Ang Tunay na Pagka-Kristiyano ay Nagpapahusay ng Buhay sa Sweden
ANG mga mamamayan sa Sweden ay may isa sa pinakamataas na pamantayan sa pamumuhay sa daigdig. Bukod sa saganang pagkain at hustong pabahay, pagkakaroon ng mga kotse, mga yate, telebisyon, at personal na mga computer, ang mga mamamayan sa Sweden ay halos libre ng pagpapagamot, may mga pensiyon kung tumanda at may kapansanan, mga alawans ng mga anak, at iba pang mga serbisyong suportado ng gobyerno.
Kaya naman baka isipin mo na hindi na maaaring mapahusay pa ang kaurian ng buhay sa gayong lupain. Subalit, sa kabila ng lahat ng mga bentahang pangkabuhayan, ang Sweden ay may mga suliranin din: diborsiyo, alkoholismo, abuso sa droga, krimen, at pagpapatiwakal. Ang relihiyon, na inaasahan sanang may malakas na impluwensiya sa asal, ay patay sa Sweden. Mahigit na 90 porsiyento ng mga mamamayan ng bansa ang kaanib sa Lutheran State Church, ngunit 2.1 porsiyento lamang ang regular na nagsisimba. Sabi ng isang pari: “Ang Simbahan ay retirado na rin. . . . Naiwala na niya ang kaniyang mahalagang lakas at umalpas na ng pagtatakip sa pangangailangan ng mga mamamayan.”
Gayunman, ang pagkabigo ng simbahan na pahusayin ang buhay sa Sweden ay hindi nangangahulugan ng pagkabigo ng tunay na pagka-Kristiyano. Mga 22,000 ng mga Saksi ni Jehova sa 331 kongregasyon ang nagtatagumpay sa pagtulong sa mga tao sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa kanilang ikabubuti. Ang gawaing ito ay nagiging kapuna-puna.
“Hahangaan natin ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang sigasig sa pamamahagi nila ng kanilang mensahe!” ang sabi ng isang guro ng relihiyon sa pambansang pahayagang Pentecostal na Dagen (Ang Araw). Isinusog pa ng artikulo: “Ang mga Saksi ni Jehova ang grupo na may pinakamalaking bilang ng mga bagong miyembro taun-taon at may pinakamalaking grupo ng mga kabataan . . . Tayo’y dapat matuto sa mga Saksi ni Jehova!”
Totoo naman, ang mga taong talagang kusang ibig matuto buhat sa mga Saksi ni Jehova ay may matutuklasan. Ano ba iyon? Kung papaanong ang mga katotohanan ng Bibliya ay malaki ang naitutulong upang mabilis na mapahusay ang kaurian ng kanilang buhay.
Tumutulong ang Kaalaman sa Bibliya!
Isaalang-alang ang isang liham na natanggap ng lokal na tanggapang sangay ng Watch Tower Society buhat sa isang kabataang nag-anak sa pagkadalaga. Siya’y sumulat: “Ibig kong pasalamatan kayo sa mabuting pamumuhay na dinaranas ko buhat nang ako’y makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. Ako’y hindi na naninigarilyo. Natanto kong kailangang higit na panahon ang gugulin ko sa piling ng aking anak na babae. Humusay rin ang kalagayan ng aking pananalapi, bagaman pareho rin ang aking suweldo. Kumaunti ang aking mga suliranin sa pagtulog. Mayroon din akong mga tunay na kaibigan ngayon na ikinatutuwa ko. Oo, hindi ko ipagpapalit ang aking kasalukuyang pamumuhay sa dati kong pamumuhay.”
Ang isa pang halimbawa ay may kinalaman sa diborsiyo—na karaniwan sa Sweden. Gayunman, nakatulong ang Bibliya sa mag-asawang nagngangalang Arne at Ketie. Sila’y may 13 taon nang kasal at may dalawang anak nang dahil sa mga di-pagkakaunawaan ay nagdiborsiyo sila. Sila’y napopoot sa isa’t isa.
Si Arne, na lumayo upang mamuhay ng nagsosolo, ay natagpuan ng mga Saksi ni Jehova at siya’y nagsimulang makipag-aral ng Bibliya. Siya’y lubhang napukaw ng kaniyang natutuhan kung kaya’t isang araw ay nagmamadaling nagpunta siya kay Ketie at sinikap na pilitin ito at ang mga anak na makipag-aral din! Nang ito’y tumanggi, kaniyang itinulak ito sa dingding at ang sabi niya: “Makipag-aral ka, kung hindi ay papatayin kita!” Tinawag ni Ketie ang mga Saksi ni Jehova at nagreklamo, na ang sabi: “Anong uri ng malupit na Diyos ang Jehovang iyan?”
Matiyagang ipinaliwanag kay Ketie na si Jehova ay isang maibiging Diyos na hindi pumipilit sa kaninuman. Siya’y nasabik at ibig niyang matuto nang higit pa. Habang si Arne ay patuloy na nagkakaroon ng kaalaman sa maka-Diyos na simulain, siya’y napatahimik at nakipagkasundo na kay Ketie. Sila’y regular na nagkikita sa mga pulong sa Kingdom Hall. Ang resulta? Pagkatapos na kapuwa sila nabautismuhan bilang mga Saksi, sila’y ikinasal uli! Sila’y may walong taon nang kasal, at si Arne ay naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyon. “Ang aming pagsasamang mag-asawa ay walang kasing-inam ngayon,” sabi nila. “Kaylaki-laki ang dapat naming ipagpasalamat kay Jehova.”
Ang mga katotohanan sa Bibliya ay tumutulong din sa mga kabataan upang pahusayin ang kaurian ng kanilang buhay. Isang binata na nagngangalang David ang nagbibida: “Ang aking mga magulang ay naghiwalay, at lahat ay waring napapasamâ sa aking buhay. Bale-wala sa akin ang anuman. Malimit na ako’y lumiliban sa paaralan at hindi ako gumagawa ng anumang homework noong nakalipas na tatlong taon. Kung minsan ay nadadama kong hindi na karapat-dapat ang mabuhay. Ang suot ko’y gula-gulanit na jeans at mga lumang sapatos. Ang buhok ko ay nakalaylay nang mahaba sa aking likod. Sinubok kong mamuhay ng iba’t ibang istilo ng pamumuhay, tulad baga ng isang punk rocker at isang hard rocker. Ako’y naninigarilyo at umiinom at napapasangkot sa krimen.
“Noong 1986 isa sa mga Saksi ni Jehova ang dumalaw sa akin. ‘Isa lamang sa ilegal na mga uri ng relihiyon,’ naisip ko. ‘Tanungin ko nga siya ng mga ilang tanong na hindi niya masasagot.’ Sa laki ng aking pagtataka, nasagot naman niya ang mga iyon. Sinubukan ko ang isa sa kaniyang mga pag-aaral ng Bibliya at nakita kong siya’y may makatuwirang sagot sa halos lahat ng bagay—na walang maibubutas sa katotohanan. Ako’y dumalo sa isang asamblea at nagulat ako nang makita ko yaong malilinis, palakaibigang mga taong iyon. Ako’y nagsimula nang dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova at nagtaka ako nang napakarami ang lumapit at nakipagkamay sa akin. Anong inam na pagkakaisa ang umiiral sa gitna ng mga taong ito!”
Makalipas ang isang taon at kalahati, si David ay napabautismo bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang kaniyang mga kamag-anak, dating mga kaibigan, mga guro, at mga iba pa ay halos hindi makapaniwala na itong malinis ang pananamit at maayos na binatang ito ang dati’y kilala nilang si David.
May Epekto na Gaya ng sa Maliliit na Alon
Ang pangangaral sa bahay-bahay sa Sweden ay kung minsan maaaring makasira ng loob. Masigasig na iniingatan ng Sweko ang kaniyang pagsasarili. Pagka may tumimbre sa kaniyang pintuan, siya’y sisilip sa butas, at maraming pinto ang hindi binubuksan sa mga Saksi ni Jehova. Ngunit hindi sila nawawalan ng loob. Batid ng mga Saksi na maaaring hanapin ng mga anghel at makita ang mga taong nakahilig sa matuwid. (Apocalipsis 14:6; ihambing ang Mateo 13:41.) Minsang pumasok ang katotohanan sa buhay ng gayong tao, malimit na kumakalat na iyon—tulad ng maliliit na alon sa tubig—sa mga kamag-anak at mga kaibigan.
Nagugunita pa ng isang babaing taga-Stockholm na nakaupo siya sa mesa sa kusina na naghihimutok tungkol sa kaniyang kasawian sa buhay. “Ako’y wala nang pag-asa,” ang sabi niya. “Biglang-bigla, ako’y nanalangin: ‘Diyos ko, ibig kong makipag-usap sa iyo tungkol sa buhay.’ May tumimbre sa pintuan. Sa pamamagitan ng maliit na butas, nakita ko ang isang lalaking maganda ang bihis, kaya binuksan ko ang pinto. Sinabi niyang ibig niyang ibahagi sa akin ang ilang nagpapatibay-loob na mga kaisipan buhat sa Salita ng Diyos. Siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Kaya itinanong ko kung siya’y dumalaw na sa mga ibang tao na naroon sa aming palapag. ‘Hindi,’ aniya, ‘ako’y papauwi na galing sa isang pag-aaral sa Bibliya nang maisip ko na gumawa ng mga ilang pagdalaw-muli. Nagkataong dito ako nagsimula.’ Ako’y nagtaka sapagkat doon ako nakatira sa aakyat ka pa ng dalawang palapag. Nagustuhan ko ang ipinakita niya sa akin.”
Hindi nagtagal at ang babaing ito’y nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Buong sigla, siya’y nagsimulang ang kaniyang natututuhan ay ibalita sa kaniyang mga kamag-anak at mga kaibigan. Siya’y namahagi ng 28 Bibliya at 96 na mga aklat. Ang resulta? Ang kaniyang asawa, dalawa sa kaniyang mga kapatid na babae, ang kaniyang pamangking babae at pamangking lalaki, ang kaniyang bayaw, ang kaniyang ama at ina, ang anak na lalaki ng kaniyang asawa sa naunang asawa, ang kaniyang kamanggagawa, at ang kamanggagawa ng kaniyang asawa pati maybahay nito ay di-nagtagal at nag-aral ng Bibliya at naghahanda na para sa bautismo. Lahat-lahat, 13 katao ang nagkaroon ng pagkakataon na pahusayin ang kaurian ng kanilang buhay sa pamamagitan ng isang pagdalaw sa bahay nila ng isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang babaing ito ay nagsabi: “Ang pagkumporme sa kalooban ni Jehova ay nakagawa ng napakalaking kabutihan sa aming buhay kung kaya’t dapat na pasalamatan namin siya araw-araw!”
Pagpapatotoo sa Paaralan
May malulubhang mga suliranin sa disiplina sa maraming paaralan sa Sweden. Ngunit ang mga kabataang Saksi ay nagpapatunay ng isang positibong impluwensiya sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga katotohanan ng Bibliya sa mga guro at kamag-aral. Halimbawa, ang kabataang si Jorgen ay hayagang nagsabi sa kaniyang mga guro at mga kaklase na siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Siya’y iginagalang dahil sa kaniyang pagkaprangka at mainam na asal. Sa tuwina ay sinasagot ni Jorgen nang magalang at may kaugnayan sa Bibliya kahit na ang mga katanungang nakayayamot. Ito’y nakalikha ng matinding impresyon sa kaniyang mga kaklase. Ganito ang pagbibida ni Jorgen:
“Makaraan ang isang taon, pagkatapos ng aking pag-aaral, nakasalubong ko si Pedro, isang dating kaklase. Pagkatapos ng mga ilang talakayan, ako’y nagsimulang magdaos sa kaniya ng isang pag-aaral sa Bibliya. Yamang ang kaniyang ina ay salungat, doon kami nag-aral sa tabing-dagat. Si Pedro ay nabautismuhan noong Marso 1988. Napansin ng kaniyang ina na ang kaniyang anak ay hindi na kagaya ng dati, kaya ito’y nagsimula na ring makipag-aral. Pagkalipas ng ilang panahon, siya’y napabautismo.
“Isa pang dating kaklase, si Torbjorn, ay nagsimulang makipag-aral sa Bibliya. Gayundin ang kaniyang ina. Sila man ay bautismado na ngayon.” Lahat-lahat, apat sa mga kaklase ni Jorgen ang nagsimulang nakipag-aral ng Bibliya, at may ikalima na nagpakita ng interes. “Inaasahan kong ang karanasang ito ay magpapatibay-loob sa mga kabataang Saksi sa paaralan na huwag mag-atubili,” ang sabi ni Jorgen. “Sa pamamagitan ng kanilang asal-Kristiyano at matatag na paninindigan sa katotohanan baka mahasik ang mga binhi na sa bandang huli’y mamunga ng mabubuting bunga.”
Pakikipagbaka Ukol sa Kalayaan ng Relihiyon
Ang mga Saksi ni Jehova ay gumanap din ng pangunahing bahagi sa pagtatatag ng pangunahing kalayaan ng relihiyon sa Sweden. Ito’y nagdala ng kapakinabangan sa lahat.
Halimbawa, tulad sa lahat ng mga iba pang lupain, ang mga Saksi ni Jehova sa Sweden bilang mga indibiduwal ay nagpasiyang manatiling neutral bilang mga Kristiyano. (Juan 17:16) Kaya naman, marami ang nasintensiyahan ng mahahabang pagkabilanggo. Ngunit noong 1966 nagtamo ng tagumpay ukol sa kalayaan ng relihiyon nang ipasiya ng mga may kapangyarihan na samantalang iniimbistigahan nang indibiduwal, ang mga Saksi ay hindi tatawagin para magsundalo. (Isaias 2:2-4) Ang gayong pagbibigay ng Sweden ng relihiyosong kalayaan ay nagsilbing isang modelo para sa mga ibang pamahalaan.
Ang isa pang bagay ay may kinalaman sa mga karapatan ng pasyente. Mahigpit na sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang utos ng Bibliya na ‘umiwas sa dugo’ kaya sila’y tumatangging pasalin ng dugo. (Gawa 15:28, 29) Bagaman hindi lahat ng doktor at mga taong may kaugnayan sa propesyon ng mga doktor ay gumalang sa maka-Kasulatang paninindigang ito, ang pinakaprominenteng lathalaing medikal sa Sweden ay nag-anunsiyo kamakailan sa isang paulong-balita: “Ang Pagtanggi sa Pagsasalin ng Dugo ay Dapat Igalang Kung ang Pasyente ay Nakababatid sa mga Ibubunga.”
Ang mga salitang ito ay paulo ng isang report sa isang miting ng National Board of Health and Welfare at ng Delegation for Medical Ethics of the Swedish Society of Medicine. Pagkatapos talakayin ang situwasyon ng mga Saksi ni Jehova, ipinasiya ng mga autoridad na ito na himukin ang lahat ng doktor na makiayon pagka ang isang may legal na karapatang pasyente—mula 15 anyos pataas—ay tumangging pasalin ng dugo. Kanilang kinikilala na ngayon ay may lalong malaking pangangailangan na magpigil sa pagsasalin ng dugo dahilan sa panganib na makapagsalin ng mga sakit. Datapuwat, ang lalong mahalaga ay ang bagay na sinusuportahan ng kanilang mainam na desisyon ang mahalagang karapatan ng sinumang pasyente na tanggihan ang isang partikular na paraan ng panggagamot.
Karamihan ng mga mamamayan sa Sweden ay tunay ngang nagtatamasa ng mabuting buhay kung sa materyal. Ngunit marami ang kailangang patibaying-loob sa moral at sa espirituwal. Walang alinlangan, ang mga tunay na Kristiyano sa bansang iyan ay tumutulong upang mapahusay ang buhay ng lahat ng naghahangad matuto at maikapit ang Salita ng Diyos. Ang ganiyang tumutugong mga tao ay may maligayang pag-asa rin na magtamo ng buhay na walang-hanggan sa dumarating na bagong sanlibutan ng Diyos.—Juan 17:3; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4.
[Mapa sa pahina 22]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
NORWAY
SWEDEN
FINLAND
U.S.S.R
DENMARK
WEST GERMANY
EAST GERMANY
POLAND