Anong Uri ng Relihiyon ang Sinunod ng mga Taga-Asiria?
ANG kalakhang bahagi ng relihiyon ng Asiria ay minana sa Babilonya, at bagaman ang kanilang sariling pambansang diyos na si Asshur ay itinuring na kataas-taasan ng mga Asirio, ang Babilonya ay patuloy na itinuring nila na pangunahing sentro ng relihiyon. Ang haring Asirio ang nagsilbing mataas na saserdote ni Asshur. Isang tatak, na natagpuan ni A. H. Layard sa kaguhuan ng isang palasyo ng mga Asirio at ngayon ay naingatan sa British Museum, ay kumakatawan sa diyos na si Asshur na may tatlong ulo. Ang paniniwala sa tatluhang diyos at gayundin sa isang limahan, o limang diyos, ay prominente sa pagsambang Asirio. Ang pangunahing tatluhan ay binubuo ni Aner, kumakatawan sa langit; ni Bel, kumakatawan sa rehiyong tinatahanan ng tao, mga hayop, at mga ibon; at ni Ea, kumakatawan sa mga karagatan sa ibabaw at ilalim ng lupa. Ang ikalawang tatluhan ay binubuo ni Sin, ang diyos na buwan; ni Shamash, ang diyos na araw; at ni Ramman, diyos ng bagyo, bagaman ang kaniyang lugar ay malimit na okupado ni Ishtar, ang reyna ng mga bituin. (Ihambing ang 2 Hari 23:5, 11.) Pagkatapos ay kasunod ang limang diyos na kumakatawan sa limang planeta. Sa pagkokomento sa mga diyos na bumubuo ng grupong trinitaryo, ang Unger’s Bible Dictionary (1965, pahina 102) ay nagsasabi: “Ang mga diyos na ito ay tinatawagan kung minsan sa panalangin na parang sa maramihan ayon sa mga pariralang waring nag-aangat sa bawat isa sa isang puwesto ng kataasan kaysa iba.” Gayunman, sa kanilang templong sambahan ay kasali ang maraming iba pang mababang diyos, marami ang nagsisilbing mga patron ng mga bayan. Si Nisroch ay binabanggit na sinasamba ni Sennacherib sa panahon ng pagkapaslang sa kaniya.—Isaias 37:37, 38.
Ang relihiyon na kaugnay ng mga diyos na ito ay animistiko, alalaong baga, naniniwala ang mga Asirio na bawat bagay at natural na pangyayari ay may buhay na pinakikilos ng isang espiritu. Ito ay medyo may pagkakaiba sa ibang pagsamba sa kalikasan na uso sa nakapalibot na mga bansa sa bagay na ang digmaan ang pinakatunay na kapahayagan ng pambansang relihiyon. (LARAWAN, Tomo 1, pahina 956, Insight on the Scriptures) Sa gayon, si Tiglath-pileser I ay nagsabi tungkol sa kaniyang pakikipagbaka: “Ang aking Panginoong ASHUR ang nagpapasok sa akin.” Sa kaniyang kasaysayan, si Ashurbanipal ay nagsasabi: “Sa utos ni ASSUR, ni SIN, at ni SHAMAS, ang dakilang mga diyos na aking mga panginoon na nagbigay sa akin ng proteksiyon, ang Minni ay pinasok ko at ako ay nagmartsa nang buong tagumpay.” (Records of the Past: Assyrian and Egyptian Monuments, London, 1875, Tomo V, pahina 18; 1877, Tomo IX, pahina 43) Si Sargon ay regular na nananalangin na tulungan siya ni Ishtar bago tumungo sa digmaan. Ang mga hukbo ay nagmamartsa sa likod ng mga bandila ng mga diyos, waring ang mga ito’y kahoy o metal na simbolo sa mga tikin. Lubhang minamahalaga ang mga tanda, na tinitiyak sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga atay ng inihaing mga hayop, ng paglipad ng mga ibon, o ng posisyon ng mga planeta. Ang aklat na Ancient Cities, ni W. B. Wright (1886, pahina 25) ay nagsasabi: “Ang pagbabaka ay gawain ng bansa, at ang mga pari ay patuloy na tagasulsol ng digmaan. Ang kalakhang bahagi ng panustos sa kanila ay nanggagaling sa mga samsam ng digmaan, na dito isang tiyak na persentahe ang walang kabagu-bagong ibinibigay sa kanila bago makibahagi ang iba, sapagkat ang lahing ito ng mga mandarambong ay labis na relihiyoso.”