Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w26 Abril p. 14-19
  • Panatilihin ang Tamang Pananaw sa mga Problema

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Panatilihin ang Tamang Pananaw sa mga Problema
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANG TAMANG PANANAW SA MGA PROBLEMA
  • ANG MASASAMANG EPEKTO NG MALING PANANAW
  • ANG MGA PUWEDE NATING GAWIN KAPAG NAGKAPROBLEMA TAYO
  • Parusa ba Mula sa Diyos ang Iyong mga Problema?
    Gumising!—2009
  • Tandaan na si Jehova ang “Diyos na Buháy”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Kung Paano Tayo Tinutulungan ni Jehova na Magtiis
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
w26 Abril p. 14-19

HUNYO 15-21, 2026

AWIT BLG. 122 Magpakatatag!

Panatilihin ang Tamang Pananaw sa mga Problema

“Kahit na nagdurusa ako at naghihirap, kalugod-lugod pa rin sa akin ang mga utos mo.”​—AWIT 119:143.

MATUTUTUHAN

Makakatulong sa atin ang tamang pananaw sa mga problema para makayanan natin ang mga ito.

1-2. Ano ang dapat nating gawin para makayanan ang mga problema? (Tingnan din ang larawan.)

NAKAKARANAS ka ba ngayon ng kawalang-katarungan? Pinag-uusig ka ba ng pamilya mo o ng iba dahil sa pananampalataya mo? Nahihirapan ka ba dahil sa sakit o pagtanda? O may iba ka bang mahirap na pinagdadaanan, gaya ng pagkamatay ng isang mahal sa buhay? Baka gaya ng maraming lingkod ni Jehova, pakiramdam mo na “punô [ang buhay] ng problema at kalungkutan.”​—Awit 90:10.

2 Para makayanan natin ang mga problema, dapat na tama ang pananaw natin dito. Bakit mahalaga iyan? Pag-isipan ang ilustrasyong ito: Ang mga problema sa buhay ay gaya ng mga panganib sa pagmamaneho. Depende sa panganib na mapapaharap sa iyo, baka kailangan mong lumiko sa kanan o kaliwa, pabagalin ang takbo mo, o huminto muna. Pero para malaman ang kailangan mong gawin, dapat na malinaw mong makita ang panganib. Hindi mo magagawa iyan kung marumi ang salamin ng sasakyan mo. Hindi rin natin mapagtatagumpayan ang mga problema kung hindi tama ang pananaw natin dito. Kaya kailangan nating tularan ang pananaw ni Jehova. Sa artikulong ito, tatalakayin natin (1) kung ano ang dapat na maging pananaw natin sa mga problema, (2) kung bakit makakasama sa atin kapag hindi tama ang pananaw natin, at (3) kung ano ang mga puwede nating gawin para mapanatili ang tamang pananaw kapag nagkaproblema tayo.

Isang lalaking nagmamaneho ng sasakyan niya na marumi ang salamin. Nagulat siya na may harang pala sa daan sa harap niya.

Dapat na tama ang pananaw natin sa mga problema para makayanan natin ang mga ito (Tingnan ang parapo 2)


ANG TAMANG PANANAW SA MGA PROBLEMA

3. Ano ang dapat nating tanggapin habang nabubuhay tayo sa masamang sistemang ito?

3 Laging magkakaroon ng mga problema sa masamang sistemang ito. Dahil hindi tayo perpekto at si Satanas ang tagapamahala ng mundong ito, makakaranas tayong lahat ng pagdurusa. At habang papalapít ang wakas, mas marami pang problema ang mararanasan natin dahil sa mga sakuna at kasamaang ginagawa ng mga tao. (Mat. 24:8; 2 Tim. 3:13) Kung sosolusyunan na ni Jehova ngayon ang lahat ng problemang iyan, para na rin niyang tinutulungan si Satanas sa pamamahala sa mundong ito. Kaya habang nabubuhay tayo sa sistemang ito, talagang magkakaproblema tayo.​—Ecles. 9:12.

4. Ano pang mga problema ang puwedeng mapaharap sa mga Kristiyano?

4 May iba pang problemang mararanasan ang mga Kristiyano. Madalas sabihin ni Jesus sa mga alagad niya na pag-uusigin sila dahil sinusunod nila siya. (Mat. 24:9; Juan 16:2) Kung aalalahanin natin iyan, hindi tayo manghihina kapag nakaranas tayo ng pag-uusig. (1 Tes. 3:​3, 4) At kapag nananatili tayong tapat kahit may mga problema, makakasigurado tayong ginagawa natin ang tama at tatanggap tayo ng buhay na walang hanggan. Maipapakita rin natin na pinipili natin si Jehova bilang tagapamahala. Isa pa, mapapatunayan din nating sinungaling si Satanas. Sinasabi kasi niya na naglilingkod lang ang mga tao sa Diyos dahil sa pakinabang, kaya matindi niyang inaatake ang mga lingkod ni Jehova. (Job 1:​9-11) Pero kung magtitiis tayo dahil mahal natin si Jehova, mapapasaya natin Siya.​—Kaw. 27:11.

5. Ano ang matututuhan natin sa Eclesiastes 7:​13, 14? (Tingnan din ang mga larawan.)

5 Hindi pinipigilan ni Jehova ang lahat ng problema. Hinding-hindi gagawa ng masama si Jehova, at hindi rin niya tayo susubukin sa masasamang bagay. (Sant. 1:13) Pero bakit sinabi ni Haring Solomon na “gawa ng tunay na Diyos” ang “araw na punô ng problema”? (Basahin ang Eclesiastes 7:​13, 14.) Madalas, sinasabi ng Bibliya na ginagawa ni Jehova ang isang bagay, pero ang ibig sabihin talaga nito, hinahayaan lang niya na mangyari iyon. Kaya ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Solomon? Una, tanggapin natin na sa mundong ito ni Satanas, magkakaroon tayo ng magagandang araw at magkakaroon din tayo ng pangit na mga araw. Kapag maganda ang araw natin, puwede tayong magpasalamat kay Jehova at isipin na regalo niya iyon sa atin. Ikalawa, ipinapaalala sa atin ni Solomon na ‘hindi natin matitiyak kung ano ang mangyayari sa atin’—kung magiging maganda o pangit ang araw natin. Parehong magkakaproblema ang mabubuti at masasama.

Collage: Isang lalaki na nakakaranas ng magandang araw at pangit na araw sa garden niya. 1. Masaya siyang namimitas ng kamatis sa garden. Maraming bunga ang mga tanim niya. 2. Sa ibang panahon naman, malungkot siyang nakatingin sa isang sirang kamatis. Namamatay na ang mga tanim niya.

Tanggapin na magkakaroon tayo ng magagandang araw at magkakaroon din tayo ng pangit na mga araw sa mundong ito ni Satanas (Tingnan ang parapo 5)


6. Bakit hinahayaan ni Jehova na makaranas tayo ng mga pagsubok? (Hebreo 12:​7, 11)

6 Kung tama ang pananaw natin sa mga pagsubok, makikita natin na tinuturuan tayo ni Jehova na magtiwala sa kaniya, hindi sa sarili natin. Nakikita ni Jehova ang lahat ng pinagdadaanan natin. At sa tuwing nagdurusa tayo, gusto niya tayong tulungan. Kahit hinahayaan niya tayong dumaan sa “napakadilim na lambak,” patuloy naman niya tayong ginagabayan, ipinaparamdam sa atin na mahal niya tayo, at binibigyan ng lakas para makapagtiis. (Awit 23:4) Kapag napapaharap tayo sa mga pagsubok, nalalaman din natin ang mga katangian na kailangan nating pasulungin. At sa tulong ni Jehova, mapapasulong natin ang mga iyan. (Basahin ang Hebreo 12:​7, 11.) Halimbawa, kailangan ni Job na maging mas mapagpakumbaba. Kahit hindi galing kay Jehova ang pagsubok ni Job, hinayaan Niyang mangyari iyon at ginamit ang pagkakataong iyon para turuan si Job. (Job 42:​1-6) Anumang problema ang hayaan ni Jehova na maranasan natin, siguradong tutulungan niya tayong manatiling tapat sa kaniya at pagpapalain niya tayo.​—Roma 8:​35-39.

7. Bakit puwede kang maging masaya kahit pinag-uusig ka dahil sa pananampalataya mo?

7 Puwede tayong maging masaya kahit pinag-uusig. Kung pinag-uusig ka dahil sa pananampalataya mo, huwag isipin na nangyayari iyan dahil naiwala mo na ang pagsang-ayon ni Jehova. Ang totoo, ipinapakita niyan na nasusunod mo si Jehova, at siguradong napapasaya mo siya dahil diyan. (Mat. 5:​10-12) Kapag inisip mo iyan, magiging masaya ka kahit pinag-uusig ka, gaya ng mga apostol noon. (Gawa 5:​40-42) Baka matulungan mo rin ang iba na malaman ang katotohanan at mapakilos sila na luwalhatiin si Jehova. (1 Ped. 2:12) Gaya ni Jose, puwede ka ring pagpalain ni Jehova habang nandiyan pa ang problema, hindi lang kapag nalampasan mo na ito.​—Gen. 39:​3, 23.

8. Ano pa ang makakatulong sa atin para matiis ang mga pagsubok?

8 Matatapos din ang mga pagsubok. Ipinapaalala sa atin ng karanasan ni Job na matatapos din ang mga problemang nararanasan natin. Sinabi sa ulat na “mas pinagpala ni Jehova ang huling bahagi ng buhay ni Job kaysa sa pasimula.” (Job 42:12) Gagawin din iyan ni Jehova para sa iyo. Kahit puno ng problema ang buhay mo ngayon, nangangako si Jehova na mas pagpapalain niya ang “huling bahagi ng buhay” mo—ang buhay mo sa bagong sanlibutan. Hindi ba napakalaking pampatibay niyan para makapagtiis tayo hanggang sa wakas?​—Mat. 24:13.

ANG MASASAMANG EPEKTO NG MALING PANANAW

9. Bakit makakasama sa atin kung mali ang pananaw natin sa mga problema?

9 Kapag may pinagdadaanan tayong problema, dapat nating iwasan ang maling pananaw dito para hindi na lumala ang kalagayan natin. Halimbawa, baka maisip natin na si Jehova ang dahilan ng problema natin. May panahong naisip iyan ni Job, kaya sinikap niyang patunayan “na tama ang sarili niya imbes na ang Diyos.” (Job 32:2) Nangyari din iyan kay Noemi. Nasabi niya noong umpisa na si Jehova ang dahilan ng pagdurusa niya. (Ruth 1:​13, 20, 21) Kung hindi binago nina Job at Noemi ang maling pananaw nila, baka nasira ang kaugnayan nila kay Jehova. (Kaw. 19:3) Pero sa tulong ni Jehova, nagkaroon sila ng tamang pananaw sa problema nila. At pinagpala niya sila dahil sa pananatili nilang tapat.

10. Ano ang puwede nating maisip kapag nakakaranas tayo ng pagsubok?

10 Kahit kumbinsido tayo na hindi si Jehova ang dahilan ng mga problema natin, posibleng magduda naman tayo kung nagmamalasakit pa rin siya sa atin. Puwede tayong manghina kung iisipin natin iyan. (Kaw. 24:10) Parehong naisip iyan ni Haring David at ng propetang si Habakuk noong nakakaranas sila ng problema. Naitanong nila kung talaga bang nakikinig si Jehova sa paghingi nila ng tulong. (Awit 10:1; Hab. 1:2) Pero kahit ganoon, patuloy pa rin silang nanalangin. Sinagot ni Jehova ang mga panalangin nila at patuloy silang tinulungan. Gagawin din iyan ni Jehova para sa iyo.​—Awit 10:17.

11. Ano ang posibleng mangyari kung mali ang pananaw natin sa mga pagsubok?

11 Kung mali ang pananaw natin sa mga pagsubok, baka magulat tayo kapag dumating ang mga iyon. Baka maramdaman natin na hindi iyon dapat nangyayari sa atin. (1 Ped. 4:12) Nahirapan ang mga alagad ni Jesus na tanggapin na makakaranas siya ng matinding pag-uusig. (Luc. 18:​33, 34) Halimbawa, inisip ni apostol Pedro na hindi hahayaan ng Diyos na magdusa si Jesus kahit sinabi na ni Jesus na mangyayari iyon. Alam ni Jesus na kapag nagpadala siya sa kaisipang iyon, makakapigil iyon sa kaniya na gawin ang kalooban ni Jehova. Kaya sinaway niya si Pedro. (Mar. 8:​31-33) At kahit noong namatay na si Jesus, hindi pa rin agad naintindihan ng mga alagad kung bakit nangyari iyon. Pero hindi sila sinukuan ni Jesus. Pagkatapos siyang buhaying muli, “malinaw niyang [ipinaliwanag sa kanila] ang Kasulatan” para tulungan silang magkaroon ng tamang pananaw. (Luc. 24:​25-27, 32, 44-48) Kung pag-iisipan nilang mabuti ang itinuro ni Jesus, makakapaghanda sila para sa pag-uusig na malapit na nilang maranasan. Kung pag-iisipan din natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-uusig at mga problema, magiging handa rin tayo kapag dumating ang mga iyon.

12. Ano ang posible nating maramdaman kapag mali ang pananaw natin sa sitwasyon natin?

12 Kapag may mali tayong pananaw sa sitwasyon natin, baka maramdaman nating hindi naging patas ang iba sa atin o baka sobra tayong madismaya. Pansinin ang nangyari sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga manggagawa sa ubasan. Nagreklamo ang ilang manggagawa dahil pakiramdam nila, hindi naging patas ang may-ari sa ibinayad nito sa kanila. Pero sinabi ng may-ari sa isa sa kanila: “Kaibigan, wala akong ginagawang mali sa iyo.” (Mat. 20:​10-13) Naging patas naman talaga ang may-ari sa kanila. Pero dahil mali ang inaasahan ng mga manggagawa, naisip nilang hindi makatarungan ang ginawa sa kanila. Baka nararamdaman din iyan ng ilang kapatid sa ngayon—halimbawa, kapag hindi nila natanggap ang isang pribilehiyo o mayroon silang pribilehiyo na kinailangang bitawan. Ano ang mga puwede nating gawin para magkaroon tayo ng tamang pananaw sa sitwasyon natin?

ANG MGA PUWEDE NATING GAWIN KAPAG NAGKAPROBLEMA TAYO

13. Ano ang puwedeng mangyari kapag nagkaproblema tayo?

13 Baka alam mo na ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga pagsubok. Baka nga may nagamit ka pang mga teksto para patibayin ang iba na may pinagdadaanan. Pero noong ikaw na mismo ang nagkaproblema, baka nahirapan kang mapanatili ang tamang pananaw. Halimbawa, baka naisip mong pinaparusahan ka ni Jehova o hindi siya nakikinig sa mga panalangin mo. Kung naiisip mo ang mga iyan, ano ang puwede mong gawin?

14. Ano ang puwede mong ipanalangin kapag nasa mahirap kang sitwasyon? (Filipos 4:13)

14 Humingi ng tulong kay Jehova. Sabihin kay Jehova ang pinagdadaanan mo at ang nagiging epekto nito sa iyo. Kung gusto mong tulungan ka ni Jehova sa isang espesipikong paraan, puwede mong ipanalangin iyon. Puwede mong hilingin ang banal na espiritu niya para magkaroon ka ng lakas at karunungang makakatulong sa iyo na makapagtiis. Pero tandaan na puwede ring sagutin ni Jehova ang panalangin mo sa paraang hindi mo inaasahan. (Efe. 3:20) Puwede rin niyang gamitin ang mga anghel o ang mga kapatid para tulungan ka. (Awit 34:7) Kaya anuman ang paraan niya para tulungan ka, tanggapin iyon. Makakatiyak ka na ibibigay ni Jehova ang banal na espiritu na kailangan mo sa anumang sitwasyon.​—Basahin ang Filipos 4:13.

15. Ano ang makakatulong sa iyo na magtiis? (Tingnan din ang larawan.)

15 Huwag pabayaan ang espirituwal na rutin mo. Kapag may pinagdadaanan ka, baka mahirapan kang ipagpatuloy ang espirituwal na rutin mo. Pero sa panahong iyan na “nagdurusa [ka] at naghihirap,” mas kailangan mong tularan ang pananaw ni Jehova. (Awit 119:143) Kaya gawin mo pa rin kung ano ang makakaya mo. Basahin mo pa rin nang regular ang Bibliya, pag-aralan ito, at bulay-bulayin. Sikaping makibahagi sa pangangaral hangga’t kaya mo. Dumalo at makibahagi sa mga pulong. Manatiling malapít sa mga kapatid. Iwasang ibukod ang sarili mo kahit pakiramdam mo, gusto mong mapag-isa.​—Kaw. 18:1.

Isang brother na nakaupo sa hospital bed habang nakakonek sa videoconference para sa Pag-aaral sa “Bantayan.” Sumusubaybay siya gamit ang Bibliya niya at sariling kopya ng “Bantayan.”

Gawin ang makakaya mo para maipagpatuloy ang espirituwal na rutin mo (Tingnan ang parapo 15)


16. Anong maling mga kaisipan ang puwede mong maisip kapag may pinagdadaanan ka, at ano ang puwede mong gawin para maituwid ang mga iyon? (2 Corinto 10:​4, 5)

16 Alisin ang maling mga kaisipan. Kapag may pinagdadaanan ka, baka magkaroon ka ng maling mga kaisipan tungkol sa sarili mo o tungkol kay Jehova. Kasama iyan sa “mga bagay na matibay ang pagkakatatag” na dapat nating pabagsakin. (Basahin ang 2 Corinto 10:​4, 5.) Magagawa mo iyan sa tulong ng “kaalaman sa Diyos” na makikita sa Bibliya at sa mga publikasyon natin. Halimbawa, nagdududa ka ba kung sinasang-ayunan ka pa rin ni Jehova? Pag-aralan ang mga nangyari kay apostol Pablo. Napakahirap ng mga pinagdaanan niya, pero lalo lang siyang nakumbinsi ng mga iyon na tama ang ginagawa niya at napapasaya niya si Jehova at si Jesus. (2 Cor. 11:​23-27) Napapaisip ka ba kung talagang napatawad ka na ni Jehova sa mga nagawa mong kasalanan? Puwede mong ilista ang mga tekstong nagpapakita na nagpapatawad si Jehova. (Isa. 43:25) Basahin ang mga tekstong iyon at bulay-bulayin. (Awit 119:97) Nagdududa ka na ba kung talagang pinoprotektahan ni Jehova ang mga tapat na lingkod niya dahil may nangyaring masama sa iyo o sa isang mahal mo sa buhay? I-research kung bakit pinapahintulutan ni Jehova ang pagdurusa at kung paano niya tayo patuloy na pinoprotektahan sa espirituwal. (Awit 91:​9-12) Basahin din ang karanasan ng mga kapatid na nakapaglingkod pa rin nang masaya kay Jehova kahit nakaranas sila ng mahihirap na sitwasyon.a

17. Ano ang dapat nating gawin kapag nagkaproblema tayo?

17 Baka wala kang pinagdadaanang mabigat na problema sa ngayon. Pasalamatan mo si Jehova sa magandang araw na iyan na nararanasan mo, at purihin siya sa mabubuting bagay na ibinibigay niya sa iyo. (Ecles. 7:14) Pero kapag dumating ang problema, panatilihin ang tamang pananaw at patuloy na magtiwala kay Jehova. Siguradong “gagawa siya ng daang malalabasan para matiis [mo] ang tukso.” (1 Cor. 10:13) Pero paano naman natin matutulungan ang mahal nating mga kapatid kapag napaharap sila sa mahihirap na sitwasyon? Iyan ang pag-uusapan natin sa susunod na artikulo.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Ano ang dapat na maging pananaw natin sa mga problema?

  • Bakit makakasama sa atin kung mali ang pananaw natin sa mga problema?

  • Ano ang puwede nating gawin kapag nagkaproblema tayo?

AWIT BLG. 150 Hanapin ang Diyos Para Maligtas

a Halimbawa, sa kuwento ng buhay na “Nakayanan ng Isang Pamilya ang Matinding Trahedya” na nasa jw.org, mababasa kung paano nakayanan ni Brother David Maza at ng pamilya niya ang pagkamatay ng anak niyang lalaki.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2026)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2026 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share