Mula sa Matataas na Gusali sa Lunsod Tungo sa Patag na Ilang—Puntahan ang mga Tao
KAHIT ang ulan ni ang niyebe ni ang graniso ni ang mga lobo ni ang mga leon sa kabundukan ni ang magulong lugar ay hindi makapagpapahina sa kanilang determinasyon. Sa nakagugulat na bilis, sila’y kumakaskas patawid sa 3,000 kilometro, patawid sa malawak na parang, tumatawid sa rumaragasang mga ilog, at malalalim na libis upang maihatid agad ang mahalagang liham sa Kanlurang Baybayin. Sino sila?
Sila ang mapupusok na kabataang mangangabayo ng pony express.a Ano ang nakapukaw ng gayong kasidhing determinasyon sa mga kabataang ito? Marahil ang hamon, ang pakikipagsapalaran, at ang kasiyahan na maihatid ang koreo. Kapansin-pansin, bawat mangangabayo ay may dalang Bibliya sa kaniyang bag kasama ng mahalagang sulat.
Pagkaraan ng mahigit na isang siglo, isang mas masidhing determinasyon, kasiglahan, at debosyon ang ipinamamalas ng mahigit na 113,000 nakatalagang tagapaghayag ng Kaharian sa buong Canada. Ano ang nag-udyok sa kanila? Ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang siyang nagpasigla sa kanila na ihatid ang katotohanan ng Kaharian sa pamamagitan ng nilimbag na pahina at sa pamamagitan ng binigkas na salita. Ang nagbibigay-buhay na katotohanang ito ay makapupong higit na mahalaga kaysa sa anumang koreo na inihatid ng pony express. Oo, ito ang mahalagang mensahe ng Kaharian sa Banal na Bibliya, ang mismong aklat na nasa bag ng mga mangangabayo ng pony express.—Kawikaan 2:21, 22; Isaias 2:2-4; 61:2; Mateo 22:37-39; 24:14.
Naganyak ng Pag-ibig kay Jehova at sa mga Tao
Gustung-gusto ng mga Saksi ni Jehova na makipag-usap sa mga tao tungkol sa Kaharian. Masusumpungan mo silang ginagawa ito sa matataas na gusali sa lunsod, sa malalayong pamayanan sa patag na ilang, sa mga paliparan, sa mga lansangan at sa iba pang pampublikong lugar, at sa telepono. Bakit sa gayong sari-saring lokasyon?
Dahil sa pabagu-bagong istilo ng pamumuhay na dulot ng mga kalagayan sa ekonomiya at demograpiya, isang malaking hamon ang matagpuan ang mga tao sa tahanan. Sa maraming kaso, nagtatrabaho kapuwa ang asawang lalaki at asawang babae upang paglaanan ang pangunahing materyal na mga pangangailangan ng pamilya, anupat kadalasa’y nakakaligtaan na ang espirituwal na mga pangangailangan. Sa kabila ng gayong mga kagipitan at kaigtingan, talagang kailangang-kailangan nila ang isang nakapagpapasiglang mensahe ng pag-asa. Malugod na tumutugon ang mga Saksi ni Jehova. Sa pamamagitan ng pag-iingat at kabaitan, nakalilikha sila ng mga pagkakataon upang dalhin ang mabuting balita sa lahat ng uri ng tao sa isang kaakit-akit at nakapupukaw na paraan.—1 Timoteo 2:3, 4.
Sa Ibang mga Wika: Nang utusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ‘humayo at gumawa ng mga alagad,’ binigyang-daan niya ang pagkukusa at determinasyon sa pagdadala ng mensahe ng pag-asa sa mga tao mula sa lahat ng wika. (Mateo 28:19) Gaya sa maraming lupain, ang Canada ay naging isang kalipunan ng iba’t ibang kultura at wika, at maraming tagapaghayag ng Kaharian ang nakikibagay sa pamamagitan ng pagkatuto ng bagong mga wika.
Halimbawa, isang mag-asawa, na buong-panahong mga ministro sa Edmonton, Alberta, ang nakakita sa pangangailangan sa kanilang lunsod na maabot ang mga taong nagsasalita ng Mandarin na Tsino. Gayunman, kailangan muna ng mag-asawa na matutuhan ang wika, kaya nakipag-alam sila sa isang estudyante sa pamantasan na nagsasalita ng Mandarin. Sumang-ayon ito na turuan sila ng wika at kasabay nito ay matuto naman ng mga katotohanan ng Bibliya mula sa kanila. Anong inam na situwasyon! Sa loob lamang ng 24 na buwan ay naging kuwalipikadong magturo sa Mandarin ang dalawang nakatalagang tagapaghayag na ito ng Kaharian. Kasabay nito, ang kanilang guro/estudyante ay naging kuwalipikado para sa bautismong Kristiyano.
Katulad na mga karanasan ang nagaganap sa ibang mga lunsod habang ang mga tagapaghayag ng Kaharian, palibhasa’y naganyak ng pag-ibig, ay natututo ng mga wikang gaya ng Polako, Ruso, at Vietnamese.
Sa Daan: Tulad ng mga mangangabayo ng pony express noong nakaraang siglo, na mag-isang nangabayo, ang ilang tagapaghayag ng Kaharian sa gawing loob ng British Columbia ay nag-iisang naglalakbay. Malaking bahagi ng kanilang panahon ang ginugugol sa kanilang sekular na trabaho na pagmamaneho ng malalaking trak ng troso sa loob ng kakahuyan tungo sa mga palagarian. Nangangailangan ito ng palagiang pakikipag-ugnayan sa iba pang nagmamaneho ng trak sa pamamagitan ng CB (citizens band) radio, na ipinatatalastas ang tungkol sa daloy ng trapiko at mga panganib sa daan.
Sa malikhaing paraan, ginagamit ng mga tagapaghayag na ito ng Kaharian ang kanilang mga CB radio sa isang pambihirang paraan. Pinasisimulan nila ang mga pag-uusap sa CB sa pamamagitan ng pagbanggit sa kasalukuyang mga pangyayari. Pagkatapos ay buong-kahusayan nilang binabanggit ang Bibliya. Sa isang pagkakataon ay tumugon ang isang kapuwa tsuper ng trak sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-asa ng mga patay. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Siya’y lubhang nabagabag dahil sa pagkamatay ng isang kapuwa tsuper sa isang aksidente sa lansangang-bayan. Buong-pasasalamat siyang tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya at ngayo’y naririnig nang nagpapahayag ng mabuting balita sa mga kapuwa manggagawa at kaibigan. Karagdagan pa, galak na galak siya nang masimulan ang pag-aaral ng Bibliya sa biyuda ng kaniyang namatay na kaibigan. Tunay na isang gantimpala sa pagkukusang iharap ang nagbibigay-buhay na mensahe ng katotohanan sa ganitong di-pangkaraniwang paraan!
Sa Himpapawid: Pagdating sa paghahatid ng mahalagang mensahe ng katotohanan, ang masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian ay nagpupunta kung saan naroroon ang mga tao, anupat ‘pumapasok sa mga nayon’ sa pamamagitan ng maliliit na eroplano. (Mateo 10:11, 12) Kamakailan lamang, dalawang grupong nag-eroplano, na napakilos ng sigasig na ihayag ang mabuting balita at sa sariling gastos nila, ang lumipad patungo sa magkakalayong mga tao sa pagkalawak-lawak na patag na ilang. Ang bawat grupong nag-eroplano ay nakapagtala ng distansiyang mga 3,000 kilometro at lumapag sa 14 na iba’t ibang pamayanan, anupat nakaabot sa lugar na 250 kilometro ang layo mula sa Arctic Circle. Nagpatuloy ang walang-pagod na mga tagapaghayag na ito sa loob ng pitong buong araw upang marating ang mga tao na nakabukod sa malalayong distansiya.
At sulit ba ang lahat ng iyon? Isipin na lamang ang positibong epekto ng mensahe ng Bibliya sa mga pamayanang ito. Ang dumadalaw na mga ministro ay nakatulong upang matugunan ang isang mahalagang espirituwal na pangangailangan nang buurin nila ang layunin ni Jehova na isang paraisong lupa na kaylapit-lapit na. (Mateo 5:3) Kahit matagal nang nakaalis ang mga nagdala ng mensahe, mababasa naman ng tapat-pusong mga tao sa mga pamayanan ang 542 Bibliya at pantulong sa pag-aaral ng Bibliya at 3,000 magasin na naipasakamay sa kanila.—Ihambing ang Gawa 12:24.
Sa Pamamagitan ng Telepono: Libu-libong naninirahan sa lunsod ang nakatira sa matataas na gusali na may masalimuot na sistema ng seguridad. Magkagayunman, ang mga nakaalay na tagapaghayag ng Kaharian ay humahayo taglay ang sigasig at pag-iingat. Paano sila nakapupunta sa kinaroroonan ng mga taong ito? Bagaman mas gusto nila ang personal na pakikipag-usap, kadalasang matagumpay ang paggamit sa apartment lobby intercom. Kapag hindi ito posible, ginagamit nila ang kanilang mga daliri, anupat tinatawagan ang mga tao sa telepono.
Isang nakatatandang babae ang sumagot ng telepono isang umaga. Pagkatapos ng isang maikli at magalang na pagbati, tinanong siya kung nadarama niyang darating pa ang panahon na ang mga tao ay ligtas na makalalakad sa mga lansangan kung gabi. Binasa ang mga kasulatan upang tiyakin sa kaniya na sasagana ang kapayapaan sa hinaharap. (Awit 37:10, 11; Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Pumayag siyang makipag-usap muli sa pamamagitan ng telepono sa susunod na linggo sa gayunding oras upang talakayin kung bakit makapaniniwala tayo sa mga pangako ng Diyos. Pagkatapos ng isang buwang pakikipag-aral ng Bibliya sa pamamagitan ng telepono, na binabasa ang mga parapo sa isang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya at naghaharap ng angkop na mga tanong, ang tagapaghayag ng Kaharian ay pinuri ng babae dahil sa paghaharap nito ng maraming iba’t ibang sermon bawat linggo. Panahon na ngayon upang ilarawan ang aklat sa pag-aaral at ialok sa kaniya ang isang personal na kopya. Saka isinaayos na magkita nang personal ang dalawa. Tunay, ipinamamalas ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pag-ibig sa mga tao, at ang mga tao ay tumutugon, anupat kinikilala na si Jehova ay kasama ng mga Kristiyanong mangangaral na ito.—Ihambing ang 1 Corinto 14:25.
Sa Pamamagitan ng Nilimbag na Pahina: Ang mga tagapaghayag ng Kaharian mula sa lalawigan ng Quebec na pangunahin nang nagsasalita ng Pranses ay pumupunta rin kung saan naroroon ang mga tao. Ganito ang sabi ng isang naglalakbay na ministro: “Sa loob ng maraming taon ay inaakala ng mga kapatid na hindi sila gaanong nakagagawa ng pagsulong dahil sa matinding pagsalansang ng simbahan. Ngunit sa pamamagitan ng puspusang paggawa ng mga kapatid at sa kanilang paulit-ulit na pagdalaw, ang Bibliya, na halos isang di-kilalang aklat at binabasa lamang ng iilan, ay may dako na ngayon sa karamihan ng mga tahanan.”
Kapana-panabik na mga resulta ang tinatamasa ngayon sapagkat nagkaroon ng mga bagong ebanghelisador mula sa lahat ng antas ng lipunan sa Quebec, kasali na ang mga manggagamot. Ganiyan ang nangyari sa isang doktor. Ang kaniyang asawa, isang tagapaghayag mismo ng Kaharian, ay madalas na nakikipag-usap sa kaniya tungkol sa pag-asa sa Bibliya. Nagkusa ang isang alistong matanda sa kongregasyon na anyayahan ang doktor sa pulong ng kongregasyon noong pinag-aaralan ang brosyur na Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay? Pumunta ito at nakibahagi pa nga. Palibhasa’y humanga sa kalidad at espirituwal na kabuluhan ng mga pagtalakay, pumayag siyang mag-aral ng Bibliya. Ngayon ay isa na rin siyang tagapaghayag ng Kaharian.
Mahalagang papel ang ginagampanan ng epektibong paggamit ng mga magasin sa pag-akit sa mga tao tungo sa Bibliya. Hindi natin alam kung aling artikulo ang pupukaw ng interes ng isang tao sa katotohanan. Isang tagapaghayag ng Kaharian ang nag-alok ng isang isyu ng Gumising! sa isang kapitbahay na ayaw makinig sa mensahe ngunit interesado tungkol sa mga kulisap. Ang larawan sa Nobyembre 22, 1992, ng artikulo ng Gumising! na “Chagas’ Disease—Isang Halik ng Kamatayan” ay nakatawag ng kaniyang pansin. Dahil humanga sa nabasa niya, humiling pa siya ng mga magasin. Napasimulan ang isang pag-aaral ng Bibliya, at sa loob lamang ng anim na buwan ay nagpapatotoo na siya sa iba.
Sa mga Pampublikong Lugar: Pinahihintulutan ng batas sa Canada ang kalayaan ng pagsasalita sa mga pampublikong lugar, gaya ng mga paliparan. Sa Halifax International Airport, maingat na nilalapitan ng mga tagapaghayag ng Kaharian ang mga naglalakbay na naghihintay ng kanilang susunod na flight, anupat kinakausap sila. Gumagamit sila ng mga napapanahong tanong upang akayin ang pag-uusap sa Bibliya. Yamang nagdadala sila ng isang pambulsang Bibliya at literatura, nakatutugon sila sa espirituwal na mga pangangailangan. Ang mga siruhano, siyentipiko, abogado, piloto, klerigo, pulis, tsuper ng taksi, inhinyero, guro, tauhan ng militar, at mga pulitiko mula sa ibang bansa ay kabilang sa mga nakarinig ng mensahe ng Kaharian sa ganitong paraan at nakapagdala ng mga binhi ng katotohanan na tutubo sa malalayong lugar.—Colosas 1:6.
Maagang-maaga sa isang paliparan, isang lalaki ang tumanggap ng mga magasing Bantayan at Gumising! Pagkatapos ay sinabi niya sa isang mahinahon at marahang tinig: “O hindi, hindi ang mga Saksi ni Jehova!” Bakit gayon ang reaksiyon niya? Ang lalaki ay isang debotong Muslim na katatapos lamang manalangin sa kapilya ng paliparan. Nakiusap siya sa Diyos na ituro sa kaniya ang karunungan, malalim na unawa, at katotohanan. Talagang namangha siya na isiping ang mga Saksi ni Jehova ang dagliang sagot sa kaniyang panalangin.
Tunay, hindi hinahayaan ng malalakas ang loob na tagapaghayag ng Kaharian sa Canada ang anumang bagay na makahadlang sa kanilang paghaharap ng mahalagang mensahe ng Kaharian. Hindi nila hinahayaang makapigil sa kanila ang mga wikang banyaga, baku-bako at maalikabok na mga daan, malalayong pamayanan, ni ang mga gusali sa lunsod na may masalimuot na sistema ng seguridad. Determinado silang ihatid ang mensahe ng Diyos sa buhay sa mga tapat-pusong naghahanap ng katotohanan. Kasama ang kanilang pandaigdig na kapatiran ng mga kamanggagawa, walang-pag-iimbot nilang sinusunod ang utos ni Jesus na ‘humayo at gumawa ng mga alagad.’—Mateo 28:19.
[Talababa]
a Ang pony express ay isang serbisyo sa koreo sa Estados Unidos na umiral sa maikling yugto na 16 na buwan mula noong 1860 hanggang 1861.
[Kahon sa pahina 27]
Gumagamit ng Telepono ang Matagumpay na mga Tagapaghayag ng Kaharian
Sinasabi ng ilan: “Hello. Ang pangalan ko ay [sabihin ang pangalan]. Nakikipag-usap ako sandali sa mga tao sa inyong gusali tungkol sa kung paano matatamo ang kapayapaan. Sa palagay mo kaya’y magkakaroon pa ng kapayapaan sa buong daigdig? [Hayaang sumagot.] Para mapanatag ka, hindi ako nagsusurbey o nagbebenta ng anumang bagay. Sa halip, ibinabahagi ko ang sinasabi ng Banal na Kasulatan na ang Diyos ay talagang magdadala ng kapayapaan.” Kung magkagayon ang pag-uusap ay maaaring ituloy sa isang maikling pagtalakay sa Kasulatan.
Sinasabi naman ng iba: “Magandang gabi. Ako si [sabihin ang pangalan]. Isa akong boluntaryo sa inyong lugar. Kinukuha ko ang opinyon ng mga tao na nakatira sa inyong gusali. Marami ang nababahala tungkol sa personal na kaligtasan dahil sa dumaraming karahasan at krimen sa ating lugar. Nababahala ka ba rito? [Hayaang sumagot.] Sa palagay mo kaya’y darating pa ang panahon na ang buong daigdig ay makadarama ng katiwasayan?” Hayaang sumagot, at ituloy sa pamamagitan ng isang mensahe sa Kasulatan.