Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w26 Marso p. 20-25
  • Magpakita ng Kaunawaan Para Makagawa ng Tamang Desisyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magpakita ng Kaunawaan Para Makagawa ng Tamang Desisyon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • MAGING MAPAGPAKUMBABA IMBES NA MAPAGMATAAS
  • MANATILING KALMADO IMBES NA MAGALIT
  • MAGTIWALA KAY JEHOVA IMBES NA MATAKOT
  • PATULOY NA MAGPAKITA NG KAUNAWAAN
  • Ipinakilala ng Isang Matapang na Bata ang Diyos Niya
    Lakas-Loob na Lumakad Kasama ng Diyos
  • Ang Mandirigma at ang Batang Babae
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
  • Nagpakababa ang Isang Taong Hambog
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Gusto Niyang Makatulong
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
w26 Marso p. 20-25

MAYO 25-31, 2026

AWIT BLG. 135 “Magpakarunong Ka, Anak Ko”

Magpakita ng Kaunawaan Para Makagawa ng Tamang Desisyon

“Ang gumagamit ng unawa sa pagtingin sa isang bagay ay magtatagumpay.”​—KAW. 16:20.

MATUTUTUHAN

Kung paano makakatulong ang kaunawaan kapag nasa mahirap na sitwasyon tayo.

1-2. Ano ang kaunawaan, at paano ito makakatulong sa atin?

NARAMDAMAN mo na bang hindi ka pinakitunguhan nang may respeto ng iba? Nahusgahan ka na ba ng iba o hindi sila naging patas sa iyo? O nakaranas ka na ba ng sitwasyon kung saan talagang nag-alala o natakot ka? Kung oo, baka nahirapan kang gawin ang tama. Ayon sa Bibliya, may isang katangian na makakatulong para maharap natin ang mga sitwasyong iyan: kaunawaan.

2 Ang kaunawaan ay ang kakayahang makita kung bakit nangyayari ang isang sitwasyon o ang mga bagay na hindi agad halata. Tutulong iyan para malaman natin kung bakit ginawa ng isang tao ang isang bagay. Dahil sa kaunawaan, makakagawa tayo ng tamang desisyon. Halimbawa, makakatulong ang kaunawaan para maging maingat tayo sa sasabihin natin at para malaman kung kailan makakabuting manahimik. (Awit 4:4; Kaw. 10:19) Tutulong din iyan para hindi tayo magalit agad at para mapatawad natin ang iba. Magiging mas madali rin para sa atin na tumanggap ng payo at pagtutuwid mula sa iba. (Kaw. 19:20) Mapapasaya natin si Jehova kapag nagpapakita tayo ng kaunawaan, at makikinabang din tayo at ang mga kasama natin. Mas kailangan natin iyan kapag nagagalit tayo at posibleng maging di-maganda ang gawin natin sa sitwasyon natin. Pag-usapan natin ngayon ang tatlong karakter sa Bibliya na nagpakita ng kaunawaan. Tingnan natin kung paano natin sila matutularan para manatili tayong mapagpakumbaba, kalmado, at nagtitiwala kay Jehova.

MAGING MAPAGPAKUMBABA IMBES NA MAPAGMATAAS

3. Sino si Naaman?

3 Kailangan nating iwasang maging mapagmataas para makagawa ng tamang desisyon. (1 Ped. 5:5) At matutulungan tayo ng kaunawaan para magawa iyan. Paano? Tingnan natin ang halimbawa ni Naaman. Nakatira siya sa Sirya, isang bansa sa hilaga ng Israel. Kilalang tao si Naaman kasi siya ang pinuno ng hukbo ng hari. Pero may ketong siya, isang malalang sakit sa balat.​—2 Hari 5:1.

4. Paano nagpakita si Naaman ng kapakumbabaan?

4 May alipin ang asawa ni Naaman na isang Israelitang batang babae. Sinabi nito sa asawa ni Naaman na may propeta sa Israel na makakapagpagaling sa asawa niya. (2 Hari 5:​2, 3) Puwede sanang maisip ni Naaman, ‘Batang babae lang iyan, at galing pa siya sa kalabang bansa natin. May maitutulong ba talaga siya sa akin?’ Pero nagpakita ng kapakumbabaan si Naaman. Imbes na bale-walain ang sinabi ng bata, pinakinggan niya ito. Humingi siya ng permiso mula sa hari ng Sirya na pumunta sa Israel para mapagaling ang sakit niya.​—2 Hari 5:​4, 5.

5. Ano ang nangyari nang makarating si Naaman sa Israel?

5 Pumunta si Naaman kay Haring Jehoram ng Israel, at umaasa siyang mapapagaling siya sa sakit niya. Pero inisip ni Jehoram na naghahanap lang ng away ang hari ng Sirya. Nang mabalitaan ito ng propetang si Eliseo, sinabi niya kay Jehoram na papuntahin si Naaman sa kaniya. (2 Hari 5:​6-9) Pero hindi inaasahan ni Naaman ang sumunod na nangyari. Hindi man lang lumabas si Eliseo ng bahay niya para kausapin si Naaman. Nagpadala lang ng mensahero ang propeta para sabihin kay Naaman kung ano ang kailangan nitong gawin para gumaling.​—2 Hari 5:10.

6. (a) Ano ang posibleng dahilan kung bakit hindi nakinig si Naaman noong una sa sinabi sa kaniya ng mensahero? (b) Paano nagpakita ng kaunawaan ang mga lingkod ni Naaman, at ano ang naging resulta nito? (2 Hari 5:​13, 14)

6 Noong una, hindi nakinig si Naaman sa mga sinabi ng mensahero. Sinabi ng ulat na “umalis siyang galit na galit.” (2 Hari 5:​11, 12) Bakit? Posibleng naramdaman niya na hindi siya binigyan ng respeto na nararapat sa isang pinuno ng hukbo. Baka naramdaman din ni Naaman na minaliit ni Eliseo ang Sirya. Kaya naisip ni Naaman na umuwi na lang kahit hindi pa siya napapagaling. Pero nagpakita ng kaunawaan ang mga lingkod niya—nakiusap sila sa kaniya na makinig sa sinabi ng mensahero. Mabuti na lang, hindi na naging mapagmataas si Naaman. Sinunod niya ang mga pinagawa sa kaniya ni Eliseo. Dahil diyan, nawala ang ketong niya.​—Basahin ang 2 Hari 5:​13, 14.

7. Ano ang matututuhan natin kay Naaman? (Kawikaan 22:4) (Tingnan din ang mga larawan.)

7 Aral: Maipapakita natin ang kaunawaan kung mag-iisip muna tayo nang mabuti at aalamin ang mga bagay na hindi agad nahahalata bago magdesisyon. Maipapakita rin natin ang kaunawaan kung hindi tayo magpapadala sa emosyon natin kapag may gagawin tayo. Tutulong din ang kaunawaan para maging mapagpakumbaba tayo. Dahil diyan, aaminin natin na hindi natin alam ang lahat at na kailangan natin ang tulong ng iba, lalo na ang tulong ni Jehova. Paano nagpakita ng kaunawaan si Naaman? Kahit hindi pa siya mananamba ni Jehova, naging mapagpakumbaba siya. Nakinig siya sa mga sinabi ng Israelitang batang babae na alipin ng asawa niya, pati na sa mga sinabi ng mga lingkod niya. Pero ang pinakamahalaga, nakinig siya sa sinabi ni Eliseo, na kinatawan ni Jehova. Ginawa niya iyon kahit hindi niya nagustuhan ang naging pakikitungo nito sa kaniya. Dahil diyan, nakagawa siya ng tamang desisyon at gumaling siya. Paano natin matutularan si Naaman? Kapag hindi natin nagustuhan ang isang payo na base sa Bibliya o kapag hindi natin maintindihan ang isang tagubilin mula sa organisasyon, pag-isipan muna nating mabuti ang mga sasabihin natin o gagawin. Makikita sa magiging reaksiyon natin kung ma-pride tayo o mapagpakumbaba.​—Basahin ang Kawikaan 22:4.

Collage: Isang brother na nagpapakita ng kaunawaan. Nakikinig siya sa iba. 1. Nakikinig siya sa isang mas batang brother na nagpapayo sa kaniya gamit ang brosyur na “Maging Mahusay sa Pagbabasa at Pagtuturo.” 2. Nakikinig siya sa isang may-edad na sister na may ipinapakipag-usap sa kaniya tungkol sa kaayusan ng kongregasyon nila sa cart witnessing. 3. Pinapakinggan niya ang isang pahayag sa JW Broadcasting gamit ang tablet niya.

Gaya ni Naaman, maipapakita natin ang kapakumbabaan kung makikinig tayo sa payo, kung papakinggan natin ang sinasabi ng iba, at kung susunod tayo sa mga tagubilin ng organisasyon ni Jehova (Tingnan ang parapo 7)


MANATILING KALMADO IMBES NA MAGALIT

8. Kailan tayo posibleng mahirapan na manatiling kalmado?

8 Minsan, posible tayong mainis o magalit dahil sa isang bagay o sitwasyon. Makakatulong sa atin ang kaunawaan para manatiling kalmado. Hindi laging madaling gawin iyan, lalo na kung talagang hindi naging mabait o patas ang iba sa atin. (Efe. 4:26 at study note na “napoot”) Tingnan natin kung paano nagpakita sina David at Abigail ng kaunawaan noong mapaharap sila sa ganiyang sitwasyon.

9. Paano nakitungo si Nabal kay David?

9 Pag-isipan ang nangyari noong tumatakas si David at ang mga lingkod niya mula kay Saul at nakatira sila sa ilang ng Paran. (1 Sam. 25:1) Habang nandoon sila, pinrotektahan nila ang mga pastol at kawan ni Nabal, isang napakayamang lalaki. (1 Sam. 25:​15, 16) Noong panahon na ng paggugupit ng balahibo ng mga tupa, nagpadala si David ng mga mensahero kay Nabal. Mapagpakumbaba silang humingi ng anumang pagkain at tubig na maibibigay niya. (1 Sam. 25:​6-8) Pero wala man lang kahit kaunting pagpapahalaga si Nabal sa lahat ng ginawa ni David at ng mga lingkod nito. Napakawalang-galang niya sa kanila, at ininsulto pa nga niya sila.​—1 Sam. 25:​10, 11.

10. Paano nagpakita ng kaunawaan sina David at Abigail? (1 Samuel 25:​32, 33) (Tingnan din ang larawan.)

10 Ano ang mararamdaman mo kung ikaw ang nasa sitwasyon ni David? Maiintindihan natin kung bakit sobra siyang nagalit. Ang totoo, gusto pa nga niyang patayin si Nabal! (1 Sam. 25:​13, 21, 22) Papunta na nga siya para gawin iyon. Pero sinalubong siya ni Abigail, ang asawa ni Nabal. Dahil sa kaunawaan, nakita ni Abigail na mabuting tao si David kahit ganoon ang naging reaksiyon nito. Kinausap niya ito sa mabait na paraan para mawala ang galit nito. Binigyan niya rin ito ng napakaraming regalo at pinayuhan sa magalang na paraan. (1 Sam. 25:​18, 23-31) Nagpakita naman si David ng kaunawaan nang makinig siya sa sinabi ni Abigail. Nakita niya na kaayon ng kaisipan ni Jehova ang sinabi nito. Dahil diyan, naging kalmado si David at naiwasan niyang makagawa ng malubhang pagkakasala.​—Basahin ang 1 Samuel 25:​32, 33.

Si David na nakikinig kay Abigail habang nakaluhod ito at nakikiusap sa kaniya. Nasa malapit ang mga tauhan ni David at nakatingin sa kanila. Nasa may likuran ni Abigail ang mga lingkod niya, na maraming dalang regalo.

Naiwasan nina David at Abigail ang isang trahedya dahil nagpakita sila ng kaunawaan (Tingnan ang parapo 10)


11. Paano makakatulong sa atin ang kaunawaan kapag nagagalit tayo? (Kawikaan 19:11)

11 Aral: Makakatulong ang kaunawaan para manatili tayong kalmado kahit may dahilan tayo para magalit. Tutulungan tayo niyan na isipin muna ang magiging epekto ng mga sasabihin at gagawin natin. (Basahin ang Kawikaan 19:11.) Nang ipaalala ni Abigail kay David ang kaisipan ni Jehova, nawala ang galit nito. Kung may nangyaring bagay na naging dahilan para magalit ka, huwag magpakontrol sa galit mo. (Sant. 1:19) Manalangin kay Jehova at alamin ang pananaw niya sa sitwasyon mo. Tutulong iyan para manatili kang kalmado.

12. Paano makakatulong ang iba para magkaroon tayo ng kaunawaan at makapanatiling kalmado?

12 Ginamit ni Jehova si Abigail para tulungan si David na maintindihan ang buong sitwasyon. Puwede Niya ring gamitin ang mga kapatid para tulungan tayong magkaroon ng kaunawaan. Kaya kapag naiinis tayo o nagagalit, makipag-usap muna sa isang mature na Kristiyanong tutulong sa iyo na maintindihan ang buong sitwasyon. (Kaw. 12:15; 20:18) Paano naman kung may kaibigan kang naiinis o nagagalit sa sitwasyon niya? Puwede mong tularan si Abigail. Tulungan ang kaibigan mo na makita ang kaisipan ni Jehova. Siguradong pagpapalain ni Jehova ang pagsisikap mong tulungan ang iba na magkaroon ng kaunawaan at manatiling kalmado.

MAGTIWALA KAY JEHOVA IMBES NA MATAKOT

13. Paano makakatulong ang kaunawaan para hindi tayo madaig ng takot?

13 May mga sitwasyon na talagang matatakot tayo. Pero makakatulong ang kaunawaan para makita nating mas makapangyarihan si Jehova sa sinumang tao o anumang bagay. Kaya hindi tayo madadaig ng takot. (Awit 27:1) Makakapagtiwala tayo na tutulungan tayo ni Jehova kahit pakiramdam natin, wala nang solusyon sa problema natin. Makikita natin iyan sa nangyari sa propetang si Jonas. Mahal na mahal niya si Jehova, pero natakot pa rin siya nang bigyan siya ng mahirap na atas.

14. Ano ang posibleng dahilan kung bakit natakot si Jonas sa atas na ibinigay ni Jehova sa kaniya?

14 Napakahirap ng atas na ibinigay ni Jehova kay Jonas. Kailangan niyang pumunta sa Nineve, isang lunsod sa Asirya, at ihayag ang mensahe ng paghatol ng Diyos sa mga nakatira doon. (Jon. 1:​1, 2) Ano ang mararamdaman mo kung ikaw ang nakatanggap ng atas na iyon? Pag-isipan ito: Mga isang buwan na paglalakad ang gagawin ni Jonas mula Israel papunta sa Nineve. Kilala rin ang mga Asiryano sa pagiging marahas. Tinawag pa nga ang Nineve na “lunsod na mamamatay-tao”! (Na. 3:​1, 7) Kaya imbes na tanggapin ni Jonas ang atas na iyon, tumakas siya.​—Jon. 1:3.

15. Ano ang nakatulong kay Jonas na mas magtiwala kay Jehova? (Jonas 2:​6-9)

15 Sumakay si Jonas sa isang barko palayo sa Nineve. Pero nang ihagis siya sa dagat, makahimala siyang iniligtas ni Jehova. Dahil diyan, nakita ni Jonas ang kamangha-manghang kapangyarihan ni Jehova. (Jon. 1:​15, 17) Nakita niya na hindi niya kailangang matakot sa atas niya sa Nineve kasi kaya siyang protektahan ni Jehova sa anumang kapahamakan. (Basahin ang Jonas 2:​6-9.) Kaya nang bigyan ulit ng pagkakataon ni Jehova si Jonas na gawin ang atas niya, tinanggap niya ito. Pumunta siya sa Nineve, at naging matagumpay siya sa atas niya.​—Jon. 3:5.

16. Paano makakatulong ang kaunawaan kapag natatakot tayo? (Kawikaan 29:25) (Tingnan din ang mga larawan.)

16 Aral: Ayaw nating may anumang bagay na makapigil sa pagsamba natin kay Jehova, lalo na ang pagkatakot sa tao. (Basahin ang Kawikaan 29:25.) Nakita natin iyan kay Jonas. Nakatulong sa kaniya ang kaunawaan para makapagpokus siya sa pagtulong ni Jehova, hindi sa mga hamong mararanasan niya sa atas niya. Paano natin maipapakita ang kaunawaan, gaya ni Jonas? Para hindi tayo madaig ng takot, huwag magpokus sa mga hamon na mararanasan natin. Alalahanin natin kung paano tayo tinulungan at pinrotektahan ni Jehova noon. Puwede rin nating pag-isipang mabuti ang halimbawa ng mga kapatid natin na nakapagpakita ng lakas ng loob at nakayanan ang mahihirap na atas dahil umasa sila kay Jehova.a (Heb. 13:6) Kung patuloy tayong magtitiwala kay Jehova, matutulungan din natin ang iba na makapagpakita rin ng kaunawaan.

Collage: 1. Si propeta Jonas na naglalakad papunta sa lunsod ng Nineve. 2. Isang kabataang brother na naglalakad sa hallway ng school nila. Maraming bagay dito na ayaw ni Jehova. Maraming flag na rainbow sa buong hallway. Binu-bully ng isang estudyanteng lalaki ang isa pang estudyante.

Gaya ni Jonas, matutulungan tayo ng kaunawaan na sundin ang patnubay ni Jehova at hindi matakot anuman ang sitwasyon (Tingnan ang parapo 16)


PATULOY NA MAGPAKITA NG KAUNAWAAN

17. Paano tayo magkakaroon ng higit na kaunawaan?

17 Gaya ng natutuhan natin, makakatulong ang kaunawaan para makagawa tayo ng tamang desisyon kapag nasa mahihirap na sitwasyon. Paano tayo magkakaroon ng higit na kaunawaan? Si Jehova ang Pinagmumulan ng kaunawaan, at binibigyan niya tayo nito sa pamamagitan ng Bibliya at ng banal na espiritu. (Neh. 9:20; Awit 32:8) Pinapayuhan niya tayo para makagawa tayo ng matatalinong desisyon at makontrol natin ang mga emosyon natin. (Awit 119:​97-101) Kaya magkakaroon tayo ng kaunawaan kung pag-iisipan nating mabuti ang mga sinasabi ng Bibliya at kung hihingi tayo ng banal na espiritu sa panalangin. Makakatulong iyan para makita natin ang buong sitwasyon, kasama na ang mga bagay na hindi agad halata. Dahil sa kaunawaan, malalaman natin ang dapat nating sabihin at gawin kaayon ng kaisipan ni Jehova.​—Kaw. 21:​11, tlb.

18. Ano ang determinado mong gawin?

18 Patuloy sana nating pahalagahan ang kaunawaan mula kay Jehova para makapanatili tayo sa “daan ng kaunawaan.” (Kaw. 21:16; Awit 14:2) At maging determinado sana tayong magpakita ng kaunawaan sa lahat ng pagkakataon. Kung gagawin natin iyan, magtatagumpay tayo at mapapasaya natin si Jehova!

PAANO NATIN MATUTULARAN . . .

  • si Naaman?

  • sina David at Abigail?

  • si Jonas?

AWIT BLG. 42 Ang Panalangin ng Lingkod ng Diyos

a Halimbawa, tingnan ang karanasan ni Georgiy Porchulyan sa serye na “Kuwento ng Buhay ng mga Saksi ni Jehova” sa JW Library® o sa jw.org.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2026)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2026 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share