Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w26 Hunyo p. 20-25
  • Bigyang-Pansin Kung Paano Ka Nakikinig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bigyang-Pansin Kung Paano Ka Nakikinig
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • SI JEHOVA ANG NAGTUTURO SA ATIN
  • BAKIT DAPAT TAYONG MAKINIG NANG MABUTI SA PULONG?
  • KUNG PAANO TUTULUNGAN ANG MGA TAGAPAKINIG NA MAGPOKUS SA PULONG
  • KUNG PAANO MAS MAKAKAPAGPOKUS SA PAKIKINIG
  • PATULOY NA MAKINIG KAY JEHOVA
  • Tulungan Agad ang mga “Nakaayon sa Buhay na Walang Hanggan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Maging Mas ‘Mahusay sa Pagtuturo’ ng Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
  • Kung Paano Magiging Mas Masaya sa Ministeryo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
w26 Hunyo p. 20-25

AGOSTO 31–SETYEMBRE 6, 2026

AWIT BLG. 89 Makinig at Sumunod Upang Pagpalain Ka

Bigyang-Pansin Kung Paano Ka Nakikinig

“Bigyang-pansin ninyo kung paano kayo nakikinig.”​—LUC. 8:18.

MATUTUTUHAN

Kung bakit mahalagang makinig nang mabuti sa mga pulong at sa iba pang espirituwal na programa at kung paano natin gagawin iyan.

1-2. (a) Ano ang ginagawa ni Jehova para sa bayan niya ngayon? (Awit 23:​1, 2, 5) (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

BINIBIGYAN tayo ni Jehova sa ngayon ng saganang espirituwal na pagkain. Kaya sang-ayon tayo sa sinabi ni David: “Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako magkukulang ng anuman.”​—Basahin ang Awit 23:​1, 2, 5.

2 Ang isang paraan na ginagamit ni Jehova para magbigay ng espirituwal na pagkain sa ngayon ay ang mga pulong. Sa mga pulong, madalas na ipinapaalala ang mga bagay na natutuhan na natin noon. Kahit ‘matatag na tayo sa katotohanan,’ kailangan pa rin natin ang mga paalalang ito. (2 Ped. 1:12) Pero baka nahihirapan kang magpokus sa pulong kapag maraming beses mo nang napakinggan ang isang paksa. Kung nangyayari iyan sa iyo, makakatulong ang artikulong ito. Tatalakayin natin kung bakit kailangan nating makinig nang mabuti sa mga pulong. Aalamin din natin kung ano ang puwedeng gawin ng mga nagtuturo sa kongregasyon para matulungan ang mga tagapakinig nila na makapagpokus. At pag-uusapan din natin ang ilang tip para mas makapagpokus tayo sa pakikinig. Pero talakayin muna natin kung sino talaga ang nagtuturo sa atin sa mga pulong.

SI JEHOVA ANG NAGTUTURO SA ATIN

3. Paano tayo kinakausap ni Jehova, at paano ginagamit ng mga lingkod niya ang Bibliya sa pagtuturo?

3 Ang Bibliya ang Salita ni Jehova. Kaya kapag binabasa natin ito, parang kinakausap niya tayo. (2 Tim. 3:​16, 17) Alam iyan ni Jesus, kaya ginamit niya ang Salita ng Diyos sa pagtuturo. Dahil napakahusay niya sa paggamit nito, nasabi ng mga tagapakinig niya: “Bakit napakaraming alam ng taong ito sa Kasulatan gayong hindi naman siya naturuan sa mga paaralan?” (Juan 7:15) Tuwang-tuwa ang mga tapat-puso nang marinig nila ang pagpapaliwanag ni Jesus sa Salita ng Diyos. At tinularan si Jesus ng mga Kristiyano noon, gaya ni apostol Pablo at ni Apolos. Madalas nilang gamitin ang Kasulatan sa pagtuturo. (Gawa 17:​2, 3; 18:​24, 28) Ganiyan din tayong mga Saksi ni Jehova ngayon. Alam natin na ang Bibliya ang basehan ng mga artikulo natin, broadcasting, outline ng pahayag, at mga video. Marami sa mga bisita natin sa pulong ang humahanga kasi nakikita nila na talagang ginagamit natin ang Bibliya. Nakabase sa Bibliya ang itinuturo ng mga may bahagi sa pulong. Kapag nagtuturo sila, hindi lang nila basta binabasa ang Bibliya—tinutulungan din nila ang mga nakikinig na maintindihan kung paano iyon isasabuhay.​—Luc. 24:32.

4. Sa Bibliya, saan kadalasang tumutukoy ang salitang “pakikinig”?

4 Sa Bibliya, ang salitang “pakikinig” ay kadalasan nang tumutukoy sa pagsunod. Kapag nakikinig tayo sa pulong, mas naiintindihan natin kung ano ang gusto ni Jehova na gawin natin at nagiging mas madali para sa atin na sumunod. Makakaasa tayong mapapasaya natin si Jehova kung makikinig tayo sa kaniya at susundin natin siya.​—Kaw. 27:11.

BAKIT DAPAT TAYONG MAKINIG NANG MABUTI SA PULONG?

5. Dahil mahal natin si Jehova, napapakilos tayong gawin ang ano? (Juan 4:​23, 24; 1 Juan 5:3)

5 Nakikinig tayo sa pulong dahil mahal natin si Jehova. (Mat. 22:37) Habang mas natututo tayo tungkol kay Jehova, mas lalo natin siyang minamahal. At dahil sa pag-ibig na iyan, napapakilos tayong makinig sa kaniya, sundin siya, at sambahin siya sa paraang gusto niya.​—Basahin ang Juan 4:​23, 24; 1 Juan 5:3.

6. Ano ang isa sa mga natututuhan natin sa mga pulong?

6 Nakikinig tayo sa pulong dahil mahal natin ang mga tao. (Mat. 22:39) Sa mga pulong natin, tinuturuan tayo ni Jehova kung paano tutulungan ang mga kapatid at ang mga hindi pa nakakakilala sa kaniya. Halimbawa, tinutulungan tayo ng brosyur na Mahalin ang mga Tao—Gumawa ng mga Alagad na magkaroon ng mga katangiang kailangan para maging mahusay sa ministeryo. Nahihirapan ka bang magpasimula ng pakikipag-usap sa natural na paraan? Kung oo, makinig nang mabuti sa bahagi ng mga estudyante sa midweek meeting para mapasulong mo ang kakayahang iyan.

7. Bakit mahalagang patuloy tayong makinig kay Jehova?

7 Nakikinig tayo sa pulong dahil gusto nating mabuhay magpakailanman. Gaya ng sinabi ni Jehova sa mga lingkod niya noon, nakasalalay sa pagsunod natin sa kaniya ang pagkakaroon natin ng masayang buhay ngayon at magpakailanman. (Deut. 32:​44-47) Kapag nakikinig tayo sa pulong, napapatibay tayong patuloy na magtiis habang hinihintay ang bagong sanlibutan. (Roma 8:25) At dahil nasa mga huling araw na tayo, napakahalagang makinig kay Jehova para makapanatili tayong gisíng sa espirituwal.​—Mat. 24:​42-44; Apoc. 1:3.

KUNG PAANO TUTULUNGAN ANG MGA TAGAPAKINIG NA MAGPOKUS SA PULONG

8. Bakit dapat magsikap ang mga brother na nagpapahayag na patuloy na mapahusay ang paraan nila ng pagtuturo?

8 Dapat sikapin ng mga brother na nagtuturo sa mga pulong na patuloy na mapahusay ang paraan nila ng pagtuturo. Lalo nang dapat gawin iyan ng mga nagbibigay ng pahayag pangmadla. Kapag pinaghandaang mabuti ng isang brother ang pahayag niya at siniguradong galing sa Bibliya ang mga ituturo niya, matutulungan niya ang mga di-Saksi na matuto ng mga katotohanan sa Bibliya. Malaki rin ang maitutulong niyan sa mga kapatid para makapanatili silang tapat. Kaya kung may bahagi ka, huwag maliitin ang puwedeng maging epekto nito sa mga tagapakinig. Sa susunod na mga parapo, may mga puntong makakatulong para maging mas mahusay ka sa pagpapahayag. Pangunahin nang para sa mga nagbibigay ng pahayag pangmadla ang mga puntong ito, pero makakatulong din ito sa iyo anuman ang bahagi mo sa pulong.​—2 Tim. 4:2; Tito 1:9.

9. Bakit mahalaga na madaling sundan ang pahayag mo?

9 Buoin ang pahayag mo sa paraang madaling sundan. Gusto natin na madaling maintindihan ng mga tagapakinig ang pahayag natin. Kung masyado kasing komplikado ang pahayag, baka hindi na sila makapagpokus. Ano ang puwede mong gawin para maging madaling sundan ang pahayag mo? Subukan ang mga ito: (1) Sa umpisa pa lang ng pahayag, sabihin na ang mga pangunahing punto na tatalakayin mo. (2) Isa-isang talakayin ang mga puntong iyon. Pagkatapos talakayin ang isang pangunahing punto, huminto muna sandali bago banggitin ang susunod na puntong tatalakayin mo. (3) Banggitin ulit sa dulo ng pahayag mo ang mga pangunahing punto.

10. Bakit mahalagang magustuhan mo ang paksang tatalakayin mo?

10 Maging excited sa ipapahayag mo. Kung gustong-gusto mo ang paksang tatalakayin mo, magiging masigla ka sa pagpapahayag at mararamdaman iyon ng mga tagapakinig mo. (Kaw. 2:​4, 5; Gawa 4:20) Ano ang puwede mong gawin para magustuhan mo ang mga puntong tatalakayin mo? Pag-isipan mong mabuti ang mga iyon, pati na ang mga kaugnay na teksto. Pansinin ang karanasan ng isang brother na taga-United States. Mahigit 70 taóng gulang na siya ngayon, pero naaalala pa rin niya ang isang pahayag na napakinggan niya noong teenager pa siya. Sinabi niya: “Hindi ko talaga malimutan ang pahayag na iyon. Pinatibay kami ng brother na nagpapahayag na magbulay-bulay kapag nagbabasa ng Bibliya. Malinaw niyang sinabi kung paano gagawin iyon, at naramdaman kong mahalaga talaga sa kaniya ang puntong itinuturo niya. Binago ng pahayag na iyon ang buhay ko. Ang laki ng epekto n’on hindi lang sa pagbabasa ko ng Bibliya, kundi pati na sa kaugnayan ko kay Jehova.”

11. Ano ang puwede mong gawin para makinabang ang mga tagapakinig sa pahayag mo? (1 Timoteo 4:​13-16)

11 Pag-isipan kung ano ang talagang kailangan ng mga tagapakinig mo, at magbigay ng praktikal na mga mungkahi. Gamit ang mga teksto sa Bibliya, magbigay ng espesipikong mga mungkahi at pampatibay. Halimbawa, sinabi ni apostol Pablo kay Timoteo kung ano ang mga kailangan niyang gawin para manatiling malapít kay Jehova habang ginagawa ang atas niya sa Efeso. (Basahin ang 1 Timoteo 4:​13-16.) Matutularan mo si Pablo kung pag-iisipan mo ang kailangan ng mga tagapakinig mo at tutulungan mo silang makita kung paano isasabuhay ang mga punto sa pahayag mo.

12. Bakit magandang magsalita sa natural na paraan kapag nagpapahayag?

12 Kapag nagpa-practice ka, bigkasin nang malakas ang pahayag mo para maging natural ka sa pagsasalita. Imbes na isulat nang salita-por-salita ang pahayag mo at basahin na lang iyon, sikaping magpahayag sa paraan na parang nakikipag-usap ka lang. Tutulong iyan para mas makapagpokus ang mga tagapakinig mo at maintindihan nila ang itinuturo mo. Ganito ang sabi sa brosyur na Maging Mahusay sa Pagbabasa at Pagtuturo: “Magsalita sa natural na paraan at mula sa puso. . . . Pag-isipan kung bakit kailangan ng mga tagapakinig mo ang mensahe.” Kung gagawin mo iyan, magiging buhay na buhay ang pahayag mo. Mapapanatili mo rin ang atensiyon ng mga tagapakinig mo, at mas mapapakilos silang isabuhay ang mga itinuturo mo.

13. Bakit dapat kang humingi ng payo sa mga makaranasan at mahuhusay na tagapagpahayag? (Tingnan din ang larawan.)

13 Humingi ng payo sa isang makaranasan at mahusay na tagapagpahayag. Bago ang pahayag mo, puwede mong ipakita sa kaniya ang isang kopya ng inihanda mong pahayag. Kung may mga mungkahi siya, sikaping sundin ang mga iyon. Puwede mo rin siyang pakisuyuan na pakinggan ka habang nagpa-practice para makita niya ang mga puwede mo pang mapasulong. (Kaw. 1:5) Hindi kasi natin laging napapansin ang mga dapat nating pasulungin sa sarili natin. Kaya makakatulong ang iba para masiguradong malinaw nating naitatawid ang mga punto. Gusto nating lahat na mapahusay ang paraan natin ng pagpapahayag at pagtuturo para matulungan natin ang mga tagapakinig na makinabang sa mga katotohanang nasa Bibliya.a

Isang brother na nagpa-practice ng pahayag niya sa Kingdom Hall kasama ang isang makaranasang brother. May mga isinusulat ang makaranasang brother habang nakikinig.

Humingi ng payo sa isang makaranasang tagapagpahayag para mapasulong mo ang paraan mo ng pagtuturo (Tingnan ang parapo 13)


KUNG PAANO MAS MAKAKAPAGPOKUS SA PAKIKINIG

14. Bakit dapat nating tularan ang pananaw ng manunulat ng Awit 119? (Awit 119:​24, 111, 167)

14 Mas makakapagpokus tayo sa pakikinig kung tatandaan natin na napakahalaga ng mga paalala ni Jehova. Kailangan natin ang mga paalalang iyan para makapagtiis sa mga panahong ito na “mapanganib at mahirap ang kalagayan.” (2 Tim. 3:1) Kaya kung pakiramdam mo, parang paulit-ulit na lang ang mga tinatalakay sa pulong, tularan ang pananaw ng manunulat ng Awit 119 tungkol sa mga paalala ni Jehova.​—Basahin ang Awit 119:​24, 111, 167.

15. Paano natin mapapanatili ang pagpapahalaga sa espirituwal na pagkaing natatanggap natin sa mga pulong?

15 Mahalagang patuloy nating ituring na regalo mula kay Jehova ang espirituwal na pagkaing natatanggap natin sa mga pulong. Tingnan ang nangyari sa mga Israelita noong binibigyan sila ni Jehova ng manna sa ilang. (Ex. 16:​15, 31) Noong una, masaya sila sa natatanggap nilang manna. Mula iyon kay Jehova, masarap iyon, at nanatili silang buháy dahil doon. Pero paglipas ng panahon, may mga Israelita na nagsawa na sa araw-araw na pagkain ng manna. (Bil. 21:5) Ano ang aral? Baka paulit-ulit na nating naririnig ang ilang paksa sa mga pulong. Pero huwag na huwag nating iisipin na hindi mahalaga ang mga paalalang iyon. Dapat nating tandaan na kay Jehova nagmumula ang espirituwal na pagkaing natatanggap natin sa mga pulong. Alalahanin din natin na maingat na inihahanda ng tapat at matalinong alipin ang pagkaing iyon. At huwag nating kalimutan na matutulungan tayo ng natututuhan natin sa mga pulong na makagawa ng matatalinong desisyon at maingatan ang pag-asa nating mabuhay nang walang hanggan.​—Kaw. 3:​13, 16-18; Juan 17:3.

16. Paano nakakapagpokus sa pulong ang ilang matatagal nang lingkod ni Jehova? (Tingnan din ang kahong “Mga Tip Para Makapagpokus sa Pakikinig.”)

16 Mas makakapagpokus tayo sa pakikinig kung susubukan natin ang sumusunod na mga tip. Pansinin kung ano ang nakatulong sa ilang matatagal nang lingkod ni Jehova para makapakinig silang mabuti sa pulong. Ganito ang sinabi ni Ashley, na mahigit 30 taon nang naglilingkod kay Jehova: “Mas nakakapagpokus ako sa pulong kapag nakapaghanda ako. Kapag kasi hindi, nahihirapan akong magkomento at lumilipad ang isip ko.” Sinabi naman ni József, na 52 taon nang naglilingkod kay Jehova: “Kahit pamilyar na sa akin ang isang paksa, gustong-gusto ko pa ring makinig. Lagi pa rin kasi akong may natututuhang bago tungkol doon.” Idinagdag pa niya: “Kung hindi masyadong mahusay magpahayag ang isang brother, sinisikap kong magpokus sa itinuturo niya, imbes na sa paraan ng pagpapahayag niya. Alam ko kasing nakabase sa Bibliya ang itinuturo niya at galing iyon kay Jehova.”

Mga Tip Para Makapagpokus sa Pakikinig

Nang tanungin ang ilang matatagal nang lingkod ni Jehova kung ano ang nakatulong sa kanila na makapagpokus sa pulong, ito ang mga sinabi nila:

  • “Umupo sa harap para mas makapagpokus ka sa nagpapahayag at mga video.”​—Suefawn, nabautismuhan noong 1986.

  • “Maraming beses akong nananalangin kay Jehova na tulungan akong makapagpokus. Lagi ko ring iniisip na bahagi ng pagsamba ko ang pagdalo, pakikinig, at pagkokomento sa mga pulong.”​—David, nabautismuhan noong 1983.

  • “Gawing goal na pasalamatan ang lahat ng nagkaroon ng bahagi sa pulong. Sabihin kung anong espesipikong halimbawa, punto, o ilustrasyon ang nagustuhan mo sa sinabi nila.”​—Nicolas, nabautismuhan noong 1982.

  • “Lagi kong ipinapaalala sa sarili ko na kung ipinasiya ng tapat na alipin na ulitin ang isang paksa, espirituwal na pagkain iyon sa tamang panahon.”​—Augustin, nabautismuhan noong 1988.

17. Ano ang mga puwede mong gawin para mas makapagpokus ka sa pulong? (Tingnan din ang larawan.)

17 Subukan ang mga tip na ito para mas makapagpokus ka sa pulong: (1) Kung kakain ka bago ang pulong, huwag masyadong magpakabusog para hindi ka antukin. (2) Dumating nang maaga at humanap na ng mauupuan bago magsimula ang pulong. (3) I-set ang mga gadyet mo sa silent mode, at huwag hayaang maagaw ng mga ito ang atensiyon mo sa pulong. (4) Pag-isipan ang mga puntong posibleng talakayin. (5) Manatiling nakapokus sa nagpapahayag. (6) Gumawa ng maiikling nota o simpleng mga drawing para matandaan mo ang mahahalagang punto. (7) Pag-isipan ang mga tekstong binasa at kung paano iniugnay ang mga iyon sa paksang tinatalakay. (8) Tanungin ang sarili, ‘Paano ko ito magagamit para tulungan ang isang kapatid sa kongregasyon o ang isang makakausap ko sa ministeryo?’ (9) Sa mga asamblea at kombensiyon, tingnan ang programa para makita ang tema sa bawat araw, ang pamagat ng mga pahayag, at ang mga teksto sa bawat pahayag. (10) Kapag nagsimula na ang musika o mga video presentation, maupo na at magpokus sa mga iyon para maihanda ang puso mo.

Isang brother na tinetext ang kaibigan niya sa panahon ng pag-aaral ng “Bantayan” sa pulong.

Huwag hayaang maagaw ng gadyet mo ang atensiyon mo sa pulong (Tingnan ang parapo 17)


PATULOY NA MAKINIG KAY JEHOVA

18. Bakit dapat tayong patuloy na makinig sa mga pulong?

18 Dapat tayong patuloy na makinig sa mga pulong. Kapag ginawa natin iyan, hinahayaan natin si Jehova na akayin tayo sa “matuwid na mga landas.” (Awit 23:3; 31:3) Kailangan natin ang mga payo niya para hindi tayo maanod palayo gaya ng isang bangkang tinatangay ng hangin. Kaya ‘bigyang-pansin kung paano ka nakikinig,’ at isabuhay ang napapakinggan mo sa mga pulong. (Luc. 8:18) Kung gagawin mo iyan, magiging masaya ka ngayon at magkakaroon ka ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa hinaharap.​—Awit 119:​2, 14.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Bakit dapat tayong makinig sa mga pulong?

  • Paano matutulungan ng mga nagpapahayag ang mga tagapakinig nila na makapagpokus?

  • Ano ang mga puwede mong gawin para mas makapagpokus ka sa pakikinig?

AWIT BLG. 87 Halikayo at Guminhawa!

a Para sa iba pang mungkahi kung paano mo mapapahusay ang paraan mo ng pagpapahayag at pagtuturo, tingnan ang brosyur na Maging Mahusay sa Pagbabasa at Pagtuturo at ang aklat na Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2026)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2026 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share