Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w26 Enero p. 26-31
  • Mabait na Sabihin ang Katotohanan sa Iba

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mabait na Sabihin ang Katotohanan sa Iba
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • SAAN MAKIKITA ANG KATOTOHANAN?
  • BAKIT NATIN SINASABI ANG KATOTOHANAN?
  • PAANO NATIN SASABIHIN ANG KATOTOHANAN?
  • KAILAN NATIN SASABIHIN ANG KATOTOHANAN?
  • Kaya Mo Bang Malaman Kung Ano ang Totoo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Laging Tinutupad ng “Diyos ng Katotohanan” ang Layunin Niya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2026
w26 Enero p. 26-31

MARSO 30–ABRIL 5, 2026

AWIT BLG. 76 Ano’ng Nadarama Mo?

Mabait na Sabihin ang Katotohanan sa Iba

“O Jehova na Diyos ng katotohanan.”​—AWIT 31:5.

MATUTUTUHAN

Kung paano sasabihin ang katotohanan sa paraang makikinabang ang iba.

1. Ano ang dapat nating gawin para maging bahagi tayo ng pamilya ni Jehova?

“PAANO mo nalaman ang katotohanan?” Iyan ang isa sa mga unang itinatanong natin kapag may bago tayong nakilalang kapatid. Baka may sumagot sa atin, “Pinalaki ako sa katotohanan.” Baka may iba naman na nagsabi, “Bago lang ako sa katotohanan.” Bilang mga Saksi ni Jehova, nasasabi natin ang mga iyan kasi nakakaapekto sa bawat bahagi ng buhay natin ang katotohanan. Bakit ganiyan kalaki ang epekto ng katotohanan sa atin? Kasi alam nating magiging bahagi lang tayo ng pamilya ni Jehova kapag mahal natin ang katotohanan at isinasabuhay natin ito. At kasama diyan ang pagiging tapat sa mga sinasabi at ginagawa natin.​—Awit 15:​1-3.

2. (a) Ano ang alam ng mga tao tungkol kay Jesus? (b) Ano ang magiging epekto sa mga tao ng mga katotohanang itinuro ni Jesus?

2 Laging nagsasabi si Jesus ng katotohanan. Inamin pa nga ng mga kaaway niya na sasabihin pa rin ni Jesus ang katotohanan kahit hindi iyon ang gustong marinig ng marami. (Mat. 22:16) Ito ang sinabi ni Jesus tungkol sa magiging epekto ng mga katotohanang itinuturo niya: “Dumating ako para maging sanhi ng pagkakabaha-bahagi, ng anak na lalaki at ng kaniyang ama, at ng anak na babae at ng kaniyang ina, at ng manugang na babae at ng kaniyang biyenang babae.” (Mat. 10:35) Hindi naman sa gusto ni Jesus na tanggihan ng mga tao ang itinuturo niya at ng mga tagasunod niya, pero makatotohanan siya. (Mat. 23:37) Alam niyang dalawa ang posibleng maging reaksiyon ng mga tao sa mensahe niya: Mamahalin nila iyon o tatanggihan nila iyon.​—2 Tes. 2:​9-11.

3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

3 Gaya ni Jesus, sinisikap nating laging sabihin ang totoo kahit hindi iyon ang gustong marinig ng marami. Ipinapangaral din natin ang mga katotohanan sa Bibliya kahit maging negatibo ang reaksiyon dito ng ilan. Pero ibig bang sabihin nito, hindi na natin pag-iisipan kung paano at kailan natin sasabihin ang katotohanan? Kailangan pa rin. Sa artikulong ito, sasagutin muna natin ang tanong na ito: Saan natin makikita ang katotohanan? Pagkatapos, aalamin naman natin kung bakit, paano, at kailan natin sasabihin ang katotohanan. Makakatulong ang mga sagot diyan para maging mas mabait tayo sa pagsasabi ng katotohanan at magawa natin iyon sa tamang panahon.

SAAN MAKIKITA ANG KATOTOHANAN?

4. Bakit natin masasabi na si Jehova ang Pinagmumulan ng katotohanan?

4 Si Jehova ang Pinagmumulan ng katotohanan. Totoo ang lahat ng sinasabi niya. Halimbawa, kapag sinabi niyang tama o mali ang isang bagay, totoo iyon. (Awit 19:9; 119:​142, 151) Nagkakatotoo rin ang lahat ng sinasabi niyang mangyayari sa hinaharap. (Isa. 55:​10, 11) Lagi niyang tinutupad ang mga pangako niya. (Bil. 23:19) Ang totoo, imposibleng magsinungaling si Jehova. (Heb. 6:18) Kaya masasabi talaga natin na si Jehova ang “Diyos ng katotohanan.”​—Awit 31:5.

5. Bakit hindi mahirap hanapin ang “Diyos ng katotohanan”? Ipaliwanag. (Gawa 17:27)

5 Sinasabi ng ilang tao na mahirap hanapin ang Diyos. Pero hindi totoo iyan. Napakaraming ebidensiya na talagang umiiral si Jehova, ang “Diyos ng katotohanan.” (Roma 1:20) Noong kausap ni apostol Pablo ang isang grupo ng matatalinong Griego sa Atenas, sinabi niya na gusto ng Diyos na “hanapin [natin] siya” at na “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Basahin ang Gawa 17:27.) Inilalapit pa nga ni Jehova sa kaniya ang mga mapagpakumbabang naghahanap ng katotohanan.​—Juan 6:44.

6. Ano ang ilan sa mga katotohanang nasa Bibliya, at bakit mo ipinagpapasalamat na nalaman mo ang mga iyon?

6 Ang isa sa mga paraan para mahanap natin si Jehova ay ang pag-aaral ng Bibliya. Ginabayan ng banal na espiritu ang mga lalaking sumulat sa aklat na ito. (2 Ped. 1:​20, 21) Kaya totoo ang lahat ng nasa Bibliya at mapagkakatiwalaan natin ang mga iyon. Halimbawa, sinasabi nito ang pinagmulan ng uniberso at ng buhay sa lupa. (Gen. 1:​1, 26) Ipinapaliwanag din dito kung bakit tayo nagkakasala at kung bakit may pagdurusa at kamatayan. (Roma 5:12; 6:23) Mababasa rin sa Bibliya na gagamitin ni Jehova ang Anak niya para alisin ang lahat ng pinsalang ginawa ni Satanas, ang “ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44; Roma 16:20) At ipinapangako dito na pupuksain ni Jesus ang masasama, bubuhaying muli ang mga patay, gagawing isang paraiso ang lupa, at tutulungan tayong maging perpekto. (Juan 11:​25, 26; 1 Juan 3:8) Mapagkakatiwalaan natin ang lahat ng katotohanang iyan! Talagang napakalaking pribilehiyo na maturuan ni Jehova ng katotohanan at maituro iyon sa iba.​—Mat. 28:​19, 20.

BAKIT NATIN SINASABI ANG KATOTOHANAN?

7-8. Bakit mahalaga ang motibo natin sa pagsasabi ng katotohanan? Magbigay ng halimbawa. (Marcos 3:​11, 12) (Tingnan din ang mga larawan.)

7 Gaya ng nabanggit na, kailangan nating sabihin ang totoo para maging bahagi tayo ng pamilya ni Jehova. Pero hindi lang iyan ang kailangan para mapasaya natin siya. Mahalaga rin sa kaniya kung bakit natin sinasabi ang totoo. Pag-isipan ang nangyari noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa. (Basahin ang Marcos 3:​11, 12.) Habang nangangaral si Jesus malapit sa Lawa ng Galilea, napakaraming taong nakapalibot sa kaniya. Kasama na doon ang ilang sinasapian ng masamang espiritu, na sumubsob sa harap niya at sumigaw: “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Bakit sinabi ng mga demonyo ang totoo tungkol kay Jesus? Posibleng gusto nilang makuha ang tiwala ng mga nandoon. Pagkatapos, saka nila ilalayo ang mga ito kay Jehova. Kaya kahit sinabi nila ang totoo, makasarili ang motibo nila. Alam iyon ni Jesus, at hindi siya natuwa sa kanila. Inutusan pa nga niya sila na huwag mangaral tungkol sa kaniya.

8 Ano ang matututuhan natin sa ulat na ito? Mahalaga kay Jehova ang motibo natin sa pagsasabi ng totoo. Dapat na kapag itinuturo natin ang katotohanan sa iba, dahil iyon sa mahal natin si Jehova. At kapag pinuri tayo ng iba dahil doon, gusto nating ibigay ang papuring iyon sa kaniya.​—Mat. 5:16; ihambing ang Gawa 14:​12-15.

Dalawang magkaibang paraan ng pagba-Bible study ng isang sister sa isang kabataang babae. 1. May sinasabi ang sister tungkol sa sarili niya habang nakataob ang Bibliya niya sa mesa. 2. Hawak ng sister ang Bibliya niya at ipinapakita ang isang teksto sa bina-Bible study niya.

Sino ang napapapurihan sa paraan ng pagtuturo natin ng katotohanan? (Tingnan ang parapo 7-8)


9. Ano ang dapat nating iwasan, at bakit?

9 May isa pang paraan para hindi mapunta sa atin ang papuri. Halimbawa, may sinabing kompidensiyal na impormasyon sa atin ang isang elder. Pagkatapos, sinabi naman natin ito sa ibang kapatid. Ano ang mangyayari kapag bandang huli, nalaman nilang totoo ang sinabi natin sa kanila? Baka maisip nilang importante tayo kasi nakita nilang pinagkakatiwalaan tayo ng mga kompidensiyal na bagay. Baka mapahanga natin sila, pero hindi natin mapapasaya si Jehova. (Kaw. 11:13) Bakit? Kasi kahit totoo ang sinabi natin, kompidensiyal ito at mali ang motibo natin sa pagsasabi nito.

PAANO NATIN SASABIHIN ANG KATOTOHANAN?

10. Paano tayo magiging “mabait sa [ating] pananalita”? (Colosas 4:6)

10 Basahin ang Colosas 4:6. Ipinayo ni Pablo sa mga Kristiyano sa Colosas: “Laging maging mabait sa inyong pananalita.” Ano ang ibig niyang sabihin? Ipinapakita ng pananalitang Griego na ginamit dito na dapat maging kapaki-pakinabang sa iba at masarap pakinggan ang sinasabi natin.

11-12. Bakit dapat tayong maging maingat kapag itinuturo natin ang katotohanan sa iba? Magbigay ng halimbawa. (Tingnan din ang mga larawan.)

11 Dapat nating sundin ang payo ni Pablo na maging mabait kapag itinuturo natin ang katotohanan sa iba. Sinasabi ng Bibliya na parang matalim na espada ang mga katotohanang mababasa natin dito—kaya nitong paghiwalayin ang panlabas at panloob na pagkatao natin. Ibig sabihin, kaya nitong mapalabas ang totoong nararamdaman at saloobin natin. (Heb. 4:12) Pero kung hindi tayo magiging maingat sa paggamit ng Bibliya, baka masaktan natin ang iba o mauwi sa pagtatalo ang pag-uusap natin. Paano iyan posibleng mangyari?

12 Pag-isipan ito. Habang nangangaral tayo, may nakausap tayong isang lalaking relihiyoso at laging nagdarasal sa mga imahen. Nagse-celebrate din ang pamilya nila ng Pasko at Easter. Gamit ang Bibliya, puwede nating ipakita sa kaniya na walang silbi ang pagdarasal sa mga estatuwa at na hindi kaayon ng Salita ng Diyos ang Pasko at Easter. (Isa. 44:​14-20; 2 Cor. 6:​14-17) Kung ginawa natin iyan sa unang pakikipag-usap natin sa kaniya, totoo naman ang nasabi natin sa kaniya, pero hindi tayo naging maingat sa paggamit ng Bibliya.

Dalawang magkaibang paraan ng pangangaral ng isang mag-asawa sa isang lalaki. Nasa may pintuan sila habang nagde-decorate ng Christmas tree ang pamilya ng lalaki sa loob ng bahay. 1. Ipinapakita ng mag-asawa sa lalaki ang artikulo sa jw.org na “Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pasko?” Nakahalukipkip ang mga kamay ng lalaki habang nakakunot ang noo. 2. Ipinapakita ng mag-asawa sa lalaki ang artikulo sa jw.org na “Kung Paano Magiging Mabuting Tatay.” Nakangiti ang lalaki habang nakikinig.

Paano tayo magiging maingat sa pagtuturo ng katotohanan? (Tingnan ang parapo 11-12)a


13. Paano natin titimplahan ng asin ang mga sinasabi natin?

13 Pinayuhan din tayo ni Pablo na dapat nating timplahan ng asin ang mga sinasabi natin. Hindi naman niya sinasabi dito na dapat nating palabuin ang katotohanan o itago iyon. Ang ibig niyang sabihin, sasabihin natin ang katotohanan sa paraang katanggap-tanggap sa panlasa ng kausap natin, wika nga. (Job 12:11) Hindi iyan laging madaling gawin. Halimbawa, sa literal na pagkain, puwede nating maisip na magugustuhan ng iba ang timpla na gusto natin. Pagdating naman sa paraan ng pagsasalita natin, baka maisip natin na masarap iyon sa pandinig ng iba. Pero hindi iyan laging totoo. Halimbawa, sa ilang kultura, sanay silang sabihin nang deretsahan ang opinyon nila, kahit pa nga mas matanda ang kausap nila. Pero sa ibang kultura naman, baka hindi maganda ang ganiyang paraan ng pagsasalita, o baka kawalang-galang pa nga. Sinabi ni Pablo na dapat na alam natin ‘kung paano tayo sasagot sa bawat isa.’ Kaya dapat na timplahan natin ang mga sasabihin natin, hindi base sa sarili nating panlasa o kultura, kundi base sa panlasa ng kausap natin.

KAILAN NATIN SASABIHIN ANG KATOTOHANAN?

14. Noong nasa lupa si Jesus, itinuro ba niya ang lahat ng alam niya sa mga alagad niya? Ipaliwanag.

14 Laging mabait si Jesus kapag nakikipag-usap sa mga alagad niya, at marami siyang itinuro sa kanila. (Mar. 6:34) Pero hindi niya itinuro sa kanila ang lahat ng nalalaman niya kahit marami pa silang dapat matutuhan. Inisip niya ang mga limitasyon nila, at alam niyang hindi pa iyon ang panahon para malaman nila ang ilang katotohanan. Sinabi pa nga niya na hindi pa nila mauunawaan, o matatanggap, ang mga iyon. (Juan 16:12) Ano ang matututuhan natin dito?

15. Dapat ba nating ituro agad sa mga tinuturuan natin sa Bibliya ang lahat ng nalalaman natin? Magbigay ng halimbawa. (Kawikaan 25:11) (Tingnan din ang larawan.)

15 Ipinapakita ng halimbawa ni Jesus na hindi natin kailangang ituro agad ang lahat ng nalalaman natin sa iba. Paano natin siya matutularan? Dapat nating isipin ang kalagayan ng mga kausap natin. Balikan natin ang lalaking nagse-celebrate ng Pasko at Easter kasama ang pamilya niya. Alam nating may mga paganong pinagmulan ang mga selebrasyong ito kaya hindi nalulugod ang Diyos dito. Pero paano kung nagsimula kayong mag-aral ng Bibliya mga isa o dalawang linggo bago ang Pasko? Masusunod kaya natin ang payong maging mabait sa pagsasalita kung ipapakita na natin agad ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga paganong selebrasyon para hindi na siya mag-celebrate ng Pasko? Mayroon naman talagang mga nag-aaral ng Bibliya na sinusunod agad ang lahat ng natututuhan nila. Pero may iba naman na kailangan pa ng panahon para mabago ang pag-iisip at ginagawa nila. Matutulungan natin ang mga tinuturuan natin sa Bibliya na gumawa ng mga pagbabago kung sasabihin natin ang mga kailangan nilang malaman sa tamang panahon—kung kailan nila iyon matatanggap.​—Basahin ang Kawikaan 25:11.

Ang mag-asawa sa naunang larawan na bina-Bible study ang lalaki sa bahay nito gamit ang brosyur na “Masayang Buhay Magpakailanman.” Malapit sa kanila ang Christmas tree.

Tularan ang halimbawa ni Jesus para malaman kung kailan sasabihin ang katotohanan at kung gaano karami ang ituturo (Tingnan ang parapo 15)


16. Paano natin matutulungan ang mga tinuturuan natin sa Bibliya na ‘patuloy na lumakad sa katotohanan’?

16 Isa sa mga pinakanakakapagpasaya sa atin ang matulungan ang iba na malaman ang katotohanan tungkol kay Jehova. Matutulungan natin silang ‘patuloy na lumakad sa katotohanan’ kung gagawin natin ang mga sumusunod: Maging mabuting halimbawa sa kanila. (3 Juan 3, 4) Ipakita sa paraan ng pamumuhay mo na naniniwala ka sa mga pangakong nasa Bibliya. Sabihin ang katotohanan nang may tamang motibo. Maging mabait sa pagsasalita at ituro ang katotohanan sa tamang panahon. At laging ibigay ang papuri kay Jehova. Kapag ginawa mo ang mga iyan, maipapakita mong naglilingkod ka sa Diyos ng katotohanan, si Jehova.

ANO ANG NATUTUHAN MO SA MGA TEKSTONG ITO?

  • Gawa 17:27

  • Colosas 4:6

  • Kawikaan 25:11

AWIT BLG. 160 Mabuting Balita!

a LARAWAN: Sa unang larawan, nakita ng brother ang Christmas tree sa bahay ng kausap niya kaya nagpakita siya ng isang artikulo tungkol sa paganong pinagmulan ng Pasko. Sa ikalawang larawan, ipinakita ng brother ang isang artikulo na may mga tip para sa mga tatay. Alin kaya sa dalawang paraan ang magiging mas epektibo?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2026)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2026 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share