Miyerkules, Abril 15
Ibigin ninyo ang isa’t isa.—Juan 15:12.
Gustong-gusto ng mga lingkod ni Jehova na magtulungan. (2 Cor. 8:4) Pero kung minsan, kailangan ng tapang para magawa iyan. Halimbawa, kapag may digmaan, alam ng mga elder na kailangan ng mga kapatid ng pampatibay at baka ng tulong para makakuha ng espirituwal na pagkain o materyal na pangangailangan. Kaya kahit manganib ang buhay nila, ilalaan nila ang pangangailangan ng mga ito. Kailangan ang pagkakaisa sa mapanganib na mga sitwasyon, kaya napakahalagang maging masunurin tayo. Sundin ang mga tagubilin ng tanggapang pansangay. (Heb. 13:17) Dapat na regular na pag-aralan ng mga elder ang mga tagubilin kung paano maghahanda kapag may sakuna sa lugar nila, pati na ang mga tagubilin ng organisasyon sa panahon ng sakuna. (1 Cor. 14:33, 40) Maging matapang pero maingat. (Kaw. 22:3) Mag-isip nang mabuti bago kumilos. Isipin ang pinakaligtas na paraan kung paano ka makakatulong. Umasa kay Jehova. Siguradong gagabayan ka niya na magawa ang tamang desisyon sa pagtulong sa mga kapatid. w24.07 4 ¶8; 5 ¶11
Huwebes, Abril 16
Sa kagipitan ay tumawag ako kay Jehova, . . . at narinig niya ang paghingi ko sa kaniya ng tulong.—Awit 18:6.
Kilala ni Haring David si Jehova, at umaasa siya sa Kaniya. Nang mga panahong gusto siyang patayin ni Haring Saul at ng iba pang kaaway niya, humingi siya ng tulong kay Jehova. Sinagot ng Diyos ang panalangin ni David at iniligtas siya, kaya sinabi niya: “Buháy si Jehova!” (Awit 18:46) Ano ang ibig sabihin ni David? Ayon sa isang reperensiya, idinidiin niya dito na si Jehova ay isang Diyos na buháy na laging tumutulong sa mga lingkod niya. Napatunayan mismo ni David na buháy si Jehova, at nakatulong iyan sa kaniya na patuloy na paglingkuran at purihin ang Diyos. (Awit 18:28, 29, 49) Kung kumbinsido tayong buháy na Diyos si Jehova, ibibigay natin ang buong makakaya natin sa paglilingkod sa kaniya. Magkakaroon din tayo ng lakas na maharap ang anumang pagsubok at ng determinasyon na patuloy na maglingkod. Bukod diyan, gagawin natin ang lahat para manatiling malapít kay Jehova. w24.06 20-21 ¶3-4
Biyernes, Abril 17
Huwag kayong magpalinlang kaninuman sa anumang paraan.—2 Tes. 2:3.
Ano ang matututuhan natin sa mga sinabi ni apostol Pablo sa mga taga-Tesalonica? Kapag may narinig tayo na salungat sa natutuhan natin sa Bibliya o kapag may nabalitaan tayong kuwento na sobrang exciting o nakakagulat, dapat na mag-isip muna tayo. Sa dating Soviet Union, nagpakalat ang mga kaaway natin ng isang liham na pinagmukhang galing sa punong-tanggapan. Sa liham, pinayuhan ang ilang kapatid na bumuo ng hiwalay na grupo o organisasyon. Parang totoong-totoo ang liham. Pero hindi nadaya ang tapat na mga kapatid. Nakita nilang salungat ang mensahe nito sa mga katotohanang natutuhan nila. Sa ngayon, gumagamit ang mga kaaway natin ng iba’t ibang bagay, gaya ng Internet at social media, para lituhin tayo at sirain ang pagkakaisa natin. ‘Huwag nating hayaang agad-agad na malihis ang pangangatuwiran natin.’ (2 Tes. 2:2) Hindi tayo madadaya kung ikukumpara natin ang mga narinig o nabasa natin sa mga katotohanang alam na natin.—1 Juan 4:1. w24.07 12 ¶14-15