Huwebes, Abril 23
Si Kristo Jesus ay dumating sa mundo para iligtas ang mga makasalanan.—1 Tim. 1:15.
Isiping nagbigay ka ng isang napakagandang regalo sa taong mahalaga sa iyo at alam mong kailangan niya iyon. Paano kung nalaman mong itinago lang niya iyon at hindi na niya ginamit? Siguradong malulungkot ka. Pero kung nagpasalamat siya sa iyo at lagi niyang ginagamit iyon, siguradong magiging masaya ka. Ang punto? Ibinigay ni Jehova ang Anak niya para sa atin dahil mahal na mahal niya tayo. Kaya talagang magiging masaya siya kapag ipinakita natin na nagpapasalamat tayo sa regalo at pag-ibig niya. (Juan 3:16; Roma 5:7, 8) Sa paglipas ng panahon, baka mabawasan ang pagpapahalaga natin sa pantubos. Kung mangyari iyan, para bang itinago at kinalimutan natin ang regalo ng Diyos. Kaya para hindi mabawasan ang pagpapahalaga natin sa ginawa ng Diyos at ni Kristo, dapat lagi nating pag-isipang mabuti iyon. w25.01 26 ¶1-2
Biyernes, Abril 24
Pag-isipan mong mabuti ang mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin dito para makita ng lahat ang pagsulong mo.—1 Tim. 4:15.
Ang mga brother na maglilingkod bilang elder ay dapat na hindi bagong kumberte. Hindi naman kailangan na maraming taon ka nang bautisado, pero kailangan mo ng panahon para mapatibay ang kaugnayan mo kay Jehova at masanay na gamitin ang Bibliya kapag gumagawa ng desisyon. Bago ka atasan bilang elder, dapat na naipakita mo nang mapagpakumbaba ka gaya ni Jesus. Ibig sabihin, kontento ka sa mga atas mo at handa kang hintayin si Jehova para sa iba pang mga atas. (Mat. 20:23; Fil. 2:5-8) Mapapatunayan mo namang tapat ka kung patuloy kang mamumuhay sa mga pamantayan ni Jehova at susunod sa mga tagubiling ibinibigay ng organisasyon. Malinaw na sinasabi ng Bibliya na ang mga tagapangasiwa ay dapat na kuwalipikadong magturo. Ibig bang sabihin, dapat napakahusay mong magpahayag? Hindi. May mga kuwalipikadong elder na hindi ganoon kahusay magpahayag pero epektibo naman sa ministeryo at pagse-shepherding. w24.11 23-24 ¶14-15
Sabado, Abril 25
Mahal ko ang mga utos mo nang higit kaysa sa ginto, maging sa purong ginto.—Awit 119:127.
Kapag may hindi ka naintindihan sa binabasa mo sa Bibliya, mag-research pa. At sa buong araw, pag-isipang mabuti ang mga bagay na natutuhan mo tungkol kay Jehova, sa Anak niya, at sa pag-ibig nila sa iyo. (Awit 119:97, tlb.) Huwag kang malungkot kung wala kang nakita o natutuhang bago sa pagbabasa at pagre-research mo. Isipin ang mga naghahanap ng ginto. Baka maraming oras o araw ang kailangan bago sila makakita ng ginto. Pero hindi sila humihinto kasi napakahalaga ng bawat piraso nito. Mas mahalaga pa diyan ang bawat katotohanan sa Bibliya! (Kaw. 8:10) Kaya ipagpatuloy mo lang ang schedule mo ng pagbabasa ng Bibliya.—Awit 1:2. w25.01 25 ¶14-15