MATUTO KAY JESUS
Hindi Solusyon ang Karahasan
Parami nang parami ang naniniwala na karahasan ang solusyon sa mga alitan o problema. Pero kabaligtaran iyan ng mga turo at halimbawa ni Jesu-Kristo. Tingnan ang ilan sa mga sinabi at ginawa niya.
Ang sinabi ni Jesus
Sa kilalang Sermon sa Bundok, itinuro ni Jesus na hindi solusyon sa di-pagkakaunawaan ang galit at karahasan. Tingnan ang ilang halimbawa.
“Lahat ng gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa kanila.” (Mateo 7:12; Lucas 6:31) Ang payong ito ay madalas na tawaging Gintong Tuntunin.a Itinuturo nito sa atin na dapat nating pakitunguhan ang iba kung paanong gusto nating pakitunguhan tayo ng iba. Dahil walang may gusto na pakitunguhan sila nang may karahasan, dapat nating pakitunguhan ang lahat nang may respeto at kabaitan, kahit pa hindi natin sila kasundo.
“Sinumang sumampal sa kanang pisngi mo, iharap mo rin ang kabila.” (Mateo 5:38, 39; Lucas 6:29) Hindi itinuturo ni Jesus na kusa tayong magpapaapi sa iba. Itinatama niya lang ang maling ideya na posibleng itinuturo ng ilang relihiyosong lider—ang ideya na walang mali sa pagganti. Sinabi niya sa mga tagasunod niya na imbes na gumanti, dapat maging kalmado kapag ginawan ng mali.b
“Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway.” (Mateo 5:43, 44; Lucas 6:27) Itinuro sa atin ni Jesus na dapat tayong maging mabait sa mga nagagalit o gumagawa ng mali sa atin. Hindi nito ibig sabihin na dapat nating kunsintihin ang mga maling paggawi nila.c Kapag mabait tayo sa mga nagagalit sa atin, napapakalma natin sila at baka maging mabait pa nga sila sa atin.
Ang ginawa at gagawin ni Jesus
Itinuro ni Jesus na hindi solusyon ang karahasan. Pero hindi lang iyan, ginawa rin niya ang ipinangaral niya. Noong gabing aarestuhin siya, isa sa mga tagasunod niya ang lumaban para protektahan siya. Pero sinabi sa kaniya ni Jesus: “Ibalik mo ang espada mo sa lalagyan nito, dahil ang lahat ng gumagamit ng espada ay mamamatay sa espada.” (Mateo 26:52) Ipinakita ni Jesus na mahal niya ang mga kaaway niya nang patawarin at ipanalangin niya sila.—Lucas 23:33, 34; 1 Pedro 2:23.
Ipinapangako ng Bibliya na malapit nang wakasan ni Jesus—ang Prinsipe ng Kapayapaan—ang lahat ng karahasan. (Isaias 9:6, 7) Para matuto pa nang higit sa napakagandang kinabukasang ito, basahin ang artikulong “Kung Paano Magwawakas ang Digmaan at Kaguluhan.”
a Para sa higit pang impormasyon, basahin ang artikulong “Ano ang Gintong Tuntunin?”
b Para sa higit pang impormasyon, basahin ang artikulong “Ano ang Ibig Sabihin ng ‘Mata Para sa Mata’?”
c Para sa higit pang impormasyon, basahin ang artikulong “Ano ang Ibig Sabihin ng ‘Mahalin ang Inyong mga Kaaway’?”