Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w26 Abril p. 8-13
  • Laging Tinutupad ng “Diyos ng Katotohanan” ang Layunin Niya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Laging Tinutupad ng “Diyos ng Katotohanan” ang Layunin Niya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • KUNG BAKIT TAYO MAKAKAPAGTIWALA SA DIYOS NG KATOTOHANAN
  • ANG GINAGAWA NG DIYOS NG KATOTOHANAN PARA MATUPAD ANG LAYUNIN NIYA
  • TINITIPON NG DIYOS NG KATOTOHANAN ANG LAHAT NG UMIIBIG SA KATOTOHANAN
  • MAGTIWALA SA MGA PANGAKO NI JEHOVA SA HINAHARAP
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Magtiwala sa Kataas-taasang Tagapamahala ng Uniberso
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
  • Kaya Mo Bang Malaman Kung Ano ang Totoo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
w26 Abril p. 8-13

HUNYO 8-14, 2026

AWIT BLG. 8 Si Jehova ang Ating Kanlungan

Laging Tinutupad ng “Diyos ng Katotohanan” ang Layunin Niya

“Tinubos mo ako, O Jehova na Diyos ng katotohanan.”​—AWIT 31:5.

MATUTUTUHAN

Kung paano tayo mas makakapagtiwala na tutuparin ni Jehova ang lahat ng pangako niya at na malapit nang wakasan ng Kaharian ang mga kasinungalingan at pandaraya.

1. Bakit tayo makakapagtiwala kay Jehova? (Awit 31:​2-5)

NABUBUHAY tayo sa mundong pinamamahalaan ni Satanas. Kaya laganap ang kasinungalingan, pandaraya, at pagtatraidor. Ang hirap magtiwala sa ngayon. Dinadaya ng mga negosyante ang mga kakompetensiya nila. Marami ang hindi nagsasabi ng totoo tungkol sa produkto nila. At may mga taong hindi rin makapagtiwala sa mga pangako kahit ng malalapít nilang kaibigan. Pero buti na lang, si Jehova ay “Diyos ng katotohanan,” kaya lagi tayong makakapagtiwala sa kaniya. (Basahin ang Awit 31:​2-5.) Hindi siya kailanman magsisinungaling. Lagi tayong makakapagtiwala sa lahat ng sinasabi at ginagawa niya.

2. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

2 Sa artikulong ito, tatalakayin muna natin kung bakit lubusan tayong makakapagtiwala kay Jehova. Pagkatapos, pag-uusapan natin kung paano wawakasan ng Diyos ng katotohanan ang masamang sistemang ito ng Diyablo at kung ano ang ginagawa ng Diyos ngayon para matupad ang layunin niya. Makakatulong ito sa atin para lakas-loob nating masabi sa iba ang katotohanan tungkol kay Jehova.

KUNG BAKIT TAYO MAKAKAPAGTIWALA SA DIYOS NG KATOTOHANAN

3. Bakit lubusan tayong makakapagtiwala kay Jehova?

3 Makakapagtiwala tayo kay Jehova dahil siya ang Maylalang. Siya ang gumawa ng langit at lupa at ng lahat ng bagay na may buhay. (Gen. 1:1; Awit 36:9; Apoc. 4:11) Siya rin ang dahilan kung bakit patuloy tayong nabubuhay. Halimbawa, dahil sa ginawa niyang mga siklo sa lupa, hindi tayo nauubusan ng kinakailangan nating hangin at tubig. Kontrolado niya ang lahat ng bagay sa uniberso. Kaya lubusan nating maipagkakatiwala ang buhay at kinabukasan natin sa ating Maylalang, na walang kapantay sa talino at kapangyarihan.

4. Paano natin nalaman na mahal tayo ni Jehova?

4 Makakapagtiwala tayo kay Jehova dahil mahal niya tayo. Ginawa ni Jehova ang mga tao dahil masayang mabuhay at gusto niyang maranasan nila iyon. Sinabi ni Jehova ang layunin niya: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.” (Gen. 1:26) Binigyan niya tayo ng kalayaang magpasiya. Gumawa siya ng isang napakagandang tirahan para sa atin. (Awit 115:16) At binigyan niya ang mga magulang natin ng napakasayang trabaho—ang gawing Paraiso ang buong lupa. (Gen. 1:28; 2:15) Naglaan din siya sa kanila ng sagana at masasarap na pagkain at gumawa ng iba’t ibang klase ng halaman at hayop para masiyahan sila sa buhay. Patunay ang mga ito na “ang tapat na pag-ibig ni Jehova ay walang hanggan.”​—Awit 103:17.

5. (a) Ano ang ginawa ni Jehova para matupad pa rin ang mga pangako niya kahit nagrebelde sina Adan at Eva? (b) Ano ang ilan sa mga pangako ni Jehova na natupad na? (Tingnan ang kahong “Mga Patunay na Laging Tumutupad sa Pangako ang Diyos.”)

5 Makakapagtiwala tayo kay Jehova dahil lagi niyang tinutupad ang pangako niya. ‘Hindi nilalang ni Jehova ang lupa nang walang dahilan, kundi nilikha niya ito para tirhan.’ (Isa. 45:​18, 19) Nang magrebelde sina Adan at Eva, hinatulan sila ng kamatayan. Kaya para bang hindi na matutupad ang layunin ng Diyos. Pero alam nating laging tinutupad ni Jehova ang mga pangako niya. (Isa. 46:​10, 11) Hindi nagbago ang layunin niyang mapuno ang lupa ng matuwid na mga tao. Kaya hinayaan ni Jehova sina Adan at Eva na magkaroon ng mga anak. At inilaan Niya ang kaisa-isa Niyang Anak bilang pantubos para iligtas tayong lahat na nanggaling kay Adan at bigyan ng napakagandang pag-asa na mabuhay magpakailanman.​—Juan 3:16.

Mga Patunay na Laging Tumutupad sa Pangako ang Diyos

Tingnan ang ilan sa mga pangakong tinupad na ni Jehova:

  • Ipinangako niya kay Moises na magkakaroon ang mga Israelita ng sariling lupain, na inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.​—Ex. 3:​6-8; Deut. 27:3.

  • Ipinangako niyang darating ang Mesiyas na magpapalaya sa mga tao mula sa kasalanan at kamatayan.​—Isa. 53:​11, 12.

  • Ipinangako niyang ipapangaral ang mabuting balita sa buong mundo para makilala siya ng mga tao bago dumating ang wakas.​—Mat. 24:14.

May naiisip ka pa bang ibang pangako na tinupad na ni Jehova?

ANG GINAGAWA NG DIYOS NG KATOTOHANAN PARA MATUPAD ANG LAYUNIN NIYA

6. Ano ang sinabi ni Jehova pagkatapos ng rebelyon sa Eden?

6 Ang “orihinal na ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas”a ang tumukso kina Adan at Eva na magrebelde sa Diyos. (Apoc. 12:9; Gen. 3:​4, 5; Juan 8:44) Hinatulan agad siya ni Jehova at sinabing pupuksain siya. (Gen. 3:15) Bago mangyari iyan, marami muna ang susunod kay Satanas at gagawa rin ng masasamang bagay. Pero may mga mananatiling tapat kay Jehova.

7. Sino ang mga sumunod sa Diyablo, at ano ang mangyayari sa kanila?

7 Maraming rebelyosong anghel at mga tao ang sumunod kay Satanas na Diyablo. Dahil kinakalaban nila si Jehova, naging kakampi sila ni Satanas. Pero sa takdang panahon ng Diyos, pupuksain niya si Satanas at ang lahat ng sumusunod dito.​—Dan. 2:44; Roma 16:20.

8. Ano ang ginawa ni Jesus noong 1914? (Tingnan din ang mga larawan.)

8 Anong mga bagay ang nagpapatunay na talagang matutupad ang layunin ng Diyos na puksain si Satanas at ang lahat ng tagasunod niya? Noong 1914, nakipagdigma si Jesus kay Satanas na Diyablo at sa mga demonyo at inihagis sila sa lupa. (Apoc. 12:​7-9) Kaya kahit sa langit nangyari ang digmaan, nagkaroon ito ng masasamang epekto sa lupa. “Kaawa-awa ang lupa at ang dagat,” ang sabi ng Bibliya, “dahil ang Diyablo ay bumaba na sa inyo na galit na galit, dahil alam niyang kaunti na lang ang panahong natitira sa kaniya.” (Apoc. 12:12) Mula noong 1914, ginagawa ni Satanas ang lahat para sumunod sa kaniya ang mga tao. Kaya naman palala nang palala ang kalagayan sa mundo. Talagang “kaawa-awa ang lupa”! Pero malapit nang “lubusin [ni Jesus] ang pagtatagumpay niya.” (Apoc. 6:2) Igagapos niya si Satanas sa loob ng 1,000 taon at pupuksain ang mga sumusuporta dito. Sa wakas, maipagbabangong-puri ni Jesus ang pangalan ni Jehova. (Awit 45:​4-6) Malalaman ng lahat na si Jehova ang Diyos ng katotohanan!—Ezek. 38:23.

Collage: Mga pangyayari sa mundo mula noong 1914. 1. Inihagis sa lupa ang dragon na may pitong ulo, si Satanas. 2. Mga armadong sundalo na nasa digmaan. Nakadapa sila at nag-aabang sa gilid ng isang mahabang hukay. 3. Isang malaking usok mula sa isang bomba. 4. Isang nanay na nakaupo sa bangketa habang karga-karga ang umiiyak niyang anak. 5. Isang sundalong may binabaril. 6. Isang lalaking naglalakad sa gitna ng mga guho. 7. Isang malaking factory na naglalabas ng usok. 8. Mga taong naka-face mask habang naglalakad sa isang lunsod. 9. Mga nagpoprotesta na nakikipaglaban sa mga pulis.

World War I: U.S. National Archives photo; bomb: USAF photo; pandemic: blvdone/stock.adobe.com; riot: inhauscreative/E+ via Getty Images

Mula 1914, palala na nang palala ang kalagayan sa mundo (Tingnan ang parapo 8)


TINITIPON NG DIYOS NG KATOTOHANAN ANG LAHAT NG UMIIBIG SA KATOTOHANAN

9. Sino ang tinitipon ni Jehova sa ngayon?

9 Sa ngayon, tinitipon ni Jehova “ang lahat ng bagay sa Kristo, ang mga bagay sa langit at sa lupa.” (Efe. 1:10) Ang “mga bagay sa langit” ay tumutukoy sa mga pinahiran, na pinili ni Jehova para mamahalang kasama ni Kristo sa langit. Ang ‘mga bagay naman sa lupa’ ay tumutukoy sa mga mabubuhay magpakailanman sa Paraisong lupa. Aktibong-aktibo ang lahat ng lingkod na ito ni Jehova sa paglalantad ng mga kasinungalingan ni Satanas at pagtulong sa mga tapat-puso na malaman ang katotohanan.

10. Paano tinutulungan ni Jehova ang mga tao na makalaya sa kasinungalingan ng mga huwad na relihiyon? (Apocalipsis 14:​6, 7)

10 Para matipon ang mga umiibig sa katotohanan, inatasan ni Jehova ang bayan niya na mangaral sa buong mundo. At ito ang pinakamalawak na gawaing pangangaral sa buong kasaysayan. (Basahin ang Apocalipsis 14:​6, 7.) Pero bukod sa atin, ginagamit din ni Jehova ang mga anghel sa pagtitipon ng mga tapat-puso para maging bahagi sila ng kongregasyon. Inilalantad ng gawaing pangangaral ang mga kasinungalingang itinuturo ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na napakatagal nang ginagamit ng Diyablo para magkalat ng kasinungalingan tungkol kay Jehova. (Apoc. 18:​2, 4) Malapit nang puksain ang lahat ng huwad na relihiyon, at maibibigay na ng lahat ng umiibig sa Diyos ng katotohanan ang kaluwalhatiang nararapat sa kaniya.​—Apoc. 17:16.

11. Paano natin makikilala ang tunay na mga mananamba ni Jehova?

11 Inaakay ni Jehova sa katotohanan ang lahat ng uri ng tao, anuman ang katayuan nila sa buhay, kultura, at bansang pinagmulan. (Apoc. 7:​9, 10) Nang marinig nila ang “mabuting balita,” nakumbinsi silang ito ang katotohanan at pinagsikapan nilang maging bahagi ng bayan ni Jehova. (Mar. 13:10) Sa paglipas ng panahon, lalo pang nagiging malinaw ang pagkakaiba ng tunay na mga mananamba ng Diyos at ng hindi. Inihula ni propeta Malakias: “Muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng matuwid at ng masama, ng naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kaniya.” (Mal. 3:18) Sa paggawi at pangangaral ng mga lingkod ni Jehova, pinapatunayan nilang sinasamba nila ang Diyos ng katotohanan.

12. Paano nakakatulong ang gawaing pangangaral para matupad ang layunin ni Jehova?

12 Kapag ipinapangaral natin ang ‘mabuting balita ng Kaharian,’ nasusunod natin ang utos ni Jesus at natutupad din natin ang hula. (Mat. 24:14; 28:​18-20) Dahil sa gawaing ito, nagiging tagasunod ni Kristo ang mga tao sa iba’t ibang bahagi ng mundo at nagkakaroon sila ng pag-asang masamba ang Diyos ng katotohanan magpakailanman. Isa ngang napakalaking pribilehiyo na makatulong sa pagtupad ng layuning ito ni Jehova!

MAGTIWALA SA MGA PANGAKO NI JEHOVA SA HINAHARAP

13. Sino ang pangunahing puntirya ni Satanas, at bakit?

13 Galit na galit si Satanas na Diyablo dahil “alam niyang kaunti na lang ang panahong natitira sa kaniya” bago magwakas ang sistema niya. (Apoc. 12:​12, 13) Ang pangunahing puntirya niya ay ang mga kinatawan ng Kaharian ng Diyos sa lupa, na “sumusunod sa mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apoc. 12:17; 14:12) Pinupuntirya niya rin ang sinumang sumusuporta sa kanila at sa gawain nila.

14. Ano ang mangyayari kapag sinalakay ni Satanas ang bayan ni Jehova? (Tingnan din ang larawan.)

14 Pagkatapos mapuksa ang Babilonyang Dakila, sasalakayin ng mga kakampi ni Satanas ang bayan ni Jehova. Kapag nangyari iyan, magsisimula na ang Armagedon. (Apoc. 16:​13, 14, 16) Ililigtas ni Jesus at ng hukbo niya sa langit ang mga mananamba ni Jehova at lubusang aalisin ang lahat ng natitira sa sistema ng Diyablo. (Apoc. 19:​19-21) Mawawala na ang sinungaling, masama, at mapandayang mga tao. (Apoc. 21:8) Makikita ng lahat na talagang si Jehova ang Diyos ng katotohanan at katuwiran.

Si Jesus at ang hukbo niya na nakasakay sa mga puting kabayo habang sinasalakay ang mga armadong sundalo sa lupa. Itinututok ni Jesus sa kanila ang pana niya, at hawak ng ibang mga anghel ang espada nila.

Si Jesus at ang hukbo niya sa langit habang pinupuksa ang mga kaaway ng Diyos sa Armagedon (Tingnan ang parapo 14)


15. Bakit tayo makakasigurado na tutuparin ni Jehova ang mga pangako niya? (Isaias 65:​16, 17) (Tingnan din ang larawan.)

15 Napakagulo na ng mundo sa ngayon. Pero dahil kay Jehova, nananatili ang pagkakaisa ng mga lingkod niya. Tuloy-tuloy rin ang pagtitipon niya sa mga tapat-puso para maging bahagi ng pamilya niya. Pinagpapala ni Jehova ang bayan niya at ang gawain nila, at walang makakapigil sa kaniya sa paggawa nito. (Basahin ang Isaias 65:​16, 17.) Siguradong hindi tayo pababayaan ni Jehova at tutuparin niya ang mga pangako niya. Gaya nga ng sinabi ni apostol Pablo sa Roma 8:​38, 39: “Kahit ang kamatayan o buhay o mga anghel o mga pamahalaan o mga bagay na narito ngayon o mga bagay na darating o mga kapangyarihan o taas o lalim o anupamang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinapakita rin ni Kristo Jesus na ating Panginoon.”

Isang mag-asawa kasama ang anak nilang lalaki at babae habang masayang nakaupo sa terrace nila. May mga bundok at mga puno sa harap ng bahay nila. May isang rhinoceros na kumakain ng damo sa malapit.

Sa bagong sanlibutan, hindi na maaalala ang mga problema natin sa ngayon (Tingnan ang parapo 15)


16. Bakit lubusan tayong makakapagtiwala kay Jehova?

16 Napakarami nating dahilan para lubusang magtiwala sa Diyos ng katotohanan, si Jehova. Siya ang Maylalang natin. Mahal na mahal niya tayo. At tuloy-tuloy ang pagtitipon ni Jehova sa mga tao mula sa lahat ng bansa para sambahin siya. (Isa. 60:22; Zac. 8:23) Alam nating tutuparin niya ang lahat ng pangako niya at malapit na niyang wakasan ang lahat ng kasinungalingan ni Satanas. Gaya ni David, ipinapanalangin natin: “Purihin nawa ang Diyos na Jehova, . . . ang tanging gumagawa ng kamangha-manghang mga bagay. Purihin nawa magpakailanman ang maluwalhati niyang pangalan, at mapuno nawa ang buong lupa ng kaluwalhatian niya.”​—Awit 72:​18, 19.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Bakit tayo makakapagtiwala sa “Diyos ng katotohanan”?

  • Paano wawakasan ni Jehova ang sistema ni Satanas, at ano ang ginagawa Niya ngayon para matupad ang layunin Niya?

  • Bakit tayo makakapagtiwala na tutuparin ni Jehova ang mga pangako niya?

AWIT BLG. 2 Jehova ang Iyong Ngalan

a Hindi natin alam ang pangalan ng dating anghel na ito. Kilala lang natin siya ngayon bilang “Diyablo” [Maninirang-puri] at “Satanas” [Kalaban].

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2026)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2026 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share