Ano ang Mangyayari sa mga Relihiyon?—Ang Sinasabi ng Bibliya
Nadidismaya ka ba o nagagalit sa relihiyon? May naitutulong naman ang mga relihiyon sa ilang komunidad at indibidwal, pero marami rin itong nagagawang pinsala. “Ang ilan sa pinakamalalang digmaan sa kasaysayan ay dahil sa pagkakaiba ng paniniwala ng mga relihiyon,” ang sabi ng Encyclopedia of Religion and War. Madalas na ginagamit ng mga lider ng relihiyon ang relihiyon nila para suportahan ang politikal na mga ideya at hindi para sumamba. Itinatago naman ng iba ang ginagawang seksuwal na pang-aabuso o pagnanakaw ng ibang lider sa relihiyon nila.
Kung nadidismaya ka sa mga relihiyon, ano naman kaya ang nararamdaman ng Diyos sa mga ito? Sinasabi ng Bibliya na nagagalit ang Diyos sa karamihan ng relihiyon dahil sa mga ginagawa nila. Inihula rin dito kung ano ang gagawin niya sa mga ito. Sa makasagisag na paraan, ipinaliwanag sa Bibliya na malapit nang kumilos ang Diyos laban sa mga relihiyon sa buong mundo.
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mangyayari sa relihiyon?
Hula: Sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis, inilarawan ang isang babaeng bayaran na tinatawag na Babilonyang Dakila. Nakaupo ito sa isang kulay-iskarlatang mabangis na hayop. Pero nang maglaon, pinatay rin ito ng mabangis na hayop.—Apocalipsis 17:3, 5, 16.
Ibig sabihin: Ang babaeng bayaran, ang Babilonyang Dakila, ay sumasagisag sa lahat ng huwad na relihiyon—mga relihiyon na hindi tinatanggap ng Diyos.a Ang kulay-iskarlatang hayop naman ay sumasagisag sa United Nations (UN).b Ang pag-upo ng babaeng bayaran sa kulay-iskarlatang hayop ay lumalarawan sa pagsisikap ng huwad na relihiyon na maimpluwensiyahan o makontrol pa nga ang UN. Ipinapakita naman ng pagpatay ng hayop na ito sa babaeng bayaran na aatakihin at pupuksain ng UN at ng mga tagasuportang bansa nito ang huwad na relihiyon. Talagang magiging kapaha-pahamak ang pangyayaring ito.
Paano pupuksain ang huwad na relihiyon?
Hula: “Ang 10 sungay na nakita mo at ang mabangis na hayop, ang mga ito ay mapopoot sa babaeng bayaran at gagawin nila siyang wasak . . . at lubusan siyang susunugin. Dahil inilagay ng Diyos sa puso nila [sa puso ng mga lider ng mundo] na gawin ang nasa isip niya, oo, na gawin ang iisa nilang kaisipan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaharian nila sa mabangis na hayop . . . Sa isang araw ay darating ang mga salot niya, ang kamatayan at pagdadalamhati at taggutom, at lubusan siyang susunugin, dahil ang Diyos na Jehova,c na humatol sa kaniya, ay malakas.”—Apocalipsis 17:16, 17; 18:8.
Ibig sabihin: Ilalagay ng Diyos “ang nasa isip niya” sa puso ng mga lider ng mga bansa sa buong mundo. Papakilusin niya sila na ibigay sa UN ang “kaharian nila” o kapangyarihan sa politika. Pagkatapos matanggap ng UN ang kapangyarihang ito mula sa mga bansa, pupuksain naman niya ang mga huwad na relihiyon sa buong mundo. Sa bilis ng mga pangyayaring ito, para lang itong mangyayari sa loob ng “isang araw,” at talagang ikakagulat ito ng maraming tao.—Apocalipsis 18:21.
Bakit pupuksain ang huwad na relihiyon?
Hula: “Ang mga kasalanan niya ay nagkapatong-patong at umabot na sa langit, at inalaala ng Diyos ang mga ginawa niyang kawalang-katarungan.”—Apocalipsis 18:5.
Ibig sabihin: Sa nakalipas na daan-daang taon, gumawa ng napakaraming masasamang bagay ang mga huwad na relihiyon. Pansinin ang ilang “kasalanan niya” kung bakit siya pupuksain ng Diyos:
Pakikisangkot sa politika. Itinuro ni Jesu-Kristo sa mga tagasunod niya na huwag makisangkot sa politika. Dapat silang magtiwala sa Kaharian ng Diyos, isang gobyerno sa langit na papalit sa pamamahala ng mga tao.d (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10; Juan 6:15; 18:36) Hindi iyan sinunod ng mga huwad na relihiyon. Nakisangkot sila sa politika imbes na maging tapat sa Diyos. Kaya tama ang pagkakalarawan ng Apocalipsis sa Babilonyang Dakila bilang isang “maimpluwensiyang babaeng bayaran” kasi nagkasala siya ng “seksuwal na imoralidad.”—Apocalipsis 17:1, 2; Santiago 4:4.
Karahasan. Inilarawan sa Bibliya na ang mga huwad na relihiyon ang may pananagutan sa kamatayan ng “lahat ng pinatay sa lupa.” (Apocalipsis 18:24) Hindi naituro ng maraming relihiyon ngayon sa mga miyembro nila na makipagpayapaan. Sumuporta pa nga sila o nagpasimuno ng mga digmaan at terorismo.
Kasakiman. Ang mga huwad na relihiyon ay namuhay sa “walang-kahihiyang karangyaan.” (Apocalipsis 17:4; 18:7) Ginagamit ng maraming relihiyon ngayon ang impluwensiya nila at mga koneksiyon para magpayaman. Hindi natutuwa ang Diyos sa gayong kasakiman.—Tito 1:7.
Kasinungalingan. Itinuro ng mga huwad na relihiyon ang mga turo at gawain na salungat sa katotohanan na nasa Bibliya.e Dahil galing sa mga huwad na relihiyon ang maraming turo at gawaing nagliligaw sa mga tao at hindi nagpaparangal sa Diyos, tinawag siya sa hula na “ang ina . . . ng kasuklam-suklam na mga bagay sa lupa.”—Apocalipsis 17:5; 18:23.
Pupuksain ba ang lahat ng relihiyon?
Hindi. Binabanggit sa aklat na Apocalipsis ang isang grupo ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa, na tinatawag na “malaking pulutong.” (Apocalipsis 7:9) Binanggit na “nakasuot [sila] ng mahabang damit na puti,” na nagpapakitang tapat silang sumasamba sa Diyos at sumusunod sa mga pamantayan niya. Makakaligtas sila sa “malaking kapighatian,” na binabanggit ng Bibliya na panahon kung kailan pupuksain ang lahat ng huwad na relihiyon, pati na ang lahat ng kaaway ng Diyos. (Apocalipsis 7:13, 14; 19:11, 19-21) Ang malaking pulutong na nakasuot ng mahabang damit na puti ang nasa tunay na relihiyon—ang relihiyong mananatili magpakailanman.f
Isang malaking pulutong ng tunay na mananamba ng Diyos na makakaligtas sa pagpuksa sa mga huwad na relihiyon
Ano ang epekto nito sa iyo?
Magiging panatag ka dahil alam mong hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang napakasamang ginagawa ng mga huwad na relihiyon. Magkakaroon ka ng pag-asa kasi alam mong mawawala na ang mga relihiyong hindi nagpaparangal sa Diyos at nagiging dahilan ng paghihirap ng mga tao.
Makakatiyak ka rin na may tinatanggap ang Diyos na paraan ng pagsamba sa kaniya. Sinasabi ng Bibliya na “sasambahin ng tunay na mga mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, dahil ang totoo, hinahanap ng Ama ang mga gustong sumamba sa kaniya sa ganitong paraan.” (Juan 4:23) Sinasabi niya sa kanila: “Lumabas kayo sa kaniya [sa Babilonyang Dakila], bayan ko, kung ayaw ninyong masangkot sa mga kasalanan niya, at kung ayaw ninyong madamay sa mga salot niya.” (Apocalipsis 18:4, 5) Iniimbitahan ng Diyos ang mga tao na sambahin siya sa katotohanan. (1 Timoteo 2:3, 4) Nangangako siya na mabubuhay magpakailanman ang mga tatanggap sa imbitasyon niya.—1 Juan 2:17.
a Para malaman ang apat na pagkakakilanlan ng Babilonyang Dakila, basahin ang artikulong “Ano ang Babilonyang Dakila?”
b Para malaman ang anim na pagkakakilanlan ng hayop na ito, basahin ang artikulong “Ano ang Kulay-Iskarlatang Hayop sa Apocalipsis Kabanata 17?”
c Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”
d Para matuto pa nang higit, panoorin ang video na Ano ang Kaharian ng Diyos?
e Para sa ilang halimbawa, tingnan ang kahong “Kasama Ba sa Babilonyang Dakila ang Anumang Relihiyong ‘Kristiyano’?”
f Para malaman kung ano ang tunay na relihiyon ayon sa Bibliya, basahin ang artikulong “Paano Ko Makikilala ang Tunay na Relihiyon?”