Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Kailan isisigaw ng mga bansa na may “kapayapaan at katiwasayan” na?
Gaya ng tinalakay sa “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa isang kamakailang isyu ng Bantayan,a malapit nang ilagay ni Jehova sa puso ng “10 sungay,” o ng lahat ng gobyerno, “ang nasa isip niya”—ang pagbibigay ng lahat ng kapangyarihan at awtoridad nila sa “kulay-iskarlatang mabangis na hayop,” ang United Nations. Tinatawag din ito sa Bibliya na “estatuwa ng mabangis na hayop.” (Apoc. 13:14, 15; 17:3, 16, 17) Pagkatapos, pupuksain ng “10 sungay” at ng mabangis na hayop ang lahat ng huwad na relihiyon. Pero kailan isisigaw ng mga bansa na may “kapayapaan at katiwasayan” na?b Bago o pagkatapos mapuksa ang huwad na relihiyon?—1 Tes. 5:3.
Ang sagot, hindi natin sigurado kung kailan mangyayari ang pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan.” Kung alam na natin ang lahat ng detalye, hindi na natin kailangang maging mapagbantay. Pero paulit-ulit na pinayuhan ni Jesus ang mga tagasunod niya na ‘patuloy na magbantay.’ (Mat. 24:42; 25:13; 26:41) Suriin natin ngayon ang hulang ipinasulat ni Jehova kay apostol Pablo sa liham niya sa mga taga-Tesalonica.
Isinulat ni Pablo: “Kapag sinasabi na nila, ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ biglang darating ang kanilang pagkapuksa.” (1 Tes. 5:2, 3) Sa mga publikasyon natin, ganito madalas ipaliwanag ang sinabing iyan ni Pablo: Isisigaw ang “kapayapaan at katiwasayan” bago mag-umpisa ang malaking kapighatian, na magsisimula sa pagpuksa sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Sinasabing ang pagsigaw na ito ang hudyat na magsisimula na ang malaking kapighatian.
Pero pagkatapos pag-aralang mabuti ang hulang ito, lumilitaw na may isa pang posibleng paliwanag. Posible ring pagkatapos pa ng pagpuksa sa huwad na relihiyon isisigaw ang “kapayapaan at katiwasayan.” Bakit natin nasabi iyan? Pag-isipan ang mga sumusunod.
Ano ang papel ng huwad na relihiyon sa mga digmaan ng mga bansa? Sinasabi ng Bibliya: “Nakita sa kaniya [“maimpluwensiyang babaeng bayaran,” o Babilonyang Dakila] ang dugo ng . . . lahat ng pinatay sa lupa.” (Apoc. 17:1, 5; 18:24) Mula noon, hindi lang basta sinusuportahan ng mga huwad na relihiyon ang mga digmaan. Sila pa nga ang nagiging dahilan ng mga ito at ng terorismo. Maliwanag, hindi sila nagtataguyod ng kapayapaan at katiwasayan. Kaya ang tanong: Isisigaw kaya ng mga bansa ang “kapayapaan at katiwasayan” pagkatapos pa nilang mapuksa ang Babilonyang Dakila? Posible iyan.
Ano ang mangyayari pagkatapos ng pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan”? Sinabi ni Pablo: “Biglang darating ang kanilang pagkapuksa.” (1 Tes. 5:3) Sinasabi sa study note ng tekstong ito: “Ipinapakita dito ni Pablo na kapag sumigaw na ng ‘kapayapaan at katiwasayan,’ agad na mapupuksa ang mga naghahayag nito. Biglaan ito, at hindi sila makakatakas.” Kaya kung sisigaw ang mga bansa ng “kapayapaan at katiwasayan” kapag tapos nang puksain ang huwad na relihiyon, talagang magiging biglaan ang pagkapuksa ng lahat ng bansang iyon.
Ano ang magiging reaksiyon ng bayan ni Jehova kapag natupad na ang hulang ito? Sinabi ni Pablo: “Wala kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya hindi kayo gaya ng mga magnanakaw na magugulat sa pagdating ng araw na iyon.” (1 Tes. 5:4) Pag-isipan ito: Kung sisigaw ang mga bansa ng “kapayapaan at katiwasayan” kapag napuksa na ang huwad na relihiyon, aasahan na ng bayan ni Jehova na susundan ito agad ng pagkapuksa ng mga bansa. Pero para sa mga bansa, darating ang pagkapuksa nila na gaya ng isang magnanakaw—magiging biglaan ito at magugulat sila.
Saan tayo makakasigurado? Sigurado tayong malapit nang puksain ng “10 sungay” at ng pinalakas na mabangis na hayop ang huwad na relihiyon. Iyan ang simula ng malaking kapighatian. Alam din natin na sisigaw ang mga bansa ng “kapayapaan at katiwasayan.” Hindi lang natin alam kung kailan. Pero may dalawang posibilidad. Una: Puwede itong mangyari bago mapuksa ang huwad na relihiyon. Ikalawa: Puwede itong mangyari pagkatapos puksain ng mga gobyerno ang huwad na relihiyon. Abangan natin ang mga mangyayari. Madalas na lubusan lang nating naiintindihan ang isang hula sa Bibliya habang natutupad ito o kapag natupad na ito.—Ihambing ang Juan 12:16.
Kailan man mangyari ang pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan,” ang mahalaga ay ang kaugnayan natin sa Diyos. Kaya “manatili tayong gisíng at alerto” para handa tayo kapag natupad na ang hulang iyan.—1 Tes. 5:6.
a Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, isyu ng Nobyembre 2025.
b Batay sa pagkakasabi ni apostol Pablo, puwede itong tumukoy sa isang deklarasyon lang o sa isang serye ng mga deklarasyon.