Azazel—Ang Kambing na Naglalaho
ANG salitang “Azazel” ay lumilitaw nang apat na beses sa Bibliya, sa mga alituntunin may kinalaman sa Araw ng Pakikipag-isa.—Levitico 16:8, 10, 26.
Ang pinagmulan ng salitang ito ay pinagtatalunan. Kung manghahawakan tayo sa pagkabaybay sa tekstong Hebreo Masoretiko, ang ‘aza’·zelʹ ay waring isang kombinasyon ng dalawang salitang ugat na nangangahulugang “kambing” at “maglaho.” Sa gayon ang kahulugan ay “Ang Kambing na Naglalaho.” Ayon sa isa pang pinagmulan, batay sa paniniwala na may pagpapalitan ng dalawang katinig, ito’y nangangahulugan ng “Lakas ng Diyos.” Isinasalin ng Latin Vulgate ang salitang Hebreo bilang capro emissario, samakatuwid nga, “ang sugong kambing,” o “ang kambing na nagdadala ng kasalanan ng iba.” At ang pananalitang Griego na ginamit sa Septuagint ay nangangahulugang “ang isa na tumatangay (naglalayo) sa kasamaan.”
Kumukuha ang mataas na saserdote ng dalawang kambing (mga batang lalaki) buhat sa kapisanan ng mga anak ni Israel upang gamitin sa taunang Araw ng Pakikipag-isa. Sa pamamagitan ng palabunutan, itinatalaga ang isang kambing “para kay Jehova,” at ang isa naman ay “para kay Azazel.” Pagkatapos ihain ang isang toro para sa mataas na saserdote at sa kaniyang sambahayan (tiyak na kasali ang lahat ng Levita), ang kambing para kay Jehova ay inihahain bilang handog ukol sa kasalanan. Subalit, ang kambing para kay Azazel ay iniingatang buháy sa isang yugto ng panahon “sa harap ni Jehova upang magsilbing pakikipag-isa para sa kaniya, upang payaunin kay Azazel sa iláng.” (Levitico 16:5, 7-10) Ang pakikipag-isa para sa buháy na kambing na ito ay nanggagaling sa dugo ng kambing para kay Jehova, na pinatay bilang handog ukol sa kasalanan, yamang ang buhay ng laman ay nasa dugo. (Levitico 17:11) Ang halaga ng dugo, o halaga ng buhay, ng pinatay na kambing kung gayon ay inilipat sa buháy na kambing, o ang kambing para kay Azazel. Sa gayon, bagaman hindi ito pinatay ng saserdote, taglay ng buháy na kambing na ito ang isang nagpapawalang-salang bisa o halaga ng buhay. Ang bagay na ito’y iniharap kay Jehova ay maliwanag na nagpapakita na kinikilala niya ang paglilipat na ito ng bisa o kapangyarihang magpawalang-sala. Ang isang katumbas nito ay ang ipinag-utos na paraan ng paglilinis sa isang Israelita na gumaling buhat sa sakit na ketong, o ng paglilinis sa bahay na gumaling sa salot na iyan. Tungkol dito ang isang buháy na ibon ay inilulubog sa dugo ng isang pinatay na ibon. Pagkatapos ay hinahayaang lumipad nang papalayo ang buháy na ibon, anupat tinatangay ang kasalanan.—Levitico 14:1-8, 49-53.
Ang dalawang kambing ay dapat na walang-dungis, malusog, at magkapareho hangga’t maaari. Bago ang palabunutan ukol sa kanila, ang dalawang kambing ay may pagkakataon na mapili bilang ang kambing para kay Jehova. Pagkatapos ihain ang kambing para kay Jehova, ipinapatong ng mataas na saserdote ang kaniyang mga kamay sa ulo ng buháy na kambing at ipinahahayag ang mga kasalanan ng mga tao sa ibabaw niyaon. Kung magkagayo’y payayaunin ang kambing na ito, na dadalhin sa iláng ng “isang taong handa.” (Levitico 16:20-22) Sa gayon makasagisag na tinatangay ng kambing para kay Azazel ang kasalanan ng mga tao sa nakaraang taon, naglalahong kasama ng mga ito sa iláng.
Ang dalawang kambing ay tinutukoy bilang isang handog ukol sa kasalanan. (Levitico 16:5) Dalawa ang ginamit tila upang idiin kung ano ang nagaganap ng paglalaang ito upang takpan ang mga kasalanan ng bayan. Inihahain ang unang kambing. Ang ikalawa, na taglay ang mga kasalanan ng bayan na ipinahayag sa ibabaw niyaon at dinadala sa iláng, ay nagdiriin sa kapatawaran na ipinagkakaloob ni Jehova sa mga nagsisisi. Ganito ang tinitiyak ng Awit 103:12: “Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran, gayon inilalayo niya sa atin ang mga paglabag natin.”
Gaya ng ipinaliwanag ni apostol Pablo, dahil sa paghahandog ni Jesus ng kaniyang sariling sakdal na buhay bilang hain ukol sa mga kasalanan ng sangkatauhan, ang naganap niya ay makapupong higit kaysa nagawa ng “dugo ng mga toro at ng mga kambing.” (Hebreo 10:4, 11, 12) Siya sa gayon ay nagsilbing “ang kambing na nagdadala ng kasalanan ng iba,” na siyang ‘nagdala ng ating mga sakit,’ ang isa na “inulos dahil sa ating paglabag.” (Isaias 53:4, 5; Mateo 8:17; 1 Pedro 2:24) Kaniyang ‘tinangay’ ang mga kasalanan ng lahat na nagsasagawa ng pananampalataya sa halaga ng kaniyang hain. Itinanghal niya ang paglalaan ng Diyos na lubusang pawiin ang pagkamakasalanan. Sa ganito ang kambing “para kay Azazel” ay lumalarawan sa paghahain ni Jesu-Kristo.