TALAMBUHAY
Sinanay Ako ni Jehova Mula sa Pagkabata
NAPATITIG ako sa piraso ng papel na iniabot sa akin ng isang brother. Nakalagay doon, “David Splane, Abril 8, 1953: ‘Pangangaral Tungkol sa Armagedon.’” “Ano po ito?” itinanong ko. Sabi niya: “Bahagi mo. Magpapahayag ka sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.”a Sabi ko, “Hindi naman po ako nagpaenrol!”
Pero bago ko ituloy ang kuwentong iyan, bumalik muna tayo sa kung paano namin nalaman ang katotohanan. Ipinanganak ako noong Digmaang Pandaigdig II sa Calgary, Canada. Noong dulong bahagi ng 1940’s, kumatok sa pintuan namin ang kabataang payunir na si Donald Fraser at tumanggap si Nanay ng pag-aaral sa Bibliya. Gustong-gusto ni Nanay ang mga natututuhan niya, pero dahil may malubhang sakit siya, hindi siya palaging nakakadalo. Pero nabautismuhan din siya noong 1950. Kaya lang, wala pang dalawang taon, namatay na siya. Hindi pa Saksi si Tatay noon, pero pumayag siyang magbigay ng pahayag ang mga Saksi sa libing ni Nanay.
Ilang araw pagkatapos ng libing, inimbitahan akong dumalo sa pulong ng isang nakatatandang pinahirang sister, si Ate Alice. Kilala na niya ako kasi sumasama ako noon kay Nanay sa mga pulong sa dulo ng linggo noong kaya pa niya. Nagpaalam ako kay Tatay kung puwede akong dumalo. Pumayag siya, at sinabi niyang dadalo rin siya, pero “isang beses lang.” Gusto niya lang kasing pasalamatan ang brother na nagpahayag sa libing ni Nanay. Ang pulong ng gabing iyon ay ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at Pulong sa Paglilingkod. Saktong-sakto iyon para sa unang pulong ni Tatay. Kumuha kasi siya ng sekular na kurso sa pagsasalita sa publiko, at hangang-hanga siya sa ganda ng mga pahayag sa pulong. Kaya nagpasiya si Tatay na dumalo sa pulong na iyon linggo-linggo. Unti-unti, dinaluhan niya na rin ang ibang mga pulong.
Nang panahong iyon, bago simulan ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, tatawagin ng tagapangasiwa ang pangalan ng mga kapatid na nakaenrol, at sasagot sila ng “Present.” Isang gabi, sinabi ko sa kaniya na gusto ko ring matawag ang pangalan ko sa susunod na pulong. Kinomendahan ako ng brother, pero hindi niya tinanong kung naiintindihan ko ba ang ibig sabihin no’n.
Wala akong kaalam-alam na nagboboluntaryo na pala akong magbahagi sa paaralan—gusto ko lang namang matawag ang pangalan ko! Nang sumunod na linggo, tinawag ang pangalan ko at masaya akong sumagot, “Present.” Pagkatapos ng pulong, binati ako ng mga kapatid. Pagkalipas ng ilan pang linggo, natanggap ko na ang piraso ng papel na binanggit ko sa simula.
Takot na takot ako! Noon kasi, kailangang maghanda ang mga estudyante ng mga pahayag na anim hanggang walong minuto. Walang bahagi noon na magbabasa lang ng Bibliya. Tinulungan ako ni Tatay na ihanda ang bahagi ko, at nagpraktis kami nang 20 beses. Pagkatapos ng bahagi ko, binigyan ako ng tagapangasiwa ng magagandang payo. Sa paglipas ng panahon, sinanay ako ni Jehova sa pamamagitan ni Tatay, ng mahuhusay na brother at sister, at ng organisasyon Niya.
PATULOY AKONG SINANAY NI JEHOVA
Si Ate Alice, na binanggit ko kanina, ang unang nagsanay sa akin sa pangangaral. Noong panahong iyon, pinapasigla kaming magbasa ng tatlong teksto sa may-bahay at mag-alok ng aklat. Kapag ako na ang magsasalita, magpapakilala muna si Ate Alice, sisimulan niya ang pakikipag-usap, at ipapabasa niya sa akin ang unang teksto. Tapos, itutuloy ko na ang presentasyon, babasahin ko ang pangalawa at pangatlong teksto, at mag-aalok ako ng publikasyon. Di-nagtagal, natuto na rin akong ipakilala ang sarili ko sa simula pa lang ng pakikipag-usap. Nang mabautismuhan si Tatay noong 1954, itinuloy niya ang pagsasanay sa akin sa ministeryo. Bilang isang nagsosolong magulang, ginawa niya ang buong makakaya niya para palakihin ako sa katotohanan. Napakahalaga sa kaniya ng mga pulong at ministeryo. Kapag may pulong at iskedyul ng paglilingkod nang Sabado at Linggo ng umaga, hindi ko na kailangang pag-isipan kung ano ang gagawin namin.
Pangkaraniwang estudyante lang ako sa eskuwela. Pero napakalaki ng naitulong sa akin ng ilan sa mga natutuhan ko sa 12-taóng pag-aaral ko. Halimbawa, marami akong natutuhan sa math at English. Kumuha ako ng mga klase sa English at pagsusulat, at talagang nagagamit ko ang mga natutuhan ko doon sa atas ko ngayon sa Writing Department.
Mahilig ako sa musika, at madalas itanong ng mga tao kung bakit. Mahilig din kasi sa musika ang mga magulang ko. Noong seven ako, nag-aral akong mag-piano. Pero sa tingin ng teacher ko, hindi ako magaling. Kaya sinabi niya kay Tatay na patigilin na ako sa pag-aaral. Naiintindihan ko naman siya. Hindi rin kasi ako masyadong ganado noon.
Pagkalipas ng ilang buwan, nakahanap si Tatay ng bagong teacher. Sabay kong pinag-aralan ang piano at pagkanta, at naging mahusay ako sa mga iyon. Noong bata ako, mataas ang boses ko kaya nanalo ako sa ilang paligsahan. Nag-aral ako para maging music teacher. Iniisip ko na iyon ang gagawin kong pansuporta sa buong-panahong paglilingkod. Pero nakita ko na malaking panahon ang kakainin ng pag-aaral ko at paghahanda sa mga exam. Kaya tumigil ako sa pag-aaral at nag-regular pioneer noong 1963.
NAPAKASAYANG MAGPAYUNIR
Pagkatapos kong magpayunir nang isang taon, naatasan naman akong maging special pioneer sa Kapuskasing, Ontario. Mahigit doble ang tanda sa akin ng partner kong si Daniel Skinner. Marami siyang itinuro sa akin tungkol sa pangangalaga sa kongregasyon. Naging miyembro ako ng Service Committee ng kongregasyon sa edad na 20, kaya marami pa akong kinailangang matutuhan. Tuwang-tuwa ako na idinidiin ulit ngayon ng organisasyon ang kahalagahan ng pagsasanay sa mga kabataang brother. Kapag nagsikap sila, talagang magiging kapaki-pakinabang sila kay Jehova kahit bata pa sila!
Mahirap tumira sa Kapuskasing. Kapag taglamig, puwedeng umabot sa -44 degrees Celsius ang temperatura. Masaya ka na kung umabot lang ito sa -33 degrees Celsius. At madalas, naglalakad lang kami ni Kuya Dan. Pero marami akong masasayang karanasan sa atas na iyon, at isa na doon ang makilala si Linda Cole, na naging Linda Splane.
Masigasig mangaral si Linda, at mahusay rin siya sa pagdalaw-muli. Bukas-palad siya, mabait, at palakaibigan. Ang nanay niya, si Goldie, ay isa ring tapat na sister. Ang tatay naman niyang si Allen ay kontra noon sa katotohanan. Pero kahit ganoon, regular na isinasama ni Goldie si Linda at ang mga kapatid nitong sina John at Gordon sa Kingdom Hall, at tinuruan niya rin silang mangaral. Nakapagpayunir pa nga silang lahat. Pagkalipas ng ilang taon, niyakap din ni Allen ang katotohanan at naging masipag siya sa kongregasyon.
Noong 1965, naimbitahan akong mag-aral sa isang-buwang klase ng Kingdom Ministry School sa Bethel sa Canada. Habang nasa klase, binigyan ako ng aplikasyon para mag-aral sa Gilead. Hindi ko man lang naisip noon na puwede akong maging misyonero, pero sinagutan ko pa rin ang aplikasyon. Napili akong mag-aral sa ika-42 klase. Sa Gilead, regular na sinasabi sa amin ng mga instruktor ang obserbasyon nila sa amin. Ang unang payong natanggap ko ay alamin ang lahat ng matututuhan ko tungkol sa organisasyon habang nag-aaral. Sakto iyon sa akin kasi 21 anyos pa lang ako noon.
Isa sa mga pinag-aralan sa Gilead ay kung paano makikipag-usap sa media: sa istasyon ng radyo, telebisyon, at pahayagan. Gustong-gusto ko ang kursong iyon. At hindi ko akalain na magiging malaking tulong iyon sa akin, gaya ng ipapaliwanag ko mamaya.
NAATASAN SA SENEGAL
Ilang araw pagka-graduate namin, pumunta na kami ng partner ko sa pagmimisyonero na si Michael Höhle sa Senegal, Africa. Nang panahong iyon, mga 100 pa lang ang mamamahayag sa bansa.
Pagkalipas ng ilang buwan, naimbitahan akong magtrabaho sa sangay isang araw kada linggo. Ang “sangay” ay isang kuwarto lang sa isang bahay ng mga misyonero. Kahit napakasimple lang nito, laging ipinapaalala sa akin ng lingkod ng sangay na si Brother Emmanuel Paterakis na ito ang kumakatawan sa organisasyon ni Jehova sa bansang iyon. Minsan, sinabi ni Brother Paterakis na sumulat kami ng liham na pampatibay sa mga misyonero. Nang panahong iyon, napakamahal gumawa ng maraming kopya ng sulat, kaya isa-isa itong ginagawa gamit ang makinilya. Matrabaho iyon, lalo na kasi hindi kami puwedeng magkamali sa pagta-type—wala na kasing burahan iyon!
Bago ako umuwi nang gabing iyon, may iniabot na sobre sa akin si Brother Paterakis. Sabi niya, “David, may sulat sa iyo ang Samahan.” Pagbukas ko nito, isa pala iyon sa mga sulat na ginawa ko! Itinuro sa akin nito na dapat kong igalang ang organisasyon maliit man o malaki ang sangay sa bansa.
Kasama ang mga kapuwa ko misyonero sa Senegal, 1967
Marami akong naging kaibigan sa kongregasyon, at madalas, kapag Sabado ng gabi, kasama ko ang iba’t ibang pamilya doon. Ang saya-saya ko noon! Nakakausap ko pa rin sila hanggang ngayon. Natuto rin ako ng French dahil iyon ang wika sa Senegal, at nagagamit ko iyon kapag bumibisita ako sa iba’t ibang sangay.
Noong 1968, nagplano na kaming magpakasal ni Linda. Pagkatapos, mga ilang buwan akong naghanap ng part-time na trabaho para makapagpayunir kami ni Linda sa Senegal, pero karaniwan nang hindi kumukuha ng mga dayuhan doon para maging empleyado. Kaya umuwi ako sa Canada, at doon kami nagpakasal ni Linda. Pagkatapos, naatasan kaming maging special pioneer sa Edmundston, New Brunswick, isang maliit na lunsod sa hangganan ng probinsiya ng Quebec.
Sa kasal namin, 1969
PAGPAPAYUNIR SA NEW BRUNSWICK AT QUEBEC
Wala pang mga Saksi doon, at kaunti lang ang tumatanggap ng pag-aaral sa Bibliya. Napakalakas ng impluwensiya ng Katolisismo sa mga tao doon. Halos bawat bahay, may nakasulat, “Bawal ang mga Saksi ni Jehova.” Noon, hindi gaanong sineseryoso ang ganoong karatula, kaya kinakatok namin ang lahat ng bahay, may nakasulat mang ganoon o wala. Linggo-linggo, ipinapalagay ng isang Katolikong organisasyon sa pahayagan: “Itaboy ang mga mangkukulam—ang mga Saksi ni Jehova.” Apat lang kaming “mangkukulam” sa bayan na iyon—sina Victor at Velda Norberg at ako at si Linda!
Hindi ko makakalimutan ang unang dalaw sa amin ng tagapangasiwa ng sirkito. Matapos namin siyang makasama nang isang linggo, sinabi niya, “Sa palagay ko, ang magagawa lang ninyo ngayon ay tulungan ang mga tao na mabago ang tingin nila sa mga Saksi.” Sinikap naming gawin iyon. At unti-unti, nakita ng mga tao ang malaking kaibahan ng mapagpakumbabang mga Saksi sa paimportanteng mga lider ng Simbahan. Mayroon na ngayong isang maliit na kongregasyon sa lunsod na iyon.
Mga isang taon kami sa atas na iyon. Pagkatapos, inatasan naman kaming tumulong sa isang malaking kongregasyon sa lunsod ng Quebec. Anim na buwan kaming naglingkod doon kasama ng mapagpatuloy na mga kapatid bago kami naatasan sa gawaing pansirkito.
Sa sumunod na 14 na taon, naglingkod kami sa iba’t ibang sirkito sa probinsiya ng Quebec. Napakasaya ng mga panahong iyon! Mabunga ang gawain sa Quebec. Sa mga kongregasyong dinadalaw namin, pami-pamilya ang nag-aaral ng Bibliya at nagpapabautismo!
TAPAT NA MGA KAPATID NA HINDI NAMIN MALILIMUTAN
Madaling mahalin ang French-Canadian na mga kapatid. Deretsahan silang magsalita, masayahin, at masigla. Pero hindi ganoon kadali para sa marami sa kanila na maging Saksi dahil sa pag-uusig ng pamilya. May mga kabataang kapatid na pinagbantaan pa nga ng mga magulang nila, “Kung hindi ka titigil sa pakikipag-aral sa mga Saksi, lumayas ka!” Pero nanindigan sila. Siguradong masayang-masaya sa kanila si Jehova!
Hindi rin namin malilimutan ang mahuhusay na regular at special pioneer sa Quebec. Karamihan sa kanila ay galing sa ibang bahagi ng Canada. Bukod sa wikang French, kinailangan din nilang matutuhan ang kultura doon at kung paano mag-isip ang mga tao, na talagang naimpluwensiyahan ng Katolisismo.
Kadalasan nang inaatasan ang mga special pioneer sa liblib na mga teritoryong wala pang Saksi. Dahil sa diskriminasyon, nahihirapan silang makahanap ng matutuluyan, lalo na ng trabaho, kahit part-time lang. Kung minsan, kahit mga bagong kasal, nakikitira sa dalawa hanggang anim na kapatid para makapaghati-hati sila sa gastos. Masisipag ang mga payunir na ito. Kapag may nasimulan silang pag-aaral sa Bibliya, talagang inaalagaan nila. Dahil marami na ngayong Saksi sa Quebec, marami sa mga payunir na iyon ang tumulong sa may mas malaking pangangailangan.
Noong nasa gawaing pansirkito kami, karaniwan nang mga teenager ang sinasamahan naming mangaral tuwing Sabado ng umaga. Dahil diyan, nalalaman namin ang mga problemang nararanasan nila. Ang ilan sa mga teenager na iyon ay naglilingkod na ngayon bilang mga misyonero sa ibang bansa o may malaking pananagutan sa organisasyon.
Nang mga panahong iyon, may mga kongregasyong hindi kayang sagutin ang mga gastos namin sa paglalakbay, kaya minsan, nauubusan kami ng pera sa dulo ng buwan. Kapag ganoon, wala kaming ibang maaasahan kundi si Jehova, dahil siya lang ang nakakaalam ng sitwasyon namin. At hindi niya kami pinabayaan kasi lagi pa rin kaming nakakapunta sa susunod na kongregasyon.
MGA ARAL NA NATUTUHAN KO SA TAPAT NA MGA KAPATID
Gaya ng nabanggit ko na, talagang napakinabangan ko ang itinuro sa amin sa Gilead kung paano makikipag-usap sa media. Sa Quebec noon, nagkaroon kami ng maraming pagkakataong makapagpatotoo sa radyo, telebisyon, at pahayagan. Madalas kong nakakasama si Léonce Crépeault, isa ring naglalakbay na tagapangasiwa na mahusay sa pakikipag-usap sa media. Kapag nakikipag-usap siya sa isang taong mataas ang posisyon sa media, sa halip na ipakitang marami siyang alam, mapagpakumbaba niyang sinasabi: “Sir, mga ministro lang kami. Wala kaming gaanong alam sa media. Pero inatasan kami ng organisasyon namin na ipaalam sa mga tao ang tungkol sa malaking kombensiyong gagawin ng mga Saksi ni Jehova. Papahalagahan po namin ang anumang tulong na maibibigay ninyo.” Dahil diyan, marami sa media ang nakikipagtulungan sa amin.
Pagkatapos, inatasan naman ako ng sangay na makatrabaho ang isa sa mga abogado nating si Brother Glen How sa mahihirap na kaso na malamang na lumabas sa media. Nagamit ko ang pagsasanay ko sa Gilead at ang mga natutuhan ko kay Léonce. Isang pagpapala na makapaglingkod kasama ni Brother How. Matapang siyang abogado, pero higit sa lahat, tapat siyang lingkod ng Diyos. Mahal na mahal niya si Jehova.
Noong 1985, inatasan kami sa sirkitong malapit sa bahay ni Tatay sa kanlurang Canada, kaya nakatulong kami sa pag-aalaga sa kaniya. Namatay siya pagkalipas ng tatlong buwan. Naglingkod kami sa mga sirkito sa kanlurang Canada hanggang 1989. Nang taóng iyon, nagulat kami dahil inanyayahan kaming maging miyembro ng pamilyang Bethel sa United States. Halos 19 na taon din kami sa gawaing paglalakbay. Sa panahong iyon, tumira kami sa daan-daang bahay, at napakaraming beses naming nakasama sa pagkain ang mapagpatuloy na mga kapatid. Talagang nagpapasalamat kami sa lahat ng kapatid na nagpatulóy at nagpakain sa amin!
LUMIPAT KAMI SA UNITED STATES
Pagdating namin sa Brooklyn, naatasan akong magtrabaho sa Service Department. Talagang nagpapasalamat ako sa pagsasanay na natanggap ko doon. Isa sa mga natutuhan ko ang siguraduhin ang mga impormasyong nakukuha ko at huwag basta-basta gumawa ng konklusyon. Pagkatapos, noong 1998, naatasan ako sa Writing Department; hanggang ngayon, marami pa rin akong kailangang matutuhan sa pagsusulat. Sa loob ng maraming taon, nagkapribilehiyo akong makatrabaho si Brother John Barr, na coordinator noon ng Writing Committee. Hindi ko makakalimutan ang pagsasanay niya sa akin at ang mga panahong nakasama ko siya. Napakabuti niyang Kristiyano.
Kasama sina John at Mildred Barr
Isang pagpapala na makatrabaho ang mapagpakumbabang mga kapatid sa Writing Department. Lagi nilang hinihingi ang tulong ni Jehova sa atas nila, at alam nilang anuman ang nagagawa nila, dahil iyon sa tulong ng espiritu ni Jehova at hindi dahil sa sarili nilang kakayahan.
Konduktor ako sa mga mang-aawit ng Watchtower nang taunang miting noong 2009
Habang namamahagi ng kopya ng Bibliya sa internasyonal na kombensiyon noong 2014 sa Seoul, South Korea
Isang malaking pribilehiyo rin sa amin ni Linda na madalaw ang tapat na mga kapatid sa 110 bansa. Nakita namin mismo ang pag-ibig kay Jehova ng mga misyonero, mga miyembro ng Komite ng Sangay, at iba pang nasa buong-panahong paglilingkod. Napakasarap ding makita ang sigasig at katatagan ng iba pang kapatid, na inuuna ang Kaharian sa kabila ng digmaan, hirap ng buhay, at pag-uusig. Siguradong mahal na mahal sila ni Jehova!
Naging napakalaking tulong sa akin ni Linda habang ginagampanan ko ang mga atas ko. Magaling siyang makisama at laging handang tumulong sa iba. Mahusay rin siya sa di-pormal na pagpapatotoo. Marami siyang natulungang maging Saksi, at nakatulong din siya sa ilang di-aktibo na bumalik sa organisasyon. Talagang isa siyang regalo ni Jehova! Ngayong nagkakaedad na kami, napapahalagahan namin ang tulong sa amin ng nakababatang mga kapatid sa maraming iba’t ibang paraan.—Mar. 10:29, 30.
Ipinagpapasalamat ko ang nakalipas na walong dekada ng buhay ko. Sang-ayon ako sa sinabi ng salmista: “O Diyos, tinuruan mo ako mula pa sa aking pagkabata, at hanggang ngayon ay inihahayag ko ang iyong kamangha-manghang mga gawa.” (Awit 71:17) Gusto kong patuloy na gawin iyan habang nabubuhay ako.
a Ang pagsasanay na ito ay bahagi ngayon ng pulong sa gitnang sanlinggo.