may napatibay ka sa isang paraang ginamit mo, mapapatibay mo na rin ang iba sa paraang iyon.
Kapag pinapatibay ang iba, sikaping alamin ang kailangan nila (Tingnan ang parapo 8)a
9. Paano natin magagamit ang Bibliya para patibayin ang iba? (Roma 15:4, 5)
9 Gamitin ang Bibliya. Kapag pinapatibay mo ang isang tao gamit ang Bibliya, natutulungan mo siyang magkaroon ng pag-asa. (Basahin ang Roma 15:4, 5.) Mas mapapatibay siya dahil sa pag-asang iyan. (Isa. 40:31) Paano ka makakahanap ng tekstong gagamitin? Naglilista ang ilan ng mga tekstong magagamit nila. Puwede mo ring tingnan ang publikasyong Mga Teksto Para sa Kristiyanong Pamumuhay sa paksang “Kaaliwan.” Hilingin kay Jehova na tulungan kang maging mahusay sa paggamit ng Bibliya kapag pinapatibay mo ang iba. Puwedeng ipaalala sa iyo ng banal na espiritu niya kung anong teksto ang magandang gamitin mo.—Juan 14:26.
10. Bakit dapat tayong maging mabait sa pagsasalita kapag pinapatibay ang iba?
10 Maging mabait sa pagsasalita. Minsan, para mapatibay ang iba, baka kailangan natin silang payuhan para mabago ang pananaw nila sa problema. Kung gagawin natin iyan, pag-isipan muna nating mabuti ang sasabihin para makatulong talaga tayo, hindi makasakit. (Kaw. 12:18) Napakagandang halimbawa ni Jehova pagdating diyan. Noong inisip ni Elias na siya na lang ang naglilingkod kay Jehova at na hindi siya naging mabuting propeta, itinuwid siya ni Jehova. Pero naging mabait si Jehova, at hindi na niya idiniin na mali ang pananaw ni Elias. (1 Hari 19:15-18) Matutulungan mo rin ang mga kapatid kung magiging mabait ka at pag-iisipan mo munang mabuti ang sasabihin mo. Kapag may bahagi ka o nagkokomento ka sa pulong, laging maging mabait at positibo para mapatibay mo ang mga kapatid.
11. Ano ang karaniwang kailangan ng mga nasa mahihirap na sitwasyon? (1 Juan 3:18)
11 Magbigay ng praktikal na tulong. Karaniwan na, hindi lang nakakapagpatibay na mga salita ang kailangan ng mga nasa mahihirap na sitwasyon. Baka kailangan din natin silang bigyan ng praktikal na tulong. (Basahin ang 1 Juan 3:18.) Magandang halimbawa diyan si Bernabe. Nagbenta siya ng lupa at ibinigay ang napagbentahan sa mga apostol para tulungan ang mga bagong-bautisadong kapatid na nangangailangan. (Gawa 4:36, 37) Nagpapakita rin ng ganiyang pag-ibig ang maraming kapatid sa ngayon—nagbibigay sila ng praktikal na tulong sa mga kapananampalataya natin. Naranasan mismo ni Gabriela, na taga-Poland, ang pagtulong na iyan ng mga kapatid. Nasira ang bahay nila dahil sa baha. Ikinuwento niya: “Kasama ko sa bahay ang mga magulang ko. Sobra kaming nag-aalala no’n kasi hindi namin alam kung paano aayusin ang bahay namin. Pero pumunta ang mga kapatid mula sa kalapit na mga kongregasyon at inayos ang bahay namin sa loob lang ng isang araw. Lalo akong nakumbinsi niyan na ginagamit ni Jehova ang bayan niya para patibayin ang mga nasa mahihirap na sitwasyon.”
12. Paano puwedeng makatulong sa mga kapatid ang pagtitiis mo?
12 Manatiling tapat habang tinitiis ang mga pagsubok. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Tesalonica na napatibay at napalakas siya nang mabalitaan niya na nananatili silang tapat habang tinitiis ang mga pagsubok. Alam niya na hindi nasayang ang mga pagsisikap niyang tulungan sila. (1 Tes. 3:5-8) Alam din ni Pablo na kung mananatili siyang tapat sa kabila ng mga pagsubok, mapapatibay rin niya ang mga kapatid, kahit ang mga hindi pa niya nakikita nang personal. (Col. 2:1, 2) Kapag nakikita rin ng mga kapatid kung paano tayo tinutulungan ni Jehova na matiis ang mga pagsubok, mapapatibay sila.
13. Ano pa ang kailangan para mapatibay natin ang iba?
13 Maging matiyaga. Kapag sobrang nanghihina ang isang kapatid, baka hindi agad gumaan ang pakiramdam niya kahit pinatibay na natin siya. Pero pinapayuhan tayo ng Bibliya na “patuloy [na] pasiglahin ang isa’t isa.” Ibig sabihin, kailangan nating paulit-ulit na gawin iyan. (1 Tes. 5:11) Kaya maging matiyaga kapag pinapatibay ang isang nanghihina. (1 Tes. 5:14) Pero siyempre, tayo mismo, kailangan din ng pampatibay paminsan-minsan. Ano naman ang puwede nating gawin?
KAPAG KAILANGAN NATIN NG KAALIWAN
14-15. Ano ang dapat nating gawin kapag masyado tayong nag-aalala?
14 Manalangin kay Jehova. Hilingin ang tulong niya para gumaan ang pakiramdam mo. (Awit 94:19) Sabihin ang eksaktong nararamdaman mo. (Awit 62:8) Totoo, alam na iyan ni Jehova bago ka pa manalangin. Pero kapag sinasabi mo sa kaniya ang laman ng puso at isip mo, ipinapakita mong nananampalataya ka sa kaniya. At laging may gagawin si Jehova para sagutin ang panalangin ng mga nananampalataya sa kaniya. (Mar. 11:24) Sinasabi ng Filipos 4:6, 7: “Ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo . . . at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ang magbabantay sa inyong puso at isip.”
15 Humingi ng tulong sa iba. Sabihin sa isang mature na kaibigan o sa isang elder ang nararamdaman mo. Puwedeng mapagaan ng mga kapatid ang loob mo. Pero kung hindi mo sasabihin sa kanila ang nararamdaman mo o ang kailangan mo, baka hindi ka nila matulungan. (Kaw. 14:10) Puwede mong sabihin na kailangan mo lang ng isang kaibigang makikinig sa iyo. O puwede mong tanungin kung anong teksto o artikulo ang nakatulong sa kanila noong may pinagdadaanan sila.
16. Ano ang posibleng magawa ng mga kapatid habang pinapatibay ka, pero ano ang dapat mong tandaan?
16 Maging mapagpasensiya at mapagpatawad. Habang pinapatibay ka ng mga kapatid, baka may masabi o magawa sila na lalong magpasama sa loob mo. Kung mangyari iyan, maging mapagpasensiya at matiisin sa kanila. (1 Cor. 13:4, 7) Tandaan din ang sinasabi sa Santiago 3:2: “Kung ang sinuman ay hindi nagkakamali sa pagsasalita, siya ay taong perpekto.” Kaya kahit magkamali sila habang pinapatibay ka, laging isipin na “gusto ng puso” nila na gawin ang mabuti at tulungan ka.—Mat. 26:41.
17. Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
17 Kailangan nating lahat ng pampatibay at kaaliwan, lalo na ngayong nagiging mas mahirap ang kalagayan at nagiging mas matindi ang pag-atake sa atin ng mga kaaway ng Diyos. Kaya maging determinasyon sana natin na gawin ang lahat para mapatibay ang isa’t isa.
AWIT BLG. 130 Maging Mapagpatawad
a LARAWAN: Nagpapakita ng empatiya ang isang elder habang nakikinig sa isang brother na kamamatay lang ang asawa. Dinalaw rin ng elder na iyon ang isa pang brother na namatayan ng asawa mga ilang taon na ang nakakalipas. Binalikan nila ang masasayang alaala nila kasama ang sister.