AGOSTO 24-30, 2026
AWIT BLG. 65 Sulong Na!
Makinabang sa Pagiging Bahagi ng Grupo sa Paglilingkod sa Larangan
“Pupurihin ko si Jehova nang buong puso ko sa pagtitipon ng mga matuwid.”—AWIT 111:1.
MATUTUTUHAN
Kung paano tayo nakikinabang sa pagiging bahagi ng grupo sa paglilingkod sa larangan.
1-2. Ano ang nararamdaman ng marami sa pagkakaroon ng mga grupo sa paglilingkod sa larangan?
NAAALALA mo pa ba nang maaprobahan kang maging mamamahayag ng mabuting balita? Siguradong napakasaya mo noon! Nang araw na iyon, naging bahagi ka ng malaking grupo ng mananamba ni Jehova na pumupuri sa kaniya. (Awit 148:1, 2, 12, 13) Pero baka naging bahagi ka rin ng isang mas maliit na grupo—ang grupo mo sa paglilingkod sa larangan. Napakahalaga ng mga grupo sa paglilingkod sa larangan para magampanan natin ang atas nating ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian “sa buong lupa.”—Mat. 24:14.
2 Ano ang nararamdaman mo sa pagkakaroon ng mga grupo sa paglilingkod sa larangan? Sinabi ng sister na si Wendya: “Nahasa ko ang kakayahan ko sa ministeryo dahil sa kaayusang ito. Natuto ako ng iba’t ibang paraan ng pangangaral at pagtuturo, napakilos akong umabot ng mga goal, at nagkaroon ako ng tunay na mga kaibigan.” Sinabi naman ng brother na si Rich: “Para sa akin, napakalaking pribilehiyo ng pagiging tagapangasiwa ng grupo. Kung y’ong ilang kapatid, natutulungan nila ang isang tao na sumulong tungo sa bautismo, y’ong tagapangasiwa naman ng grupo, natutulungan niya ang taong iyon na sumulong sa espirituwal pagkatapos ng bautismo nito.” Ganito naman ang sinabi ni Dinah: “Gustong-gusto ko ang kaayusan na magkaroon ng grupo. Para ko na silang pamilya.”
3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Sa artikulong ito, pag-uusapan natin kung ano ang mga pananagutan ng tagapangasiwa ng grupo at ng assistant niya at kung paano nila pinangangalagaan ang grupo nila. Tatalakayin din natin kung paano tayo makakatulong sa grupo natin sa paglilingkod. Panghuli, aalamin natin kung paano tayo makikinabang sa kaayusang ito.
ANG TAGAPANGASIWA NG GRUPO AT ANG ASSISTANT NIYA
4. (a) Ano ang pangunahing pananagutan ng tagapangasiwa ng grupo? (b) Paano pinangangalagaan ng tagapangasiwa ng grupo ang mga kagrupo niya? (Tingnan ang kahong “Mga Tip Para sa Tagapangasiwa ng Grupo.”)
4 Ang tagapangasiwa ng grupo ay isang elderb na inatasan ng lupon ng matatanda. Ang pangunahing pananagutan niya ay tulungan ang mga kagrupo niya na maging mas malapít kay Jehova at humusay sa ministeryo. Paano niya ginagawa iyan? Una, nagpapakita siya ng personal na interes sa bawat kagrupo niya. (Kaw. 27:23) Bilang mapagmalasakit na pastol, kilala niya ang bawat isa sa kanila. Lagi niya rin silang kinukumusta. Dahil dito, natutulungan niya silang manatiling malapít kay Jehova, napapatibay niya sila kapag may problema, at nakakapagbigay siya ng praktikal na tulong. (Kaw. 12:25; Isa. 32:2; Sant. 2:15-17) Ikalawa, tinutulungan niya ang bawat mamamahayag na maging regular sa ministeryo. Lagi siyang nangunguna sa ministeryo, lalo na kapag weekend. Regular niya ring sinasamahan sa paglilingkod ang bawat mamamahayag para mapatibay sila at masanay. At sa bibihirang pagkakataon na hindi siya makakalabas, sinisigurado niyang may mangunguna sa grupo niya—ang assistant niya o iba pang kuwalipikadong kapatid. Ikatlo, sinasanay niya ang bautisadong mga brother para maging kuwalipikado sila sa pagganap ng mga atas. (1 Tim. 3:1) Nagbibigay siya sa kanila ng taimtim na komendasyon at payo mula sa Bibliya, at regular niya silang sinasanay para maging kuwalipikado sila bilang ministeryal na lingkod o elder. Dahil mabigat ang pananagutan ng tagapangasiwa ng grupo, inaatasan ng lupon ng matatanda ang pinakakuwalipikadong mga elder para dito.
5. Anong mga hamon ang napapaharap sa mga tagapangasiwa ng grupo?
5 Habang ginagampanan ng tagapangasiwa ng grupo ang atas niya, posibleng mahirapan siya. Halimbawa, si Jörg, na isang tagapangasiwa ng grupo sa Germany, ay may higit sa isang atas sa kongregasyon, gaya ng ibang mga elder. Sinabi niya: “Mahirap kapag marami kang atas sa kongregasyon. Dahil diyan, nahihirapan akong makumusta ang mga kagrupo ko gaya ng gusto ko sanang gawin.” Sinabi naman ni Abel, isang 70-anyos na elder sa Uganda: “Konti lang ang elder at ministeryal na lingkod sa kongregasyon namin. Kaya malalaki ang grupo sa paglilingkod. Dahil diyan, kahit gusto ko sanang madalas na mapastulan ang bawat kagrupo ko, nahihirapan akong gawin iyon.” Inamin din ni Obed, isang elder sa Suriname: “Gustong-gusto kong sanayin ang iba. Pero kailangan doon ng panahon, at nakakapagod din iyon. Minsan, hindi mo rin agad makita ang resulta ng pagsisikap mo. Kaya madalas, napapabayaan kong gawin ito.” Ano ang makakatulong sa mga elder na ganito rin ang sitwasyon?
6. Bakit makakabuting panatilihing maliit ang mga grupo?
6 Kung posible, makakabuting panatilihing maliit ang mga grupo para hindi mahirapan ang tagapangasiwa na maging malapít sa bawat kagrupo niya at para mas matulungan niya sila sa espirituwal. Pero paano kung kaunti lang ang mga elder sa kongregasyon? Makakabuti kung pansamantalang mag-aatas ng ministeryal na lingkod na mangunguna sa isang grupo. Kapag kasi malalaki ang grupo, mahihirapan ang tagapangasiwa ng grupo na magampanan ang lahat ng atas niya. Pero kung maliliit lang ang grupo, mas magagawa ng tagapangasiwa nito ang pinakamahalagang atas niya—ang alagaan ang mga kapatid.
7. Kapag kaunti ang mga elder, ano ang magagawa ng mga tagapangasiwa ng grupo para masiguradong maaalagaan pa rin ang bawat kagrupo nila? (1 Pedro 5:2) (Tingnan din ang larawan.)
7 Kung isa kang tagapangasiwa ng grupo sa isang kongregasyon na kakaunti lang ang elder, magpokus sa pagsasanay sa assistant mo na alagaan ang kawan ng Diyos. (Basahin ang 1 Pedro 5:2.) Bigyan siya ng mga atas. Halimbawa, paminsan-minsan, siya ang pakisuyuan mong manguna sa paglilingkod sa larangan. Ipanalangin din ninyo at pag-usapan kung paano ninyo matutulungan ang bawat kagrupo ninyo na humusay sa ministeryo at manatiling malapít kay Jehova. Regular na isama ang assistant mo kapag nagse-shepherding ka. Bago dumalaw, pag-usapan ang pampatibay na puwede ninyong ibigay. Pagkatapos ng dalaw ninyo, komendahan siya sa magagandang nagawa niya at sabihin din ang mga puwede pa niyang pasulungin. Darating ang panahon at puwede na rin siyang maging tagapangasiwa ng grupo. (2 Tim. 2:2) Makakatulong din sa pagsasanay ang iba pang may-gulang na mga Kristiyano. Halimbawa, puwede mong pakisuyuan ang mga payunir o iba pang makaranasang kapatid na samahan sa ministeryo ang mga baguhan. Matutulungan nila ang mga ito na magpasimula ng pakikipag-usap, dumalaw muli, o mag-Bible study. Pag-usapan naman natin ngayon ang tatlong paraan kung paano makakatulong ang bawat isa sa atin sa mga grupong kinabibilangan natin.
Bilang pagsasanay, puwedeng pakisuyuan ng elder ang ministeryal na lingkod na kagrupo niya na manguna sa pulong sa paglilingkod (Tingnan ang parapo 7)
MAY MAITUTULONG KA SA GRUPO MO
8. Paano tayo makakatulong sa grupo natin? (Roma 1:12)
8 Laging sumama sa grupo mo sa pangangaral. ‘Makakapagpatibayan’ kayong magkakapatid kung mangangaral kayong magkakasama. (Basahin ang Roma 1:12.) Kapag may kasama ka sa ministeryo, mas ligtas iyon at nakakabawas din ng kaba. Kung madalas na hindi ka nakakasama sa grupo mo dahil sa trabaho, puwede mo kayang hilingin sa boss mo na mai-adjust ang iskedyul mo? Baka magulat ka na puwede pala iyon. (Neh. 2:4-6) Kung nahihirapan kang makasama sa grupo dahil may sakit ka o nagkakaedad na, sabihin ito sa tagapangasiwa ng grupo mo. Puwede siyang gumawa ng kaayusan para makasama mo ang grupo sa paglilingkod kahit online. Puwede kayong mag-letter writing o mag-phone witnessing nang sama-sama. Bata ka ba at malusog pero hindi pa rin regular na nakakalabas sa larangan? Kung oo, puwede kang humanap linggo-linggo ng isang kagrupo mo na sasama sa iyo sa paglilingkod. Baka kailangan mo ring pag-isipan ang mga priyoridad mo at ang paggamit mo ng panahon. (Roma 12:11; Col. 4:5) Siguradong sulit ang bawat pagsisikap mo. Manalangin kay Jehova. Mabibigyan ka niya ng “pagnanais at lakas para kumilos.”—Fil. 2:13.
9. Paano natin maipaparamdam sa mga kagrupo natin na mahal natin sila? (Roma 12:13)
9 Maging mapagpatuloy. Maipaparamdam natin sa mga kagrupo natin na mahal natin sila kung ‘magiging mapagpatuloy’ tayo. (Basahin ang Roma 12:13.) Puwede ba nating ialok ang bahay natin para maging tagpuan ng grupo? Sa ilang kongregasyon, nag-iikutan ang mga grupo sa pagpapakain sa naimbitahang tagapagsalita. Pero kahit hindi posibleng makasama ang naimbitahang tagapagsalita, pinipili ng ilang grupo na kumain pa ring magkakasama at magpatibayan. Sinabi ng special pioneer na si Sarah: “Nai-stress ako sa mga gagawin kapag nag-iimbita ako sa bahay, kaya pinapasimple ko na lang ang paghahanda. Nagpopokus ako sa pagkilala sa mga naimbitahan ko imbes na sa paghahanda ng sobra-sobrang pagkain.” Kapag gumagawa tayo ng paraan para maiparamdam sa grupo natin na mahal natin sila gaya ng sarili nating pamilya, mapapalapit tayo kay Jehova at sa isa’t isa.—Neh. 8:10; Gawa 20:35.
10. Ano ang puwede nating gawin kung gusto nating humusay sa ministeryo? (Kawikaan 1:5; 27:17) (Tingnan din ang larawan.)
10 Lumapit sa iba para matulungan kang maging mas mahusay sa ministeryo. Habang mas humuhusay tayo sa pangangaral at pagtuturo, malamang na magiging mas masaya tayo sa paglilingkod kasama ng grupo. May gusto ka bang pasulungin sa paraan ng pangangaral at pagtuturo mo? Bakit hindi lumapit sa iba—halimbawa, sa isang payunir o makaranasang kapatid sa grupo mo—para matulungan ka nila? (Basahin ang Kawikaan 1:5; 27:17.) Ipaalam sa tagapangasiwa ng grupo ang tunguhin mo. Baka may maitulong siya sa iyo. Puwede ka ring humingi ng tulong sa ibang kagrupo mo. Iyan ang ginawa ng mahiyaing sister na si Heather. Sinabi niya: “Nagpasama ako sa isang payunir sa pagdalaw-muli. Napakabait niya, at lagi niya akong sinasamahan sa paglilingkod. Natulungan niya pa nga akong maging Bible study ang isa sa mga dinalaw naming muli. Buti na lang humingi ako ng tulong sa kaniya, kasi masayang-masaya na ulit ako sa ministeryo ngayon.” Talagang may maitutulong ang bawat isa sa atin sa grupo natin.
Dahil maliit lang ang mga grupo, mas nakikilala natin ang mga kagrupo natin at mas nakakasama natin sila sa ministeryo (Tingnan ang parapo 10)
MGA PAKINABANG NG PAGIGING BAHAGI NG ISANG GRUPO
11-12. Paano tayo nakakapanatiling malapít kay Jehova dahil bahagi tayo ng isang grupo? Maglahad ng karanasan.
11 Nakakapanatili tayong malapít kay Jehova. Natutulungan tayong lahat ng pagiging bahagi ng isang grupo para manatiling malapít kay Jehova. Halimbawa, nakakatanggap ng napapanahong pampatibay mula sa tagapangasiwa ng grupo ang mga mahal na mahal ni Jehova na mga biyuda, ulila, at may-edad. (1 Tes. 2:8; Sant. 1:27) Nabibigyan din tayo ng pagsasanay para maging mas mahusay sa iba’t ibang paraan ng pangangaral at pagtuturo. At natutulungan ang huwarang bautisadong mga brother na maging kuwalipikado sa mga atas sa kongregasyon.—1 Tim. 3:10.
12 Tingnan kung paano nakinabang si Wendy, na nabanggit kanina. Ikinuwento niya: “Dahil kontra sa paniniwala namin ang tatay ko, madalas, hindi makasama si Nanay sa paglabas ng grupo sa weekend. Pero ako, pinapayagan ni Tatay. May isang may-edad na payunir na sister na naging kaibigan ko at lagi kong nakakasama sa paglilingkod. Tinulungan niya akong maging mas mahusay sa ministeryo at mas makapaglingkod sa kongregasyon. Naaalala ko rin y’ong mga pagkakataong binigyan ako ng magagandang payo sa Bibliya ng tagapangasiwa ng grupo namin, at nagagamit ko pa rin ang mga iyon hanggang ngayon.”
13. Ano pa ang isang pakinabang ng pagiging bahagi ng grupo sa paglilingkod? (Tingnan din ang larawan.)
13 Nagkakaroon tayo ng malalapít na kaibigan. Nagiging malapít nating kaibigan ang mga kagrupo natin dahil ‘nagtutulungan’ tayo sa ministeryo. (Fil. 1:27) At dahil maliit lang ang mga grupo sa paglilingkod, mas madali ring makahanap ng kaibigan ang mga mahiyain at tahimik. (2 Cor. 6:13) Makakaasa tayo sa suporta ng mga kaibigan natin sa mahihirap na panahon, halimbawa, kapag nagkasakit tayo, nadedepres, o namatayan. (1 Tes. 5:14) Sa hinaharap, mas kakailanganin natin sila. (Mat. 24:21) Hindi man mawala ang mga problema natin, mas makakaya nating harapin ang mga ito dahil may mga kaibigan tayong nagmamahal at sumusuporta sa atin.—Kaw. 17:17.
Dalawang sister na magkagrupo ang naglilingkod nang magkasama (Tingnan ang parapo 13)
14. Paano tayo natutulungan ng grupo natin kapag may sakuna o emergency?
14 Nakakatanggap tayo ng tulong sa panahon ng sakuna o emergency. Nakakatanggap tayo ng praktikal na tulong mula sa grupo natin sa paglilingkod kapag may epidemya, likas na sakuna, medical emergency, pag-uusig, o kapag bumagsak ang ekonomiya. Sa ganitong mga sitwasyon, handang tumulong ang tagapangasiwa ng grupo. Halimbawa, kapag may sakuna, kokontakin niya ang bawat pamilya sa grupo niya at aalamin kung ano ang kailangan nila, gaya ng gamot, pagkain, tubig, tirahan, at damit. Sa gayon, mabibigyan agad sila ng tulong. Isa pa, sasabihin niya rin sa Komite sa Paglilingkod kung sino ang mga kapatid na nangangailangan ng higit pang tulong at magkakasama silang gagawa ng paraan para mailaan ito. Talagang handang tumulong sa atin ang grupo natin!
15. Sa anong gawain nagkakaisa ang organisasyon ni Jehova?
15 Gaya ng nabanggit na, napakalaki ng organisasyon ni Jehova. Ang makalangit na bahagi pa lang nito ay binubuo na ng daan-daang milyong tapat na mga anghel, o baka bilyon-bilyon pa nga. Ang makalupang bahagi naman ay mahigit siyam na milyon na ngayon at patuloy pang dumarami. (Zac. 8:23; Apoc. 5:11) Nagkakaisa ang lahat ng mananamba ni Jehova sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian! (Apoc. 14:6, 7) Kaya lubusan din sana nating suportahan ang grupo natin sa paglilingkod, na tumutulong sa atin na purihin si Jehova nang buong puso.—Awit 111:1.
AWIT BLG. 61 Sulong, mga Saksi!
a Binago ang ilang pangalan.
b Kung kailangan, puwedeng atasan ang isang may-kakayahang ministeryal na lingkod hanggang sa magkaroon na ng karagdagang elder. Ang ministeryal na lingkod na ito ay tinatawag na lingkod ng grupo, dahil hindi siya tagapangasiwa sa kongregasyon. Gagampanan niya ang atas niya sa ilalim ng pangangasiwa ng mga elder.