“Ang mga Anak ay Mana Mula kay Jehova”
ANO ang naiisip mo kapag narinig mo ang salitang “mana”? Baka maisip mo ang pera, bahay, o isang napakahalagang bagay na matagal nang nasa angkan ninyo. Anuman iyon, siguradong gusto mong ingatan iyon at gamitin sa tamang paraan.
Sinasabi ng Bibliya na “ang mga anak ay mana mula kay Jehova.” (Awit 127:3) Kaya siguradong itinuturing ng mga Kristiyanong magulang na napakahalagang regalo mula kay Jehova ang mga anak nila. Ginagawa nila ang lahat para masiguradong ligtas ang mga anak nila at na naibibigay nila ang mga pangangailangan ng mga ito sa pisikal, emosyonal, at espirituwal.
Pero hindi itinuturing ng ilang mga magulang sa ngayon na regalo mula kay Jehova ang mga anak nila. (Isa. 49:15; 2 Tim. 3:1-3) May ibang magulang naman na gustong ibigay ang mga pangangailangan ng mga anak nila, pero nahihirapan silang gawin iyon kasi maraming problema sa buhay ngayon. Ano ang ilan sa mga problemang iyan? Ano ang mga hinihiling ni Jehova para sa mga magulang? At ano ang mga puwedeng gawin ng mga Kristiyanong magulang para mapalaki nila nang maayos ang mga anak nila at maging tunay na masaya ang mga ito?
MGA HAMON
Pressure mula sa komunidad at pamilya. Sa ilang mga lugar, mas mataas ang tingin sa mga pamilya na may maraming anak. Kaya pine-pressure ang mga mag-asawa ng mga kapamilya o kapitbahay nila na magkaroon ng mas maraming anak kaysa sa kaya nilang alagaan.
Mga iniisip nilang puwedeng mangyari sa hinaharap. May ilang mga bansa na may problema sa malnutrisyon, pagkakasakit, at limitadong serbisyong medikal, kaya maraming bata doon ang namamatay. Iyan ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng maraming anak ang ilang mag-asawa. Iniisip nila na tutulong iyan para masiguradong may ilan sa mga anak nila na aabot sa pagiging adulto. May ibang mag-asawa naman na pinipiling magkaroon ng maraming anak para masiguradong may mag-aalaga sa kanila kapag matanda na sila. Nangyayari iyan sa mga bansa kung saan limitado lang ang tulong ng gobyerno para sa mga may-edad.
Family planning. Sa ilang mga lugar, limitado lang ang tulong na natatanggap ng mga mag-asawa para malimitahan ang paglaki ng pamilya nila. Takot naman ang iba sa mga posibleng side effect ng mababang kalidad na mga contraceptive, kahit puwede silang makakuha ng mga iyon. Hindi naman makabili ang ibang mag-asawa kasi mahal ang mga iyon.a
ANG HINIHILING NI JEHOVA PARA SA MGA MAGULANG
Maglaan ng panahon para sa bawat anak ninyo
Ilaan ang materyal na pangangailangan ng mga anak. Inaasahan ni Jehova na ilalaan ng mga magulang ang materyal na mga pangangailangan ng mga menor-de-edad na anak nila. Gusto niya na magsikap sila para makapagbigay sa mga anak nila ng pagkain, damit, at tirahan. Gusto rin ni Jehova na maturuan ng mga magulang ang mga anak nila. Kaya hindi ipinapadala ng mga Kristiyanong magulang ang mga anak nila sa mga boarding school. Gusto nila na kasama pa rin nila sa bahay ang mga anak nila habang lumalaki ang mga ito. Tutulong iyan para matiyak na nakakapag-aral nang maayos ang mga anak nila at mabigyan nila ang mga ito ng pagmamahal at atensiyon. Pero makatuwiran si Jehova; hindi niya hinihiling na maging mayaman ang mga magulang para magawa iyan. Nang pumipili si Jehova ng mga magpapalaki sa Anak niya, pinili niya ang isang mag-asawang masipag kahit simple lang ang pamumuhay nila.—Mat. 13:55, 56; Luc. 2:24.
Prinsipyo sa Bibliya: “Oo, kung ang sinuman ay hindi naglalaan sa mga nasa pangangalaga niya, lalo na sa mga miyembro ng pamilya niya, itinakwil na niya ang pananampalataya at mas masahol pa sa walang pananampalataya.”—1 Tim. 5:8.
Naiintindihan ni Jehova na kailangan ng tulong ng mga magulang habang nagkakaedad sila. Magagawa iyan ng mga anak kapag tinitiyak nilang mabibigyan nila ng tulong ang mga may-edad na nilang magulang. (Ex. 20:12; 1 Tim. 5:4) Pero natutuwa si Jehova kapag mas iniisip ng mga magulang kung paano nila aalagaan ang mga anak nila imbes na kung paano sila aalagaan ng mga ito.—2 Cor. 12:14.
Ilaan ang espirituwal na pangangailangan ng mga anak. Kailangan ding turuan ng mga Kristiyanong magulang ang mga anak nila na mahalin at sambahin si Jehova. Para kay Jehova, iyan ang pinakamahalagang maibibigay ng mga magulang sa mga anak nila habang lumalaki ang mga ito.—Deut. 6:6, 7.
Prinsipyo sa Bibliya: “Palakihin [ninyo ang mga anak ninyo] ayon sa disiplina at patnubay ni Jehova.”—Efe. 6:4.
GUSTO KANG TULUNGAN NI JEHOVA
Planuhing mabuti kung ilan ang magiging anak ninyo
Magplanong mabuti. Kung nagpaplano kayong magkaroon ng mga anak, pag-isipang mabuti ang sitwasyon ninyo. Halimbawa, kung marami ang magiging anak ninyo, kaya ninyo bang pakainin, bigyan ng damit, at pag-aralin silang lahat? Kung hindi ninyo kaya, pag-usapan ninyong mag-asawa kung hanggang ilang anak ang kaya ninyong paglaanan ayon sa kahilingan ni Jehova. Siyempre, alam ni Jehova na hindi ninyo kontrolado ang lahat ng bagay. (Ecles. 9:11) Pero siguradong pagpapalain niya ang lahat ng ginagawa ninyo para maging mabuting mga magulang.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang mga plano ng masipag ay tiyak na magtatagumpay, pero ang lahat ng padalos-dalos ay tiyak na maghihirap.”—Kaw. 21:5.
“Sino sa inyo na gustong magtayo ng bahay ang hindi muna uupo at kukuwentahin ang gastusin para malaman kung sapat ang pera niya para matapos iyon?”—Luc. 14:28.
Unahin si Jehova sa pamilya ninyo. Siguraduhin na ang pagsamba kay Jehova ang pinakamahalaga sa pamilya ninyo. Sikaping turuan ang bawat isa sa mga anak ninyo na mahalin si Jehova. Tulungan silang makinig nang mabuti at makinabang sa mga pulong. Siguraduhing regular ang Family Worship ninyo. Isama ang mga anak ninyo sa paglabas sa larangan. Huwag ninyong ipasa ang mga responsibilidad ninyo bilang mga magulang sa mas may edad ninyong mga anak o sa mga kamag-anak. Kakailanganin ninyo ng panahon at pagsisikap para palakihin ang mga anak ninyo na mahalin si Jehova, pero siguradong pagpapalain niya kayo.
Prinsipyo sa Bibliya: “Wala nang mas makapagpapasaya pa sa akin kaysa rito: ang marinig ko na ang mga anak ko ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.”—3 Juan 4.b
Magtiwala kay Jehova. Nagpaplano man kayong magkaroon ng mga anak o kung may mga anak na kayo, magtiwalang mas mahalaga ang mga pamantayan ni Jehova kaysa sa mga kaugalian at tradisyon ng mga tao sa lugar ninyo.
Kailangan ng panahon at pagsisikap para mailaan ang espirituwal na mga pangangailangan ng mga anak ninyo
Kung pinili ninyo mang limitahan ang dami ng anak ninyo, isiping paglalaanan pa rin kayo ni Jehova kahit may-edad na kayo. Huwag isiping magiging “insurance” ninyo ang mga anak ninyo. Huwag ninyo ring isipin na walang mag-aalaga sa inyo kapag matanda na kayo. Nangangako ang Diyos na Jehova na hinding-hindi niya kayo papabayaan, at lagi niyang tinutupad ang mga pangako niya.—Jos. 23:14.
Prinsipyo sa Bibliya: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso, at huwag kang umasa sa sarili mong unawa. Isaisip mo siya sa lahat ng tatahakin mong landas, at itutuwid niya ang mga daan mo.”—Kaw. 3:5, 6.
“Bata ako noon, at ngayon ay matanda na, pero wala pa akong nakitang matuwid na pinabayaan, at wala akong nakitang anak niya na namamalimos ng tinapay.”—Awit 37:25.
“Kaya patuloy ninyong unahin ang Kaharian at ang katuwiran niya, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng ito.”—Mat. 6:33.
Napakagandang regalo mula kay Jehova para sa mga magulang ang mga anak. Kaya siguradong masaya si Jehova kapag pinapahalagahan ng mga magulang ang regalong iyon! Kung paplanuhin ng mga Kristiyanong mag-asawa ang dami ng magiging anak nila, kung magtitiwala silang mas mahalaga ang mga pamantayan ni Jehova kaysa sa mga kaugalian at tradisyon ng mga tao, at kung sisikapin nilang ilaan ang lahat ng pangangailangan ng mga anak nila, maipapakita nila na pinapahalagahan nila ang “mana [nila] mula kay Jehova.”
a Ang mag-asawa ang dapat magdesisyon kung gaano kalaki ang magiging pamilya nila, kung kailan sila magkakaroon ng mga anak, at kung gagamit sila ng birth control na hindi magreresulta sa aborsiyon. Hindi sila dapat husgahan ng iba anuman ang maging desisyon nila. (Roma 14:4, 10-13) Tinatandaan din ng mga mag-asawang Kristiyano ang payo sa 1 Corinto 7:3-5.
b Ang “anak” na binanggit ni Juan sa tekstong ito ay tumutukoy sa mga Kristiyanong alagad. Pero ganiyan din ang nararamdaman ng mga magulang para sa mga anak nila.